Print E-mail
Thursday, 01 October 2009 00:26
Cristy Per Minute    Oktubre 1 -15, 2009

 
Matindi talaga ang iniwang masakit na alaala ng bagyong Ondoy sa buong kapuluan. Hindi na gaanong umuulan, humupa na ang mapamuksang baha, pero kapag ipinakikita sa telebisyon ang naging epekto ng bagyo sa buhay ng ating mga kababayang nasalanta ay mapapailing ka na lang sa sobrang lungkot.

Tulad na lang sa Marikina, partikular na sa Provident Villages (tatlong subdivision pala ang nasa loob ng lugar na ito, kaya villages daw ang dapat itawag). Oo nga’t nakaligtas ang mga naninirahan doon ay napakalaking problema naman kung paano uli sila magsisimula ng daloy ng kanilang buhay.

Umabot nang hanggang poste ng Meralco ang tubig sa Provident Villages, lumubog ang mga kabahayan, nang balikan nila ang lugar ay balot na balot sa putik ang kanilang mga kagamitan.

Literal nang walang mapakikinabangan sa kanilang mga iniwanan. Parang ghost town ang Provident Villages. Nakalulunos ang naganap sa kanila noong kasagsagan ng bagyo at baha.

Akala nga nami’y dinadagdagan lang nila ang kuwento, pero noong kunan na ng iba’t ibang istasyon ang kabuuan ng lugar na iyon sa bukana ng Marikina ay parang huhulagpusan ka na ng pag-asa kung nakatira ka doon. Wasak na wasak ang kinabukasan ng ating mga kababayan.

Pero mayroon pa rin tayong mga kababayang mapagsamantala. Habang wala pa sa kani-kanilang mga bahay ang mga tagaroon ay pinasok ng mga ito ang mga bahay, saka pinagkukuha ang mga maaari pa nilang pakinabangan at ibenta.

Harinawang makunsensiya naman sana ang mga taong iyon. Sinalanta ng nga ng bagyo ang mga naninirahan doon ay nanakawan pa nila. Kung minsan tuloy ay maiisip na lang natin na may mga taong ipinanganak na walang kunsensiya.

 

Richard Gutierrez – Sinagip si Cristine Reyes at pamilya sa baha

Napakalaki ng pakinabang ng telepono noong nakaraang bagyo. Sa pamamagitan ng cellphone ay nakapag-text agad ang mga kababayan natin sa mga TV stations. Si Cristine Reyes ay nakapagpaabot agad ng panghihingi ng saklolo sa kaniyang mga kaibigan. Puro text ang kaniyang ginawa dahil pansamantala na silang naninirahan sa bubong ng kanilang bahay.

Napakataas na ng kanilang bahay noong lagay na iyun. Ilang beses na kaming nakapunta sa naturang bahay kasama si Ara Mina. Isa ang kanilang bahay sa pinakamataas sa Provident Villages.

Pero ayon kay Cristine ay kinain ng tubig ang kanilang bahay hanggang sa ikalawang palapag na. Ang ginawa nilang salbabida paakyat sa tangke ng tubig ay isang couch na lumulutang-lutang sa loob ng kanilang bahay noong tumaas na ang tubig. Wala na ring pakikinabangan sa kanilang mga kagamitan dahil nabalutan na iyun ng putik.

Si Richard Gutierrez ang kumuha kay Cristine sa bubong ng kanilang bahay sa pamamagitan ng speed boat. Hindi na sumama sa kaniya si Mommy Klenk. Hihintayin na lang daw nito ang pagbaba ng tubig. Hindi biro ang pinasok na risko ng guwapong young actor para lang maisalba si Cristine at ang pamilya ng dalaga. Hindi lahat ay magkakaroon ng ganoong tapang sa gitna ng kalamidad.

At ginawa iyon ni Richard Gutierrez nang walang nakatutok na mga camera, hindi niya ginawang promo para sa kaniyang sarili ang kadakilaang ginawa niya. Mula sa puso ang tulong na ibinigay ni Richard kay Cristine Reyes.

At iyon ang tunay na kahulugan ng pagtulong.

Kris Aquino – Maraming kaeklatan at katsipan

Sa halip na seryosohin ay naging running joke ang bagong kaeklatan ni Kris Aquino na ibebenta raw ng kaniyang matalik na kaibigang si Boy Abunda ang dalawang bahay nito para pandagdag-gastos sa kampanya ni Senador Noynoy Aquino.

 
Pagkatapos sabihin iyon ni Kris na kuntodo may paiyak-iyak pa, napakaraming tumawag sa amin. “Gusto mo bang bilhin ang dalawang bahay ni Boy for the love of Noynoy?”

Una ay wala kaming pambili. Ikalawa ay natsitsipan kami, kaya puro tawa lang ang isinagot namin.

Ang isa namang tumawag din agad sa amin ay ganito ang sarkastikong sabi, “Nasusuka ako sa kadramahan ng dalawang ‘yan! Tantanan na nga nila ang kung anu-anong katsipan? Nagiging comedy na tuloy ang kandidatura ni Senador Noynoy!”

Sa dami na ng sinundan ng tawag na iyun ay isa lang ang naisagot naming. Mas marami nang naunang nasuka kaysa sa kaniya. Ha! Ha! Ha! Katsipan!

***

Napapansin naman ng marami ang biglaang pagbabait-baitan ni Kris Aquino ngayon, hindi na raw siya masyadong nagtataray. Kahit daw ang mga tagahangang nagpaparetrato sa kaniya ay binibigyan niya na ng panahon.

Napaulat kasi noon ang sunod-sunod na insidente ng pagtataray at kaartehan ni Kris kapag may mga nagpapa-picture taking sa kaniya. Mas madalas kaysa sa hindi ay nagkukunwari siyang nagmamadali. Kung pagbigyan man niya iyon ay nakasimangot naman siya at parang napipilitan lang.

Pero ngayon ay game na game na si Kris, kahit naglalakad siya sa pasilyo ng Dos ay puwede na siyang makipag-pose sa mga nakikiusap. Ipinagtataka pa ba naman ‘yun?

Aba, sayang nga naman ang boto para sa kaniyang kapatid. Kapag kumalat nga naman ang pagmamaldita niya ay siguradong kabawasan iyun sa inaasahan nilang boto para sa kapatid niyang tatakbo sa panguluhan.

It’s all put on,” sabi nga ng isang sarkastiko naming nakausap. “It’s too obvious. Anumang bagay na ginagawa mo ngayon na hindi mo naman nakagawiang gawin, pagpapanggap lang ‘yun!” sabi ng aming kausap.

Sabi nga ng isang musikerong si Lourd de Veyra, ipatapon si Kris Aquino sa Africa, para manalo si Noynoy sa pagkapangulo!

Hindi iyon sinang-ayunan ng marami, dahil ang kanilang tanong, tatanggapin ba naman ng mga Africano si Kris? Ha! Ha! Ha!

 
Kim Chiu – Nagpoprotesta ang Kimerald sa pagpatay kay Kim

Punumpuno lagi ang aming inbox ngayon. Halos wala na kaming espasyo para sa mga bagong mensahe dahil sa mga text messages ng mga galit na galit na tagahanga ni Kim Chiu. Matindi ang galit ng mga tagahanga ng dalaga sa bumubuo ng tele-seryeng Tayong Dalawa at sa ABS-CBN.

Ang kanilang galit ay nag-ugat sa pagpatay kay Kim sa istorya. Ano raw ba naman ang akala ng network sa kanilang idolo, starlet na puwede nang basta patayin na lang sa kuwento?

Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga handa ang kalooban ng mga tagahanga na mamatay ang kanilang idolong bida sa kuwento. Parang noong panahon ng namayapang Hari ng Pelikula, kapag pinatay sa ending si FPJ ay tinitirador ng mga tagasuporta nito ang screen.

Sabi pa ng isang text message na tinanggap namin, “Sina Jake at Coco na hindi naman sikat, binuhay pa nila. Nabulag lang si Coco! Ginamit lang talaga nila ang Kimerald. Nakakasama sila ng loob!” kumpletong laman ng mensahe.

Martin Nievera – kailangan nang magpapayat ang Concert King

Baligtad ang nangyari pagkatapos ng concert nina Martin Nievera at Gary Valenciano noong Sabado (September 19) ng gabi. Sa halip na si Gary ang maospital dahil sa diabetes nito, si Martin ang isinugod sa Makati Medical Center dahil sa dehydration.

Ayon sa aming source ay biglang nanghina si Martin. Nahirapan din siya sa paghinga, kaya nag-alala ang kaniyang mga kasama. Wala namang peligro ang kaniyang situwasyon. Masyado lang sigurong napagod si Martin sa concert nila ni Gary na isang malaking tagumpay. Kung mag-perform kasi ang Concert King ay parang huling gabi na niya iyon sa mundo.

Ang pagkakaospital ni Martin Nievera pagkatapos ng matagumpay nilang concert ni Gary Valenciano ay isa nang malinaw na senyal na kailangan nang pangalagaan ng Concert King ang kaniyang sarili.

Kailangan niya nang magbawas ng timbang dahil ayon sa mga kaibigan naming nanood ay medyo nahihirapan na siyang abutin ang matataas na tono. May hingal factor na si Martin, samantalang si Gary V. ay punumpuno pa rin ng energy hanggang sa huling kanta nila.

Nahihirapan na siyang kumanta. Napapagod siya agad, pero naging emotional ang audience noong makita siyang umiiyak. Kinanta nila ni Gary ang Take Me Out Of The Dark. Kitang-kita sa wide screen na umiiyak si Martin,” balita sa amin ni Japs Gersin na gumamit ng ticket namin para sa konsiyerto.

Napakaganda raw ng concert, mula umpisa hanggang sa huli ay wala kang itatapong bahagi, dahil talagang ibinigay nina Martin at Gary ang lahat-lahat para sa kanilang mga tagasuporta.

Paano namang hindi made-dehydrate si Martin, e, dalawang oras silang kumanta nang kumanta. Ang ganda-ganda ng show! Hindi ka maiinip, masaya!” papuri pa ni Japoks.

