Published on

Cristy Fermin

   Agosto 16 - 31, 2012

 

 
 
Richard Gomez & Lucy Torres-Gomez
 
 
Aga Muhlach
 
 
Nora Aunor
 
 
Ai-Ai Delas Alas
 
 
Mariel & Robin Padilla
 
 
Jasmine & Anne Curtis
Lucy Torres – Maraming pangarap para sa Ormoc City

Pinanood ng mag-asawang Richard Gomez at Congresswoman Lucy Torres ang pinakahuling pelikula ng Star For All Seasons, ang The Healing. At ayon sa magandang kongresista ay wala pa ring ipinagbabago ang galing sa pag-arte ni Governor Vilma Santos.

“Hanga ako sa niya sa drama. Horror ang movie, pero ang galing-galing niya pa rin, walang hindi bagay na role for her,” sabi ng kinatawan ng Ormoc City.

Ikinuwento rin niya ang kanilang anak ni Goma na si Juliana. Nasira raw ang oras ng kaniyang anak dahil sa nakaraang 2012 London Olympics. Baligtad nga naman kasi ang ating oras.

“I asked her, bakit palagi siyang nakatutok sa mga games sa Olympics? Sabi niya, she wants to be part of history. Wala na akong nasabi, kaya pati ako, nakikipanood na rin kapag tumututok siya,” tumatawang sabi ng makinis na kongresista.

Hindi pa niya isinasarado ang ideya kung si Richard na ang tatakbo sa susunod na eleksiyon sa kanilang probinsiya. Ang mas mahalaga para sa kaniya ngayon ay ang maibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang mga nasasakupan. Napakarami niyang pangarap para sa kaniyang mga kababayan.

Hanggang ngayon pala ay wala pang straight flight papunta sa Ormoc City, kailangan pa nilang dumaan sa Cebu City at mag-super cat papunta sa kanila; kung via Tacloban naman by land ang biyahe ay dalawang oras ang kinakaing oras noon.

Aga Muhlach – Tatakbo bilang kinatawan ng Camarines Sur

Wala nang urungan, tuluy-tuloy na nga ang pagpasok ng magaling na aktor na si Aga Muhlach sa mundo ng pulitika. Mayroon na siyang partido ngayon at ilang buwan pa ay magiging abala na siya sa entablado ng kampanya sa Camarines Sur.

Ang pagiging kinatawan ng probinsiya ang inaasintang posisyon ni Aga, kakaririn na niya ang pulitika. Totoo na ito ngayon at hindi basta kuwentu-kuwento lang na tulad noong napabalitang tatakbo siyang mayor ng Muntinlupa.

Kung totoong nananalo ang mga kumakandidatong personalidad dahil lang sa kasikatan ay walang dudang nakabuslo na ang posisyon bilang kongresista ng CamSur kay Aga Muhlach. Siya pa ba naman ang magpapahuli sa aspetong iyon? Maganda ang kaniyang naitatak sa lokal na aliwan at hanggang ngayon, napakalakas pa rin ng panghalina ng aktor sa publiko.

Ang mga kilalang personalidad na matunog na matunog nang kakandidato sa susunod na halalan ay sina Aga Muhlach, Richard Gomez at Phillip Salvador.

Shalani Soledad-Romulo – Nakatagpo ang pangulo sa pagtulong sa mga binaha

Pagkatapos nang mahabang panahon ay muling nagkita nang personal ang dating magkarelasyong sina Pangulong Noynoy Aquino at Konsehal Shalani Soledad-Romulo nang dumalaw si P-Noy sa lunsod ng Valenzuela.

Natural, kahit nasa gitna ng kalamidad ang ating mga kababayan ay hindi pa rin maiaalis sa kanila ang mga panunukso, ang pagkakilig, dahil sa muling pagkikita ng kanilang konsehala at Pangulong Noynoy.

Walang reaksiyon si Shalani sa mga ganoong bagay, si Shalani pa. Kahit nagkakagulo na ang buong bayan ay parang wala lang siyang reaksiyon, tahimik lang siya at patingin-tingin lang.

Naging sobrang abala si Shalani at ang kaniyang mister na kongresista ng Pasig City nitong mga huling araw. Pareho kasing nalubog sa baha ang kani-kaniyang siyudad, pansamantalang naghiwalay sina Shalani at Congressman Roman Romulo para magserbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Sobrang nasalanta ang Valenzuela City. Nasentruhan ng baha ang siyudad dahil sa pagpapakawala ng tubig ng La Mesa Dam. Mabuti na lang at maagap si Mayor Sherwin Gatchalian sa pag-iikot at pagmamalasakit sa kaniyang mga kababayan.

Araw-araw na nag-iikot ang mayor. Mahigpit ang bilin ni Mayor Sherwin na kailangang sabayan ng paglilinis ng buong siyudad ang pagtaas ng tubig sa maraming lugar, batambatang pulitikong naturingan pero kapaki-pakinabang ang tagapamuno ng Valenzuela City.

At maraming salamat din kay Konsehal Marlon Alejandrino na kahit hindi namin kadistrito ay abut-abot ang pangungumusta kung ano na ang nagaganap sa aming barangay.

Sabi ng isang taga-Valenzuela, “Sila ang mga pulitikong isusulat mo uli ang pangalan sa balota sa susunod na eleksiyon.”

Nora Aunor – Matindi ba ang tampuhan nila ni Kuya Germs?

Maagang dumating ang Superstar sa set ng Ang Latest noong Sabado nang umaga, walang katensiyon-tensiyon ang staff, dahil ang singer-actress pa nga ang naghintay sa pagsisimula ng bagong talk show ng TV5.

Naka-make-up na siya nang dumating kasama si Tito Boy Palma. Wala ka nang poproblemahin sa kaniya, nabigo ang mga miron na nagsabing baka hindi dumating sa takdang oras ang Superstar.

Nilinaw niya ang napapabalitang hindi nila pagkakaunawaan ng kaniyang kaibigang si Kuya Germs. May tampuhan daw kasi sa kanilang pagitan ngayon. Nakapanghihinayang dahil bumibilang na ng dekada ang samahan nila ng TV host.

Pagkatapos niyang mapanood ang VTR kung saan naglabas ng sama ng loob si German Moreno ay sinabi ng aktres, “Ilang taon na ba naman ako ngayon? Palagi namang ganiyan ang sinasabi niya tungkol sa akin, paulit-ulit na lang.

“Siguro naman, sa edad ko ngayon, e, alam ko na kung anu-ano ang dapat kong gawin. Nakakaano lang. Pare-pareho lang naman ang mga sinasabi niya,” parang walang ganang reaksiyon ng Superstar bilang tugon sa tampo ng kaniyang kaibigan.

Dapat sana’y naipaayos na niya ang problema niya sa lalamunan nitong huli niyang pagpunta sa Amerika, pero hindi iyon natuloy. Nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Nora at ang klinika ng doktor na dapat sana’y titingin sa kaniya.

“Gustong-gusto ko nang kumanta. Dapat nga sana, e, sa October na ang unang concert ko mula nang mawalan ako ng boses, pero nagkaroon kami ng miscommunication ng clinic ng doktor ko.

“Sana nga, e, matuloy na ang gamutan, gusto ko nang kumanta, gusto ko nang mapagbigyan ang hiling ng mga fans ko, sabik na sabik na akong kumanta,” sinserong pahayag pa sa Ang Latest ni Nora Aunor.

Kris Aquino – Tumulong nga sa mga binaha pero nakabakod ang security ng PSG

Naiintindihan naman ng ating mga kababayan ang ibig sabihin ng proteksiyon at seguridad na ibinibigay ng mga PSG kay Kris Aquino bilang kapatid ni P-Noy. Natural lang iyon, kapatid siya ng pangulo, direktang kadugo ng tagapamuno ng ating bansa kaya dapat lang siyang ingatan ng mga PSG.

