Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 16 – 30, 2014

By Cristy Fermin

     Daniel Padilla & Kathryn Bernardo
Daniel Padilla & Kathryn Bernardo
Carla Abellana
Carla Abellana
Julia Barretto
Julia Barretto
Gov. Vilma Santos Recto
Gov. Vilma Santos Recto
Ruffa Gutierrez
Ruffa Gutierrez
Bb Gandanghari
Bb Gandanghari

KathNiel love team – Mainit ang pagsalubong ng mga fans sa Winnipeg

Matindi ang markang iniwanan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo para sa mga Pinoy na matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Winnipeg, Canada.

Sold out ang show na ginawa nila doon at tuwang-tuwa ang mag-asawang prodyuser na sina Todd at Katya Labelle. Maligayang umuwi ang mga nanood sa kanilang concert. (Basahin ang review ng One Magical Night na isinulat ni Judianne Jayme)

Kuwento ng aming kaibigan na tumulong sa show, hapon pa lang ay punumpuno na ang palibot ng Pantages Playhouse Theatre dahil sa maagang pagdating ng mga tagahanga ng KathNiel loveteam. Matagumpay ang show ayon sa kaniya.

“Maaga pa lang, nandoon na ang mga fans nina Daniel at Kathryn, sabik na sabik na silang makita at makasama ang mga idolo nila. Punumpuno ang venue!

“Masayang-masaya sina Todd at Katya, successful na naman ang ipinrodyus nilang show, napasaya pa nila ang mga kababayan natin dito sa Winnipeg na matagal nang naghihintay sa kanilang dalawa.

“Noong sumalang na sila sa stage, e, wala na, talagang nagkagulo na sa venue. Tilian nang tilian ang mga fans nila, halos hindi na marinig ang mga sinasabi nila, pati ang pagkanta nila!

“Matindi ang Kathniel, panahon nila ngayon, maraming show producers pa ang matutuwang ipag-produce sila ng show,” kuwento uli ng aming kaibigan.

Carla Abellana – In denial pa rin ba tungkol kay Geoff Eigenmann?

May tono ng katotohanan ang obserbasyon ng mas nakararami kay Carla Abellana. Tama na ang mga kaartehan at pagdedenay, tantanan na ang mga kadramahang hindi pa sila magkarelasyon, obyus namang sila na ni Tom Rodriguez.

Pero hindi pa puwedeng sabihing maligaya na siya sa piling ng kaniyang bagong boyfriend. Hanggang ngayon kasi ay panay-panay pa rin ang pagpaparinig sa social media ng dalaga sa kaniyang ex na si Geoff Eigenmann. Hintayin nating maging indifferent na siya para maniwala tayong naka-move on na nga si Carla.

Hanggang may bitbit pa rin siyang galit kay Geoff ay walang pupuntahan ang kanilang relasyon ni Tom. Kailangan munang mawala ang sama ng loob ng nakaraan para maging maganda ang daloy ng pagmamahalan nila ng actor. Pero sa takbo ng mga pangyayari ngayon ay nabubuhay pa rin si Carla sa kahapon.

Nega tuloy ang nagiging dating niya sa publiko. Marami na ngang namamalditahan sa kaniya ay umaariba pa ang paninira niya kay Geoff, ano’ng mangyayari sa relasyon nila ni Tom?

Pikon pa naman ang kaniyang boyfriend, hindi marunong humawak ng emosyon, baka sa kagaganyan ni Carla ay siya pa ang magtulak kay Tom na hamunin ng away ang kaniyang ex.

Matindi ba ang panghihinayang ni Carla Abellana sa pagkawala ni Geoff sa kaniyang buhay? Wala ba siyang nakikitang mga katangian nito kay Tom?

Saka bakit kasi idinadaan pa niya sa social media ang kaniyang galit kay Geoff, samantalang puwede naman silang mag-usap nang sarilinan kung kailangan? Di ba naman maituturing na paninira ang ginagawa niyang pagpapatambis sa lalaking nagmahal sa kaniya at minahal din naman niya?

Julia Barretto – Ano ba ang problema ng batang ito?

Kailangan nang labhan at banlawan ang negatibong imahe ngayon ni Julia Barretto. Hindi kagandahan ang mga naririnig naming komento ngayon ng ating mga kababayan tungkol sa maganda pa namang young star.

