Print E-mail
Cristy Fermin     Enero 16 - 31, 2010

Kimerald – Nakakawindang ang mga fans ni Kim Chiu at Gerald Anderson

 

Hindi namin alam kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang mga Kimerald fans para diktahan ang ABS-CBN. Kapag binabasa namin ang e-mails ng mga tagahanga nina Gerald Anderson at Kim Chiu ay nawiwindang kami. Matalim silang magsalita, bukod pa sa mahilig silang magbanta.

Susmaryosep! Nakaengkuwentro na namin ang halos lahat ng mga tagahanga sa industriyang ito, pero namumukod-tangi ang mga tagahanga ng pambatong loveteam ng Dos sa talas ng kanilang dila.

Ano kaya ang tingin ng mga tagahangang ito sa mga ehekutibo ng network – de-remote control, na kung anong buton ang pindutin nila ay basta na lang susunod ang mga ito sa kanilang kapritso?

Meron silang pinag-iinitang artista, si Maxene Eigenmann. Kung pagsalitaan nila iyung tao ay parang sila ang nagpapakain dito. Ano ba ang kasalanan ng dalaga, ang tanggapin ang papel bilang ka-triangle nina Gerald at Kim sa kanilang bagong tele-serye?

Kailan pa nagkaroon ng karapatang kontrahin ng mga tagahanga ang mga artistang pinili ng produksiyon para mapabilang sa isang programa. Nagpapauso ba ang mga tagahanga nina Kim at Gerald?

Marami na kaming nakakausap na nagagalit at naiinis sa ipinakikitang ugali ng ibang tagahanga nina Kim at Gerald. Inuulit namin, ng iba lang, dahil mayroon din naman silang tagahanga na marunong umunawa at tumitingin sa katuwiran.

Bea Alonzo at John Lloyd Cruz – May malawak ang pag-iisip ng mga fans

Gusto naming papurihan ang mga tagahanga nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo dahil malawak ang kanilang pang-unawa. Kahit sino ang ipareha sa kanilang mga idolo ay nandiyan lang sila para sumuporta.

Nandoon ang kanilang kagustuhan na kung puwede sana ay eksklusibo lang ang kanilang mga idolo para sa isa’t isa, pero naiintindihan nila ang propesyon nina JLC at Bea. Hindi puwedeng habampanahon ay sila lang palagi ang magkatambal sa telebisyon at pelikula.

Kahit ang matatatag nang artistang tulad nina Governor Vilma Santos, Nora Aunor, Sharon Cuneta, Maricel Soriano at Judy Ann Santos ay nagbibilang ng leading men.

Kailangang ganoon talaga para masubok ang kapasidad ng artista sa takilya. Hindi puwedeng ang orihinal na katambal lang ang palaging kasama ng aktor at aktres, kahit saang lupalop ng mundo ay walang ganoon.

 

Vina Morales – Tapos na ba ang relasyon kay Cedric Lee?

 

Nakatutok sa kaniyang singing career ngayon si Vina Morales. Naghahabol siya, dahil mula noong ipagdalantao hanggang sa ipanganak niya si Ceanna ay marami siyang napabayaang trabaho.

Pero kapansin-pansin na sa card ni Vina noong Pasko ay wala ang pangalan ni Cedric Lee. Pangalan lang nila ng kaniyang anak ang nandoon – ibig sabihi’y tapos na ang relasyon nila ng negosyante.

Wala pang nanggagaling na kumpirmasyon mula kay Vina, hindi pa siya nagsasalita, ang tanging nasabi lang ng magaling na singer/actress ay maligayang-maligaya siya ngayon sa piling ng kaniyang anak.

Tuloy ay maraming nagtatanong. Napagod na kaya sa paghihintay si Vina para panagutan ng negosyante ang kanilang relasyon? Nasa proseso ng annulment ngayon ang negosyante at ang misis nito. 

 

Chin-chin Gutierrez – Maraming naiinis dahil masyadong OA ang acting 

Kapag oras na ng Dahil May Isang Ikaw ay dalawang bersiyon ng tawag at text ang tinatanggap namin. Isang pumupuri sa mga artista ng tele-serye at isang naiinis sa pagganap ni Chin-Chin Gutierrez.

Natural, ang palaging pinupuri ng aming mga kausap ay ang pagganap ni Jericho Rosales lalo na ngayong imbalido ang ginagampanan niyang papel sa kuwento. Kahit naman kami’y saludo sa aktor na ito na pinahinog na ng panahon ang husay sa pag-arte.

Mayroon ding sumasaludo sa pagganap ni John Estrada bilang bida-kontrabida. Walang ka-effort-effort ang pagganap ni John – isa pang aktor na hindi maaaring isnabin ang galing bilang artista.

Kung maraming pumupuri kina Echo, Kristine Hermosa, Sid Lucero, John Estrada, Gabby Concepcion at Lorna Tolentino ay marami naman tayong mga kababayang hindi nagagalingan kay Chin-Chin.

“Napaka-OA niyang umarte, para siyang nananakot, parang naninigas siya sa harap ng camera, nakakaalibadbad ang acting niya!” reaksiyon ng isang kaibigan namin.

May nagkomento rin na para siyang lukaret habang umaarte, OA na OA raw ang dating, kaya sa halip na humanga ka dahil maganda ang daloy ng kuwento ay naiinis ka pa.

Pero sa pagkakaintindi namin ay ganoon talaga ang hinihingi ng papel sa kaniya. Nagkukunwari kasi siyang nasisiraan ng bait, para hindi siya madiin sa kasong kinasasangkutan niya.

Pagkontra ng aming kaibigan, “Naku, kahit naman noong una pa lang, OA na siyang umarte, e! Hindi ngayon lang ang brand of acting na ginagawa niya, noon pa man, ganyan na siya!”

Pero anuman ang sabihin natin ngayon ay nagtagumpay na si Chin-Chin. Malinaw ang ibig sabihin noon na tinututukan ng mga kababayan natin ang kaniyang pagganap, ke natural man iyun o OA pa.

Ted Failon at Pinky Webb – Mayroon bang namumuong pagtitinginan?

May namumuong pag-iibigan sa utak ng ating mga kababayan ngayon. Parang napakaaga pa, pero hindi naman imposible, pero kahapon ay dinagsa kami ng mga komento habang magkasama sina Ted Failon at Pinky Webb sa Tambalang Failon At Sanchez sa DZMM.

Parehong hungkag ang puso nilang dalawa ngayon. Nagluluksa pa si Ted sa pagkawala ng kaniyang misis. Si Pinky naman ay kagagaling lang sa break-up nila ni dating OMB Chairman Edu Manzano.

Pero komento ng mga nakausap namin ay bagay na bagay ang dalawa. May nakahalata rin na kakaiba ang indayog ng boses ng magaling na broadcaster kahapon habang magkasama sila ni Pinky – iyun ang takbo ng utak ng mga kababayan natin kahapon.

Diretso nang nagsabi si Pinky na hindi pa ito handang magmahal. Si Ted ay umaming hindi pa rin, kaya walang dapat ikambal sa kanilang pagsasama sa radyo.

Mabiro lang talaga si Ted. Ayaw niyang kainipan ng mga tagapakinig ang kanilang programa, kaya sa pagitan ng pagbabalita ay tinutukso-tukso niya si Pinky sa ere.

Maganda ang kanilang tambalan sa radyo. Masarap silang pakinggan. Pareho kasi silang nag-aaral ng kanilang leksiyon pero hindi sila nakakabagot pakinggan dahil sa kanilang mga biruan.

Lovie Poe – Nasa loob pala ang kulo

Sa pagkakaalam namin ay mismong Pasko nang magdesisyon si Jolo Revilla na talikuran na ang relasyon nila ni Lovie Poe. Masakit man sa kalooban ni Jolo ang desisyon ay kailangan niyang gawin. Hindi na magiging maganda ang mga susunod pang araw ng relasyon nila ng dalaga, dahil nandoon na ang pagdududa.

Napakaliit pa naman ng mundo ng showbiz. Kung bakit hindi man lang nangibang-bayan si Lovie sa pakikipagrelasyon. Puwede palang maging bangkero sa Pagsanjan ang dalaga dahil dalawang bangka man ay kaya niyang sagwanan?

Pero sa biglang tingin ay parang hindi iyun kayang gawin ni Lovie. Napakahinhin nito at kung magsalita ay ungos lang nang konti ang lakas sa ipis – literal na ehemplo kaya ‘yun ng taong tahimik pero nasa loob ang kulo?

Angel Locsin – si Efren Peñaflorida ba o si Chito Miranda?

 

Nakakatawa. Wala naman kaming direktang komunikasyon kay Angel Locsin. Bibihira lang naming makita ang magandang batang aktres, pero ang dami-daming nagte-text sa amin tungkol sa kaniyang lovelife.

Sabi pa ng isang texter, “Sina Angel at Chito Miranda na ba ng Parokya Ni Edgar? Nakita kasi namin silang magkasama noong minsan, parang meron silang relasyon.”

Sabi naman ng isa pa, “Kung ako kay Angel, si Efren Peñaflorida na lang ang kakarelasyunin ko. Pareho silang mapuso sa mahihirap, magkakasundo sila.

“Huwag na lang si Chito Miranda, parang addict ang isang iyun! Kita n’yo, walang nangyari sa relasyon nila ni Kaye Abad, samantalang seven years pala silang tumagal?

Kontra ang kaniyang mga tagahanga kay Chito Miranda. Kung bakit ay panlabas na anyo lang ng singer ang kanilang pinagbabasihan. Mukhang addict daw kasi pero mukha lang naman at hindi pa nila sigurado.

