Print E-mail
Wednesday, 16 September 2009 00:25
Cristy Per Minute    Setyembre 16 - 30, 2009


 Kim Chiu & Gerald Anderson
Kim Chiu at Gerald Anderson – Peke lang ang love scene

Iyung video sa You Tube na nagsasabing nahuling magkasama sa kama sina Kim Chiu at Gerald Anderson ay peke. Hindi sa totoong buhay iyun kundi eksena sa kanilang kunwari’y honeymoon sa tele-seryeng Tayong Dalawa.

Pinalala na lang iyun ng mga paksiyong galit sa magka-loveteam. Pinalabas na nahuli silang nagmimilagro sa kama at nakanganga pa raw si Kim sa sobrang kaligayahan. Ang nagagawa nga naman ng makina.

Pinagtatawanan lang ito ng dalawa. Alam nila ang totoo na naganap lang iyun sa taping nila; pero may mga kababayan tayong naniniwala na sa totoong buhay nangyari iyun.

Ang ganoong senaryo ay patotoo lang na malakas talaga ngayon ang team-up nina Kim at Gerald. Pero kahit hindi pa sila umaamin, kahit kami’y naniniwala na meron silang relasyon sa totoong buhay.

Naalala pa namin noong interbyuhin namin nang magkasabay sina Kim at Gerald. Sariwa pa noon ang balita tungkol sa isang babaeng diumano’y karelasyon ng aktor, halatang-halata ang galit ni Kim kay Gerald dahil ni hindi kinakausap ng dalaga si Gerald.

Kung wala silang relasyon sa totoong buhay at sa katsang-telon lang ang kanilang pagmamahalan, ano naman ang karapatang magselos at magalit ni Kim? At bakit din kailangang magpaliwanag si Gerald na walang katotohahan iyun?

 Piolo Pascual & KC COncepcion
KC at Piolo – Sila na nga ba?

Kahit saan kami magpunta ay maraming nangungulit sa amin. Ano na ba talaga ang totoong relasyon ngayon nina Piolo Pascual at KC Concepcion, sila na nga ba?

Kung kami ang tatanungin ay puwede naming sabihing oo dahil kabisado namin ang lengguwahe ng katawan at kilos ng mga artista kapag merong magandang namamagitan sa kanila.

Pero hindi namin maaaring pangunahan sina Piolo at KC. Wala pa silang idinedeklarang anuman tungkol sa kanilang relasyon.

Pero kung paniniwalaan ang kanilang kilos ngayon ay malaki ang posibilidad na mayroon na silang espesyal na atraksiyon sa isa’t isa.

Matagal na silang nagkakasama at sila ang bida sa bagong serye ng ABS-CBN na Lovers In Paris.

At hindi lang sa trabaho, kahit sa konbiksiyon ay magkasama sila. Pareho silang kristiyano na regular sa kanilang Bible study sessions.

Kadalasan ay ginaganap ang Bible study sa condo ni Piolo. Marami silang mga artistang nagkakasama-sama doon, kaya nga napabalitang madalas magpunta ang dalaga ni Sharon Cuneta sa pad ni Piolo.

 Kristine Hermosa
Kristine Hermosa – Maldita pa ba?

Napakaganda naman talaga ni Kristine Hermosa. Kahit itabi mo siya sa kaniyang mga kasabayan, may make-up man o wala, magmumukha silang mga dama lang ng reyna sa labanan.

Pero bakit nga ba palaging bida sa mga kuwento ang pagmamaldita ni Kristine?

Sasabihin ng isa, “May mga times na dumarating siya sa set na hindi kumikibo. Nagbubuka lang siya ng bibig kapag take na. Pero pagkatapos noon, balik na naman siya sa sarili niyang mundo. Mahirap ispilingin ang ugali ni Kristine.”

Ang kakuparan na parang pagong ay nadikit lang kay Snooky Serna, pero ayon sa aming kausap ay mas makupad pa kay Snooky si Kristine.

Napakabagal niyang kumilos. Marami siyang tsetse-buretse sa katawan. She doesn’t care kung maraming naghihintay sa kaniya,” ayon pa sa isang source namin.

Pero noon pa iyun. Kailan lang ay nakarating sa amin na iniupo nang seryosohan ni Direk Johnny Manahan si Kristine para “rolyohan.”

Nangyari iyun bago nag-start ang taping ng Dahil May Isang Ikaw, balik-tambalan nila ni Jericho Rosales. Sinabi sa kaniya ni Mr. M na ayaw na niyang makarinig pa ng problema mula sa production.

Maayos naman si Kristine, hindi na siya nagiging cause of delay, wala nang nasasagupang problema ang production staff sa kaniya,” ayon pa sa aming source.