Dr. Hayden at Dra. Vicki – Nagbalikan, nakakaasiwa na

Tawa kami nang tawa sa mga kuwento ng aming mga kaibigan. Isang gabi kasi ay nakasabay nilang kumain sa isang kilalang restaurant ang isang kilalang magkarelasyon.

Habang kumakain sila ay umaagaw ng kanilang atensiyon ang paglalambingan ng magkapareha. Sige-sige pa rin sa paglalantad ng kanilang paglalambingan ang dalawa. Para silang mga teenagers. Ayon sa aming mga kaibigan ay may nagtataas ng kilay at parang naaalibadbaran sa kanilang mga ginagawa.

Ang tinutukoy nilang magkarelasyon ay hindi mga artista, pero parang mga artista na rin ang dating, dahil sa pinagpipistahan nilang relasyon na napakakontrobersiyal.

Hindi magka-loveteam sa pelikula ang dalawa. Hindi na rin sila mga bagets, kaya siguro parang naaasiwa ang mga kumakain sa naturang restaurant kung bakit sila ganoon kumilos at maglambingan.

Ang tinutukoy na pareha ng aming mga kaibigan ay sina Dr. Hayden Kho at Dra. Vicki Belo.

Nakakaasiwa kasi silang tingnan. Parang kailan lang, e, nag-aaway pa sila kunwari. Nagrereklamo pa si Dra. Belo na pati ang private video nila, e, inilabas din ni Dr. Hayden. “Yun pala, kalokohan lang naman iyon!” naiinis na sabi ng aming source.

Ejay, Enchong at XIan – "Girl na girl" daw sabi ng mga bading

 
Pinagtritripan naman ng mga bading ang Katorse. Kung ang gusto raw palabasin ng tele-serye ay ang maagang pagdadalantao ng bidang si Erich Gonzales, sa opinyon naman ng mga berdaderong bading ay iba.

Nakaarko sa 14th floor ang kilay ng tatlong lalaki sa seryeng iyon. Nagpapataasan sila ng pag-arko, silang tatlo, puro may bahid!” nagtatawanang komento ng mga bading sa isang umpukan.

Sina Ejay Falcon, Enchong Dee at Xian Lim ang mga aktor ng Katorse, pero ang sabi ng mga bading, girl na girl daw ang tatlo.

Puro sila malalamya, may bahid silang lahat, pati ang mga bibig at mata nila, may kakaibang statement!” pagpipista pa ng mga bading.

Mga komento lang naman iyun, hindi pa kumpirmadong totoo. Sa mundo ng showbiz ay hindi pa matatawag na “belong” ang isang personalidad kapag hindi pa ito natsitismis na bading.

Sa totoo lang.

Pero may mga artistang totoong kaduda-duda ang kasarian, sila ang mga artistang amoy pa lang ay nahuhulaan na agad ng mga berdaderong bading na kabaro nila, pero hindi pa nakakapag-out.

Willie Revillame – Buhay na buhay na naman ang Wowowee!

Iniwan nang milya-milya ng Wowowee ang katapat nitong noontime show noong nakaraang September 21, sa mismong pagbabalik ni Willie Revillame.

Tama ang sinabi ng staff ng Wowowee, parang pang-primetime ang nakuha nilang rating. Parang hindi iyon rating ng isang pangtanghaling show kung saan karamihan sa mga kababayan natin ay hinihila ng antok.

Bigay na bigay na naman iyon. Pakiramdam nga nami’y nakatutok ang buong bayan sa Wowowee noong Lunes na iyon.

Sabi nga ng isang may-edad nang babaeng nakausap namin, “Bakit ganoon, hindi naman kagalingang TV host si Willie, palpak pa nga ang English niya kung minsan, pero bakit ang lakas-lakas ng appeal niya?

Magagaling naman ang mga co-host niya, lalo na si Pokwang, pero noong mawala si Willie, kumbaga sa ilaw, hindi masyadong maliwanag ang show, mayroong kulang.

Balik na uli sa dating gawi ngayon si Willie. Pagkatapos ng show ay sa bahay lang ang kaniyang destinasyon. Ang nakasisingit lang doon ay ang pagdalaw niya sa ipinatatayo niyang building, pero pagkatapos noon ay nasa bahay na siya.

Dalawa ang inuuwian niyang bahay ngayon – ang isa ay nasa Corinthian Hills na katabing-katabi ng bahay ni Senador Jinggoy Estrada, ang isa naman ay nasa Ayala Heights na ayon kina Karen Martinez at Ate Tess Mationg ay pagkalaki-laki at napakaganda.

Ang ikalawang mansiyon ni Willie ang nabili niya mula kay Mr. Gabby Lopez sa halagang kulang sa isandaang milyon.

Grabe ang laki at ganda ng bahay. Pang-resort na iyon sa laki. Marami pang ipinaaayos doon si Willie. Kilala mo naman iyon. Kailangang areglado muna ang lahat bago niya tuluyang tirhan ang isang lugar.
 

Have a comment on this article? Send us your feedback