Print E-mail
Monday, 01 February 2010 00:23
Cristy Fermin     Pebrero 1 - 15, 2010
  Kris Aquino

Kris Aquino – Kinakarma? Di ba ganoon din siya noon kay Philip at Joey?

Pambabastos daw sa kaniya bilang asawa at hindi pagseselos ang dahilan kung bakit pinuntahan nang personal (ayaw niya ng terminong panunugod) ni Kris Aquino ang kanilang ka-village na si Mayen Austria na narinig niyang kausap ni James Yap na may paiyak-iyak pa sa telepono.

Nabastos daw siya bilang tao, ayon kay Kris, dahil heto ang isang babaeng humihingi ng payo sa kaniyang mister kung ano ang gagawin nito sa kaniyang boyfriend na basketball player din.

Pero bakit nga ba ganoon? Siyam sa bawat sampung nakausap namin ang hindi nagbibigay ng karapatan kay Kris na maging balat-sibuyas tungkol sa paksa ng pangungumpronta sa mga babaeng nakikipaglapit sa mga lalaking pamilyado na.

Reaksiyon pa ng isang nakausap namin, “Si Kris pa ba ang gagawa ng ganoon? Mayroon man o walang relasyong namamagitan kay James at doon sa babae, malayo pa rin sa utak ko na si Kris ang mangongompronta sa babae.

“Ano ba ito, karma? Pasalamat siya at tahimik lang ngayon sina Sony Dabao at Alma Moreno. Hindi rin nagsalita kahit kailan ang mga anak nina Phillip (Salvador) at Joey (Marquez). Pero makakalimutan ba naman ng publiko ang dalawang beses niyang pakikipag-live-in sa mga lalaking pamilyado na?

Nabastos na si Kris bilang misis ni James ay ayaw pa ring bilhin ng mga kababayan natin ang kaniyang dahilan. Ang totoo raw ay pinairal na naman ni Kris ang kaniyang pagiging bratty, na para bang lahat na lang ng tao ay kayanan-kayanan niya kapag gusto niyang palutangin iyun anumang oras.

Aminado si Kris na sinabihan niya ang ina ni Mayen Austria na sabihan ang anak nito na huwag nang tinatawag-tawagan pa ang kaniyang mister dahil mahalay tingnan iyun. Hindi rin nakalusot iyun sa maopinyong dila ng mga nakausap namin.

“Look who’s talking! Phone conversation pa lang iyun nagkakaganiyan na siya? Kinompronta na niya agad iyung babae. Ikumpara nga niya iyan sa mga ginawa niya noon?

“Naku, manalamin talaga siya para ang sarili niya mismo ang magsabi sa kaniya kung ano ang ibig sabihin ng hindi magandang tingnan sa talagang mahalay,” komento pa rin ng ating kababayang hindi paborable sa ginawa ni Kris Aquino.

Tanong naman ng isang kaibigan namin, bakit daw pinabayaan ni James Yap na gumawa ng ganoong hakbang si Kris, samantalang siya ang direktang sangkot sa isyu? Dalawang bagay ang posible, puwedeng makulit nga itong si Mayen Austria sa katatawag-kahihingi ng payo kay James. Pero puwede rin namang gustong-gusto ni James Yap na kinakausap ang babae sa minaskarahang katuwiran na magkaibigan lang naman sila.

Komento ng isang kaibigan naming macho na marunong humanga sa mga kababaihan, “Hindi matulis sa babae si James Yap, wala siyang kadala-dala!”

  Gov. Vilma Santos

Gov. Vilma Santos – Hindi kayang ibagsak kahit matindi ang paninira ng kalaban

Kung hanging-amihan ang dahilan kung bakit nararamdaman natin ang Kapaskuhan, kapag papalapit naman ang eleksiyon ay mayroon ding palatandaan. Maraming isyung hinuhukay mula sa lumang baul na hinuhukay uli at kadalasan pa nga ay mayroon pang imbentong kuwento para lang makapanira ng katunggali nila sa posisyon.

Ang paboritong target sa mga ganitong situwasyon ay ang mga artista. Napakadali kasi nilang kalampagin, at sumisikat pa ang mga kumakalampag sa kanila.

Si Governor Vilma Santos na lang, ibang klase kung siraan siya ng kaniyang kalaban. Masyadong personal ang mga bira ng politikong iyun na kalalaking tao pa naman.

Pero wala nang magiging epekto ang paninira ng politikong iyun. Ang tatlong masaganang taon na ipinaglingkod ni Governor Vilma sa kaniyang lalawigan ay hindi kalimut-limot, kaya siguradong siya pa rin ang maluluklok na tagapamuno ng Batangas sa darating na halalan.

“Masakit kung sa masakit. Tao lang naman akong tinatablan ng mga paghusgang salat naman sa katotohanan, pero mas masasaktan ako kung hindi ko magagawa ang mga pangarap ko para sa Batangas.

“Napakarami kong tinanggihan, napakarami kong taong binigo nang lumapit sa akin para tumakbo sa mas mataas na posisyon, dahil ang gusto ko’y matapos ko muna ang lahat ng vision ko sa lalawigang nagtiwala sa akin,” napakabanayad na pahayag ng magandang aktres-politiko.

  Sen. Bong Revilla

Sen. Bong Revilla – Ayaw patulan ang pamimintas ni Gov. Ayong Maliksi

Magkadikit lang ang kanilang probinsiya, sa bandang Cavite naman ay paboritong gawing pulutan ngayon ni Governor Ayong Maliksi si Senador Bong Revilla, hindi naman sila direktang magkalaban sa politika pero panay-panay ang upak ngayon ng gobernador sa senador.

