Published on

Cristy Fermin

   Hulyo 16 - 30, 2012

 

 
 
Cristy Fermin interviews Direk Eric Quizon
Dolphy – Ipinagluluksa ng sambayanang Pilipino

Naihatid na sa kaniyang huling hantungan kahapon (July 15) si Tito Dolphy. Ito ang unang araw sa buhay ni Zsa Zsa Padilla at ng magkakapatid na Quizon na hindi na nila kasama ang Comedy King.

Isang matibay na haligi na naman ng industriya ang nawala. Pilay na naman ang mundo ng entablado, telebisyon at pelikula, dahil sa pagkawala ni Tito Dolphy na aalahanin na lang natin ngayon bilang Hari Ng Komedya.

Maraming naninibago, magkakaroon talaga ng mga pagbabago, lalo na sa buhay ng kaniyang pamilya. May labingwalong anak si Tito Dolphy, labingwalong ugali rin. Mabuti na lang at sa kaniyang paglisan ay nagawang gawing solido ng Comedy King ang pagmamahalan ng kaniyang mga anak.

Sa tanong namin kay Direk Eric Quizon kung paano nito haharapin ang unang umagang wala na ang kaniyang ama ay mabilis ang tugon ng aktor, “Sana, dahil sa sobrang pagod at tension, makatulog ako hanggang hapon. Para kasing hindi ko pa alam how I will face the day na wala na talaga si daddy.”

Lahat ng babaeng naugnay kay Tito Dolphy ay may kani-kaniyang katangian. Bumilang nang maraming taon ang kanilang relasyon. Nagkaroon sila ng mga anak. Lahat ng kaniyang supling ay hindi pinabayaan ng Comedy King sa pampinansiyal na aspeto.

Sabi ng isang nakakuwentuhan namin, “Doon ako medyo nalulungkot. Ang mga anak ni Mang Dolphy, hanggang sa huli, sa kaniya pa rin umaasa. May mga anak siyang nagtapos at nagtrabaho, iyong grupo nina Eric. Pero marami siyang anak na sa kaniya pa rin umaasa kahit may mga anak at apo na.

“Wala siyang kasingdakila bilang ama, may sustento ang mga anak niya kahit pa pamilyado na. Kapag sumusuweldo siya, bitbit ni Mang Conde Ubaldo ang attache case niya, punumpuno ng pera.

“Darating naman sa taping ang mga anak niya, mga apo, mga kamag-anak at mga kasamahang artista na walang trabaho. Pagkatapos ng taping, napakagaan na ng maleta niya, wala nang laman. Naipamahagi na niya sa mga nangangailangan,” kuwento ng aming source.

Pusong-mamon, ginintuan ang puso, mapagkumbaba, napakaparehas sa buhay, hindi naninira, Masaya sa tagumpay ng kaniyang kapwa. Iilan lang iyon sa mga katangian ng Comedy King na ikinukulapol ngayon sa kaniyang ng mga nagsasalita sa harapan ng kaniyang kabaong.

Iniyakan ng publiko ang kaniyang pagkawala, ipinagluluksa ng buong industriya ng entablado, telebisyon at pelikula ang kaniyang pagpanaw. Iilan lamang ang katulad ng Comedy King na kahit noong buhay pa ay pinupuri na ng kaniyang mga kauri at kahanay.

Hindi na masyadong kuwestiyon ngayon kung ihahabol pa ba ang paggawad sa kaniyang ng National Artist award. Kanilang-kanila na iyon at isaksak na lang nila sa baga nila, sabi ng mga tunay na nagpapahalaga sa talent ng Comedy King.

Totoo naman. Tama na ang mga kiyaw-kiyaw, tama na ang mga kasi-kasi. Ang importante ay namaalam ang Hari ng Komedya na nasa ituktok siya ng tatsulok sa puso ng samabayanang Pilipino. Sobra pa iyon sa sapat.

Dolphy Jr. – Pinakasensitibo at emosyonal sa 18 anak ni Dolphy

Si Dolphy, Jr. sa labingwalong magkakapatid ang pinakasensitibo. Mabilis itong maging emosyonal. Ito na rin ang nagsabi na sa kanilang lahat kasi ay ito ang nagbigay nang pinakamatinding problema sa kanilang pamilya.

“Ang sinasabi kong kasalanan ko kay daddy, iyong pagbibisyo ko noong kabataan ko. Hindi iyong sa arson, hindi ako kasama doon, dahil magkasama kami ni daddy noong nangyari iyon.

“Pero pinagsilbihan ko iyon, eighteen years ako sa bilangguan. Nag-withdraw kami ng apela dahil habang tumatakbo pala ang appeal, hindi naika-count iyong years ng pagkakulong ko.

“Iyon ang totoong nangyari noon, nagkataon na lang na si Pangulong Joseph Estrada na ang nakaupo, pinagsilbihan ko iyon nang sobra pa sa dapat,” sabi ni Junior.

Habang naghihintay kami ng pagsisimula ng Paparazzi Showbiz Exposed na ginanap mismo sa Heritage Memorial Park ay nakakuwentuhan muna namin ang magkapatid na Dolphy, Jr. at Edgar.

Maraming kuwento ang magkapatid tungkol sa mga huling araw ni Tito Dolphy sa ICU. Basta raw nagbukas ng mga mata ang kanilang ama ay isa lang ang kaniyang sasabihin, “Kumain na ba kayo?”

“Babasahin mo na lang ang bibig niya dahil wala na siyang boses, may nakalagay kasing aparato sa bibig niya, palaging ganoon ang tanong ni daddy sa amin.

“Imagine, agaw-buhay na siya, parang mga makina na lang ang nagpapatakbo sa buhay niya, pero kami pa rin ang inaalala niya. Wala siyang ibang tanong kundi kung kumain na raw ba kami,” naluluhang pag-alala ni Junior.

Sa kanilang magkakapatid ay si Dolphy, Jr. ang mas nakauunawa tungkol sa pagkawala ng kanilang ama. Ministro na ito ngayon, malawak na ang kaalaman nito sa Bibliya.

“Madaling sabihin pero mahirap tanggapin, sabi nga, pero iyon ang katotohanan. Sabi nga ni daddy, kapag sinabi na ng direktor niya sa langit ang ‘Cut!’ at enterframe na siya, wala na siyang magagawa,” litanya ni Junior.

Boy Quizon – Panganay sa 18 anak, umuwi mula sa US

Ang pinakapanganay sa labingwalong anak ng Comedy King ay si Manny “Boy” Quizon. Siya ang una sa lahat, anak siya ng Hari Ng Komedya kay Ms. Gracita Dominguez, ang mga kapatid niya ay sina Dolphy, Jr., Freddie (SLN), Sahlee, Edgar at si Rollie.

Matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Amerika si Kuya Boy, pero ang komunikasyon nilang mag-ama ay walang humpay. Palagi silang nagkukuwentuhan sa telepono.

Sa librong sinulat ni Bibeth Orteza ay sinabi ni Kuya Boy, “Mahirap maging anak ng isang Dolphy. Kahit saan ka magpunta, nakakabit iyon sa pagkatao mo. Konting bagay lang na gawin mo, ang pangalan agad ng daddy ang nakakaladkad.

“Last year, umuwi ako from the States. Gusto ko lang siyang makasama. May iba na kasi akong nararamdaman. That time, we had enough time to be together.

“Hanggang sa heto na nga, alam kong ito na ito. Umuwi ako na mabigat ang dibdib, alam kong mayroong puwedeng mangyari, ramdam ko iyon bilang anak, napakasakit.

Vandolph – Matagal na naging bunsong anak ni Dolphy

Hindi namin nakausap si Vandolph noong lamay. Palaging lihis ang aming oras. Pero kahit naman noong nabubuhay pa si Tito Dolphy ay palagi nang sinasabi ni Alma Moreno na iyak nang iyak si Vandolph.

“Awang-awa ako sa kaniya, palagi ko siyang nakikitang umiiyak, buhay pa ang papa niya noon, ha? Sobrang close kasi sila, matagal bago nasundan si Vandolph, siya ang pinakabunso nang mahabang panahon.

“Kaya ang palagi kong sinasabi sa wife niyang si Jenny na huwag siyang iiwan, palagi siyang babantayan, dahil naaawa ako sa anak ko,” sabi ni Ness.

Eric Quizon – Pinagtiwalaan ni Dolphy na maging tagapamahala ng pamilya

Matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Amerika si Baby Smith, o Pamela Ponti sa pelikulang ginawa nito kasama ang Comedy King. Nagkakilala sila sa James Bondying, hanggang sa naging magkarelasyon na, at nagkaroon sila ng apat na anak na kinabibilangan nina Ronnie, Eric, Madonna at Jeffrey.

Sabi ni Eric, “Sabi sa akin nina Madonna at Epi, ako na raw ang magsabi sa mommy ko na namatay na si daddy. Tumawag ako sa kaniya sa Amerika, alas sais nang umaga doon, kaya may idea na rin ang mom ko kung ano ang sasabihin ko sa kaniya.

“So, sabi ko, ‘Mommy, dad just died.’ Wala siyang sinabi, it was twenty five-seconds of silence, hanggang sa sinabi na ng mom ko, ‘Anak, be strong.’

Si Eric ang naging tagapagsalita ng pamilya Quizon, siya rin ang pinamahala ng Comedy King sa mahahalagang dokumentong pag-uusapan nilang magkakapatid kapag nahimlay na ang kanilang ama sa huling hantungan. Napakasarap noon sa kaniyang pakiramdam.

Noong sumailalim sa operasyon sa puso ang kaniyang ama ay sinabi niya na kailangan na sigurong iayos ang kung anumang mga dapat ayusin, pero ang tugon sa kaniyang ni Tito Dolphy, “Eric, buhay pa ako, huwag mo akong pangunahan.”

“Nagkatampuhan pa kami noon, hanggang sa one day, ipinatawag niya ako. Ang sabi niya, mukhang tama raw ang sinabi ko noon. Siya na mismo ang nagsabi sa akin an iayos na ang kung anumang dapat iayos habang malakas pa siya.

“Ang saya-saya ko noon, kasi, nakita niya ang importance ng sinabi ko sa kaniyang. Ibinalik niya sa akin ang credit, ang tiwala, napakasaya ko talaga noon,” pabuntong-hininga pang komento ng magaling na direktor at aktor na si Eric Quizon.

Manny Pangilinan ng TV5 – Sinagot ang malaking gastos para kay Dolphy

Abut-abot ang pasasalamat ng magkakapatid kay Manny V. Pangilinan ng TV5 dahil siya ang sumagot sa lahat ng gastos sa ospital ng Comedy King. Milyun-milyon ang inabot na halaga sa proseso ng gamutan, pero hindi lang iyon ang pinahahalagahan ng mga Quizon, marami pang ibang aspeto.

“Hindi na nakapagtatrabaho ang daddy ko dahil may sakit na nga. Hindi na siya nakapagteteyping dahil hirap na nga siyang huminga, pero tuluy-tuloy pa rin ang suweldo niya.

“Walang pagbabago, hindi niya ipinatanggal ang show ni daddy. Lahat ng kailangan niya, ipinatse-check ni MVP, napakabuting tao niya. Lahat ng pinakamaayos at pinakanararapat, iyon ang pag-aalagang ibinigay ni MVP kay daddy,” dagdag na pahayag ni Dolphy, Jr.

“Kung sa iba lang iyon, wala na. Hindi ka na nakapagtatrabaho, tapos na ang suweldo mo. Hindi ka na nagteteyping, wala ka na dapat tinatanggap mula sa network, di ba?

“At siya pa ang sumagot sa lahat ng gastos ni daddy sa ospital, napakadakila ng puso ni MVP, hindi namin alam kung paano namin siya mapasasalamatan,” sabi uli ng napapailing na si Junior.

Comedy King – Mas maraming masaya, mas gusto niya

Sa burol ng Hari Ng Komedya ay hindi nawala ang mga tinatawag na gatecrashers. Pinagsamantalahan nila ang pagkakataon na abala ang mga Quizon sa pag-eestima sa mga nakikiramay sa kanila.

May kumukuha nang sobra-sobrang pagkain, pero ibinabalot lang naman pala at hindi nila kinakain. Gabi-gabi ay ganoon ang ginagawa ng pare-pareho rin namang mukha sa lamayan.

Ang katuwiran ni Direk Eric, “Okey lang iyon, dahil kung nabubuhay pa si daddy, ang sasabihin lang naman niya, eh, pabayaan na sila dahil nakakaawa naman.

“Kahit iyong mga nabebenta ng mga t-shirts at pins sa labas, hindi kami maghahabol doon, dahil iyon ang gusto ni daddy, ang marami siyang natutulungan,” pahayag ng aktor-direktor.

Totoo, hanggang sa pinakahuling sandali ay pinairal pa rin ng Comedy King ang kabutihan ng kaniyang puso. Mas maraming masaya ay mas maganda. Mas marami siyang matutulungan ay maligaya na siya, iyon ang katangiang mayroon si Tito Dolphy na umabot man ng dantaon ay mananatiling buhay sa ating mga alaala.

Nag-iisa lang talaga ang Comedy King.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback