Print E-mail
Cristy Fermin     Oktubre 16 - 31, 2009
  Lorna Tolentino
Lorna Tolentino

Lorna Tolentino – Hindi nililigawan ni Willie

Mabuti naman at nilinaw na ni Lorna Tolentino ang kalokohang isyung lumabas na diumano’y pinadalhan daw siya ng bulaklak at chocolates ni Willie Revillame.

Sa pagpapaliwanag ni LT ay halatang-halata na wala siyang interes sa kuwento. Inamin niyang magkaibigan na sila ni Willie kahit noong nabubuhay pa si Rudy Fernandez, pero ang kanilang pagkakaibigan ay hindi kailanman nahaluan ng ligawan.

Kung tutuusin ay wala naman talagang ganoong senaryo. Hindi nililigawan ni Willie ang aktres. Kahit sa biro lang ay hindi naman nagparamdam sa kaniya ang host ng Wowowee.

Ang pinag-ugatan ng isyu ay si Kris Aquino. Ito ang nagpahayag sa ere na nililigawan daw ni Willie si LT – isang istoryang produkto lang ng taklesang bibig ng aktres-TV host na parang nilangisan ang dila sa kadulasan.

Willie Revillame – Malayo sa bituka ang mundo ng pulitika

Kahit kailan ay walang sinabi si Willie Revillame na tatakbo siya sa pagka-mayor ng Quezon City. Kahit sa hinagap lang ay hindi niya naisip na kalabanin si Vice-Mayor Herbert Bautista.

Walang nanggaling na anuman kay Willie. Si Kris Aquino ang pinag-ugatan ng kuwento nang sabihin nito na kung tatakbo si Willie sa pagka-mayor ng Kyusi ay susuportahan nito ang aktor-TV host.

Dahil doon ay nagalit naman kay Kris ang mga tagasuporta ni VM Bistek. Ang kanilang balik – boykot naman ang mga ito kay Senador Noynoy sa pagkapangulo.

Iyun ang ikot ng istorya. Hindi kay Willie nanggaling ang kumalat na balita kundi kay Kris Aquino.

Sa abot ng aming kaalaman, dahil palagi naming nakakausap si Willie, ay malayo sa kaniyang bituka ang mundo ng pulitika.

Angel LocsinAngel Locsin – Taos-puso daw ang pagtulong sa mga binaha

Nagpaliwanag sa amin kahapon si Becky Aguila, manager ni Angel Locsin, tungkol sa kumakalat na balita na sinolo ng kaniyang alaga ang pamamahagi ng mga relief goods para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha.

Wala raw katotohanan iyun. Hindi raw kredito lang ang habol ni Angel sa kaniyang ginawa. Mula raw sa puso ng dalaga ang pagtulong at lalong hindi siya sumolo para mapaiba siya sa karamihan ng mga artistang namumudmod din ng tulong sa pamamagitan ng Sagip-Kapamilya.

Idiniin din ni Becky na walang mayamang benefactor si Angel. Nagtataka nga ang manager kung bakit ayaw mamatay-matay ng nasabing isyu, samantalang wala namang boyfriend na milyonaryo ang kaniyang alaga?

“Angel is very liquid. Alam ninyo naman kung gaano kahusay mag-ingat ng pera ang batang ‘yun. Saka sa dami ng endorsement na ginagawa niya, siguro naman, hindi siya dapat pagbintangang may benefactor lang, kaya siya tumulong sa mga flood victims.

May nagkuwento naman na ang mga artista raw ng ABS-CBN ang ayaw sumabay kay Angel sa pamamahagi ng relief goods. Sa madaling salita ay pinagkakaisahan siya ng mga ito – isang bagay na pinagtatakhan ni Becky Aguila kung saan na naman nanggaling.

Korina at Sen. Mar – Ibibigay sa mga nasalanta ang budget para sa wedding reception

Minsan lang magaganap sa buhay ng mga nagmamahalan ang pagpapakasal, kaya ang pag-iisang dibdib ay talagang pinaghahandaan at ginagawang bonggang-bongga hanggang maaari.

Pero kayang isakripisyo nina Senador Mar Roxas at Korina Sanchez ang planado na nilang wedding reception para sa kapakanan ng mga kababayan nating matinding naapektuhan ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng.

Dapat sana’y sa Araneta Coliseum gaganapin ang reception ng kanilang kasal sa October 27 sa Sto. Domingo Church. Doon tutuloy sa Big Dome ang lahat ng kanilang mga bisita, mula man sa alta sosyedad o sa masa.

Nakaplano na ang lahat-lahat, pero kamakailan ay nagdesisyon ang mga magpapakasal na kanselahin na ang reception.

Hindi kami nagtitipid, sakripisyo ito, pero positibong sacrifice itong gagawin namin. Noong manggaling si Mar sa pag-iikot sa Pangasinan, kinausap niya ako. “Sinabi niya sa akin na parang nakakalungkot naman na habang nagsasaya kami sa wedding reception, e, napakarami nating kababayang nakalubog sa baha, kapos sa pagkain, walang bubong na matitirhan.

“I know what Mar was talking about, I also go around for Rated K, nakikita ko rin ang sobrang hirap na pinagdadaanan ngayon ng mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha.

“Alam ko na agad iyun, kaya nagkasundo kami. We’re canceling na the wedding reception, ang gagastusin namin dapat na aabot sa two million kasama na ang talent fee ng mga performers, ido-donate na lang namin sa mga nabiktima ng bagyo at baha.

“Kaya ang kasalan will only be after the wedding rites, after noon, may certain area sa church grounds where we can meet and greet our relatives and visitors. Pero iyung wedding reception, kanselado na talaga,” paliwanag ng magaling na news anchor.

Kris Aquino – Totoo ba sa loob o peke ang ginagawang pagtulong?

Kung maraming kababayan natin ang naiinis o nagdududa sa ginagawang pagtulong ni Kris Aquino sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha ay hindi ganoon ang nararamdaman naming – naaawa kami kay Kris.

Hindi namin sukat ang kaniyang damdamin, pero naniniwala kami na sa mga panahong ito ng bagsak na bagsak na kabuhayan ng ating mga kababayang winasak ng bagyo ang mga bahay at pangarap, ay walang pusong hindi madudurog.

Gusto naming paniwalaan na isa si Kris Aquino sa mga nababagbag ang damdamin ngayon sa sinapit ng mga taga-Marikina, Pasig, Cainta, Antipolo, Quezon City, Maynila at marami pang ibang siyudad o bayan na binaha nang lampas-tao.

Pagpuna ng marami, noong mga nakararaang taon ay maraming kalamidad din ang naganap, pero kahit anino lang ni Kris ay hindi naman nakita sa mga naapektuhang lugar.

May katwiran ang pagpuna. Ibig sabihi’y kundisyunal ang pagtulong ni Kris. Parang lumalabas na kailangan niyang magpakita at magparamdam ngayon sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad para makakuha siya ng boto para sa kaniyang kapatid na tatakbong pangulo sa 2010.

Ngayong kinukuwestiyon siya sa kaniyang mga ginagawa ay walang magagawa si Kris kundi ang idepensa ang kaniyang sarili para maunawaan ng publiko ang kaniyang hangarin.

Puwede namang huwag na rin siyang magdepensa o magsalita dahil alam naman ng Diyos kung ano ang tunay niyang pakay sa mga ginagawa niyang pagtulong ngayon. Puwedeng iba lang ang iniisip tungkol sa kaniya ng ilang kababayan natin pero sagrado at sinsero naman ang kaniyang pakikidalamhati sa lahat ng mga sinalanta ng kalamidad.

Sen. Bong Revilla at Lani – Mga bayani sa totoong buhay, hindi lang sa pelikula

Noong kasagsagan ng pananalanta ni bagyong Ondoy ay maraming nakakita sa mag-asawang Senador Bong Revilla, Jr. at Lani Mercado na parang mga operator ng school bus sa ginagawa nilang paglikikas sa kanilang mga kababayang nalubog sa baha sa Bacoor.

“Si Senador Bong ang nasa kalye. Siya ang nagkakarga sa mga batang nanginginig na sa ginaw. Si Lani naman ang parang konduktor na nag-aayos sa mga kababayan nila sa pagsakay sa personal nilang van.

“Hindi government van ang gamit nila. Personal nilang sasakyan iyun. Si Lani ang sumasama sa pabalik-balik na biyahe at si Senator Bong naman ang nakababad sa tubig sa paglilikas sa mga pamilyang binaha,” kuwento ng aming impormante.

“Maya-maya, dumating na ang mga pinabili nilang biscuits. Katwiran kasi ni Senador Bong, kahit nailikas na ang mga nalubog sa baha, kailangan pa rin nilang kumain,” dagdag pa ng aming kausap.

“Parang eksena sa pelikula ang nangyari noon. Makikita mo si Senator Bong, may karga-kargang mga bata. Siya talaga ang sumasagip at kumakarga sa mga batang walang kalaban-laban sa baha.

“Hindi na halos sila nagpapahinga ni Lani. Hati sila ng trabaho. Kung si Senator Bong ang nasa bahang-bahang kalye, si Lani naman ang sumasama sa mga biktima sa biyahe.

“Kung saan ang destinasyon ng mga nabaha, siya ang nag-aayos ng biyahe para maging mabilis ang paglilikas. Konduktora nga ang tawag sa kaniya ng mga staff nila, dahil si Lani talaga ang nagpapabalik-balik para sa paglilipat sa mga taong naililikas naman ng team ni Senator Bong,” dagdag na kuwento pa ng aming source.

Piolo Pascual – Itsura pa lang, ulam na!

“Itsura pa lang niya, ulam na!”

Ang ganoong papuri ay ipinatutungkol lang ng marami nating kababayan sa isang artista – kay Piolo Pascual.

Mundo ng mga guwapo at magaganda ang showbiz, pero may kakaibang katangian si Piolo na naghihiwalay sa kaniya sa mas nakararami. Ang kaguwapuhan niya na kaniyang-kaniya lang.

Noong nakaraang Sabado (October 10) ay ginanap na ang naudlot na solo concert ni Piolo Pascual sa bagong-bagong Zirkoh Comedy Bar sa Tomas Morato.

Nabiktima ng bagyo at baha ang Backstagepass Productions. Lubog ang maraming lugar noong September 26 na orihinal na gabi ng concert ni Piolo. Maraming salamat sa Star Magic na agad na humanap ng maluwag-luwag na schedule ng aktor para sa pagtutuloy sa kaniyang show.

Punumpuno ang Zirkoh-Tomas Morato. Ang presensiya pa lang ni Piolo sa entablado ay sapat na. Wala nang pakialam ang mga nandoon kung anu-ano ba ang kaniyang kakantahin. Halos wala ka nang marinig kay Piolo kapag sabay-sabay nang nagtitilian ang kaniyang mga tagahanga.

Batak na batak na ang boses ni Piolo. Puwede na siyang ilaban nang sabayan sa magagaling nating singers. Kahit prente lang siyang nakaupo ay natatapos niya nang makinis ang bawat piyesa niya.

Pero talagang ang kaguwapuhan niya ang pinagpipistahan ng ating mga kababayan. Kumindat lang siya ay parang nagmura na ang presyo ng langis sa kanilang kaligayahan.

Si Piolo Pascual pa rin ang pinakamainit at pinakasikat na aktor ng kaniyang panahon.

Babala – Mag-ingat sa inyong pagbili ng bahay sa Pilipinas

Blind item: Mag-ingat kung balak ninyong bumili ng bahay sa Pilipinas.

Dapat sana’y magsasalita na ang isang personalidad tungkol sa naging miserableng buhay niya noong nakaraang hagupit ni Ondoy, pero maagap ang kaibigan niyang broker sa pagbebenta ng bahay at lupa; pinigilan siyang magbigay ng anumang pahayag sa telebisyon.

Lubog ang bahay ng personalidad. Wala siyang nailigtas sa unang palapag ng kaniyang bahay dahil tulog na tulog siya noong kasagsagan ng bagyo. Paggising niya ay naglulutangan na ang kaniyang mga kagamitan at wala nang pag-asang mapakinabangan pa ang mga kasangkapan niya dahil ilang oras nang nakababad sa baha.

Sabi ng aming source, “Kundi pa nawalan ng kuryente at napansin niyang mainit na sa kaniyang kuwarto, hindi pa niya malalaman na may nangyayari na palang kalamidad.

“Nu’ng bumaba siya ng bahay, halos abot na sa second floor ang tubig. Nagulantang siya pero wala naman siyang magawa,” sabi nito.

Walang kasama sa bahay ang personalidad. Live-out ang kaniyang kasama sa bahay. Nagpupunta lang ito sa kaniyang bahay sa umaga at umuuwi rin sa hapon.

Tumawag ang personalidad sa kaniyang mga kaibigan. Nalaman ng mga ito ang nangyari sa kaniya pero ang problema ay pare-pareho naman silang nalubog sa baha, kaya hindi sila puwedeng magtulungan.

Iniyakan nang husto ng personalidad ang naganap sa kaniyang ari-arian. Wasak na wasak ang unang palapag ng kaniyang bahay. Pinasok iyun ng napakakapal na burak at buwan pa ang bibilangin bago bumalik sa dati ang itsura nito.
Kumalat sa showbiz ang kuwentong lumubog ang bahay ng personalidad pero walang anumang video na lumabas. Hindi rin siya nagpainterbyu sa anumang news program.

Ang dahilan, ang kaibigan niyang nagba-buy and sell ng bahay ang nagpayo sa kaniya na manahimik lang at huwag na huwag siyang magsasalita tungkol sa bangungot na hatid ng baha at bagyo.

“Iyun ang payo ng friend niyang broker. Huwag na huwag siyang magkukuwento tungkol sa nangyari sa bahay niya noong baha dahil maibenta man nila ang house and lot, babaratin lang iyun.

“Ipinaaayos na nila ang bahay ngayon, total renovation dahil talagang winasak iyon ng baha. Mayroon na silang buyer, titingnan na ang bahay next week pagdating noong buyer mula sa Amerika. Walang alam iyong bibili na ang iniaalok na bahay sa kaniya, e, pinasok pala ng baha na lampas-tao,” kuwento ng aming impormante.

Magaling na singer ang may-ari ng bahay. May kani-kaniyang bahay na ang kaniyang mga anak na artista rin. Kaya siya na lang ang mag-isang nakatira sa dati nilang bahay sa isang kilalang subdivision.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback