• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminOktubre 16 – 31, 2014

kathniel.promo.pix
Marcelito Pomoy, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Kim Chiu & John Lapus
piolo.p
Piolo Pascual
CHARICE
Charice
derek
Derek Ramsay
angelica-cover2
Angelica Panganiban
heart.evangelista
Heart Evangelista
robin.padilla
Robin Padilla
mommy.d
Michael Yamson & Mommy D. Pacquiao
vhong
Vhong Navarro
tia.pusit
Tiya Pusit

Daniel at Kathryn – Winnipeg concert produced by Todd Labelle Promotions

Matagal din ang ipinaghintay ng mga kababayan natin sa Winnipeg para makasama nila roon ang tambalan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Madalas mabanggit ng aking mga kaibigang taga-Winnnipeg na sabik na sabik na ang mga bagets doon para makasama ang tambalang Kathniel.

Pero sa dami ng ginagawa ng tambalan ay mahirap makasingit sa kanilang schedule. Mabuti na lang at nakakuha ng magandang tiyempo ang Todd Labelle Promotions. Lahat ay excited sa concert nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa November 2 sa Pantages Playhouse Theatre.

Makakasama nila sina Kim Chiu, Marcelito Pomoy at John Lapus, pero hindi natin maitatanggi na ang dahilan ng panonood ng mga anak ng ating mga kababayan sa Winnipeg ay ang tambalang Kathniel, sila naman kasi ang pinakasikat na loveteam ngayon.

Nasa mabubuting kamay ang buong grupo. Ang Todd Labelle Promotions din nina Todd at Katya ang nagprodyus ng matagumpay na concert ni Bamboo ilang linggo pa lang ang nakararaan – maraming kuwento na rin kasing naglantad tungkol sa mga shows ng mga Pinoy personalities sa ibang bansa na nabulilyaso dahil sa mga prodyuser na hindi maayos kausap.

Maganda ang imahe ng Todd Labelle Promotions. Sa mga kuwento pa lang ng aking kaibigan ay parang ramdam na ramdam na namin kung gaano kasarap mag-alaga at magmahal sa kanilang mga talents sina Todd at Katya. Patuloy na magtatagumpay ang produksiyong ito kapag palaging ganyan ang ipinakikita nilang propesyonalismo sa mga kinukuha nilang singers at artistang Pinoy.

Piolo Pascual – Huwag na sanang gawing katwiran pa si Iñigo

Sa mga pinakakawalang pahayag ngayon ni Piolo Pascual ay parang lumalabas na napakaramot ng kaniyang anak na si Iñigo.

Sa edad nitong 17 na ngayon ay parang hindi marunong umunawa ang kaniyang anak na may sarili rin siyang buhay, na may karapatan din siyang lumigaya. Bakit kasi palaging si Iñigo ang isinasangkalan niya sa pakikipagrelasyon?

Pinagtataasan tuloy ng kilay ng mas nakararami ang pinakahuli niyang katwiran na kapag nag-18 na raw si Iñigo ay puwede na siyang makipagrelasyon at magpakasal.

Pero ayaw raw niyang magpakasal sa Pilipinas, sa ibang bansa raw niya gusto, para kahit paano’y mahawakan niya ang kapribaduhan ng kaniyang buhay.

Hindi siguro namamalayan ni Piolo, pero ang madalas niyang katwiran na sangkot ang kaniyang anak na si Iñigo ay hindi nakagaganda sa kanilang mag-ama. Sabi nga ng mga kausap naming propesor na beki ay sumosobra na raw ang pagiging echoserang frog ni Piolo.

Dumarating din kasi sa punto ng pagkaumay ang mga kababayan natin. Ilang taon na ba niyang ginagawang sangkalan si Iñigo sa pagkakaroon niya ng karelasyon, napakatagal na!

Palaging magagalit ang kaniyang anak, seloso raw si Iñigo, kaya kapag nag-18 na raw ito ay puwede na siyang magkaroon ng karelasyon.

