Print E-mail
Monday, 16 November 2009 00:27
Cristy Fermin     Nobyembre 16 - 30, 2009
 

Manny Pacquiao – Tiniris si Cotto

Tulad ng inaasahan, pinagapang na parang bata ni Manny Pacquiao si Miguel Cotto sa lona noong nakaraang Sabado sa kanilang pagduduop. Gusto pa sanang ipatapos kay Pacman ng mga miron ang panghuling round, pero naawa na ang referee sa Puerto Rican, dahil sarado na ang magkabilang mata nito sa lahat ng mga suntok na iniregalo sa kaniya ni Manny.

Mabagsik talaga ang mga kamao ni Manny. Para magsarado ang mga mata ng kaniyang kalaban ay nangangahulugan lang na ganoon katindi ang kaniyang mga suntok. Nakakaawang tingnan ang anak na lalaki ni Cotto habang pinagmamasdan nito ang burog-burog na mukha ng kaniyang ama.

At ang markadong katangian ng pagiging mapagkumbaba ng Pambansang Kamao ay muling lumutang. Bago at matapos ang kaniyang laban ay pagdarasal muna ang kaniyang inuuna. Wala siyang kayabang-yabang at kailanman ay hindi niya ipinagmalaki ang kaniyang kakayahan bilang boksingero.

 
 

Krista Ranillo – Hindi pinansin ni Jinkee

Mula sa Las Vegas, nakuha namin ang mensaheng ito, “Sa Bellagio Hotel naka-check-in ang buong pamilya ni Krista Ranillo, nagkita sila ni Jinkee sa Wynn Hotel, pero wala namang nangyaring eskandalo. Edukada si Jinkee, alam niya naman kasi kung saan siya nakapuwesto sa buhay ni Manny.

“In short, hindi siya squatter; siya ang mayhawak ng puso ni Pacman,” kumpletong mensahe ng aming kaibigang nasa Las Vegas.

 

Sarah Geronimo – Tumatanaw ng utang na loob kay Regine

Inuulan kami ng mga text messages na kung kani-kanino nanggagaling ay wala kaming alam. Kung paano nila nakuha ang aming numero ay siguradong sa taga-showbiz nanggaling. Si Sarah Geronimo ang pinupuntirya ng mga mensahe sa text.

Kumbaga kasi sa circus, si Sarah ang nasa pinakaituktok ngayon. Tinatapakan lang niya ang iba sa ilalim, kaya nag-iimbita ng kontrobesiya ang kaniyang posisyon ngayon.

Matindi na ang kaniyang napatunayan – apat na beses na niyang napupuno nang talagang punumpuno ang Araneta Coliseum. Siya rin ang pinagkakatiwalaang performer ng mga prodyuser sa ibang bansa. Kapag show ni Sarah ay siguradong magsasarado ng teatro at uuwi nang nakangiti ang mga nagdala sa kaniya sa ibang bansa.

Pinupuntirya na siya ng pambabagsak. Lumutang ang kuwentong may isang grupo ng mga estudyante sa kolehiyo na nagpunta sa kanilang bahay sa isang subdivision. Pinaghintay raw nang maraming oras ng dalaga ang mga kolehiyala pero hindi naman siya lumabas.

Isang malaking kasinungalingan iyun. Sa logbook ng mga guwardiyang nakabantay sa gate ng subdivision, walang nakatala na grupo ng mga estudyanteng nagsadya sa kanilang bahay. Kung mayroon man, siguradong ipaaalam muna nila iyon sa homeowner para malaman ng mga ito kung papapasukin ang mga kolehiyala o hindi.

Ganoon talaga kapag nasa ituktok na ng tatsulok ang artista. Lahat ng pamumuna ay ibabato sa kaniya. Baka-sakali nga namang makalusot at makaapekto iyon sa kaniyang kasikatan.

Ang nakaraang concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum ay isa pang patunay na hihingalin na sa kahahabol ang mga kasunod niya.

Ayon nga sa mga kaibigan naming nanood ay sulit na sulit ang ipinambili mo ng ticket kapag concert ni Sarah ang pinanood mo. Magaling na siyang singer ay kapuri-puri pa ang dalaga, dahil maganda siyang role model para sa mga kabataan.

Hanggang ngayon, pinagkukuwentuhan pa rin nila ang pagtanaw ng utang na loob ni Sarah kay Regine Velasquez noong nakaraan niyang matagumpay na concert. Nagbigay-pugay na siya sa singer sa stage ay bumaba pa siya, saka hinandugan ng piyesang You Changed My Life ang Asia’s Songbird.

Para sa ibang manonood, simple lang iyon. Pero hindi sa mga nakaaalam ng payak na pagsisimula sa mundo ng musika ni Sarah. Si Regine ang isa sa mga nagmanok sa kaniya noong sumali siya sa Star For A Night.

“Napakabait na bata, marunong siyang tumanaw ng utang na loob, lalo pa siyang susuwertihin,” komento sa amin ng mga kaibigang nanood ng concert ni Sarah Geronimo.

 

Jennylyn Mercado at Becky Aguila – Matatalino naman pero na-1-2-3 pa rin

Nagtagumpay sina Jennylyn Mercado at Becky Aguila na maipakulong si Mel Pulmano, dating PA ng dalawa. Daang libong piso raw ang natangay ni Mel mula sa aktres at sa manager.

Pero nabigo si Becky Aguila na mabawi ang 2.5 million pesos na tinangay sa kaniya ng isang Budol-Budol Gang. Naturingang matalino si Becky na sa kaniyang mga interview ay pa-Ingles-Ingles pa, pero napaniwala siya ng mga taong noon lang niya nakilala. Natangayan siya ng milyong halaga nang walang kalaban-laban.

Dati’y hindi naniniwala si Becky sa hipnotismo, pero ngayon, iyon ang itinuturo niyang dahilan kung bakit siya parang naging robot na sunud-sunuran na lang. Kusang-loob pa siyang nagbigay ng malaking halagang ni hindi nga niya naiintindihan ang negosyong inialok sa kaniya.

“Maayos silang kausap, mga professionals sila, you will never doubt their capacity dahil mayroon pa silang mga documents at pictures ng mga negosyo raw nila.

“Dalawang grupo ang nag-post na interested buyers ng property ko, pareho ko naman silang in-entertain, pero wala akong kaalam-alam na magkakuntsaba pala sila para lokohin ako.

“It was not an overnight transaction. One month tumagal ang pag-uusap naming. Magbabayaran na kami noong Japanese para sa property ko noong sabihin niya sa akin ang kailangan niya para sa pearl farm niya sa Palawan.

“Maliliit daw ang mga napo-produce nilang Mikimoto pearls, kaya kailangan nila ng pearl growth enhancer, kapag hindi raw siya nakakuha noon, baka magsarado ang company nila na may 280 people.

“Nakakaawa raw naman ang mga tauhan niya kung magsasara sila, in need daw talaga ng product na iyun para malalaking pearls na ang mai-produce. Iyun namang second group na ka-transaction ko, mayroon daw silang alam na mapagkukunan, pero kaliwaan, so sinabi ko naman iyon sa Japanese.

“Nagpaalam siya na pupunta muna sa Davao para asikasuhin ang chromite business daw niya. Noon namang dumating ang stocks ng pearl growth enhancer from the second group, kaya with the promises na kukunin ng Hapon iyung mga products, ako ang nag-abono ng pambayad.

“Grabe, September 22, 500 thousand ang ibinigay ko. The next day, kasama pang nag-withdraw noong tao ang driver at staff ko, two million pesos naman,” napapailing na lang ang manager sa kaniyang napasukang indulto.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback