Published on

Cristy Fermin

   Agosto 1 - 15, 2012

 

 
 
Noli de Castro
 
 
Derek Ramsey
 
 
Sharon Cuneta
 
 
Ai-Ai Delas Alas
Kabayang Noli – May nagawa ba siya noong naka-upo sa gobyerno?

Pinasok na nga ng pulitika ang mundo ng showbiz dahil sa lantarang pagkapahiya ni Pangulong Noynoy Aquino kay Kabayang Noli de Castro. Maraming napaklahan sa kaganapan. Maasim na tinanggap ng ating mga kababayan ang pamemersonal ng pangulo sa isa sa mga news anchors ng TV Patrol. Ang naging konklusyon tuloy ng mas nakararami ay magkapatid talaga sila P-Noy at Kris Aquino.

Ano raw ba namang hinila na lang ng pangulo si dating Vice-President Noli de Castro sa isang sulok ng bulwagan at saka doon niya ito kinausap? Mas kauna-unawa ang ganoon. Lalaki sa lalaki ang engkuwentro. Walang pagkapikon na masisilip kung ganoon na lang ang nangyari.

Ang mga pulitiko ay parang mga artista rin na nakahain ang imahe at personalidad sa publiko. Bawal ang mga pikon sa gobyerno. Hindi puwedeng puro papuri lang ang kanilang inaasahan. Dapat ay mayroon ding nagpapaalala tungkol sa kanilang mga kakapusan at kahinaan.

Balanse naman ang mga tinatanggap naming komento dahil kahit kay Kabayang Noli de Castro ay mayroon ding gustong itawid ang ating mga kababayan. Ang kanilang tanong ay simple lang. Anu-ano raw ba naman kasi ang nagawa para sa ating bayan ni Kayabang Noli noong siya’y nanunungkulan pa?

Reaksiyon ng aming kausap, “Mayroon ba? Sa opinyon ko, eh, si Kabayang Noli ang isa sa maraming walang karapatang mang-criticize kay P-Noy dahil wala naman siyang maipagmamalaking nagawa noong nasa posisyon pa siya.

“Nakabulag lang siya noong mag-number one siya bilang senador at noong tumakbo siyang VP, pero performance-wise, manahimik na lang sana siya, dahil baka siya ang uriratin ng mga tao ngayon kung anu-ano ang mga nagawa niya?” komento ng aming kapalitan ng opinyon.

At iwasan na rin daw sana ni Kabayang Noli ang pagkokomento nang wala sa lugar, kapag patapos na raw kasi ang TV Patrol ay mayroon siyang mga alanganing hirit na hindi hinihingi ng pagkakataon. Mapakla iyon sa panlasa ng manonood.

“Like noong minsan, tungkol sa Tondo ang last VTR nila. Noong bumalik sa kanila ang camera para sa pagpapaalam nila, biglang nagkomento si Kabayang Noli nang wala sa lugar.

“Ang sabi niya, mga tigasin daw talaga ang mga taga-Tondo, tapos tumingin siya kay Korina Sanchez, ‘Ikaw, Korina, mahilig ka ba sa mga tigasin?’ Double-meaning iyon, huwag na sana siyang nagpapaka-tactless, karma tuloy ang inabot niya, tactless din ang natapatan niya!” komento pa ng aming kausap.

Sarah Geronimo – Masyadong maraming bawal, kawawa naman

Isang nagmamaasim at naiinis na kakuwentuhan namin ang nagpayo sa ina ni Sarah Geronimo na ngayon pa lang ay mag-ipon na ng saku-sakong asin at suka para magamit sa pagbuburo sa kaniyang anak.

Sabi pa ng aming kausap, “Nakakaawa naman si Sarah, trabahong-kalabaw na nga ang bata, pero kahit konting kaligayahan, eh, wala naman yatang kaplanu-plano ang mga magulang niya na ibigay sa kaniya!

Biglang nagbalik sa aming alaala ang kuwento ng isang kasamahang singer ni Sarah na nakasama niya sa concert sa ibang bansa. Nasa isang restaurant daw sila noon pagkatapos ng show at masayang nagkakainan ang grupo dahil matagumpay ang kanilang pagtatanghal.

Sabi ng source naming singer, “Umorder kami ng ice-cream. Tapos na ang show, puwede nang regaluhan ang lalamunan namin, pauwi na naman kami kinabukasan.

“Alam naming gusto ring mag-ice-cream ni Sarah, inggit na inggit siya sa amin, kaya sa sobrang awa ko, inalok ko siyang maki-share sa ice-cream na kinakain ko.

“Nagalit sa akin si Mommy Divine, ‘Bad influence ka sa anak ko! Alam mo na ngang bawal sa kaniya ang malamig before and after the show, niyayaya mo pa siya! Kung gusto mong masira ang boses mo, ikaw na lang, huwag ka nang mangdamay pa ng ibang tao!’

“Hindi ako nakakibo, na-shock ako, parang krimen na kasi ang nagawa ko para sa mommy ni Sarah. Mula noon, kahit pa alam naming inggit na inggit siya, deadma na lang kami, baka kasi talakan na naman kami ng mommy niya!

“Ang dami-daming bawal sa kaniya. Bawal ang malamig, bawal ang nuts dahil nakakapangit raw ng lalamunan iyon, bawal ang chocolates, bawal ang softdrinks, hindi kaya bawal na ring mabuhay siya?” tandang-tanda pa naming kuwento ng isang kapwa singer ni Sarah Geronimo.

Derek Ramsey – Correspondent para sa London Olympics ng TV5

Binantayan namin ang pormal na pagsisimula ng London Olympics sa TV5 kahapon nang madaling-araw. Napakapabolosa ng tumambad na opening sa amin. Siyempre’y nandoon si Queen Elizabeth II na hindi na kailangan pang magsalita para maramdaman ng lahat ng nandoon ang kaniyang presensiya bilang pinakamataas na pinuno ng London.

Palibahasa’y laking-London, natural lang na maraming kaibigan at kaklaseng iniwan sa London ang hunk actor na si Derek Ramsay. Hindi lang ang pagho-host ng London Olympics para sa TV5 ang mangyayari habang nandoon siya kundi isa ring engrandeng reunion kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Sa mga hindi pa nakakaalam ay ilang taon lang ang ipinamalagi ni Derek sa Amerika para sa kaniyang pag-aaral. Literal siyang lumaki at nagkaisip sa London, doon din siya nagtapos ng kolehiyo.

Nakagaan iyon sa pamunuan ng TV5. Bawas-problema iyon dahil alam ng hunk actor ang pasikut-sikot ng London. Siya pa nga ang tumatayong tourist guide ngayon ng news reporter na si Lia Cruz na kasama niyang nagkokober sa London Olympics.

Sabi nga ni Joji Dingcong, ang manager ni Derek, “Kahit i-blind fold pa si Derek, hindi siya maliligaw sa London, Second home niya iyon, matagal na panahon silang tumira doon.”

Magaang-magaan ang kalooban ni Derek nang umalis. Tapos na siya sa paggamot sa nasaktan niyang puso dahil sa paghihiwalay nila ni Angelica Panganiban. Malinaw na ngayon para kay Derek ang sitwasyon.

At napakaraming humanga sa hunk actor nang sabihin niya na kung anuman ang naging kulang sa kaniya, sana’y mapunuan iyon ni John Lloyd Cruz. Napakamaginoo nga naman ng binatang ito na akala mo isang Adonis na kung ilarawan ng mga kababaihan at kabadingan.

Sharon Cuneta – Bumababa ang star quality dahil sa walang sawang Tweet!

Kahjit saan kami magpunta ay nagiging bahagi ng pakikipagkuwentuhan namin sa mga kaibigan si Sharon Cuneta. Ang kanilang payo, kahit hindi naman hinihingi ng Megastar, ay tigilan na raw sana niya ang pagtu-tweet.

Pakinggan natin ang katwiran ng isang kaibigan namin, “Nawawala na kasi ang mystery, parang bumababa ang premium niya as an actress, dahil ang dami-dami nang nalalaman ng publiko about her.

“Okey, she’s not seen everywhere, pero napakadali ng access ngayon tungkol sa kaniya, isang pitik mo lang, malalaman mo na ang mga nangyayari sa buhay niya.

“Mas gusto ko iyong silent Sharon noon, iyong hindi nagtu-tweet ng kung anu-ano, iyong maririnig mo lang siyang magsalita sa show niya, sa concert niya, iyong may mystery,” makabuluhang komento ng aming kaibigan.

Nauunawaan ng ating mga kababayan ang katwiran ni Sharon na nauntog na siya sa katotohanan na paminsan-minsan, kapag talagang kailangan na, ay dapat na rin siyang lumaban at mangatwiran.

Ang komento ng isang kausap namin, “Ibang tao na lang sana ang gumawa noon para sa kaniya, huwag na siya, masyadong nagiging cheap kapag siya ang nagsasalita at nagtu-tweet.

“Ewan naman kasi kung bakit kinakalampag siya ng mga taong walang magawa sa buhay, lahat na lang, pinapansin sa kaniya, kaya we also understand why napupuno si Sharon.

“Pero she should not dwell too much in negativity, much more in answering everything she gets from people na hindi naman niya kilala, ibang tao na lang ang pabayaan niyang gumawa ng pagsagot para sa kaniya.

“Nasa itaas na siya, wala na siyang kailangang patunayan pa, I would like to see her silently doing something about the situation she’s in right now,” payo pa ng aming kaibigan sa Megastar.

Ai Ai Delas Alas – In love na naman, sana’y siya na nga

Diretso naming tinanong si Ai-Ai delas Alas kung nagpakasal ba sila ng kaniyang boyfriend salas Vegas noong bumiyahe sila. Hindi siya nagulantang sa aming tanong. Mabilis ang kaniyang tugon, walang katotohanan ang kuwento.

“Inaamin ko naman na maligaya ako ngayon, may nagpapasaya sa akin, pero hindi totoong nagpakasal na kami sa Amerika. Iba ang ipinunta ko doon, ang education ng mga anak ko na doon na mag-aaral,” komento ng Comedy Concert Queen.

May karapatan namang lumigaya si Ai-Ai. Sa pagkakataong ito ay nakita na sana niya ang lalaking magmamahal sa kaniya nang tunay, sana’y mahalin siya ng lalaki bilang siya at hindi bilang isang sikat na personalidad na maipagmamalaking karelasyon.

Charice – Nasa ‘Pinas kaya huwag sanang maghanap ng palakad ng Puti

Kailangan nang maligo sa pulot ni Charice Pempengco ngayon. Sa bawat sampung nasusulat tungkol sa pamosong singer ay walo ang hindi kagandahan. Puro reklamo ang mababasa-maririnig tungkol sa kaniya at sa mga nangangalaga sa kaniyang karera, nakakaalarma ang ganoon.

Tantanan na sana ng kampo ni Charice ang mga pagkukumpara. Bakit daw sa Amerika ay ganoon? Bakit daw sa ibang bansa ay ganito? Nasa Pilipinas sila at wala sa ibang bansa!

At kung para sa kaniya ay mas maayos magpatakbo ng kaniyang karera ang mga banyaga ay magdesisyon na siya ngayon pa lang. Para saan at para kanino ba niya unang iniaalay ang kaniyang talent? Sa kaniyang mga kababayan ba dito o para sa mga banyaga?

Governor Vi – Nakahinga nang maluwag nang gumaling na si Lucky

Nakalabas na sa ospital si Luis Manzano. Nakahihinga na nang maluwag ngayon si Governor Vilma Santos na ilang araw ring hindi mapakali dahil sa pagkakasakit ng kaniyang panganay.

Lagi niyang sinasabi na siya na lang sana ang sumalo sa mga sakit at huwag na ang kaniyang mga anak na sina Luis at Ryan Christian. Siya na lang daw sana, dahil kapag may sakit ang kaniyang mga anak ay parang siya rin naman ang bagsak dahil sa sobrang pag-iintindi.

Tatlong araw na ayaw bumaba ang lagnat ni Luis. Akala ng binata ay simpleng lagnat lang iyon, pero nagdesisyon ang kaniyang ina na sumailalim na ito sa isang masusing gamutan sa ospital.

Mabuti naman at negatibo ang resulta ng CT scan ng actor. Walang virus na dapat intindihin ang gobernadora ng Batangas.

Noong makalabas na sa ospital si Luis, si Jennylyn Mercado naman ang nagkasakit, nahawa nga ito sa madalas na pagbabantay sa kaniyang boyfriend.

Have a comment on this article? Send us your feedback