Parang baligtad kasi ang senaryo. Hindi dapat ang kaniyang anak ang kumokontrol sa kaniyang personal na kaligayahan, si Iñigo dapat ang sinasabihan niya na huwag munang atupagin ang pakikipag-girlfriend, kung gusto nitong magtagumpay sa pag-aartista.

Hiling ng ating mga kababayan ay magpakatotoo na raw sana si Piolo Pascual. Kung ano ang nakapaloob sa mensaheng iyon ay depende sa magbibigay ng interpretasyon.

Charice – Ayos nang muli ang buhay pamilya

Ikinuwento sa amin ni Nanay Tessie Relucio, lola ni Charice Pempengco, na naglipat na ang singer at ang kaniyang girlfriend na si Alyssa Quijano ng kanilang mga kagamitan para makasama na sa bahay si Aling Raquel Pempengco.

Iniwanan na raw ng magkarelasyon ang ipinagawa nilang bahay. Hindi naman pala iyon isang buong bahay kundi ikalawang palapag lang ng bahay ng kaniyang manager, pero ginastusan daw iyon ni Charice.

Matagal-tagal ding nagkaroon ng hidwaan ang mag-ina, pero sa kabuuan ng kanilang away ay naging marespeto si Charice, hindi niya binarubal ang kaniyang mommy.

Kung anu-ano ang pinagsasasabi noon ni Aling Raquel, kung isumpa nito si Alyssa ay parang wala nang bukas pa, pero tulad ng ending ng maraming kuwentong-pampamilya ay nagkasundo rin ang mag-ina.

Palagi namang ganoon ang kuwento. Sa simula ay masasakit ang mga salitang ibinabato nila sa bawat isa, pero sa takdang panahon ay parang walang nangyari, nagkakasundo rin sila.

Kahit paano, kahit sa maliit lang niyang paraan, ay nakatulong si Charice para isulat ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo.

Una siyang “inampon” ni Ellen DeGeneres, pagkatapos ay tumawid siya kay Oprah Winfrey, hanggang sa maging regular talent na siya ng sikat na record producer na si David Foster.

“The pride of the Philippines!” kung ipakilala siya ni David Foster. Kahilera niyang kumakanta sa mga concerts nito sina Celine Dion, Lionel Ritchie, Pavarotti, Mariah Carey, Billy Joel at marami pang ibang naglalakihang pangalan sa mundo ng musika.

Kahit doon man lang sana ay dapat magkaroon ng puso ang iba nating mga kababayan para kay Charice Pempengco. Sana’y ang kaniyang talento ang masilip ng iba at hindi ang kaniyang mga kapintasan.

Mas masarap para kay Charice ang matanggap siya ng mga Pilipino kesa ng mga dayuhan. Aanhin nga naman niya ang palakpak ng mga foreigners kung sa sarili niya namang bayan ay kinukutya siya?

Sa isang banda naman ay kailangan ding magpaka-Pilipino ni Charice. Kapag nasa bansa siya ay gawin niya ang mga ginagawa ni Juan at hindi ang mga natutuhan niya kay Uncle Sam.

Huwag siyang maglalagay ng pader sa pagitan niya at ng ating mga kababayan. Magsalita siyang Pinoy na Pinoy at kumilos siyang berdaderong Pinoy. Walang masama sa pagsasalita ng Ingles, pero sana’y pipiliin niya ang tamang okasyon, rekomendasyon din namin na tanggalin niya ang American twang na naglalayo sa kaniya sa puso ng mga tunay na Pinoy.

Pero huwag na sanang tutukan ng mga bashers ang kaniyang itsura, ang kaniyang buhok, ang kaniyang mga isinusuot at ang kaniyang kilos.

Sa pagtatapos ng araw ay iisang lahi lang naman tayo. Sa isip, sa salita, at sa gawa.

Derek Ramsay – Tinutulungan ba ni Kris sa kaso?

Lantarang ipinaramdam ni Mary Christine Jolly at ng kaniyang mga abogado na wala silang tiwala sa piskalya ng Makati na humahawak sa kasong R.A. 9262 na isinampal niya laban kay Derek Ramsay.