Baguhan pa lang siya, nangangarap pa lang, pero mukhang hindi siya nag-iingat sa kaniyang mga sinasabi at ginagawa. Marami nang dating nagkakagusto sa kaniya ang tinatabangan na ngayon sa anak ni Marjorie Barretto.

Noong pumutok ang balita na pinapalitan nilang mag-ina ang kaniyang apelyido ay hindi naging maganda iyon sa panlasa ng ating mga kababayan. Inalis ang Baldivia sa kaniyang pangalan na apelyido ng kaniyang amang si Dennis Padilla.

Ang komento ng mga miron ay walang utang na loob si Julia. Sinaktan niya ang kaniyang ama, isandaang porsiyentong napunta sa komedyante ang pagsimpatya ng mas nakararaming Pinoy.

Sumunod ay ang pagpapalutang niya ng kapritso nang umamin si Julian Estrada na anim na buwan silang naging magkarelasyon. Umatungal si babae, gustong ipabawi kay lalaki ang sinabi nito. Mabuti na lang at may paninindigan ang anak ni Senador Jinggoy Estrada at hindi pinagbigyan ang gusto niyang mangyari.

Bagito sa showbiz ang anak nina Senador Jinggoy Estrada at Precy Ejercito. Hindi pa siya sanay humarap sa isang presscon kung saan parang nililitis ang artista sa pagtatanong ng mga press people, alangan namang magsinungaling ang bagets?

At ano naman ang dapat ikagalit ni Julia kung nagsabi man ng totoo si Julian? Dahil ba nagpakawala ito noon ng mga salita na kahit kailan ay hindi pa ito nakipagrelasyon kahit kanino?

Hindi na problema ni Julian iyon. Si Julia ang dapat managot sa kaniyang pagsisinungaling. Bakit kailangang ipataw sa young actor ang isang pagsisinungaling na ito ang gumawa?

Maaga pa bago matatakan ng kanegahan si Julia, wala pa siyang napapatunayan. Ang kagandahan ay hindi sapat para maipagmalaki niya dahil dalawa-singko ang magagandang artista sa lokal na aliwan.

Ang ginawa niya kay Julian Estrada ay puwedeng malimutan agad ng publiko pero ang sakit ng loob na dinulot ni Julia Barretto sa kaniyang ama ay matindi.

Jinkee Pacquiao – Dapat lang itigil ang pagpo-post ng kayamanan sa social media

Mabuti naman at tumigil na si Vice-Governor Jinkee Pacquiao sa pagpo-post ng mga bonggang-bongga niyang kagamitan sa social media. Hindi kasi maganda iyon sa panlasa, napupulaan siya nang dahil doon. Milyun-milyong Pilipino ang nagugutom ngayon para ipangalandakan pa niya ang kaniyang mga bags na milyones ang halaga.

Nandoon na kami sa katwiran na pera niya naman ang ipinambibili niya ng mga branded bags at shoes, totoo naman iyon. Nakikipagpatayan sa gitna ng ring ang kaniyang mister kaya pera nila ang ipinambibili noon at hindi pera ng ibang tao at ng kaban ng yaman ng ating bayan.

Pero mahalay pa ring tingnan ang kaniyang aksiyon. Parang ipinagmamayabang ni Jinkee ang kung anumang mayroon siya ngayon, habang nagugutom naman ang napakarami nating kababayan lalo na ang mga biniktima ng bagyong Yolanda.

Tuloy ay parang tumutugon si Jinkee sa kasabihan na ang taong matagal na nagutom, kapag kumain, ay naiimpatso. Ngayon lang kasi siya nakakatikim ng mga ganitong kapritso, lahat ng mayroon siya ngayon ay pinapangarap lang niya dati, salamat dahil naging Pambansang Kamao ang kaniyang mister.

Ibang tao na lang sana ang magkuwento tungkol sa kaniyang magagarbong kagamitan, huwag nang siya, dahil lalabas na sumosobra ang kaniyang kahambugan kapag siya pa ang nagbuyangyang noon sa publiko.

Maegan Aguilar – Na-karma ba dahil sa kawalan ng respeto sa magulang?

Bugbog-sarado si Maegan Aguilar sa kaniyang ka-live-in na musikero. Ito ang lalaking sinasabi niya noong kasagsagan ng away nilang mag-ama na asawa niya, hindi basta ka-live-in lang, pero lumabas din ngayon ang totoo.

Naka-neck brace pa si Maegan habang naka-wheel chair. Sobrang pambubugbog daw ang inabot niya sa lalaki, dati na raw siyang sinasaktan nito pero ngayon ang pinakamatindi na hindi na niya mapalalampas pa.

Inaasahan na ng mas nakararami na iikutin uli ni Maegan Aguilar ang lahat ng istasyon para sa kaniyang pagpapainterbyu. Ganoon din kasi ang ginawa niya noong mag-away sila ni Ka Freddie, lahat ng talk shows ay inupuan niya, may bonus interview pa siya sa mga news programs.

Kailangang maging bukas ang isip ni Maegan sa pagtanggap ng mga negatibong reaksiyon ng mga kababayan natin tungkol sa kaniyang pinagdadaanan ngayon. Mas marami kasi ang bilang ng nagsasabing na-karma lang siya kaysa sa mga nakikisimpatya sa inabot niyang pananakit ng lasenggo raw niyang karelasyon.

Ganoon daw talaga ang kinauuwian ng anak na walang respeto at utang na loob sa magulang, hindi nagiging maayos ang takbo ng buhay, lalo na kung hindi pa marunong manghingi ng paumanhin sa magulang ang anak na nagkamali.

Sabi pa ni Maegan ay hindi raw siya lalapit sa tatay niya, isinuka na raw kasi siya, kaya alangan daw namang kumain siya ng suka?

Ang tanong – bakit nga ba kasi siya isinuka ng tatay niya?

Gov. Vilma Santos Recto – Masipag pa ring lingkod-bayan kahit sensitibo ang kalusugan

Nagiging masasakitin ngayon si Governor Vilma Santos-Recto. Sensitibo na ang kaniyang kalusugan ngayon. Siguro nga ay sinisingil na siya ng panahon dahil sa pag-aakala niyang siya si Wonder Woman.

Sobra naman kasi ang kasipagan ng Star For All Seasons. Kinakaya niyang gampanan ang pagiging ina ng Batangas sa maghapon. Pumapasok siya nang napakaaga at umuuwi nang gabing-gabi na at may bitbit pang mga dokumentong sa bahay niya na lang pag-aaralan at pipirmahan.

Idagdag pa na masyado niyang dinala ang lungkot sa pagkawala ni Tita Aida Fandialan na ilang dekada niyang pinagkatiwalaan bilang secretary, maysakit pa si Mommy Milagros, talagang ibabagsak nga ng emosyon ang kaniyang katawan.

Napakapropesyonal ni Governor Vilma. Hindi siya sumasagot sa kahit anong kompromisong hindi niya kayang panindigan. Mahalaga sa kaniya ang word of honour.

Kailangan niya namang regaluhan ang kaniyang sarili ng masarap na pahinga. Hindi puwedeng mangyari ang gusto niya na kapag sinimulan niya ang trabaho sa umaga ay kailangan niyang matapos iyon sa gabi, hindi na siya bumabata.

Tama ang obserbasyon ng isang college professor na nakausap namin, “Vilma Santos is Vilma Santos in may ways. Magaling siyang aktres, mahusay siyang lingkod-bayan, nagagampanan pa rin niya ang pagiging ulirang asawa, anak at nanay. How can you beat that?”

Ruffa Gutierrez – Kumpirmadong binubugbog ng dating asawang si Ylmaz

Kumpirmasyon tungkol sa nakaraang karanasan ni Ruffa Gutierrez sa poder ni Ylmaz Bektas ang pinakawalang komento ni Tita Annabelle Rama.

Boxing, tutukan ng baril at pagkukulong kay Ruffa, marami siyang gustong sabihin, pero noong kahihiwalay pa lang nila ni Ylmaz ay parang may kinatatakutan pa ang aktres.

Pero ang kaniyang ina na mismo ang nagpatotoo ng mga pinagdaanan niya. Sinasaktan siya nang pisikal ni Ylmaz, kaya boxing ang ginamit na termino ng kaniyang mommy, kasama pa ang panunutok nito ng baril sa kaniya.

At ang pagkukulong sa kaniya sa cabinet. Gaano kaya kalaki ang mga cabinet nila para magkasya doon si Ruffa? Delubyo nga pala ang naging karanasan ng aktres sa mga kamay ng banyaga. Iyon ang dahilan kung bakit kumokontra si Tita Annabelle sa bago niyang karelasyon, kakilos daw kasi at kahawig ito ng ama ng kaniyang mga anak.

Lumalambot na ang puso ng mag-ina. Isang araw ay malalaman na lang natin na nagkaayos na sila, ganoon lang naman ang away ng magnanay.

Hindi rin kayang tiisin ni Tita Annabelle ang kaniyang anak; at si Ruffa naman, sa aminin niya’t sa hindi ay hindi niya makakayang mabuhay nang wala si Tita Annabelle, peksman.

BB Gandanghari – Ano kaya ang iniisip ng ex na si Carmina Roel?

Napanood namin bilang judge sa Talentadong Pinoy si BB Gandanghari, nakababatang kapatid kung ipakilala siya ni Robin, pero si Binoe ang pinakabunso sa kanilang magkakapatid.

Habang pinagmamasdan namin si BB Gandanghari ay ang dami-daming gumugulo sa aming isip. Una, ano kaya ang nararamdaman ni Carmina Villaroel kapag napapanood nito ang kaniyang dating asawa? Nawiwindang pa kaya hanggang ngayon ang ina ng mga anak ni Zoren Legaspi?

Ikalawa, mas tumibay ang paniniwala namin sa kuwentong lumaganap noon na si BB Gandanghari nga ang dahilan kung bakit nagkahiwalay ang dalawang aktor na matagal na nagkaroon ng tagong relasyon, nahuli kasi ni Actor A si Actor B na ihinahatid si BB Gandanghari na Rustom Padilla pa noon sa kaniyang kotse na nakaparada sa harapan ng bahay ni Actor B.

Ang sabi kasi ni Actor B ay nasa taping daw ito, pero kinutuban si Actor A, kaya nanghiram ito ng kotse ng kaniyang kaibigan at nagbantay hanggang sa mag-uumaga na sa halos tapat ng bahay ni Actor B.

Kumpirmado! Na-Julie Andrews ni Actor A na magdamag na nakasama ni Rustom si Actor B sa bahay nito! Pasikat na ang araw nang umuwi si BB Gandanghari, may nakaraan talaga sila ni Actor B.

Ito talagang si Actor B, simple lang ito, pero residente ito ng Makati (read: makati) Avenue sa kakyondian. Kasi naman, maraming nagsasabi at nagpapatotoo na ang kaniyang address ay 123 Dakota Harrison, Pasay City.

Iñigo Pascual – Medyo hindi tinangkilik ng fans ang unang pelikula

Balitang hindi gaanong tinao ang unang pinagbibidahang pelikula ng anak ni Piolo Pascual na si Iñigo. Pinagbibidahan dahil ayon sa mga nanood ay talagang si Iñigo ang inikutan ng kuwento ng pelikula, kalahatian na raw nang lumabas si Julian Estrada, kaya kay Iñigo talaga ang proyekto.

Walang masama doon, unang pelikula lang naman iyon ng bagets, binyag ng apoy pa lang iyon kung tutuusin para sa anak ng guwapong aktor.

Kahit naman si Piolo ay dumaan din sa ganoong estado, pinagbida rin siya noon sa isang pelikula, pero hindi naman siya agad na sumikat.

Noong magtambal na lang naman sila ni Judy Ann Santos tumingkad ang pangalan ni Piolo, napakalaki ng nagawa ng loveteam nila ni Juday sa kaniyang pagsikat.

Mula noon ay nagtuluy-tuloy na ang pagkinang ng kaniyang bituin, hanggang sa itinambal na rin siya sa ibang mga artista, pero ang tambalan nila ni Judy Ann ang talagang dapat tanawan ng utang na loob ni Piolo.

May gagawin uling pelikula ang kaniyang anak na hindi nakinig sa kaniyang payo na mag-aral na lang muna. Baka naman sa susunod ay magkaroon na ito ng tatak, kahit pa maraming nagsasabing hindi kayang plakaduhin ni Iñigo ang popularidad na inabot ng kaniyang ama.

Tingnan natin.

Have a comment on this article? Send us your feedback