 Kris Aquino
Kris Aquino – Taklesa at prangka, na-offend ang mga taga-Valenzuela!

Maraming nagkakagusto sa diretso at parang nilangisang dila ni Kris Aquino.

Sa isang mundo na kung tawagin ng marami ay mapagkunwari, hinahangaan ng marami ang pagiging totoo ni Kris. Pero totoo rin ang kasabihan na anumang sobra ay nakasasama na.

Naging negatibo ngayon ang imahe ni Kris dahil sa pagsasabi niya na huwag munang mag-asawa ang kaniyang kapatid na si Senador Noynoy na nagdeklara nang tatakbo sa panguluhan sa ilalim ng Partido Liberal.

Pero ang pagkainis kay Kris ay may basehan. Hindi basta pagkainis lang ‘yun sa kaniya. Marami silang sinasabing halimbawa na kakikitaan ng punto.

Alangan namang hindi niya alam na girlfriend ng kapatid niya si Konsehal Shalani? Siya pa ba naman ang mahuhuli sa balita, e, pa-know all nga siya?

So, sa pagsasabing gusto niyang maging single si Sen. Noynoy at sa pagsasabi niyang ayaw niyang magpakasal ang kapatid niya, alam niya na mayroon siyang nasasagasaan.

Matalino si Kris, alam niya iyun. Kaya lang, talagang kapag ayaw niya sa isang tao, gagawa at gagawa siya ng paraan para ipaalam sa publiko ang pag-ayaw niya.

Ikalawa, si Kris dapat ang nakakaalam na walang magagawa ang kahit anong sulsol ng ibang tao kapag puso na ang pinag-uusapan. Noong time na makipagrelasyon siya at makipag-live-in kina Phillip Salvador at Mayor Joey Marquez na pareho nang may-asawa, against na against doon ang family niya, di ba?

Nag-away pa nga sila ni Sen. Noynoy, ilang years silang hindi nag-uusap. Pero may nagawa ba ang pamilya niya sa katigasan ng kaniyang ulo?

Tama na ang pakikialam, buhay na lang nila ni James Yap ang asikasuhin niya. Hindi siya papayat at hindi liliit ang mga braso at binti niya kung pakikialaman niya ang relasyon nina Sen. Noynoy at Shalani!” reaksiyon ng aming kausap.

Pero napakabilis na kumambiyo si Kris. Noong mapansin niya na maraming nainis sa kaniyang sinabi, bigla siyang nanghingi ng sorry sa ere at nagpakataklesa na naman sa pagsasabing siya na ang sasagot sa gastos sa kasal ng kaniyang kuya.

Napapailing na sabi ng kausap namin, “Kailan ba naman matututo si Kris? Gagawa siya ng kapalpakan, magso-sorry siya. Gagawa uli siya ng kapalpakan, magso-sorry na naman siya.

 Billy Crawford
Billy Crawford – Na-offend ang mga bading!

Nakatanggap kami ng mga tawag mula sa mga kaibigan naming katawang-lalaki pero pusong-babae. Galit sila. Naglabas sila ng saloobin, ang kanilang target – si Billy Crawford.

Hindi nila nagustuhan ang ginawang pagbabakla-baklaan ni Billy sa opening pa lang ng ASAP ‘09. Lalo na noong iniinterbyu ang mga hunk actors ng Katorse. Ang ipinakikita noon ay ang magazine na naglalaman ng mga sexy pictorial ng mga macho at guwapong aktor ng Dos at ng Siyete.

Inagaw ni Billy ang kopya ng Cosmo, saka nagbakla-baklaan ulit. Hindi iyun nakalusot sa matutulis na mata ng mga kaibigan naming oo nga’t pusong-babae ay hindi namang pabigat sa lipunan.

Sabi ng kaibigan naming tumawag mula sa Tacloban, “Napakabastos ni Billy, akala niya, e, nakakatuwa siya, pero maraming gay ang na-offend sa ginawa niya sa ASAP.

Nagbakla-baklaan siya. Noong iniinterbyu na ang cast ng Katorse, parang tulo-laway niyang tiningnan ang mga sexy photos ng mga hunks sa Cosmo Mag.

Ganoon kababa ang tingin niya sa mga bading. Parang gusto niyang palabasin na kapag nakakakita ng sexy men, e, halos hindi na mapakali ang mga bading. Bastos siya!” matalim na pahayag ng aming kaibigan.

Ganoon din ang reaksiyon ng isa naming kaibigang taga-Parañaque.

