Cristy Fermin

   Pebrero 1 - 15, 2012

 

 
 
Lovi Poe & Ronald Singsong
 
 
Manny Pacquiao
 
 
Kris Aquino
 
 
Shalani Soledad & Roman Romulo
 
 
Niña José
 
 
Jessa Zaragoza
Lovi Poe at Ronald Singson – Matamis ang naging pagtatagpo

Kinumpirma ni dating Congressman Ronald Singson ang blind item namin sa Paparazzi Showbiz Exposed tungkol sa pagtatagpo at pagpunta nila ni Lovi Poe sa Cebu City nang naka-private plane.

Ganoon katindi ang kanilang pagbibiyahe. Dalawang piloto at isang stewardess lang ang kanilang kasama sa pribadong eroplano. Pagdating nila sa Cebu ay sinundo naman sila ng isang magarang sasakyan at tumuloy na sa isang five-star hotel doon.

Tinotoo ng makisig na pulitiko ang kaniyang sinabi sa mga interbyu na kailangan nilang magkausap muna nang masinsinan ni Lovi bago niya masagot ang tanong kung sila pa ba hanggang ngayon.

Mahirap na raw kasi, marami nang nagbago at naganap habang nakakulong siya sa Hong Kong. Kaya ngayong malaya na siya ay kailangan niyang siguruhin muna kung puwede pang maibalik ang dati nilang pagtitinginan.

Sa kanilang pagtatagpo ay maraming nag-iisip, siguradong hindi lang pag-uusap ang nangyari sa kanila. Walang gustong maniwala na nagbasa lang ng komiks sina dating Congressman Ronald at Lovi habang magkasama sila nang maghapon at magdamag sa Cebu dahil madaling-araw na silang bumalik sa Maynila.

Manny Pacquiao – Hindi na babaero, sugarol at manginginom?

Maraming naninibago sa mga inililitanya ngayon ni Congressman Manny Pacquiao. Kapag iniinterbyu kasi ang Pambansang Kamao ay puro pangalan ng Panginoon ang kaniyang binabanggit nang paulit-ulit.

Sabi nga ng isang news man, “Parang kahit wala namang kinalaman kay Lord ang issue, eh, doon pa rin niya dinadala. Para na siyang pastor kung magsalita.”

Itinaya na rin ni Pacman ang kaniyang pangalan sa mga binitiwan niyang pangako na isang bagung-bagong Manny Pacquiao na raw ang ating makikita ngayon – hindi na nagsusugal, hindi na rin nasisilaw sa mga materyal na bagay at hindi na nambababae.

Maraming naninibago, kung paanong marami ring nagtatawa lang sa kaniyang mga sinasabi. Pero may nakausap kaming mga personalidad na nagpapatunay na seryoso si Pacman sa mga salitang lumalabas sa bibig niya ngayon.

Sumasailalim pala sila ngayon ni Jinkee sa isang marriage counseling. Si Pastor Jeric Soriano na ama ni Direk Paul na karelasyon ni Toni Gonzaga ang gumagabay sa kanila ngayon.

“Dati nang religious si Pacman, pero iba ang ginagawa nila ni Jinkee ngayon, talagang seryoso sila sa Christian marriage counseling, madalas nilang kasama si Pastor Jeric Soriano.

“Pagkatapos ng trabaho niya sa Congress, diretso na agad siya sa bahay nila, hindi na siya iyong dating Pacman na puro granatsa lang ng katawan ang iniintindi niya, puro pagpapasarap, umiinom at nagsusugal pa nga.

“Maganda ang resulta ng ginagawa nila ngayon, matindi ang bonding ng pamilya nila, saka talagang hindi na umiinom si Congressman Manny, hindi na rin siya nagsusugal at iwas na iwas na siya sa tukso,” kuwento ng isang sikat na personalidad na nakakuwentuhan namin.

Ang mga ganoong pagbabago ay hinahangaan. Hindi pinagdududahan o pinagtatawanan. Napakasarap isipin na habang maaga pa ay nagising na agad sa katotohanan ang Pambansang Kamao na anumang mga materyal na bagay na mayroon siya ngayon ay palamuti lamang, hindi niya iyon madadala sa langit kapag siya ay tinawag na ng Maykapal.

Kris Aquino – Hinulaang magiging pangulo ng bansa

Kalat na kalat na ang kuwento tungkol sa hula na magiging pangulo ng ating bayan si Kris Aquino. Puwede, bakit naman ang hindi, imposible bang maupo bilang pangulo ang aktres-TV host?

Kung nasa tamang edad na siya at malinis naman ang kaniyang hangaring makapaglingkod sa bansang pinamunuan ng kaniyang namayapang ina at kapatid ay walang kuwestiyon doon, may karapatang kumandidato si Kris Aquino.

