|
|
| Tuesday, 01 September 2009 00:27 | |||||||||
Willie Revillame – Balik na sa Wowowee sa September 21 Nagpalabas na ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN tungkol sa posisyon ngayon ni Willie Revillame. Bilang pagtugon sa reklamong inihain ng MTRCB laban kay Willie at sa noontime show ay nagdesisyon ang kumpanya na pahabain pa ang pagbabakasyon ni Willie sa Wowowee.
Marami pang pagpansin ang MTRCB sa programa, tulad ng pagtawag-tawag kay Pokwang ng Pokie. Matagal nang nakarating sa amin ang kuwentong hindi gusto ng ahensiya ang tunog ng pangalan ng komedyana. Kung hanggang September 20 ang magiging bakasyon ni Willie ay maaasahan na ang kaniyang pagbabalik sa September 21, iyun ang dineklara ng Dos, kaya tatlong linggo pang hindi mapapanood sa Wowowee si Willie. Pansamantala ay gagamitin na lang muna ni Willie ang kaniyang panahon sa pag-aasikaso sa mga aspekto ng kaniyang personal na buhay na hindi niya nabibigyan ng panahon at atensiyon kapag mula Lunes hanggang Sabado siyang sumasalang sa kaniyang noontime show. Nasa Cagayan de Oro siya noong Agosto 30, sa isang linggo naman ay aalis na ang kaniyang grupo papuntang Amerika. Kailangan nilang tuparin ang natanguan nilang kompromiso ng pagso-show sa ilang parte ng Amerika bago pa naganap ang kontrobersiya sa Wowowee. Nora Aunor – Wala nang magtiwalang producer Aktibo na naman ang mga tagahanga ni Nora Aunor sa pagpapadala ng mga mensahe ng paninira kay Governor Vilma Santos. Parang ibinabalik ng mga ito ang dekada ‘70 noong parang mga pusa at daga ang kanilang mga tagahanga. Isa lang ang malinaw na dahilan ng lahat, nagagalit ang mga Noranians dahil hanggang ngayo’y namamayagpag pa rin ang Star For All Seasons. Pagkatapos nang mahigit na tatlong dekada ay nagbibida pa rin si Governor Vilma, samantalang si Nora Aunor ay kinakambalan ng kung anu-anong mapanirang kuwento ng ating mga kababayan sa Amerika. Kungsabagay, kami man ang mga Noranian ay maiinis-maiinggit din kami. Imagine nga naman, magkaedad lang naman sina Nora at Governor Vilma, pero bakit parang hindi pinagdadamutan ng tiwala ng mga prodyuser si Ate Vi, samantalang iba naman ang situwasyon kay Nora. Kuwento ng isang kaibigan namin, may kinausap daw silang kasamahan sa Amerika para magprodyus ng pelikula ni Nora, pero nagulat sila sa naging reaksiyon nito. “Para siyang nakakita ng multo! Parang bigla siyang inalihan ng takot! Ang sabi niya sa akin, ‘Tantanan ninyo ako! Nananahimik ang buhay ko, huwag ninyo akong guluhin!’ “Kasi pala, mayroon na siyang trauma kay Nora. Mayroon siyang mga kaibigang nag-produce noon ng concert ni Nora, pero nagkalugi-lugi. Hindi pa naman daw kasi sila nagpipirmahan ng contract, bumabale na si Nora. “Noong rehearsal na, pinahihirapan sila ni Nora. Nagwawala-walaan siya. Hindi sumasagot sa mga tawag nila. Noong finally, e, sumagot daw si Nora. Kinukuha na sa kanila ang complete payment sa concert, samantalang ang usapan nila, bago magsimula ang show sa mismong gabi na. “Para sumipot sa rehearsal si Nora, ibinigay na rin nila ang full payment, pero itsinek-in na siya sa isang hotel at binantayan na ng isang production staff nila para huwag silang bitinin sa mismong show,” tawa nang tawang kuwento ng aming kaibigan. Angel Locsin – Mas paborito si Nora kaysa kay Vilma Una naming narinig ang kuwentong break na sina Luis Manzano at Angel Locsin sa isang grupo ng mga utility men. Napansin ng mga utility men na parang walang kibo si Angel pagkatapos ng kaniyang take. Noong mabasa ng grupo ang kuwentong break na nga sila ni Luis Manzano ay saka lang nila naisip na kaya pala ganoon si Angel na parang nagmumukmok lang siya sa isang sulok pagkatapos niyang sumalang sa mga camera. May problemang personal nga pala ang batang aktres. Bago pumutok ang isyung hiwalay na sila ay nasulat namin ang dalawang insidenteng walang-wala sa hinagap namin na madadamay pala sa kuwento ng hiwalayan. Isang tagasubaybay ni Governor Vilma Santos ang nag-text sa amin. Nalaman daw nito na masama ang loob ng mga tagahanga ng aktres/pulitiko kay Angel Locsin dahil noong tanungin siya kung sino ang pinakamahusay na aktres para sa kaniya ay si Nora Aunor ang isinagot ni Angel. Sabi ng aming kausap, “May right naman siyang magsabi ng ganoon, pero dahil magkarelasyon sila ni Lucky, sana sinarili na lang muna niya. Siyempre, sensitibo ang mga Vilmanian. Hindi nila naintindihan ang sinabing iyun ni Angel,” komento ng aming source. Ang ikalawa naman ay tungkol sa hindi niya pagbibigay ng prayority sa pagho-host ng ikatlong episode ng Vilma: A Woman For All Seasons. Siya sana ang magho-host ng TV special ni Governor Vilma, pero hindi natuloy iyun kaya si Ai-Ai delas Alas ang nag-host. Dalawa iyun sa maraming dahilan na itinuturo ngayon ng mga nakapaligid sa kanila kung bakit nagkahiwalay sina Luis at Angel. Mayroon ding mga nagsasabi na third party ang dahilan, pero walang makapagkumpirma ng balita dahil pareho pang tahimik ang magkabilang kampo. Gov. Vilma Santos – Walang tatalo pagdating sa acting Walang kasawa-sawa naming tinututukan ang trailer ng bagong pelikulang In My Life, dahil minsan pa naming nakita ang kaniyang pagganap na sinsero at walang kakupas-kupas. Minsan sa isang taon nga lang siyang gumawa ng pelikula dahil abala siya sa pagiging ina ng Batangas, pero sinusulit niya naman ang panahon at pera ng ating mga kababayan, dahil piling-pili ang mga tinatanggap niyang proyekto. Sabi ng cinematographer nilang si Charlie Peralta, “Wala akong pipikitang eksena sa movie, kahit kaming kasama na mismo nila sa pagtatrabaho, nadadala pa rin ng mga eksena. “Abangan mo iyung confrontation nila ni John Lloyd Cruz. Tapos na pala ang eksena, pero nakalimutan kong patayin ang camera, mesmerized ako, ang gagaling kasi nila. “Iyung eksena nila ni Luis, noong ipagtapat na ni Luis sa kaniya na mayroon pala siyang sakit, tingnan mo ang depth at sincerity ng acting nilang mag-ina,” dagdag ni Kuya Charlie. Ngayon pa lang ay nakalaan na ang panahon namin para sa In My Life. Peksman ay hindi namin palulusutin ang pelikulang ito. Sumakabilang-buhay si Mommy Linda Martinez noong nakaraang Hulyo. Mula noon ay literal na araw-araw na nagpupunta sa Heritage Park Columbarium ang magkakapatid. Pagkatapos nilang magsimba ay naroon na ang magkakapatid na Beck-Beck, Maricel, Mike, Mel at ilan nilang malalapit na kaibigan. Naaalala nila ang pagiging masayahin ni Mommy Linda, ang pagiging baklang-bakla kapag nagkakausap sila. Pati ang malutong na pagmumura bilang lambing ng kanilang ina ay umaalingawngaw pa rin sa magkabilang tenga nila hanggang ngayon. “Si Marya, nakakasama namin kapag Sunday o kapag wala siyang masyadong trabaho. Pare-pareho pa kaming hirap ngayon, napakahirap,” kuwento ng panganay na si Beck-Beck. Dumating sa lamay si Willie Revillame. Hindi maaaring tablahin ng TV host ang kaisa-isang babaeng nakamura sa kaniya mula ulo hanggang paa. Anak nina Willie at Beck-Beck si Meryll Soriano.
Have a comment on this article? Send us your feedback
|