Kamakailan lamang ay binaklas na ng babae ang asunto, sa Department of Justice (DOJ) na lang daw sila maghahain, hahanap daw sila ng tamang hukumang makapagbibigay sa kaniya ng hustisya.

May nakapagsabi raw kasi sa kanila na walang mangyayari sa asuntong ihinain niya sa Makati, hindi raw iyon aakyat sa husgado, sa piskalya pa lang daw ay mauuwi na iyon sa basurahan.

May pahimakas din si Mary Christine Jolly na may mga kamay na hindi nakikita na gumagalaw sa likod ng asuntong ihinain niya. Malakas daw ang kanilang duda na nagsasayang lang sila ng panahon dahil hindi naman makakamit ng babae ang katarungang hinahanap niya.

Kung sasakyan natin ang linya ng pangangatwiran ni Mary Christine, at kung ang tinutukoy niyang “nakikialam” sa kasong isinampa niya laban kay Derek Ramsay ay si Kris Aquino, ay walang kapupuntahan ang istoryang ito.

Mag-iikot nang mag-iikot sa lahat ng korte ang babae, forum shopping ang kauuwian ng asuntong isinasampa niya laban kay Derek, isang paraan iyon ng panggigipit sa hunk actor.

Makapangyarihan daw ang taong nasa likod ni Derek, ayon pa sa kampo ni Mary Christine, kung totoong powerful nga ang taong tinutukoy nila ay saan pa sila pupunta?

Ang taong makapangyarihan ay kayang magpalutang ng kaniyang kapasidad kahit saan. Walang pinipiling lugar ang power, kahit ano ay kayang abutin ng makapangyarihang tao, kaya kung iyon ang kanilang tinutumbok ay may pupuntahan pa ba silang husgadong makapagbibigay ng inaasam-asam niyang tagumpay?

Angelika Panganiban – Nadamay pa sa concubinage charge laban kay Derek

Nainterbyu namin si Derek Ramsay sa Cristy Ferminute (92.3 News FM-AKSYON TV-41) kamakailan. Kahit via phone patch lang iyon ay parang nakikinita namin ang itsura ng hunk actor habang humihingi ng dispensa kay Angelica Panganiban dahil sa pagkakasangkot ng pangalan nito sa kasong concubinage na isinampa laban sa kaniya ni Mary Christine Jolly.

Lahat talaga ng butas ay sisilipin ngayon ng babae para siya ipitin, kung walang maibubutas ay kailangang magkaroon ng dahilan para siya mapasuko. Depende na lang ngayon kay Derek kung isusuko na niya ang laban para magkaroon siya ng katahimikan ng kalooban.

Pagkatapos nilang magkahiwalay ay nawalan na ng komunikasyon sina Derek at Angelica, pero kinailangang tawagan ng aktor ang kaniyang ex, senyal ng pagiging maginooo ang ginawa niyang aksiyon at pangakong hinding-hindi niya pababayaan ang aktres sa labang ito.

Nakakalungkot ang personalang nangyayari sa dapat sana’y labanan lang sa piskalya nina Derek at Mary Christine. Pati ang kanilang anak ay naapektuhan na dahil sa pagsasama ng babae sa bata sa piskalya. Minura pa ng isang abogado ni Mary Christine si Attorney Joji Alonso, babae ang abogado ni Derek pero parang nawalan iyon ng saysay dahil sa pamemersonal ng kampo ng babae.

Maraming nag-oopinyon na mas titibay ang paninindigan ngayon ni Derek Ramsay dahil sa panggigipit na ginagawa sa kaniya ng naturingan pa namang ina ng kaniyang anak.

Sabi nga ng mga nakakausap namin ay parang sundalo raw ang hunk actor na habang nasusugatan ay lalong tumatapang.