Pero siyempre’y may mga haters si Kris, walang nakikitang dahilan ang mga ito para maupo sa Palasyo ang aktres-TV host na kinaiinisan nila, ano raw naman ang gagawin ni Kris kung maluluklok nga siyang presidente?

Nagkokomedya namang komento ng isang nag-text sa amin, “Oo, puwede naman siyang maging pangulo. Puwede siyang maging presidente ng Pilipinas… Got Talent!”

Iwa Moto at Leandro Muñoz – Magkaibigan lang daw sila

Bakit kaya kailangang ipagluto ng adobong manok ni Iwa Moto si Leandro Muñoz? Magaling pala kasing magluto si Iwa, lahat ng klase ng pagkain ay kaya niyang lutuin. Isa raw iyon sa mga dahilan kung bakit minamahal siya ng kaniyang mga nakakarelasyon.

May proyektong pinagsasamahan ngayon sina Iwa at Leandro, kaya siyempre’y nagkakalapit ang kanilang kalooban, pero ayon sa dalaga ay wala raw namang malisya iyon dahil magkaibigan lang sila.

Masarap palang maging kaibigan si Iwa Moto, ipinagluluto niya ng adobong manok ang kaniyang kaibigan, di ba naman?

Mega at Willie – Magkaibigan na muli, wala na ang tampuhan

Napakasarap panoorin nina Willie Revillame at Sharon Cuneta habang nagtutudyuhan sa ere. Sa kanilang pagbibiruan sa Wil Time, Bigtime ay parang hindi sila nagkatampuhan noon.

“One billion ba naman!” biro ni Willie kay Mega, pero mabilis bumalik si Sharon, “Naku, sa isa ko, apat ang sa iyo!” At tinudyo pa uli ni Mega si Willie, “I love you, I love your airplane!”

Pumutok man nang sabay-sabay ang mga bulkan ay hindi maaaring kalimutan ni Willie Revillame ang kabutihan ng puso sa kaniya ni Sharon Cuneta. Madalas niyang banggitin iyon sa amin.

Noong nawalan ng trabaho si Willie ay isa si Sharon sa iilang unang-unang nag-text at tumawag sa kaniya. Nagpadala pa ng pampinansiyal na tulong sa kaniya si Mega. Sa isang katulad ni Willie na marunong magpahalaga sa suporta ay habambuhay niyang tatanawin iyon kay Sharon.

Iyon ang ugali na pareho silang mayroon. Maluwag ang kanilang bulsa at nakabukas ang kanilang mga palad para sa mga kaibigang nangangailangan. Boses lang ang kanilang marinig ay nagdidikta na ang kanilang puso para tumulong.

At hindi sila umaasa ng balik. Siraan man sila at traydurin ng tinulungan nila ay hindi na sila ang nagdadala noon, ang mahalaga ay umaksiyon na ang kanilang puso sa isang panahong may magagawa silang suporta.

Mommy Evelyn Soledad – Nagtaray sa kasal ni Shalani at Roman

May kuwentong nakarating sa amin na uminit ang ulo ni mommy Evelyn Soledad, dakilang ina ni Shalani, noong mismong reception ng kanilang kasal ni Congressman Roman Romulo.

Kapansin-pansin ang pagsima-simangot ng ina ni Shalani, marami ring nakarinig sa kaniya na salita nang salita, pero ayon naman sa aming source ay may pinanggalingan ang hindi kagandahang ikinilos ng ina ng konsehala sa mismong araw ng kasal nito.

“Marami kasing hindi nasunod, alam n’yo naman si Ma’am Evelyn, ma-protocol siya. Isa pa, hindi naasikasong mabuti ang mga bisita nila, walang upuan, parang napahiya siya, siyempre!

“Napakagulo naman kasi talaga ng kasalang iyon, parang wala silang wedding planner, poor ang coordination nila, sa totoo lang,” kuwento ng aming kausap.

Kahit ang mga principal sponsors ay hindi rin nabigyan ng maayos na pag-aasikaso noong kasalang Romulo-Soledad, dahil si Congressman Cynthia Villar na ninang pa naman ay pinatayo sa upuan niya, pero hindi na binalikan pa uli para bigyan ng bagong upuan.

“Ang gulo-gulo, parang walang preparation ang wedding na iyon, may naturingang wedding planner, pero parang wala naman silang plan,” sarkastiko pang komento ng isang dumalo na nakausap namin.

Sa obserbasyon naman na parang nakasimangot palagi ang ina ni Shalani ay hindi na iyon bago, mukha talagang aristokrata kung kumilos si Mommy Evelyn Soledad, pero hindi iyon nangangahulugan na maldita siya.

Mas gusto na namin ang magandang PR ni Mommy Evelyn na kahit yata isang porsiyento lang ay hindi nakuha ni Shalani Soledad. May sariling mundo ang bagong kasal na konsehala ng Valenzuela City, marami ngang nagkokomento na parang masyadong feeling ang pulitikong ito.

Sa totoo lang.

Niña Jose – Nag-ilusyon na nililigawan siya ni Bossing Vic

E, lukaret pala naman ang Niña Jose na ito, e! Nagtataka raw siya kung bakit nasusulat na nililigawan siya ni Bossing Vic Sotto, samantalang wala namang katotohanan iyon. Non-showbiz guy daw ang boyfriend niya.

Kundi ba naman isang dakot na lukaret ang babaeng ito. Sino ba ang nagbigay ng insinwasyon hindi lang sa mga manunulat kundi pati na sa publiko na nanliligaw sa kaniya si Bossing Vic?

Kailan lang ipinalabas ang interview sa kaniya ni Zoren Legaspi sa Paparazzi Showbiz Exposed kung saan niya sinabing may espesyal na pagtingin sa kaniya ang sikat na aktor-TV host, Marvic nga lang ang tawag niya kay Bossing Vic na nagpapaka-Dina Bonnevie pa siya, tapos ngayon ay sisisihin niya pa ang mga kolumnistang nagsulat tungkol doon?

Nagpapakakontrobersiyal nga lang pala ang dalagang ito dahil ngayon ay tigas na ang pagtanggi niya na hindi naman siya nililigawan ni Bossing Vic. Wala raw dapat ikagalit sa kaniya si Pauleen Luna na napapabalitang karelasyon ng komedyante, mayroon daw siyang boyfriend na hindi taga-showbiz. Nakakaloka ang babaeng ito.

Paano niya ipagkakaila ang isang panayam na recorded? Ilang ulit man nating pasadahan ngayon ang nasabing panayam ay malinaw pa rin ang pangyayari, si Niña Jose at hindi ibang tao ang nagbigay ng insinwasyong nililigawan nga siya ni Bossing Vic Sotto. Sino ngayon ang nakapagtataka ang mga pinagsasasabi?

Bakit siya nagtataka kung bakit lumabas ang kuwento? Bakit kailangan niyang ipasa ang sisi sa mga reporters, samantalang siya itong walang pakundangang nagsabi na nanliligaw nga sa kaniya si Bossing Vic Sotto?

Ay, lukresya talaga ang babaeng ito.

Jessa Zaragoza – Naubos ang pasensya sa set ng Kokak

Mabuti na lang at hindi palengkera si Jessa Zaragoza. Mabuti na lang at naging popular ang actress-singer nang walang pangit na imahe ng pakikipag-away sa kung kani-kanino.

Tahimik lang si Jessa, todo-pasa lang sa kahit ano. Wala siyang kaartehan sa katawan at sumikat siya nang maganda pa rin ang pagkakilala sa kaniya ng publiko.

Mahalaga ang ginagampanan niyang papel sa isang panghapong serye ng GMA-7, siya ang nanay ng baguhang si Sarah Lahbati. Maasahan pa rin talaga sa pag-arte si Jessa kahit pa mas sumikat siya bilang singer.

Kailan lang ay napuno ang actress-singer sa nagmamalditang tiyahin ni Sarah. Dalawang beses na kasi siyang minamaliit nito, pero noong nakaraang Biyernes lang siya pinanawan nang mahabang pasensiya.

Kuwento ng aming source na nandoon mismo sa set ng Kokak, “Sumosobra na kasi ang Tita Marie ni Sarah, parang ang tingin niya sa pamangkin niya, eh, super-sikat na, kaya kinakayan-kayanan na lang niya ang ibang tao.

“Sinabihan niya ang PA ni Jessa noong minsan na ililipat na lang daw niya ang mga kagamitan ni Jessa sa kabilang kuwarto. Nagsumbong ang PA ni Jessa sa kaniya, pero knowing Jessa, tinawanan lang niya ang ginawa ng tita ni Sarah.

“Pero noong Friday, eh, ganoon na naman ang ginawa niya. Ipinalilipat niya sa ibang dressing room ang mga kagamitan ni Jessa. Ayaw niyang may makasama sa dressing room si Sarah.

“Doon na napuno si Jessa, kinausap niya ang tita ni Sarah, sinabihan niya na ang dressing room, eh, hindi exclusive para sa pamangkin lang niya. Sa liit ng lugar na pinagteteypingan nila, eh, walang puwedeng umangkin na kaniya lang ang dressing room.

“Para mapagalit nila si Jessa na wala ngang kakibu-kibo, eh, sumosobra na talaga sila. Kabagu-bago pa nga lang naman ni Sarah, eh, ganyan na ang tita niya? Paano kapag sumikat pa iyon, di lalo na?” naiinis na kuwento ng aming impormante.

At mayroon pang dagdag na kuwento ang aming source. Noong minsan daw ay tinarayan naman ng mismong ina ni Sarah ang utility nila sa set. Nanghingi raw kasi ito ng kape at hindi nakapagbigay agad ang utility dahil maraming inaasikaso.

“Aba, nagtaray ang mommy ni Sarah, sinita niya ang utility at ang sabi niya, ‘Bakit hindi mo ako inaasikaso? Hindi mo ba alam na ako ang mommy ng bida n’yo?’

“Hindi nila puwedeng idenay iyon, marami silang magkakaharap noong magtaray ang mommy ni Sarah, nakarating din iyon sa executive producer nila, kaya wala silang puwedeng itanggi tungkol doon!” paalala pa ng aming impormante.

Hindi pa namin nakikita nang personal si Sarah Lahbati, pero sa panghapong seryeng pinagbibidahan nito ay mukhang mabait naman ang dalaga, kabaligtaran ng imaheng mayroon ngayon ang kaniyang tita at ina.

Sayang ang dalagang ito kung ngayon pa lang ay ganyan na ang inuugali ng kaniyang mga kasama. Si Jessa Zaragoza pa ang napili nilang maliitin, samantalang kahit mayroon na siyang karapatang mag-inarte ay puwede naman pero hindi niya iyon ginagawa.

Pahabol pa ng aming source, “Kung mayroon mang may karapatang humingi ng solong dressing room, eh, si Ma’am Jessa iyon dahil mayroon na siyang napatunayan!” Eh, itong si Sarah, kabagu-bago pa nga lang niya?

“Pagkatapos nitongKokak, paano na siya? Kailangan niyang sabihan ang tita niya na nagmamaldita, nagmamayabang, dahil ang akala yata niya, eh, sikat na ang pamangkin niya!” nagmamaasim na komento pa ng aming impormante.

Mismo!

Rico J. Puno – Laos na, dapat magpakatino na!

Ang akala siguro ni Rico J. Puno ay napakalawak ng mundo ng showbiz para hindi makarating kay Willie Revillame ang kaniyang mga paninira. Hindi maingat ang may edad nang singer na ito. Padaskul-daskol siyang mamintas, nakararating iyon sa mga taong minamaliit at pinipintasan niya nang patalikod.

Hindi puwedeng magsinungaling ang matanda nang singer dahil mismong mga taong malapit sa kaniya ang naglabas ng kuwento. Awang-awa ang mga ito kay Willie kapag inuupakan nang patalikod ni Rico, dahil alam nila kung gaano katinding suporta ang ginagawa ni Willie para sa inakala nitong kaibigan pero hindi naman pala tapat sa kaniya.

“Nagtataka lang ako, dahil kapag magkaharap naman sila ni Willie, eh, puro papuri ang maririnig mo sa kaniya. Pero kapag wala na si Willie, dyusko, nakakaloka si Rico J.! Lahat ng pamimintas, maririnig mo mula sa kaniya!

“Kesyo hindi raw naman magaling na komedyante si Willie, ginagaya lang daw ang atake niya. Kesyo nagtataka raw siya kung bakit nagna-number one sa charts ang mga kanta ni Willie, samantalang wala naman siyang boses, hindi raw naman siya singer talaga.

“Kapag nalalaman niyang malakas ang benta ng mga albums ni Willie, agad na siyang kukuda (read: dadaldal), bakit daw iyong mga hindi pa tunay na singers ang sinusuportahan ng mga kababayan natin, bakit daw successful ang mga kanta ni Willie?

“May inggit factor iyon, eh. Dahil kung wala, dapat, eh, hindi niya sinisiraan si Willie, dahil napakabait noong tao sa kaniya. Mula noong kumandidato siya bilang konsehal sa Makati, bitbit niya doon si Willie, walang talent fee iyon!

“Kapag may problema siya, kay Willie rin siya tumatakbo, may lumabas bang kahit ano tungkol doon? Hindi lang insecurity ang umaariba kay Rico J., inggit na iyon talaga, matindi ang inggit niya kay Willie,” paglilitanya ng aming kausap.

Kunsabagay ay hindi na bago ang panglalaglag ni Rico J. Puno. Kahit naman sa grupo nila nina Marco Sison, Nonoy Zuñiga, Rey Valera at Hadji Alejandro ay maraming isyung sumusulpot nang dahil sa kaniya.

“Ito ang dapat sagutin ni Rico J. Bakit nga ba humiwalay na sa kanila si Hadji? Bakit umalis na iyong tao sa grupo nila? Di ba, malapit na silang magkasuntukan sa isang hotel room noong nasa ibang bansa sila?

“Ano na ba ang nangyayari kay Rico J? Bakit siya nagkakaganyan? Lahat na lang, binibira niya. Kalalaki niyang tao, pero sa inuugali niya, eh, mas masahol pa siya sa ____babae!” gigil na gigil pang komento ng aming source.

 

 

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback