Print E-mail
Cristy Fermin     Enero 1 - 15, 2010

Sen. Bong Revilla – Humakot ng tagumpay bilang aktor at producer

 

Pinakamaligayang bida sa lahat ng lahok sa MMFF si Senador Bong Revilla dahil nagtagumpay sila sa lahat ng anggulo. Pinipilahan pa hanggang ngayon ang Ang Panday, at noong gabi ng parangal ay humakot pa sila ng major awards.

Back-to-back ang parangal na nakuha nila ni Phillip Salvador. Makahulugan ang binitiwang pasasalamat ng senador kay Kuya Ipe, “Siya po ang dahilan kung bakit ako nanalong best actor.”

Sinesegundahan namin iyun, kung magaling si Flavio ay magaling din ang kaniyang kontrabidang si Lizardo, sabi nga ng mga kaibigan namin ay siguradong nahaluan ng anomalya kung hindi sila ang nanalo.

Sinserong ihinandog ni Senador Bong Revilla ang kaniyang best actor trophy sa Hari Ng Aksiyon, ang kaniyang ninong, si Fernando Poe, Jr. na orihinal na Panday.

Hindi rin niya kinaligtaang pasalamatan at ibahagi sa kaniyang parangal ang utak na nagbuo ng kuwento ng Ang Panday, si Direk Carlo J. Caparas.

Gandang-ganda kami kay Lani Mercado habang nakatayo itong pumapalakpak nang tawagin ang pangalan ng kaniyang mister bilang best actor. Walang kapaguran sa pagpalakpak ang aktres dahil alam niya ang mga sakripisyong ginawa ni Senador Bong noong kasalukuyan pang ginagawa ng kanilang produksiyon ang Ang Panday.

Amalia Fuentes – Matindi ang galit sa anak at manugang

Hindi naging maligaya ang pagdiriwang ng Pasko ng mag-inang Amalia Fuentes at Liezl Sumilang Martinez. Punumpuno ng sama ng loob ang beteranang aktres sa kaniyang kaisa-isang anak na si Liezl nang humarap siya sa Showbiz Central.

Napanood na namin ang unang sultada ng galit ni Amalia kay Liezl noong sumama itong magtanan kay Albert Martinez, pero mabibigyan pa iyun ng paliwanag dahil sa tao lang namang umiibig si Liezl.

 Binigyan ng katuwiran noon ng publiko si Liezl dahil ano raw ba ang gustong mangyari ng kaniyang ina, ang maburo na lang ito sa pagiging dalaga habampanahon?

Pero kakaiba ang istorya ngayon kung bakit parang bulkang Mayon na sumambulat ang matinding galit ni Amalia Fuentes. Ang kawalan ng utang na loob at respeto ng kaniyang anak ang ipinagsisintir niya. Nakuha raw magpasalamat ni Liezl sa ibang tao sa pagkaligtas nito sa breast cancer pero siyang magulang mismo ay hindi man lang pinasalamatan ng kaniyang kaisa-isang anak.

Liezl Sumilang Martinez – Pinasalamatan si Pops pero hindi ang ina

Si Pops Fernandez kasi ang sinentruhan ng pasasalamat ni Liezl. Napakalaki raw ng naitulong sa kaniya ng kaibigang singer kaya nakayanan nitong lampasan ang pagsubok na dumating sa kaniyang buhay.

Sa pananalita ng beteranang aktres ay hindi lang suportang moral ang ibinigay niya kay Liezl kundi pati tulong na pinansiyal. Lumalabas na siya ang gumastos sa operasyon ng kaniyang anak, hindi si Albert Martinez.

Sa kaniyang paglilitanya ay nabunyag tuloy na nagpalagay ng silicon sa dibdib si Liezl, naimpluwensiyahan daw siguro ito ng kaniyang mga kaibigan, dahil ‘yun ang uso ngayon.

Hindi niya naman sinabing iyun ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng breast cancer ang kaniyang anak, pero nandoon ang kaniyang pasubali na baka nga.

Sana’y magkausap na sila nang personal para matagpian na ang hindi nila pagkakaunawaan. Bali-baligtarin man natin ang mundo ay mag-ina pa rin sila, nanggaling si Liezl sa sinapupunan ng kaniyang ina, kaya nakalulungkot ang kuwentong ito.

Manny Pacquiao – Nilangaw sa takilya ang Wapakman

Kung sobra-sobra ang pagbubunyi ngayon ng tropa ng Ang Panday ay napakatamlay naman ng kampo ni Manny Pacquiao.

Noong Pasko, ang hudyat ng pagbubukas ng pagpapalabas ng mga pelikulang lahok sa MMFF, ay balitang naka-four hundred thousand pesos lang ang Wapakman sa unang araw ng pagpapalabas nito.

Tinanggal na sa maraming sinehan ang Wapakman, pinaghati-hatian na ng iba pang mga entries sa MMFF ang mga sinehang sumuko sa kahinaan ng pelikula ng Pambansang Kamao, wala silang magagawa kundi ang baklasin na lang ang pelikula sa mga sinehan kesa sa mag-abono sila nang milyon-milyon sa minimum guarantee.

Maraming ibig sabihin ang hindi pagtangkilik ng ating mga kababayan sa pelikula ni Pacman, panahon na para magising sa katotohanan ang Pambansang Kamao na kaya niyang pahintuin ang ikot ng mundo ng mga Pinoy kapag nakikipag-upakan siya sa gitna ng lona, pero hanggang doon lang iyun.

Pati mga mandurukot ay pansamantalang lumiliban kapag mayroon siyang laban, malinis na malinis ang mga kalsada sa kawalan ng trapik, pero sa pagtatangka niyang maging aktor ay malinis na malinis din ang mga sinehan sa kawalan ng manonood.

Tama na ang ambisyong maging artista, kabog niya ang pinakasikat mang artista sa katanyagang hawak niya ngayon bilang boksingero, walang makalalaban sa kaniya sa larangang iyun.

Lalong hindi nakatulong sa pelikula ni Pacman ang lumutang na relasyon nila ni Krista Ranillo, sa halip na usyosohin ng publiko kung totoo bang sweet sila sa pelikula, walang nagkainteres na silipin iyun.

Naging negatibo ang dating nila sa publiko, lalo na noong mag-umiyak si Jinkee pagkatapos ng laban nila ni Miguel Cotto, sabi nga ng mga nakakausap namin ay bakit daw nila susuportahan ang pelikula ng isang taksil na tambalan?

Nakakalungkot dahil sa tabi-tabing sinehang pinagpapalabasan ng mga pelikula ng MMFF ay pinakamadaling pasukin ang mga sinehang kinakarga ang Wapakman.

Kung tamad ang manonood, siguradong hindi ito pipila sa Ang Panday dahil maiinip, kaya ang mas gugustuhin na lang nitong panoorin ay ang pelikulang walang pila.

Maraming nag-aalala ngayon na baka ganito rin ang kauwian ng pagpasok niya sa mundo ng pulitika, baka mangamote rin si Pacman sa eleksiyon, dahil sa boksing lang talaga siya tanggap bilang idolo ng ating mga kababayan.

Nakuryente na noong una si Pacman noong matalo siya sa GenSan, pero wala pa rin siyang kadala-dala, ngayon ay tatakbo naman siyang kongresista sa Saranggani.

Sana’y huwag maging Wapakman ang resulta noon.

Have a comment on this article? Send us your feedback