|
|
Napakaaliwalas ng mukha ni Korina Sanchez noong kasal nila ni Senador Mar Roxas. Walang dudang maligayang-maligaya ang news anchor dahil pagkatapos ng limang taon, Mrs. Roxas na siya ngayon. Maraming nagtatanong sa amin kung sinoiyong guwapong lalaking nakasama ni Ate Koring sa pagmamartsa papunta sa altar. Bakit daw hindi ito nag-artista, guwapo pa naman? Ang lalaking naghatid sa kaniya palapit kay Senador Mar ay si Milano, bunsong kapatid ni Korina. Pamilyado na ito ngayon. Habang nagmamartsa si Korina ay halatang pigil na pigil ang kaniyang pag-iyak. Emosyonal na siya noong umaga pa lang. Naalala niya kasi ang kaniyang mga magulang na sayang dahil hindi man lang nasaksihan ang kaniyang kasal. Pero bago nagpunta sa Sto. Domingo Church si Korina ay dumaan muna siya sa puntod ng kaniyang ama’t ina. Nakasuot na siya ng traje de boda noon. Pormal siyang nagbigay-respeto sa kaniyang mga magulang at nagpaalam na rin sa pagpapakasal niya sa senador. Sa isang malayong bansa dapat sila magha-honeymoon, pero kapos sa panahon ang senador, kaya magpupunta na lang muna sila sa Japan bilang patikim na honeymoon. Kris Aquino – Gustung-gustong kakambal ang intriga Ayaw paniwalaan ng mga nakakausap namin ang katuwirang hindi pa kasi nagbababang-luksa ang pamilya Aquino sa pagkamatay ni Tita Cory, kaya nakaitim si Kris Aquino noong nakaraang kasal nina Senador Mar Roxas at Korina Sanchez. “Hello! Teka lang. E, naka-yellow nga siya noong Sunday, di ba? Hindi ko bibilhin ang katuwiran na they are still in mourning, kaya naka-black dress siya noong kasal nina Mar at Korina. “Kundi ko siya nakitang nagsuot ng ibang colour, baka maniwala pa ako, kaso, nagsusuot na siya ng ibang kulay. Of course, other than black, yellow lang ang isinusuot niya, dahiliyon ang political colour ng kapatid niya!” inis na komento ng isang kausap namin. May dahilan ang kuwento. Ayon sa aming mga kausap ay gusto lang kasing mapaiba ni Kris, kaya nag-itim siya noong kasal nina Senador Mar at Korina. “She’s always like that naman, di ba? She wants to be unique, she always wants to get the attention of other people by being different from the others,iyon siya talaga. “Imagine naman, wedding iyon, nakakahiyang magsuot ng black, pero talagang nakaitim siya. Ano iyon, ipinagluluksa niya ang pagpapakasal ng dalawa?” hirit pa uli ng aming mga kausap. Isa lang ang ibig sabihin noon – sikat kasi si Kris Aquino, kaya kahit ano pang kulay ang suot niyang damit ay papansinin at papansinin pa rin siya. Kakambal na ni Kris Aquino ang kontrobesiya na gustong-gusto naman niya, pramis!