In fairness sa bokalista ng Parokya, isa ito sa mga singers na kapuri-puri ang ugali, hindi magaspang si Chito at sumikat man ito ay walang kaere-ere. 

Simple lang naman iyan, kung sino ang pinakamatimbang sa puso ni Angel Locsin, dapat ay maging masaya na lang sila para doon sa tao.

Pacman at Krista – Nilangaw sa takilya

Siguradong baling-bali ang pakpak ngayon ni Krista Ranillo dahil ni katiting na tulong ay walang nagawa ang pagkakaugnay ng kaniyang pangalan kay Manny Pacquiao.

Pasko pa nang magbukas sa mga sinehan ang kanilang pelikulang Wapakman, pero talagang kulelat ang kanilang lahok sa MMFF. Ilampung milyon na ang kinikita ng iba pang mga kalahok ay ni hindi umangat sa tatlong milyon ang kinita ng kanilang tambalan.

Akala pa naman ng marami ay tututukan ng publiko ang kanilang pelikula para silipin kung meron nga silang relasyon, pero sori na lang, walang nag-abalang alamin iyun.

Pareho silang nasilat ni Pacman. Pangboksing lang talaga ang Pambansang Kamao, samantalang si Krista naman kung tawagin ng mga manunulat at hosts ay starlet pa rin.

Nakakalungkot.

 
Mila Ocampo – Nanay ni Snooky ay pumanaw na

Nagluluksa ngayon ang magkapatid na Snooky at Anton Serna sa pagpanaw ng kanilang ina, si Tita Mila Ocampo, isa sa mga palaban at respetadong ina sa showbiz.

Matagal nang pabalik-balik sa ospital si Tita Mila, kumplikasyon na ang kaniyang ikinamatay, magkakasama na sila ngayon sa kabilang buhay ng kaniyang aktor na mister na si Tito Von Serna na ilang taon nang namaalam.

Noong kasagsagan ng kasikatan ng youngstar pang si Snooky ay palagi naming nakakasama si Tita Mila, hindi siya makapapayag na basta kawawain ang kaniyang dalaga, kapag nagsimula nang magsalita ang ina ni Snooky ay problema sa TV host kung paano siya aawatin kapag anak na niya ang sangkot sa usapin.

Pareho sila ni Amalia Fuentes na palaban, ang pagkakaiba lang nila ay kampi si Tita Mila sa kaniyang anak, samantalang ang isa naman ay anak mimso ang kalaban.

Rosanna Roces – Laos na talaga

Hindi na napanood si Rosanna Roces sa It’s Showtime noong nakaraang Biyernes nang tanghali bilang judge. Kinailangan siyang tanggalin – hindi pa man niya tinatanggap ang paghusga ng bayan na burahin na siya bilang judge sa show. Ito’y dahil sa ginawa niyang lantarang pambabastos sa hanay ng mga guro noong nakaraang Huwebes.

Kung sana’y sinabi niyang ibang guro lang, pero nilahat niya ang hanay ng mga titser. Kaya pagkatapos magyabang at maglitanya ni Osang ay inulan na ng reklamo ang ABS-CBN at ang MTRCB.

Dapat lang namang hindi palampasin ng network at ng ahensiya ang todong pagpapakita ng pambababoy ni Rosanna Roces sa mga guro.

Kahit pa nagpaliwanag si Osang noong bandang huli tungkol sa mga dinanas niya raw sa ilan niyang guro na patay na ngayon at kapiling na ni satanas ay naging bingi na ang publiko sa kaniyang palusot.

Ewan kung ano ang masamang hanging nagtulak kay Osang para tawaging sinungaling at walanghiya ang mga guro. Nag-ugat lang iyun sa kaniyang tanong kung ano ang tunay na pangalan ng mga magulang ng ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal sa lider ng grupong sumali sa It’s Showtime na mula sa Calamba, Laguna.

Si Osang ang nagtatanong, pero siya rin naman ang sumasagot, kaya ang kaniyang hirit, “E, bakit Jose Protacio Rizal ang pangalan niya?

“Murahin mo ang teacher mo dahil hindi niya sinabi sa iyo ang totoo! Ako noon, minura ko ang teacher ko noong hindi niya masagot ang tanong ko, e! 

“Sinungaling at walanghiya ang mga teacher, sila ang totoong repeaters, dahil paulit-ulit lang naman ang itinuturo nila sa mga estudyante nila!” buong kayabangang mando ni Osang sa kalahok.

Nakakikilabot na mga litanya. Hindi na ito isang personal na away lang. Hindi na isang tao lang ang inuupakan sa himpapawid ni Rosanna, kundi ang hanay na ng mga guro sa kabuuan.

Have a comment on this article? Send us your feedback.