Pero hindi kasi ganoon kalawak ang abot ng ibang kababayan nating gustong makalapit kay Kris noong namimigay sila ng relief goods sa mga binaha. Hindi nila gaanong naiintindihan ang salitang seguridad, kaya mayroon silang naikokomentong hindi kagandahan tungkol sa aktres-TV host.

Bago raw kasi sila makalapit kay Kris ay hinaharang muna sila ng mga PSG, saka kinakapkapan. Sa kanilang opinyon ay magagawa pa ba naman nilang manakit kung ang mga sikmura nila’y umaaray na sa sobrang gutom?

Kapag isinisigaw raw nila ang pangalan ni Kris ay tumitingin lang sa kanila ang TV host, ni hindi man lang ngumingiti. Sa mga ganoong pagkakataon kasi ay lumilikha ng milagro ang masarap na pagngiti ng mga personalidad na dumadalaw sa kanila.

Huwag na tayong lumayo, hindi nga ba’t ang dating karelasyon ng kaniyang kuya ay pataklesa niyang sinumbatan, “Nakaganti ka na sa aming pamilya, kasi, you made me lusong sa baha!”

Mabuti na lang at hindi mapagpatol si Konsehal Shalani Soledad. Wala itong panahon sa mga patambis na salita, dahil ang mahalaga ay ang makapagbigay sila ng pamatid-gutom sa kanilang mga nasasakupan.

Ai Ai Delas Alas – Nagniningning ang mata dahil sa pag-ibig

Ano nga ba ang pagkakaabalahan ni Ai-Ai dela Alas sa darating na December 8? Noong nakaraang episode ng Ang Latest ay tinanong namin ang Comedy Concert Queen tungkol sa makasaysayang petsa, pero tumawa lang siya nang tumawa, hindi niya idinetalye kung ano nga ba ang magaganap sa December 8.

Ang sabi ni Ai-Ai ay magpupunta raw siya sa Palawan. Hanggang doon lang ang kaniyang sinabi pero mayroon kaming alam na magaganap sa petsang itinanong namin sa magaling na komedyana.

Sa tanong naman kung totoo bang nagpakasal sila salas Vegas ng kaniyang karelasyong si Jed ay nagpasintabi ang Comedy Concert Queen, mas gusto raw niyang maging pribado ang takbo ng kaniyang pakikipagrelasyon ngayon.

Madaling unawain ang sinabi ni Ai-Ai, malawak ang ibig sabihin ng “no comment,” dalawang interpretasyon ang ibinigay namin sa kaniyang sagot tungkol sa diumano’y pagpapakasal na nila salas Vegas.

Una, ayaw niyang kumpirmahin ang kuwento dahil wala namang katotohanan iyon. Bakit pa niya kailangang sagutin ang isang bagay na alam niya namang hindi talaga nangyari?

Ikalawa, “no comment” dahil mayroon pa siyang hinihintay na tamang pagkakataon ng pag-amin. Gusto niyang hintayin iyon kesa sa magsalita ngayon nang tapos.

Ang mahalaga ay maligaya ngayon si Ai-Ai, kulay rosas ang kaniyang kapaligiran, dahil mayroong nagmamahal sa kaniya na mahal niya rin. Nasa tamang tiyempo ang pagdating ni Jed sa kaniyang buhay dahil malungkot na malungkot siya ngayon sa sobrang pagka-miss sa dalawa niyang anak na sina Nicolo at Sophia (Budang) na ang-aaral na sa Amerika.

Kaya naman pala nag-uumestrelya ang mga mata ngayon ng Comedy Concert Queen. May sapat naman pala siyang dahilan.

Charice – Negang-nega na ang dating sa kaniyang mga kababayan

Negang-nega ngayon ang imahe ni Charice Pempengco. Namumutiktik ang mga negatibong komento laban sa kaniya ng ating mga kababayan dahil sa masyado niyang pag-aangas. Pati ang kaniyang hitsura ay pinagtitripan ngayon. Nagbubukas pa kaya ng Twitter si Charice?

Mukha raw kasing naliligaw si Charice. Baka raw nakakalimutan ng young female singer na nasa Pilipinas siya at wala sa Amerika, kaya siya nagkakaganiyan.

Wala namang kasalanan ang istilo ng buhok ni Charice, pero pati iyon ay negang-nega ngayon. Kung anu-anong pintas at panglalait ang inaabot ng singer sa kaniyang kilos at buhok na hindi raw naman bagay sa kaniya.

Isang anak-anakan naming miyembro ng INC (Iglesia Ni Cristo) ang nagsayang ng panahon para mas palutangin ang kaangasan ni Charice dahil ang kaniyang sabi, “Kung ang religion nga po ni Charice, eh, pinalitan niya para lang makapagpabinyag at makuhang ninang si Oprah Winfrey, kulay pa kaya ng buhok niya ang hindi mapapalitan ni Charice?”

Nakakapanghinayang ang mga nagaganap ngayon sa karera ng kababayan anting ito. Noon ay ipinagmamalaki siya ng ating mga kapuwa Pinoy, pinapalakpakan siya dahil sa talento niya at lakas ng loob na mapasok ang teritoryo ng mga puti na pinapangarap lang ng iba, pero nabaligtad na iyon ngayon.

Robin at Mariel, Anne at Jasmine Curtis, Nora Aunor at Willie Revillame – lumusong sa baha upang tumulong sa mga nasalanta

Hindi na bago sa aming paningin ang parang mga bulateng naglalabasan sa tag-ulan ng mga kilalang pulitiko. Hindi sila dapat lahatin, kung ang marami sa kanila ay nagpapapogi lang para makakuha uli ng boto sa susunod na eleksiyon, mayroon din namang mga pulitikong nagseserbisyo dahil iyon ang kanilang sinumpaang tungkulin sa kanilang mga nasasakupan.

Pero ibang-iba ang dating kapag mga personalidad na wala namang inaasintang boto ang nakikita mong nagkakawanggawa at tumutulong kahit wala naman silang posisyon sa gobyerno.

Gusto naming saluduhan ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez sa pagbabahagi ng tinatanggap nilang biyaya para sa mga kapuspalad nating kababayang dinaluyong ng baha. Sarili nilang pera ang kanilang ginastos sa pagbili ng mga relief goods at sa isang panahong napakasarap matulog na lang dahil malamig ang panahon ay naglaan sila nang sapat at mahalagang panahon para lumabas at tulungan ang mga kapatid nating nangangailangan ng pamatid-gutom at uhaw.

Magkapatid nga sina Anne at Jasmine Curtis. Pagdating sa pagtulong at pagbibigay ng serbisyo para sa kanilang mga kababayang nangangailangan ng ayuda at tulong ay handang-handa ang magkapatid.

Noong mabalitaan ni Jasmine ang kalamidad na nagaganap dito sa Pilipinas ay agad na siyang naghanda para makauwi dito mula sa Australia. Walang nagsabi sa kaniya para umuwi, kusang-loob ng magandang dalaga ang desisyong makatulong sa mga nasalanta ng baha.

Hindi na iyon nakapagtataka dahil kahit ang kaniyang ate ay may ganoon din kagandang kalooban. Aktibo si Anne sa mga ganoong pangyayari, naglalabas ng sariling pera ang magandang dalaga para maipangtulong sa ating mga kababayan.

Noong Miyerkules nang tanghali ay kusang-loob na tumulong sa relief operations ng TV5 ang Superstar. Siya ang tumatanggap ng mga donasyong dinadala ng mga kababayan nating may busilak na puso sa Delta Theatre, bandang hapon ay sumama rin si Nora Aunor sa pamamahagi ng tulong sa isang binahang lugar sa Quezon City.

Hindi rin nagpabaya si Willie Revillame sa pag-ayuda sa mga binaha. Agad siyang nagpa-repack ng isang truck na pagkain at iba pang maaaring pakinabangan ng mga binaha. Ngayon siguro lalong nararamdaman ng aktor-TV host na malaki ang pagkakaiba ng salitang masuwerte sa pinagpala.

Have a comment on this article? Send us your feedback