Heart Evangelista – Hindi raw pupunta sa wedding ang mga magulang

Isa sa pinakamaligayang estado sa buhay ng isang babae ang araw ng kaniyang pagpapakasal. Isang panibagong mundo na ang kaniyang papasukin katuwang ang lalaking pinili niyang pakasalan.

Pero paano kung hindi naman kumpleto ang kaniyang kaligayahan dahil may basbas nga ang kaniyang pagpapakasal pero wala naman sa okasyon ang kaniyang mga magulang na dapat ay gagabay sa kaniya sa pagpapaalam sa buhay-dalaga?

Ganoon mismo ang nangyari kay Heart Evangelista. May basbas na ng kaniyang mga magulang ang pagpapakasal niya kay Senator Chiz Escudero, pero wala ang mga ito sa pinakamahalagang okasyon sa kaniyang buhay?

Marami nang namagitan sa magkabilang kampo. May nakapagpalambot na sa puso ng ina ni Heart, pero hanggang doon lang iyon. Hindi pa rin matanggap ng mag-asawa bilang mamanugangin ang mambabatas.

Hanggang ngayon ay ayaw mabura sa isip ng mag-asawa ang mga unang araw ng pagkikilala nila ng senador. Ang pasalampak nitong pag-upo sa harapan nila habang lasing, ang hindi pagpasa ng senador sa kaugaliang pinaiiral ng pamilya ni Heart, marami pang ibang dahilan.

Malayu-layo pa naman ang kasalan, bibilang pa tayo nang ilang buwan, harinawang mula ngayon hanggang sa Pebrero ay magbago pa ang desisyon ng mga magulang ni Heart Evangelista para makumpleto ang kaniyang kaligayahan sa pagpasok sa buhay-may-asawa.

Robin Padilla – Mahal ng lahat sa TV5 dahil sa galing makisama

Nakakatuwa ang kuwento ng mga anak-anakan naming guwardiya sa TV5. Matindi ang respeto at pagmamahal nila kay Robin Padilla dahil sa respeto at pagmamahal ding ibinibigay sa kanila ng action star at host ng Talentadong Pinoy.

Nasa Reliance kami at sa Novaliches studio naman ang taping ng Talentadong Pinoy, pero ang mga kuwento roon ay mabilis na nakararating sa amin, tulad ng mga kuwentong-Robin Padilla.

Kuwento ng isang source namin, “Bago po makarating sa dressing room niya si Sir Robin, eh, matagal, kasi nga, lahat ng nadadaanan niya, hinihintuan niya para kumustahin.

“Napaka-PR po niya, mabait, maalalahanin, wala na kaming hahanapin pa sa kaniya. Ramdam na ramdam namin ang pagmamahal niya sa maliliit. Iyon pala ang dahilan kung bakit napakaraming nagmamahal sa kaniya,” papuri nito sa action star.

Pagdating sa pagpapahalaga sa kapwa ay bilyonaryo si Robin Padilla, puwede siyang utangan ng mga kasamahan niyang artista, umaapaw ang kaniyang kaban sa malasakit at pagmamahal.

Mommy D Pacquiao – Huwag na sanang maghangad na magka-anak pa, medyo OA na

Naiintindihan ng mas nakararami nating kababayan ang muling pagtibok ng puso ni Mommy Dionisia Pacquiao. Kung ang kaniyang mga anak nga ay pikit-mata nang tinanggap ang kaniyang pakikipagrelasyon ay sino ba naman tayo para kumontra pa?

Nauunawaan ng marami ang pakikipagmahalan ni Mommy D kay Michael, mahiwaga talaga ang pag-ibig, walang pinipiling lugar, estado at edad.

Pero sana’y hanggang doon na lang iyon. Huwag na sanang maging OA pa ang sitwasyon. Huwag na sanang sinasabi pa ng mga taong sangkot sa kuwento ang kagustuhan nilang magkaroon ng anak.

Una, sa edad at kalagayan ngayon ng dakilang ina ng Pambansang Kamao ay mahihirapan na siyang magdalantao. Pananakit na ng mga buto-buto at balakang ang kailangang asikasuhin ngayon ni Mommy Dionisia at hindi ang pagbubuntis.

Hindi naman sa nakakaadwa nang marinig ang pagkagusto niyang magkaanak, libre naman ang pangangarap at walang matrikula, kaya lang ay nakapag-aalala na ang kaniyang sitwasyon.

Ilang taon pa at liyebo sitenta na si Mommy D, okey nang maligaya siya ngayon sa piling ng kaniyang boyfriend na si Michael. May karapatan siyang lumigaya dahil sa kaniyang mga pinagdaanang pagsubok.

Pero hanggang doon na lang sana iyon.

Please lang po.

Vhong Navarro – Ibinasura ng korte ang dimanda ni Roxanne Cabanero

Ibinasura ng DOJ ang kasong rape na isinampa ni Roxanne Cabanero laban kay Vhong Navarro. Lumanding nga sa basurahan ang demanda ng babae dahil sa kawalan ng merito.

Kunsabagay ay hindi na kailangang maging abogado, piskal, huwes at kung anu-ano pang posisyon ang isang karaniwang mamamayan para malamang walang saysay ang bintang ng babae laban sa actor-dancer-TV host.

Tulad ng nakasaad sa resolusyong ipinalabas ng DOJ, bakit ngayon lang nagdemanda si Cabanero, samantalang pinagsamantalahan na pala siya ni Vhong noong taong 2010 pa?

Apat na taon muna siyang nanahimik bago sumigaw na hinalay siya ni Vhong? Ang isang babaeng ninakawan ng dignidad ay agad-agad na nagsusumbong sa mga otoridad, ipinaglalaban ang kasalahulaang naganap sa kaniya, lalo na’t sapilitan ang pangyayari.

Sa unang paglalantad pa lang ni Cabanero ay pinagtaasan na ng kilay ng publiko ang kaniyang reklamo. Napatunayan ng kampo ni Vhong na noong mismong gabing pinagsamantalahan diumano siya ng aktor ay nasa Cavite ito para sa isang show.

Nasaksihan ng buong bayan ang isang footage nang magtagpo sila sa piskalya, sumama si Cabanero sa grupo ni Deniece Cornejo, pasakay na si Vhong nang batuhin niya ito ng kaniyang shades. Sigaw nang sigaw ang babae, rapist daw si Vhong Navarro.

Anyare? Sino ngayon ang lumabas na kahiya-hiya? May naniwala ba sa kaniyang mga sigaw?

Sayang na shades!

Tiya Pusit – Nagpaalam na ang mahusay na komedyana

Pumanaw na ang magaling na komedyanang si Tiya Pusit noong Huwebes (October 2) nang hatinggabi pagkatapos nang may dalawang buwang pagkakaospital dahil sa sakit sa puso.

Sumailalim siya sa operasyon, pero marami pang kumplikasyon ang lumabas, hanggang sa life support na lamang ang bumuhay sa kaniya nitong mga huling araw.

Nakababatang kapatid ng magaling ding komedyanang si Nova Villa si Tita Meng, nakagawa siya ng napakaraming pelikulang komedya. Isang malaking kabawasan si Tiya Pusit sa mundo ng katatawanan.

Mabentang-mabenta ang komedyana kapag eleksiyon. Bentang-benta ang galing niya sa pagho-host sa ating mga kababayan. Ilan lamang sa mga sinuportahan niyang pulitiko sina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Mayor Joey Marquez.

Ang pinakahuling isyung kinapalooban ng komedyana ay ang pagkakaroon ng karelasyong mas bata kesa sa kaniya nang maraming taon.

Pagkatapos noon ay napabalita na ang kaniyang pagkakasakit. Matagal siyang nanatili sa Philippine Heart Center, hanggang sa binawian na siya ng buhay noong makalawa.

Ang taos-puso naming pakikiramay sa pagpanaw ng isang mahusay na komedyana. Nakikidalamhati po kami sa lahat ng kaniyang mga iniwan.

Paalam, Tiya Pusit.

Have a comment on this article? Send us your feedback