Published on

Cristy Fermin

   Abril 16 - 30, 2012

 

 
 
Sisters Jasmine & Anne Curtis
 
 
Sisters Christine Reyes & Ara Mina
 
 
Vice Ganda
 
 
Derek Ramsay
 
 
Dina Bonnevie
 
 
Sharon Cuneta
 
 
Mariel Rodriguez
 
 
Annabelle Rama
Anne Curtis – Mahal na mahal ang kapatid na si Jasmine

Tuwing umaalis pala si Jasmine Curtis pabalik sa Australia kung saan siya nag-aaral ay parang palagi silang namatayan ng kaniyang Ate Anne Curtis sa sobrang pag-iiyakan at pagyayakapan.

Sobra ang pagmamahalan ng magkapatid na ito. Sa harap at sa likod ng mga camera ay matindi ang pagpapakita nila ng pagmamahal at malasakit sa isa’t isa. Nagpapataasan din sila ng phone bill dahil sa mga kilometriko nilang pag-uusap kahit kahihiwalay pa lang nila.

Itinuring nang baby ni Anne ang nakababata nitong kapatid. Kapag nandito si Jasmine ay kumpleto na ang kanilang mundo, hindi na nila kailangan ang ibang tao para lang sila sumaya.

“Noong debut ni Jasmine, iyak nang iyak si Anne. Siya ang tumayong cameraman-photographer ng sister niya, pero maraming eksenang hindi niya nakunan dahil sa kaiiyak niya.

Maligayang-maligaya si Anne sa magandang takbo ng karera ni Jasmine ngayon. Wala nang pinakamasayang tao sa mundo ngayon para kay Jasmine kundi ang kaniyang ate – ang maganda niyang ate na napakaganda rin ng kalooban tulad niya.

Vice Ganda – Hindi dahilan ng pag-alis ni Direk Bobet

Totoong maraming katrabaho niya ang naaangasan kay Vice Ganda. Totoo ring nagpapairal siya ng kapangyarihang wala naman sa lugar sa kaniyang programa. Pero ang sinasabing away nila ni Direk Bobet Vidanes na naging dahilan ng pag-alis ng direktor sa kaniyang noontime show ay mayroon palang mas malalim na dahilan.

Sabi ng aming source, “Hindi puwedeng isisi lang kay Vice ang mga nangyari, may mas malalim na reason iyon, pinalaki nang todo ang misunderstanding nila ni Bobet Vidanes dahil mas may malaking issue silang dapat pagtakpan,” simula ng aming impormanteng hindi nanununog at nangunguryente.

Patuloy ng aming source, “Too personal ang reason ng pag-alis ni Bobet sa show. Naghiwalay sila ni Cory Vidanes, silang dalawa ang may problema at hindi si Bobet at si Vice.

“Galit na galit si Vice noong malaman niya na siya ang naging masyadong negative sa scenario, kinausap niya si Deo Endrinal, sinabi niya na hindi siya babalik sa Showtimehanggang hindi nalilinis ang pangalan niya.

“Iyon ang reason kung bakit nagpalabas ng official statement ang ABS-CBN na wala silang away ni Bobet. Ginawa kasi siyang scapegoat, siya ang masyadong napasama, samantalang iyong away at hiwalayan ng mag-asawa ang totoong dahilan na dapat lumabas.

“Pinagtakpan nila ang hiwalayan, pero may idiniin naman silang talent pa mismo nila, ano iyon? Bakit hindi nila maamin na naghiwalay ang director ng show at ang top executive nila?” pagdidiin pa ng aming source.

Bago kami nagtapos sa pag-uusap ng aming source ay diretso namin itong tinanong kung ano ang naging ugat ng hiwalayan nina Ms. Cory Vidanes at Direk Bobet.

“May iba pa ba? Babae,” pabuntong-hiningang komento ng aming mapakakatiwalaang impormante.

Hindi pa rin parolado si Vice Ganda. Gaano katotoo ang impormasyong nakarating sa amin na hindi na umuulit pa ang mga prodyuser na kumukuha kay Vice Ganda para sa mga shows sa ibang bansa? Kasubuan na lang diumano ang una. Ang pag-ulit ay imposible na, dahil hindi lang butas kundi wakwak pa ang kanilang bulsa.

“Saan ka naman nakakita ng performer na lima ang kasa-kasama sa ibang bansa? Siya, ang musical director niya, ang director of his choice, road manager niya, handler niya, saka PA niya?

“Ano siya, si Sharon Cuneta? Ano na lang ang kikitain ng producers niya kapag ganoon na sa airfare pa lang at accommodation, eh, laslas na ang bulsa nila?

