• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 1 – 15, 2017

  MAXINE MEDINA
 
Maxine Medina
  ALICE DIXSON
 
Alice Dixson
  James Reid & Nadine Lustre
 
James Reid & Nadine Lustre
  Aljur Abrenica
 
Aljur Abrenica
  KRIS AQUINO
 
Kris Aquino
  AIZA SEGUERRA
 
Aiza Seguerra
  Tito Sotto
 
Tito Sotto

Maxine Medina – Kawawa naman, krimen ba ang hindi mahusay mag-Ingles?

Nakakaawa naman si Maxine Medina. Ang almusal niya ngayon hanggang hapunan ay puro pamumuna at pamimintas. Matigas daw ang ulo ni Maxine, kumuha-kuha pa raw siya ng interpreter, pero nag-uumingles pa rin naman pala siya.

Sana raw ay sariling wika na lang natin ang ginamit niyang tulay sa pagsagot, baka sakaling napasama pa siya sa Top 3, nagkakaisang reaksiyon ng ating mga kababayan.

Pero napakadali kasing humusga. Ang dali-daling magmarunong. Napakadulas nating magbigay ng suhestiyon.

Ang pagsali sa ganoong kalaking timpalak-pagandahan ay hindi parang pagbili lang ng kendi sa tindahan. Napakahaba ng paghahanda, kaliwa’t kanan ang preparasyon, nandoon pa ang nerbiyos at presyur dahil gusto mong ipagmalaki ka ng iyong bayan.

Parang pagsali rin sa game show. Kapag nanonood ka lang ay ang bilis-bilis mong sumagot sa tanong. Nagagalit ka pa nga sa kalahok, sinasabihan mong ang tanga-tanga, dahil napakadali ng tanong ay hindi pa nito nakuha.

Pero baligtarin natin ang sitwasyon. Ikaw ang contestant sa game show. Ang dali-dali ng tanong pero hindi mo rin maapuhap ang tugon. Ikaw naman ang sinasabihan ng nanonood na ang tanga-tanga mo.

Si Maxine Medina ang nakasalang, siya ang kalahok sa Miss Universe, bitbit niya sa entablado ang sobrang nerbiyos at presyur.

Kahit gaano katalinong contestant, kapag kinapos na ng tiwala sa kaniyang sarili at inapuntahan na ng kabog ng dibdib, ay parang maghahanap din ng sagot sa dilim.

Mula sa walumpu’t anim na kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay pumasok si Maxine Medina sa Top 13. Mula sa ganoong bilang ay napasama pa rin siya sa Top 9.

At pumasok pa rin siya sa Top 6. Hindi ba naman napakaliit ng butas ng karayom na sinuutan ni Maxine Medina kahit pa hindi siya napabilang sa tatlong bibigyan ng korona?

Napakahirap ng kaniyang pinagdaanan. Doon man lang sana ay bigyan siya ng kunsiderasyon ng mga umaalipusta ngayon sa hindi niya pagkasama sa Top 3.

Hindi biro ang ipinuhunan niyang panahon bilang preparasyon sa Miss Universe beauty pageant. Kasama na doon ang matinding pag-asa ng ating mga kababayan na makokopo niya ang korona bilang pinakamagandang babae sa balat ng lupa.

Sila kaya ang lumagay sa posisyon ng ating kinatawan? Walang pagdadalawang-isip kaya nilang maitawid ang tanong sa harap nang milyun-milyong nakatutok sa paligsahan?

Napakadaling humusga. Parang one-plus-one lang para sa atin ang mang-alipusta. Parang krimen na ang nagawa ni Maxine Medina dahil hindi siya nakapasok sa Top 3.

Walumpu’t anim ang bilang ng mga sumali sa Miss Universe. Nakaabot si Maxine Medina sa Top 6. Gumamit tayo ngayon ng calculator nang malaman natin kung ilang ulo ang kaniyang nilampasan-nilundagan.

Tanggapin na lang natin na hindi para sa kaniya ang titulo. Yakapin na lang natin siya nang mahigpit dahil ginawa niya ang lahat-lahat para muling masulat sa mapa ng mundo ang Pilipinas pero hindi nga lang siya nagtagumpay na makopo ang korona.

Kahit paminsan-minsan lang sana ay makapagpairal tayo ng nasyonalismo. Tangkilikin ang sariling atin, suportahan ang ating kababayan, mahalin ang sarili nating lahi.