Ilang panahon ding nagkaroon ng delubyo sa relasyon ng ina at lola ni Charice Pempengco. Hindi malaman ng batang singer kung kanino siya kakampi. Ang kaniyang lola ang sumasama-sama sa kaniya noon sa mga kumpetisyon, pero nang sumikat na siya ay kinopo naman ng kaniyang inang si Raquel ang kredito. Natural, umalma ang lola ng young singer. Ano’ng nangyari at nawalan na ito ng papel sa buhay ng kaniyang apo? Paano na ang pananahi nito ng mga damit para kay Charice kapag sumasali siya sa mga amateur contest? Paano na ang pangungutang ng kaniyang lola sa mga kapitbahay nila para lang mayroon silang ipamasahe papunta sa ABS-CBN noong sumali siya sa Little Big Star, ganoon na lang ba iyon? Pero pinanindigan ni Raquel ang kaniyang kuwento. Kahit sa mga shows nina Ellen Degeneres at Oprah Winfrey ay ganoon ang alam ng buong staff. Ito ang sumubaybay kay Charice noong nangangarap pa lang maging sikat na singer ang batang singer. Sabi ng lola ni Charice ay hindi naman ito naghahabol ng anuman. Ang tanging gusto lang ni Nanay Tess ay ang maging totoo ang kaniyang anak na si Raquel dahil alam naman ng kanilang mga kapitbahay sa Laguna ang katotohanan. Sabi ng lola ni Charice noon, “Kahit saan ako magpunta, ang tanong sa akin ng mga may alam tungkol sa mga sakripisyo ko kay Charice, ano na raw ang nangyari? Bakit ang lumalabas, e, si Raquel ang sumasama-sama noon kay Charice sa mga amateur contest? “Ako naman, walang maisagot. Hindi ko rin alam kung bakit nga ba nagkaganoon ang situwasyon? E, ako naman talaga ang may bitbit sa batang iyon kahit saan. Pero noong nagkapangalan na siya, biglang ang nanay na niya ang kasa-kasama niya raw sa mga amateur contest?” kuwento noon ni Nanay Tess. Pero kuwento na lang iyon ng nakaraan dahil ngayon ay nagkaayos na ang mag-inang Tess at Raquel. May komunikasyon na sila ngayon. Kaya natural lang na maligayang-maligaya naman si Charice Pempengco sa naging resulta ng pag-uusap ng kaniyang lola at ina. Maraming kababayan naman natin ang nagkokomento tungkol sa parang minamadaling pagdadalaga ni Charice. Nakapaninibago raw ang hitsura niya ngayon na kulut-kulot ang buhok at sobrang kapal ng make-up, pero hindi naman bumagay sa kaniya. Dahil hindi pa raw naman ganap na dalaga si Charice ay puwede kayang maging simple lang ang kaniyang ayos? Tutal naman daw ay hindi ang kung ano ang hitsura niya ang mahalaga kundi ang maganda niyang boses na naging dahilan ng kung ano siya ngayon.
Siguradong ikasasama ng loob ni Shaina Magdayao ang kuwentong lumabas na may nakakita sa kaniya sa isang bar na lasing at nagpapa-cute pa sa isang lalaking nandoon. Sayaw pa raw nang sayaw si Shaina. Halatadong nakainom na. Puro mga babae silang magkakasama sa bar. Sanay naman tayong nakikitang sumasayaw ang magandang batang aktres, pero sa ASAP lang iyon at hindi sa totoong buhay, lalong hindi kapag nakainom na siya. Malayo ang kuwentong iyon sa pagkakilala namin kay Shaina. Hindi nga makabasag-pinggan ang imaheng nakatatak sa aming utak tungkol sa kaniya. Kaya parang mahirap paniwalaan ang kuwentong lumabas. Pero hindi rin naman imposibleng magkasayahan ang magkakabarkada. Teen-ager pa si Shaina, kaya natural lang na haluan din niya ng paglilibang ang halos araw-gabi niyang pagtatrabaho. Iyon ang hirap kapag nagsimula ang artista sa pagiging child star. Nadagdagan na ang kanilang edad, pero ang tingin sa kanila ng marami ay bata pa rin na walang karapatang magbuhay-teen-ager.
Sunshine Dizon – Dapat ay “Sunset” ang pangalan Ang ganda-ganda na sana ng takbo ng career ni Sunshine Dizon. Siya ang bida sa isang tele-serye ng GMA-7, co-host siya sa isang morning show at marami pang ibang plano ang network para sa kaniya. Pero sa isang iglap ay nawalang lahat iyon. Ang dahilan, ang pagpapatalo na naman sa depresyon ng matalino at magaling pa naman sanang aktres. Napakaraming nanghihinayang sa kinauwian ng career ni Sunshine. May karelasyon si Sunshine. Kapatid ng isang kaibigan niyang artista rin ang lalaki. Noong magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ay inapuntahan ng depresyon si Sunshine at ayaw nang magtrabaho. May lumabas na kuwentong inatake siya ng migraine. Mayroon ding nagpakalat ng kuwentong nagdadalantao siya ngayon. Magulo ang mundo ngayon ni Sunshine. Puwede silang magsabi ng kung ano-anong katwiran. Maaari silang mag-imbento ng kung ano-anong alibi, pero ang malinaw pa rin ay nagpatalo na naman sa depresyon sa pakikipagrelasyon si Sunshine. Bida siya sa isang serye. May show pa siya sa umaga. Kinukuha pa siyang judge ng network sa iba nilang reality programs. Ayaw pa ba namang atensiyon ni Sunshine ang ganoon kagandang linya ng mga trabaho? May mga tao talagang kapos sa pagpapahalaga. Mayroon talagang mga taong ang akala ay pagbibigyan pa rin sila ng kapalaran sa paulit-ulit nilang pagluluka-lukahan. Kailan kaya magigising sa katotohanan si Sunshine Dizon? Sunshine pa naman ang kaniyang pangalan. Pagsikat ng araw ang kahulugan noon, pero sa kaniyang mga ginagawa ngayon ay parang mas bagay na sa kaniya ang pangalang Sunset. Richard Gomez at Lucy Torres – Kaaway na ni Kris May mga magkakaibigang winawasak ng pulitika. May mga pagsasamang pinanday na ng panahon at may malalim nang ugat na biglaang nawawalan ng saysay dahil sa pagkakaiba ng kanilang paniniwala at paninindigan – at partido. Pinag-uusapan ngayon sa mga umpukan sa showbiz ang posibleng pagkasira ng pagkakaibigan ni Kris Aquino at ng mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres. Tulad ng nakikita natin ngayon, binabaligtad ni Kris ang mundo para suportahan ang kaniyang kapatid na si Senador Noynoy sa pagkandidato nito sa panguluhan. Lahat ay handa siyang gawin ngayon para maipanalo ang kandidatura ng kaniyang kapatid. Sa showbiz lingo ay “nagbabait-baitan” ngayon si Kris, dahil mayroon siyang gusto. Magkakaibigan sila nina Richard at Lucy, pero sa planong pagkandidato ni Richard bilang kinatawan ng Ormoc City ay balitang sa partido ni Senador Manny Villar ito sasama. Ilang araw nang tine-text ni Kris si Lucy para kumpirmahin kung gaano iyon katotoo. Magkaibigan din sina Kris at Willie Revillame. Nagpupunta pa nga sa studio ng Wowowee sina Josh at Baby James, pero si Willie ay identified nang masyado ngayon sa kandidato sa panguluhan ng Nacionalista Party. Parang nagbibilang na kasi ngayon si Kris. Ang hindi sasanib sa partido ng kaniyang kapatid ay hindi kaniya, pero ang mga kakampi ni Senador Noynoy ay inaako niyang kaniya. Naglalagay na siya ngayon ng guhit. Iyon na ang pag-uugatan ng pagpapaksiyon-paksiyon, at doon na rin magsisimula ang pagkasira ng mga pagkakaibigang bumibilang na nang maraming taon. Mula sa ilang araw pang pag-eensayo sa Wild Card Gym sa LA ay saka pa lang lilipad papuntang Las Vegas ang Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sa duwelo nila ni Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico sa November 14. Ilang araw na ang nakararaan ay nakausap namin si Pacman. Pagabi na noon at siguro, dahil sa kawalan niya ng magawa sa Baguio City, kung saan siya nag-eensayo, ay naging abala siya sa pagtatawag sa kaniyang mga kaibigan. Masayang-masaya ang kaniyang boses. Ramdam namin ang malaking kumpiyansa sa kaniyang pagsasalita. Pero kung kilala nga namin ang magaling na boksingero ay hindi siya maaaring patumbahin ng kaniyang kalaban dahil sa sobrang confidence sa kaniyang kapasidad. Binabalanse niya ang situwasyon kapag nasa gitna na siya ng ring. Positibo ang kaniyang pananaw na kaya niyang padapain ang kaniyang kalaban pero tinatakot din ni Manny ang kaniyang sarili na baka masingitan siya, kaya todo-todo ang kaniyang pag-iingat. “Sinasabi nila na kayang-kaya ko raw talunin si Cotto, dahil mabilis ang kamao at paa ko. Doon ko raw siya tatalunin. “Pero alam ko naman na kung pinag-aralan ko ang mga kilos niya, e, ganoon din ang ginawa ng team ni Cotto. Kaya paghahandaan na niya ang mga sinasabi ng iba na advantage ko sa kaniya. “Ganoon naman talaga. Hindi lang basta puro ensayo ang boxer. Parang nasa eskuwelahan din kami. Inuupuan namin nang paulit-ulit ang panonood ng mga video ng makakalaban ko, para mapag-aralan namin ang kaniyang mga atake at para maidetalye rin namin ng trainer ko kung anong atake naman ang gagawin ko sa kaniya. “Ang nakakatakot lang naman, e, ‘yung singit na punch. Mahirap ‘yon, kaya kailangang guarded ka palagi. Malaking puntos ang opensa, pero napakalaki din ng nagagawa ng depensa para manalo ka,” mahabang kuwento ng Pambansang Kamao. Minsan pa’y humihiling si Pacman ng ating pagsuporta. Aminado si Manny na hindi sapat ang lakas lang ng kaniyang mga suntok. Kailangang kambalan iyon ng panalangin. Desidido nang lumahok sa mundo ng pulitika si Ara Mina. Maaaring impluwensiya iyon sa kaniya ng pamilya ng kaniyang ama na ilang panahong naupo sa mahahalagang posisyon sa Quezon City. Puwede rin namang sa puso nanggagaling ang kagustuhan ni Ara Mina na maglingkod sa ating mga kababayan. Anuman ang dahilan ay wala nang makapipigil pa ngayon sa seksing aktres sa kaniyang plano. Pero ngayon pa lang ay mayroon nang problema sa kaniyang pagtakbo. Sa ginanap na proyekto ng aktres kamakailan sa isang barangay na nasasakop ng distritong gusto niyang takbuhan ay mayroon nang nanigaw na lalaki sa kaniya. Naging dahilan iyon para hindi tapusin ni Ara ang feeding project niya. Ang sigaw ng lalaki, “Ara, hubad ka naman!” Imahe ni Ara bilang sexy star ang naging dahilan noon. Sabi nga ng aming impormante ay pinakain na at lahat ang lalaki, pero nambastos pa. Umalis agad si Ara sa lugar. Hindi na niya tinapos ang pagpapakain ng lugaw sa mga tagaroon. Kaysa nga naman magkaroon pa ng gulo ay umiwas na lang ang seksing aktres. Nangyayari talaga ang ganoon. Hindi hawak ng personalidad ang bibig ng mga naroon. Mayroon at mayroon pa rin talagang huhulagpos at mananakit ng kanilang bisita gaano man kasinsero ang hangad ng personalidad.
Have a comment on this article? Send us your feedback
|




Korina Sanchez – Mrs. Mar Roxas na!
Charice Pempengco – Nagkasundo na ang Lola at Mommy niya
Shaina Magdayao – Nalasing sa bar, nagwala nga ba?
Manny Pacquiao – Manalo kaya ulit si Pacman?
Ara Mina – Sasabak na sa pulitika ang sexy star