“Ano ba naman si Vice, gusto niyang kumita at alagaan ang craft kuno niya, pero ayaw niya namang pakitain ang mga namumuhunan sa mga concert niya? Kita ninyo, puro baguhan ang producers niya, wala na kasing umuulit na kunin pa siya, dahil ang tindi ng entourage niya!” simulang kuwento ng aming source.

“Puro first time-last time producers lang ang nakakatrabaho niya. Wala nang umuulit sa kaniya, lima ba naman ang entourage, laban kayo doon?” naiiling na natatawa pang kuwento ng aming impormante.

Derek Ramsay – Lumipat na sa TV5 ang hunk actor

Pinirmahan na ni Derek Ramsay ang tatlong taong eksklusibong kontrata niya sa TV5. Iyon ang nakalagay sa kaniyang kontrata, eksklusibo siya sa TV5, pero maaari siyang gumawa ng pelikula sa ibang produksiyon.

Maraming bashers ngayon ang hunk actor. Mukhang pera kung tawagin siya ng mga sawsawera sa Twitter. Pero ang ikinatutuwa ni Derek Ramsay ay mas marami pa rin ang bilang ng mga supporters at nakauunawa sa kaniya kesa sa nagagalit at nanunumbat.

“Gusto ko lang linawin na walang mga numerong pinag-uusapan dito. Kilala ninyo naman ako, palaging secondary na lang ang figures para sa akin. Ang palagi kong priority is kung saan ako comfortable at masaya,” unang paglilinaw ng aktor sa aming panayam sa kaniya.

Athletic si Derek. Sa pagitan ng kaniyang trabaho bilang artista ay ihinahanap niya ng panahon ang paglalaro. Doon sila nagkita sa gitna ng TV5 dail ang unang show na gagawin niya sa network ay ang Amazing Race-Philippines.

Hindi niya itinago na noong mabalitaan niya na gagawin ng TV5 ang nasabing reality show ay gusto niyang mag-audition para maging kalahok, hindi raw niya sukat-akalain na siya pa pala ang magho-host nito, kaya maligayang-maligaya siya.

Ang gasgas na tanong na palaging ibinabato kay Derek Ramsay ngayon ay kung susunod ba sa kaniya sa TV5 ang kaniyang girlfriend na si Angelica Panganiban na paminsan-minsan ay nagpapakawala rin ng kaniyang pagkainip sa kung ano ba ang plano sa kaniya ng ABS-CBN sa pamamagitan ng Twitter.

Malakas na iling ang tugon ni Derek. Wala silang pinagplanuhang ganoon ni Angelica. Hindi bahagi ng kanilang relasyon ang kung saan sila mas kumportable at masaya sa linya ng kanilang trabaho.

Dina Bonnevie – Tanggap na ni Oyo at Danica ang asawang politico

Ang pagdalo nina Oyo at Danica Sotto sa pagpapakasal ni Dina Bonnevie kay Vice-Governor Deogracias Victor Savellano ng Ilocos Sur ay isang palatandaan na tanggap ng magkapatid ang relasyon ng kanilang ina sa pulitiko.

Batambata pa ang relasyon nina Dina at Vice-Governor DV kung tutuusin, pero natanggap agad nina Oyo at Danica; kumpara sa matagal nang isyung nag-uugnay kina Vic Sotto at Pauleen Luna na hanggang ngayo’y mabigat pa rin sa kalooban ng magkapatid.

Ayon kay Dina ay si Vice-Governor DV raw kasi ang nag-abot ng mga kamay sa magkapatid. Inimbita ng pulitiko sina Danica at Oyo sa kaniyang bahay para magkakilala sila, at para na rin ipakita sa magkapatid na maganda ang intensiyon nito sa aktres.

“Iyon lang naman ang kailangan ng mga anak ko, ang makita nilang they don’t have to worry naman pala. Respeto lang, di ba? Mula noon, wala nang drama si Danica na, ‘Mommy, make sure that you’ll not cry any more, ha?

“Assurance lang ang kailangan nina Danica at Oyo and we have to give it to them,” makahulugan pang pahayag ng napakadiretsong si Dina Bonnevie.

Ganoong istilo rin kaya ang kailangang gawin ngayon ni Bossing Vicpara mawasak na ang pader sa pagitan nina Pauleen, Oyo at Danica? Pero hindi pa raw naman magkarelasyon sina Bossing Vic at Pauleen hanggang ngayon. Baka naghihintay pa ng magandang tiyempo ang aktor-TV host, para wala na rin itong maengkuwentrong problema sa pagitan ng kaniyang karelasyon at mga anak.