Alice Dixson – Walang kupas ang ganda ni Bb. Pilipinas-International 1986

Malapitang nakita ng mga kaibigan namin si Alice Dixson sa katatapos lang na Miss Universe beauty pageant. Para sa kanila ay walang kupas ang itsura ng aktres.

“Ang ganda-ganda pa rin niya, lalo na ang eyes niya, beauty queen siya in her own right. Palangiti pa siya, she says hello to everyone, kaya mas gumaganda siya,” komento ng isang friend namin.

Nadagdagan lang ang timbang ni Alice, pero ang gandang naging puhunan niya ay hindi kumukupas, kaya naman kahit mga bagets na kalalakihan ang tanungin kung sino ang gusto nilang makasama sa isang panandaliang kaligayahan ay si Alice Dixson ang maririnig mong sagot.

Nakita na naming humagulgol si Alice nang ipagtapat niya sa amin ang sitwasyon ng relasyon nila ng kaniyang mister noon, halu-halo ang kaniyang luha, pawis at sipon habang umiiyak, pero ang mas umagaw ng aming atensiyon ay ang kaniyang itsura.

Ang natural palang maganda, kahit pa ano ang gawin, ay maganda pa rin. Namumula lang ang kaniyang ilong at namumugto ang kaniyang mga mata sa sobrang pag-iyak, pero napakaganda pa rin ni Alice Dixson.

Problemado pa siya noong mga panahong iyon. Nakasalang pa sa husgado ang divorce papers nilang mag-asawa sa Canada, hindi niya alam ang kaniyang gagawin, pero hindi iyon nakabawas sa kaniyang itsura.

Kunsabagay ay tunay namang reyna si Alice dahil nanalo siyang Bb. Pilipinas-International noong 1986, lutang na lutang ang kaniyang ganda kumpara sa iba pang mga kandidata, kagandahang bitbit pa rin niya hanggang ngayon.

Pahabol pa ng aming kaibigan, “Napakasimple lang ni Alice. Naka-black dress lang siya at native necklace, iyon lang! Pero ang ganda-ganda pa rin niya, ramdam mo ang kagandahan niya na ageless talaga.” Mismo!

James Reid at Nadine Lustre – May kultong gustong ilaglag ang JaDine

Kailangang dobleng ingat ang gawin ngayon nina James Reid at Nadine Lustre sa kanilang mga ginagawa at sinasabi. Mukhang may isang kultong gustong manglaglag sa kanila.

Kung mapapansin ay sila ang pinag-iinitan ngayon, may mga grupong lantarang nambabagsak sa kanila, ang tanging pangontrang magagawa doon ng JaDine ay ang mag-ingat.

Dapat nilang salaing mabuti ngayon ang mga taong pagkakatiwalaan nila. Hindi lahat ng sumisigaw ng kanilang pangalan ay tagahanga na nila. Maraming naglipanang mapagpanggap ngayon.

Saludo kami sa mga tunay na JaDine supporters, hindi sila nagpapalit ng kulay, nananatili silang tapat sa iniidolo nilang tambalan.

Pero may mga grupong nakikipaglapit lang para makapag-ipon ng bala na gagamitin din laban sa kanila. Kapansin-pansin na ang upak ng mga ito, parang nakaprograma ang mga paninira sa kanila, kailangang bigyan ng atensiyon nina James at Nadine ang mga ganoong pagkilos.

Malungkot lang si Nadine ay nagsuplada na. Hindi ba puwedeng tanggapin ang katotohanan na ang mga artista ay nalulungkot, nagugutom at nasasaktan din?

Agad-agad na bang pagsusuplada at pagmamaldita ang ganoon? Huwag nilang gawing biro ang ganitong sitwasyon. Pulitika rin ang pag-aartista. May binubuo ring grupo na ang tanging motibo ay ang mawala sila sa mapa ng showbiz.

Aljur Abrenica – Sana’y tumahimik na lang at alagaan si Kylie

Nabaligtad na ang posisyon ng mga baraha. Kung dati’y maraming nakauunawa kay Aljur Abrenica sa sitwasyon ngayon ni Kylie Padilla, ngayon ay siya na ang matinding inuupakan sa social media, dahil sa mga salitang pinakakawalan niya.

Hindi namin alam kung sinu-sino ang mga taong nasa likod ngayon ng aktor na nagbibigay sa kaniya ng mga payo. Kung mayroon nga ay ang mga ito muna siguro ang kailangang payuhan bago sila magbigay ng payo kay Aljur.

Saliwa sa agos ang kaniyang mga sinasabi. Sa halip na maging maayos ang pagtanggap sa pagdadalantao ni Kylie ay ginagawa pang kumplikado ng aktor. May mga binibitiwang salita si Aljur na hindi katanggap-tanggap sa mas nakararami.

Mayroon siyang sinabi na masyado raw gamit na gamit ng GMA-7 ang isyu ng pagdadalantao ni Kylie. Natural, artista ito ng Encantadia, may mga pagbabagong naganap sa istorya ng palabas dahil sa kundisyon nito ngayon.

Heto na naman si Aljur Abrenica. Hindi pa kaya sapat ang unang leksiyong napulot niya sa pagdedemanda noon sa kaniyang network? Kinasuhan niya ang GMA-7, nakipagbanggaan siya, sino ang nabukulan nang gawin niya iyon?

Kaninong bulsa ba ang nabawasan ng laman habang dinidinig ang kasong isinampa niya laban sa isyasyon? Pero sa kabila ng kaniyang pagdedemanda ay tinanggap siya uli ng kaniyang network, nakapagtrabaho uli siya, hindi na nga lang tulad nang dati ang kaniyang dating na nakapokus sa kaniya ang atensiyon ng GMA-7.

Pagkatapos ay heto na naman, nagsasalita na naman siya nang hindi muna nag-iisip nang maraming beses, panggagamit ang dating sa kaniya ng pagtutok ng istasyon sa pagdadalantao ni Kylie.

Sino ba kasi ang pinatay na ang karakter sa palabas? Bakit ba biglang kumambiyo ang ikot ng kuwento ng programa? Saang istasyon ba ipinalalabas ang Encantadia?

Sa ayaw at sa gusto ng GMA-7, at sa ayaw at sa gusto rin ni Aljur, ay kailangang respetuhin ng network ang kanilang mga manonood.

Kailangan nilang mag-anunsiyo kung bakit papatayin na si Kylie bilang si Reyna Amihan, may kakambal dapat na paliwanag iyon, para hindi maligaw ang mga tumututok sa palabas.

Panggagamit bang matatawag ang ganoon? Baligtarin kaya ni Aljur ang sitwasyon? Paano kung dinedma lang ng network ang pagdadalantao ni Kylie? Paano kung basta pinatay na lang ang papel ni Amihan na walang kakambal na paliwanag?

Ano naman kaya ang sasabihin niya? Walang panahon ang network para kay Kylie, walang pakialam ang istasyon sa buntis nilang artista, magrereklamo na naman siya?

Hindi man siya magaling umarte ay may mga katangian pa ring positibo si Aljur dahil guwapo siya at may titulo sa kaniyang ulo dahil sa Starstruck.

Sayang. Mas kailangan ngayon sa sitwasyon ni Kylie ang pananahimik na lang ni Aljur. Huwag na niyang gawing komplikado ang mga bagay-bagay dahil ang kailangan nilang dalawa ngayon ay isandaang porsiyentong pagmamahal at pang-unawa sa kanilang pinagdadaanan.

Iyon ang kailangang ipaalala kay Aljur ng kaniyang mga tagapayo kung totoong mayroon man. Hindi kailangan ngayon ang pagmamaangas, ang pagmamayabang, dahil siguradong makakatikim siya ng bimbang sa social media.

At iyon na nga ang nagaganap ngayon. Inuupakan na nang kaliwa’t kanan si Aljur dahil sa mga salitang parang hindi niya muna pinag-iisipang mabuti bago niya pakawalan. Ninenega siya ngayon, pinagsasabihang mayabang, dapat lang daw siyang iligwak na ng GMA-7 dahil sa pagiging maangas niya.

Nabaligtad na ang kartada ng mga baraha nang dahil lang sa mga komento niyang hindi nakabubuti sa sitwasyon ni Kylie. Pagaanin na lang sana niya ang sitwasyon ng nagdadalantao niyang girlfriend, iyon ang kailangan ngayon ng isang naglilihi, hindi ang mga salitang ibinabato rin pabalik sa kaniya sa social media.

Kris Aquino – Wala pa ring show, bigo pa rin sa pagpasok ng 2017

Humulagpos na naman sa mga palad ni Kris Aquino ang pag-asa na sa taong ito ay magkakaroon na siya ng programa sa GMA-7. Nabigo ang aktres-TV host dahil kahit gamitan pa ng magnifying glass ay wala ang kaniyang pangalan sa bagong pasabog ng network para sa taong ito.

At tahasang sinabi ng mga ehekutibo ng istasyon na walang nakalinyang programang gagawin si Kris sa network dahil iba naman ang namamahala sa kaniyang career.

Wala silang alam. Kahit ang kuwentong lumutang noon na si Kris na ang hahalili sa natapos nang programa ni Marian Rivera tuwing umaga ay wala silang kamalayan.

Hindi raw sa kanila nanggaling ang balita. Kung saan iyon nagmula ay hindi nila alam. Basta ang malinaw ay walang gagawing programa si Kris sa kanilang istasyon sa ngayon.

Mag-iisang taon na siyang bakante. Napakahabang panahon na iyon para sa isang Kris Aquino. Kung sa ibang personalidad lang mangyayari ang ganoon katagal na pagkabasyo sa trabaho ay katanggap-tanggap.

Pero si Kris Aquino nga siya. Walang lugar para sa kaniya ang ganito kahabang paghihintay. Poste kasi si Kris. Sikat na sikat siya.

Aiza Seguerra – Nakatikim ng sumbat mula kay Tito Sen

Ikinalulungkot ng marami ang isyung hindi pinagkakasunduan ngayon nina Senador Tito Sotto at Aiza Seguerra. Wala namang masama sa pagkakaroon ng argumento, kakambal iyon ng pag-eehersisyo ng kalayaan sa pamamahayag, basta huwag lang sanang malahukan iyon ng personalan.

Ang pamamahagi ng condom ng Department Of Health sa mga estudyante sa high school ang punto ng kanilang argumento. Dahil tagapamuno ngayon ng National Youth Commission si Aiza ay aprubado para sa kaniya ang ideya para maiwasan ang pagtaas ng porsiyento ng pagiging HIV positive at ang laganap na teenage pregnancy.

“Hindi po ito haka-haka lang, Mr. Senator. These are facts based on science and research,” pahayag ni Aiza.

Ang balik naman ni Senador Sotto, “Baka nakalimutan na niya kung saan siya galing siguro. Mas nanaig sa kaniya ang pagkabagitong pulitiko.”

Makahulugan ang pahayag ng aktor-pulitiko, binigyan iyon ng ibang kulay ng mga nakabasa at nakarinig, utang na loob daw kaya ang pinatutungkulan ni Senador Tito tungkol kay Aiza?

Produkto ng Little Miss Philippines si Aiza Seguerra, ninong niya sa kung anumang tagumpay na mayroon siya ngayon ang Tito, Vic & Joey, kahit pa mas malapit ang singer-actress kay Bossing Vic Sotto.

Natural lang na makisawsaw sa kanilang pagtatalo ang mga kababayan natin sa social media. May nagsabing walang utang na loob si Aiza dahil pati ang mga kamay na nagpala sa kaniya ay kinakagat na niya ngayon.

Talento at kabibuhan ang naging puhunan ni Aiza, pero punto ng marami, mayroon mang kakayahan ang isang personalidad ay mawawalan din iyon ng saysay kung walang magbubukas ng pintuan ng oportunidad para maipamalas niya ang kaniyang kapasidad.

Kahapon ay nakatanggap kami ng tawag mula sa kaibigan naming propesor, ang kaniyang pahayag, “Tama naman ang point ni Aiza, malaki ang maitutulong ng pamimigay ng condom sa mga kabataan ngayon para maiwasan ang teenage pregnancy at AIDS.

“Dapat talagang maging responsable ang mga kabataan sa mga actions nila, kaya makatutulong ang paggamit ng condom, may point doon si Aiza.

“Pero kung seseryosohin natin ang mga sinabi ni Senator Tito Sotto, eh, ganoon nga ang ibig niyang sabihin. Double bladed ang sinabi niya na mukhang hindi alam ni Aiza kung saan siya nanggaling.

“Very open si Aiza sa emotion niya, sa paninindigan niya,pero dapat, pipiliin din niya ang mga giyerang pinapasukan niya. Like ngayon, nabubutasan siya sa issue ng utang na loob.

“Si Senator Tito Sotto kasi ang kinontra niya. Wala siyang magagawa, ganito talaga tayong mga Pinoy, markado para sa atin ang pagtanaw ng utang na loob,” pahayag ni prop.

Have a comment on this article? Send us your feedback