Komento nga ng mga taga-Cavite ay hindi naman si Senador Bong ang dapat bigyan ng atensiyon ng kanilang gobernador, ang dapat nitong asikasuhin ay ang napakakupad na pag-unlad ng kanilang probinsiya, kahit pa Maliksi ang apelyido ng kanilang gobernador.

Pero sa tagal na rin ni Senador Bong sa mundo ng politika ay marunong na siyang kumilatis ng kung sino ang papatulan niya at hindi bibigyan ng pansin.

Sayang nga naman ang kaniyang panahon kung papansinin niya ang mga patutsadang kapos naman sa ebidensiya, mas mapapakinabangan niya ang mahalaga niyang panahon sa pagtulong sa ating mga kababayan, na ginagawa niya ngayon sa abot ng kaniyang makakaya.

Vice Ganda – Lalong sisikat dahil marunong tumanggap ng puna

Lalong nadagdagan ang respeto at paghanga namin kay Vice Ganda dahil pinahahalagahan niya ang komento ng ating mga kababayan tungkol sa paghusga niya sa mga kalahok ng Showtime.

“Maraming salamat po sa paalala, I don’t take it against anyone, natural lang na mayroon pa ring mga televiewers na magko-comment sa mga sinasabi ko on the air.

“Open po ako sa mga ganoon, mas maganda pa rin kapag may mga nagpapaalala,” pahayag ni Vice Ganda tungkol sa sinulat naming komento-pagpansin ni Professor Toti tungkol sa mga sinabi niya sa isang batang kalahok kamakailan.

Ang mensahe ni Prof. Toti, “Reminder lang, especially now that MTRCB is closely watching Showtime. Sana lang, mag-tone down a bit si Vice sa mga comments niya.

“Iyung group 2 earlier (Martes), super-straight na pangit ang comment niya. Okey lang sana if he gave it as a general comment, but he singled out pa the young girl who impersonated J Lo.

“Part of his comment went like, ‘Hindi ka rin naman pala marunong sumayaw!’ and ‘Walang maganda sa ginawa ninyong malalaki, iyung mga kids lang!’

“Harsh masyado. There’s always a better way to phrase a criticism, especially because the show trumpets that it is supposed to inspire people!

“One could not help but pity those whom Vice reduced into pieces. I like Vice, pero sobra siya. First time akong hindi naaliw sa kaniya,” kumpletong nilalaman ng mensahe ni Professor Toti.

Kilala namin si Vice Ganda, kasinglawak ng mundo ang kaniyang pang-unawa, isang bagay na lalo pang nagpapaningning ng kaniyang pangalan ang maluwag sa loob niyang pagtanggap sa mga kritisismong ipinaaabot sa kaniya.

  Shaina Magdayao John Lloyd Cruz

John Lloyd Cruz – May pagtatangi kay Shaina

Nakaladkad ang pangalan ni John Lloyd Cruz sa paghihiwalay nina John Pratts at Shaina Magdayao. Mayroon pang kuwentong kumakalat na ang guwapo at magaling na aktor daw ang nagturong uminom ng alak kay Shaina.

Siya ang itinuturong dahilan daw ng break-up nina John at Shaina, pero ang dalaga na mismo ang naglabas kay John Lloyd sa isyu.

Kung totoo mang may lihim na pagtitinginan ngayon sina JLC at Shaina ay labas na doon si John dahil tapos na ang kanilang relasyon.

Mayroon kaming alam na kuwento kung bakit biglang tinabangan si Shaina kay John. Hindi si JLC ang sangkot sa kuwento. Isang kapintasan iyun ni John bilang lalaki na hindi na kinayang tanggapin at tiisin ni Shaina ayon sa aming mapagkakatiwalaang impormante.

Jomari Yllana – Hindi sinisipot ang anak kay Konsehal Aiko

Siguradong maaalarma si Jomari Yllana sa mga impormasyong nalaman namin kamakailan tungkol sa napakagandang relasyon ng kanilang anak ni Konsehal Aiko Melendez na si Andre sa kaniyang “Papa Pat” na si Acting Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses.

Sa Ateneo kung saan nag-aaral si Andre maging sa subdivision na tinitirhan ng konsehala ay iisa ang kuwentong nalaman namin, daig pa ng tunay na magkadugo ang turingan nina Andre at Mayor Patrick Meneses, super-close daw ang dalawa.

Konsehal Aiko Melendez – Ang nobyong mayor ang tumatayong ama ni Andre na anak ni Jomari

Basta may sapat na panahon ang karelasyong pulitiko ni Konsehal Aiko ay siya rin ang nagpapasyal kay Andre, nakikita silang nagsi-shopping, madalas ding nasa bahay ng mga Meneses sa White Plains si Andre kasama ang kapatid nitong si Marthena para mag-swimming.

Ang boyfriend ni Konsehal Aiko ang pansamantalang tumutupad sa mga obligasyon ni Jomari para sa anak nito. Bihirang-bihira pala kasing magkita ang mag-ama. Kapuri-puri ang guwapong pulitiko sa pag-ako niya ng obligasyong hindi naman siya dapat ang gumawa para kay Andre.

Noong minsang tanungin namin ang aktres-pulitiko kung bakit maayos ang takbo ng kanilang relasyon ni Mayor Patrick ay isa lang ang kaniyang sinabi, “Mahal po ni Patrick ang mga anak ko, mahal niya ang lahat ng taong mahal ko, kaya mahal na mahal ko siya.”

Have a comment on this article? Send us your feedback.