Sharon Cuneta – Sobrang pintas ang inaabot sa Twitter ngayon

Sa pagsisimula ng unang programa ni Sharon Cuneta sa TV5, ang Sharon: Kasama Mo, Kapatid, ay nagbukas siya ng damdamin sa mga taong wala na yatang pinangarap sa buhay kundi ang saktan siya nang personal at ilaglag sa kaniyang trono.

Napakarami niyang bashers, mga nanggugulo sa kaniya na walang pinipiling panahon. Puro panlalait at masasakit na salita ang ipinakakain sa kaniya ng mga ito sa agahan, tanghalian, meryenda at hapunan.

Ayon kay Sharon na sinserong nagtatawid ng kaniyang pahayag ay nagdesisyon siyang magbukas ng Twitter account para mas makilala pa niya at mapag-ukulan ng panahon ang mga tagahanga niya na kahit kailan ay hindi siya iniwan sa napakahaba na niyang pagbibiyahe sa lokal na aliwan.

Naging maganda naman ang takbo ng pakikipagrelasyon at pakikipagkomunikasyon niya sa kaniyang mga tagahanga, kaibigan at mga kamag-anak. Pero nitong mga huling panahon ay may mga sumingit na hindi kagandahang pangyayari na sumukat sa kaniyang napakahabang pisi ng pasensiya.

Tanggap ni Sharon na hindi niya makukuha nang isandaang porsyento ang kalooban ng lahat ng tao. Pero hindi rin naman niya inaasahan na sasaktan siya ng mga ito mula ulo hanggang paa, lalo na ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Napakahirap din ng naging sitwasyon ni Sharon Cuneta. Nahusgahan siya nang walang kalaban-laban tungkol sa diumano’y pagtu-tweet niya ng kung anu-anong laban kay Piolo Pascual, samantalang wala naman siyang kaalam-alam tungkol doon.

Inakala ng marami na siya ang nagtu-tweet laban kay Piolo dahil binabastos din ng mga tagahanga ng aktor ang kaniyang anak na si KC Concepcion. Kaya bilang paghihiganti ay binalikan niya naman ang ex ng kaniyang anak, na pinagpipistahan ang kasarian.

Nilinaw ng Megastar na mayroon siyang mga impostor sa Twitter. Paliwanag ni Sharon, “People who know me well didn’t believe na ako iyon, it’s only a matter of trust, kilala kasi nila ako from head to toe. Ang mga nag-isip lang na ako iyon, eh, iyong mga taong hindi pa nabibigyan ng chance na makilala ako nang husto.

Pero wala nang problema dahil ipinasarado na nila ang account ng kaniyang impostor. Mayroon mang maglabasang bago ngayon ay may ideya na ang marami na hindi siya iyon, nag-iisa lang ang lehitimo niyang account na gumagana pa hanggang ngayon.

Ano nga ang payo ng mga nag-imbento ng Twitter? Think a thousand times before you tweet. Huwag magtu-tweet kapag nagagalit, natutuwa, puyat at gutom.

Mariel Rodriguez – Hinarap ang babaeng nagkaanak daw kay Robin

Naging mahirap para kay Mariel Rodriguez ang iniatang na trabaho sa kaniya ni Robin Padilla – ang kausapin nang matiyaga ang babaeng nagsasabing may mga anak ito sa kaniyang mister, pero naitawid niya iyon nang matagumpay.

Paiba-iba ang sinasabi ng naturang babae. gulung-gulo si Mariel sa kaniyang pakikipag-usap, dahil paiba-iba ng direksiyon ang mga paksang ikinukuwento nito sa kaniya.

Ayon sa babae ay nagkaroon sila ng relasyon ni Robin noong nasa Muntinlupa pa ang action star. Isang kaganapang napakaimposible, dahil iyon ang panahong nagpakasal pa nga sa Munti sina Robin at Liezel Sicangco.

Kaklase rin daw nito si Kris Aquino, magkaibigan daw sila, at dentista raw si Kris at hindi artista. Maraming sinasabing pangalan ang babae. Kilalang-kilala ni Mariel ang mga taong binabanggit nito, pero iba-iba nga lang ang mga sinasabing sitwasyon ng babae.

“Napakahirap, but I had to do it. Hindi kayang harapin ni Robin ang girl, ako dapat ang kumausap sa kaniya, babae sa babae. Alangan namang diretsong sabihin ni Robin sa babae na ni hindi sila magkakilala?

“Iyon ang ayaw na ayaw ng asawa ko, ang makapanakit siya ng tao, iyong maka-hurt siya, lalo na kung babae ang involved,” papuri ni Mariel sa kaniyang mister.

Kahit kaunting kaba ay hindi nakaramdam si Mariel nang makaharap niya ang babae. Wala iyon sa mga kuwentong ipinagtapat sa kaniya ni Robin noong seryosohan na ang kanilang relasyon, kampante siya dahil alam niya ang totoo.

Annabelle Rama – Masama ang loob kay Ruffa at Raymond

Noong nakaraang Mahal Na Araw ay balitang kinausap si Tita Annabelle Rama ng kaniyang mga anak. Siguro’y pinayuhan siya ng mga ito na magpaka-cool lang, dahil pati sila ay naaapektuhan na ng palagi niyang pagiging galit.

May katotohanan iyon dahil napakatindi ng kanilang hidwaan noon ni Wilma Galvante na humantong pa nga sa korte. Pero nang magkrus ang kanilang landas ay nagkasundo rin naman sila. Ikinatuwa iyon ng mga taga-showbiz.

Hindi nakagaganda ang mga nangyayari ngayon na pagkatapos ng isang away ay mayroon na namang bagong kalaban si Tita Annabelle. Baka maniwala na tuloy ang mas nakararami na siya ang palaaway at hindi siya dumedepensa lang, dahil sa dami ng kaniyang mga nakakabanggaan.

Subalit ngayon ay mukhang malaki ang tampo ni Tita Annabelle sa dalawa niyang anak. Hindi niya binanggit sa kaniyang pagtu-tweet kung sinu-sino ang mga anak niyang tinutukoy, pero mukhang masama talaga ang loob ng palabang nanay, dahil ang sabi niya ay apat na lang daw ang kaniyang mga anak ngayon.

Isa-isahin nga natin kung sino-sino ang magkakapatid na Gutierrez. Sina Ruffa, Raymond, Richard, Rocky, Elvis at Richie Paul. Sino-sino kaya sa kanila ang pinagtatampuhan ngayon ni Tita Annabelle at bakit?

Ayon sa aming impormante ay may kinalaman iyon sa kasalukuyang away nila ni Amalia Fuentes kung saan sangkot din ang beauty queen na si Gloria Diaz.

“Kaibigan kasi nina Ruffa at Raymond si Isabel Daza, anak ni Gloria. Baka iyon ang dahilan. Baka kinokontra siya nina Ruffa at Raymond, dahil kaibigan nga nila si Isabel,” kuwento ng aming source.

Patindi nang patindi ang awayan ngayon sa pagitan nina Tita Nena at Tita Annabelle, personalan talaga ang mga birahan nila sa Twitter.

Ang sagot naman ng giyererang ina ng mga Gutierrez ay huwag daw magmalinis si Tita Nena dahil pareho lang naman sila na ginamit ang kanilang ganda para sila umangat sa buhay.

Wala pa sa katanghalian ang hidwaang ito. Malayo pa ang kanilang babaybayin. Maraming nagtatanong kung paano nga raw ba mag-away ang dalawang taong parehong palaban at ayaw magpatalo? Iyon mismo ang kailangan nating antabayanan.

Ara Mina – Sobrang pasensyosa sa pasaway na si Cristine

Lumalala na ang hindi pagkakaunawaan ng magkapatid na Ara Mina at Cristine Reyes. Hindi na bago ang ganitong senaryo, paulit-ulit na lang na nagaganap ang ganitong kuwento, kahit naman noon ay palaging nag-aaway ang magkapatid na ito.

Ayon sa malalapit sa kanila ay mabait lang talaga si Ara dahil nakakaya niyang palampasin ang mga ginagawang paglaban sa kaniya ni Cristine. Talagang pasensiyosa si Ara. Dahil kung sa ibang magkapatid lang nangyayari ang ganoon ay baka matagal nang nanghiram ng mukha sa aso ang nakababatang aktres.

Ayon kay Ara ay matagal nang hindi nagpaparamdam sa kanilang pamilya si Cristine. Kung bakit ay hindi rin niya alam. Basta sa kanilang pagsasama-samang magkakapatid ay palaging wala si Cristine na pinagtatakahan ng kanilang ina.

Palasagot kay Ara si Cristine, mapanumbat din ang mas nakababata niyang kapatid. Kung ang kanilang ina nga raw ay hindi naman nito pinakikinggan ay sino si Ara para magpayo sa kapatid niya na matigas pa sa bato ang ulo?

“Sana, maalala ni Cristine na noong kalakasan ng kita ng ate niya, e, wala siyang hiniling na hindi pinagbigyan ni Ara. Mabait sa pamilya niya si Ara. Bago ang sarili niya, e, family muna ang una para sa kaniya,” sabi ng aming source.

Hanggang ngayon ay ang haba pa rin ng pisi ng pasensiya ang pinaiiral ni Ara Mina. Siya kasi ang mas nakaaabot, kaya ganoon na lang kung pagpasensiyahan niya ang kaniyang kapatid na sumosobra na ang kamalditahan at katigasan ng ulo.

Have a comment on this article? Send us your feedback