Hindi ko na talaga siya gusto kahit noong kararating pa lang niya. Lalo ko pa siyang inayawan noong mapanood ko siya sa ASAP na nagbabakla-baklaan. Masyadong mababa ang tingin niya sa mga bading, wala siyang utang na loob!

Kuya Germs is gay, pati ang mga tumulong sa kaniya sa ABS-CBN, karamihan, bading, pero ginagawa niyang joke ang pagiging bading!” inis na pahayag ng tumawag sa amin.

Ganoon din ang sinabi ng isa pang tumawag sa amin. Bastos si Billy. Ginagawa niyang katatawanan ang kabadingan. Wala siyang respeto sa ikatlong lahi.

Napanood din namin ang mga eksenang tinutukoy ng aming mga kausap, kahit kami’y nahalayan sa mga ginawa ni Billy.

Nasa isang variety show si Billy. Hindi hinihingi ng programa ang ginawa niyang pagbabakla-baklaan, pero may kayabangan kasi talaga ang singer-TV host na ito.

Balita nga’y maraming kasamahan niya ang naiinis sa kaniya. Masyado raw kasing feeling guwapo at magaling ang lalaking ito, kaya maraming nagtataka kung bakit siya nagustuhan ni Nikki Gil.

Nasa Pilipinas na siya, kaya sana’y hubarin na ni Billy Crawford ang kulturang kinalakihan niya sa kung saan mang lupalop iyun. Kailangang makibagay siya sa bansang bumubuhay na sa kaniya ngayon.

Mommy Dionesia Pacquiao – sosyal na sosyal na

Makapal na talaga ang bulsa ni Mommy Dionesia Pacquiao mula nang kagatin ng iba’t ibang ahensiya ang pagiging nanay niya sa Pambansang Kamao. Maraming nagkainteres sa kaniya para gawing tagapag-endorso ng kanilang mga produkto.

Noong una ay kasama lang siya ni Manny Pacquiao sa ilang patalastas, pero noong bandang huli ay sinosolo na ni Mommy Dionesia ang exposure. Aminado naman siya na ang susi ng suwerte ay ang kaniyang sikat na anak.

Damay lang ako sa kasikatan, kundi dahil kay Manny, sino ba naman ako?” pahayag ng ina ni Pacman.

Sosyal na talaga si Mommy Dionesia. Kahit saan siya magpunta ngayon ay meron na siyang mga kasamang alalay. May sarili na rin siyang make-up artist. Donyang-donya na talaga ang dating.

At hindi uso sa kaniya ang hiya-hiya. Kapag pinagsayaw mo siya ay tugtog agad ang kaniyang hahanapin, “Isalang mo ang rumba, kung wala, isalang mo ang cha-cha!”

Ganoon siya kadaling kausap. Diretso siya. Hindi siya mahilig sa pagpapaligoy-ligoy.

Sa tanong naman kung hindi ba kaplastikan lang ang ipinakikita nilang pagkakasundo ng kaniyang manugang na si Jinkee ay mabilis ang sagot ni Mommy Dionesia.

Lagi namang ganoon ang kuwento tungkol sa magbiyenan. Pero hindi totoong magkaaway kami ng manugang ko, iniintriga lang kami ng ibang tao,” katwiran ni “Mommy Pacman.”

 Angelica Panganiban
Angelika Panganiban – Maagaw kaya ni Gretchen si Derek?

Siguro nga’y sinasabi lang ni Angelica Panganiban na hindi siya naaapektuhan sa lantarang pagpapakita ng interes ni Gretchen Barretto sa kaniyang boyfriend na si Derek Ramsay.

Pero, siguro sa likod ng kaniyang isip ay nandoon ang pagkaalarma, dahil hindi naman maikakaila sa kaniya ang mga pinagdaanan ni Gretchen sa pakikipagrelasyon.

Crush daw ni Gretchen si Derek, kaya nang magkita ang dalawa ay kinilig ang aktres. Gustong makasama ni Gretchen sa isang proyekto ang machong aktor-atleta.

Malaki raw ang tiwala ni Angelica sa kaniyang sarili. Alam daw niya kung ano ang posisyon niya sa puso ni Derek, kaya ano ang dapat niyang ikabahala kung nagpapakita man ng interes si Gretchen sa kaniyang boyfriend?

Pero pumupusta kami. Hindi nga siguro sila nag-away ni Derek, pero siguradong naging paksa iyun ng kanilang selosang pururot. Kahit paano’y may ipinag-aalala si Angelica, lalo na’t lantad naman ang mga “kalokahan” ni Gretchen Barretto pagdating sa mga kalalakihan.

Ayaw ni John Estrada ng ganyan! Ha! Ha! Ha!

 

Have a comment on this article? Send us your feedback