|
|
| Wednesday, 16 December 2009 00:27 | ||||||
Mula sa akin at aking mahal na pamilya dito sa Maynila, Maligayang Pasko at mainit na Bagong Taon ang sana ay mapasa-inyo sa Winnipeg, Manitoba! Derek Ramsey at Jinkee Pacquiao – Magkaibigan lang, walang malisya Iyung pagdi-dinner daw nina Derek Ramsay at Jinkee Pacquiao sa GenSan ay walang malisya, nagpairal lang daw si Jinkee ng pagiging hospitable, bisita raw ang binata sa kanilang siyudad kaya inasikaso niya naman. Tumawag sa amin ang dalawang taong malapit kay Manny at Jinkee, totoo raw na lumabas sila noong minsan para mag-bar, pero napakarami naman nila. “Ang dami-dami nila noon! Nangyari iyun noong may matinding tampuhan sina Jinkee at Manny, isa si Derek sa mga nagpapayo kay Jinkee na pahalagahan ang pamilya nila. “Marami silang magkakasama doon. Iyung sa GenSan naman, naging guest kasi si Derek sa Robinson’s, nakita niya na meron palang shop doon sina Manny at Jinkee. “Nagtanong siya kung puwede siyang makabili ng mga Pacman items, inasikaso naman siya ni Jinkee, maraming kasama noon si Derek. So, dahil taga-GenSan naman si Jinkee, nag-dinner sila ng grupo ni Derek,” depensa ng aming source. Iyung tungkol naman sa sinabi ni Angelica Panganiban na noong magkasakit daw si Derek ay pinadalhan pa ito ng prutas at flowers ni Jinkee, may depensa rin doon ang aming source. “Walang masama doon, magkaibigan naman sila, kaya kahit sinong friend niya ang nagkasakit, padadalhan din niya ng fruits. Prutas lang iyun, walang flowers,” sabi uli ng tagadepensa ni Jinkee. Iyun ang kaniyang bersiyon ng istorya. Krista Ranillo – Sumikat dahil sa bawal na pakikipagrelasyon May kuwento namang kumalat na wala raw talagang Krista Ranillo na makikita sa airport noong Linggo nang umaga dahil noong Nobyembre pa ay nasa Pilipinas na ang dalaga. May mga nakakita pa raw kay Krista sa Dipolog City, may ilang kababayan din tayong pasahero ng flight na sinakyan nila ni Krista na nagsasabing matagal nang nandoon ang dalaga, pero iniligaw lang nila ang media. Magulo tuloy ang kuwento dahil ipinagpipilitan ng mga flight stewardess ng PAL na totoong sakay nila si Krista noong Linggo, naka-gray sweat shirt daw siya, maliit ang tiyan at mukhang wala namang palatandaang nagdadalantao. Nagtagumpay si Krista na mapag-usapan siya, iyun nga lang, tama ang obserbasyon ng aming mga kaibigan na kundi pa siya masangkot sa isang bawal na pakikipagrelasyon ay hindi pa siya masusulat. Meron ding nagkuwento sa amin na bahagi ng promo ng pelikula nila ni Pacman ang kontrobersiyang ito, hindi raw maaasahang tatapusin na nina Krista at Manny ang kuwento, para patuloy silang mapag-usapan na makagaganda para sa kanilang proyekto. Isang napaka-cheap na gimik ito, kung totoo nga. Sen. Bong Revilla – Maipagmamalaki sa husay sa Ang Panday Napanood na namin ang trailer ng Ang Panday. Pagkatapos naming panoorin iyun ay mayroon kaming naramdamang pagmamalaki, isang Pinoy ang nagbuo ng pelikula hindi banyaga. Punumpuno ng aksiyon ang opisyal na lahok ng Imus Productions at GMA Films sa darating na Metro Manila Film Festival, maipagmamalaki ang pagganap ng kanilang mga artista, lalo na ang tunggalian ng Panday at ni Lizardo na ginagampanan nina Senador Bong Revilla at Phillip Salvador. Ang computer generated images sa trailer pa lang ng Ang Panday ay nang-iimbita na, talagang ginastusan nang husto ng produksiyon ang kanilang lahok sa MMFF, kaya nakakahon na ang kanilang mga parangal sa aspetong teknikal. “Noong masilip ko ang ilang eksena sa pelikulang ito, nagkaroon ako ng konting yabang, naging part ako ng ganito kagandang pelikula. Makinis, maayos, maipagmamalaki ng kahit sinong artista ang Ang Panday,” komento ni Kuya Ipe. Ngayon pa lang ay mayroon nang pakiusap ang mga bata, sa darating na Kapaskuhan ay kailangang mapanood nila ang pelikula, hindi raw makukumpleto ang kanilang Pasko nang hindi napapanood ang hindi kalimot-limot na proyektong ito. Nakahinga naman nang maluwag si Senador Bong Revilla dahil wala nang problema sa pagpapalabas ng Ang Panday, tuloy ang kaniyang pagkandidato dahil bilang senador, tuloy rin ang pagpapalabas ng Ang Panday. “Mula noong pumasok ako sa pulitika, bihirang-bihira na akong nakakagawa ng movie. Itong Ang Panday, ang sinundan nito, noong isa pang taon, kaya we made it a point na magiging remarkable sa manonood ang proyekto naming ito. “Sa costumes na lang, masisiyahan na sila, iyung mga computer generated images pa? Parang nandoon ka sa eksena kapag napanood mo ang And Panday, hindi naman sa pagmamalaki, parang imported movie ito. “Nakaka-proud nga, dahil isang Pinoy ang nagbuto nito, si Direk Mac Alejandre, puro Pinoy din ang cameramen, Pinoy ang lahat ng gumalaw sa movie. “Marami nang kumo-congratulate sa akin ngayon pa lang, napanood daw nila sa sinehan ang full trailer at tulad ko, proud sila dahil Pinoy na Pinoy nga naman ang pelikula, pero ang pagkakagawa, parang international daw ang dating,” kuwento ni Senador Bong Revilla. Panalong-panalo ang mga bata sa pelikulang ito.
Have a comment on this article? Send us your feedback
|




