Print E-mail
Tuesday, 16 February 2010 00:20
Cristy Fermin     Pebrero 16 - 28, 2010
  Angelica Panganiban

Angelica Panganiban – Maganda pero kulang sa projection; kailangan din ng nose job

Napanood namin si Angelica Panganiban sa ASAP nang ilunsad ang kaniyang pinagbibidahang serye, ang Rubi. Seksing-seksi ang kaniyang suot na two-piece pero kulang na kulang siya sa projection.

Nakasusunod naman siya sa dance steps ng kaniyang mga back-up dancers, pero para lang siyang tuod na nakatayo sa napanood naming pagsasayaw niya. Walang-wala siyang init sa kaniyang itsura at paggalaw.

Naalala namin si Vina Morales, may anak na ngayon ang singer-actress, pero kapag nagpo-production number ito sa nasabing variety show ay talagang hindi ka bibitiw ng panonood sa kaniya sa ganda ng kaniyang projection.

Iyon ang kulang kay Angelica. Naturingang mapanghalina ang papel sa ginagampanan niya bilang bida ng serye, pero hindi kahali-halina ang kaniyang dating dahil sa kawalan niya ng projection.

Walang kuwestiyon sa kaniyang ganda lalo na kapag wala siyang make-up, pero pagpansin ng isang nakausap naming doktor, kailangan daw ni Angelica Panganiban ng nose job.

“May kalaparan ang ilong niya, iyon lang ang medyo alanganin sa itsura niya,” sabi pa ng kausap naming doktor.

Korina Sanchez
Kris Aquino  

Korina Sanchez at Kris Aquino – Mayroon pa bang bad blood sa dalawang ito?

Milya-milya ang layo sa survey ni Senador Mar Roxas sa sinasabing mahigpit nitong kalaban sa pagiging vice-president na si Senador Loren Legarda. Kung ang survey na kalalabas lang ay mapanghahawakan ni Senador Mar hanggang sa papalapit na ang eleksiyon ay walang dudang pagtataas na lang ng kaniyang kanang kamay ang kailangan.

At kung halos nakasisiguro na si Senador Mar ay nakababad naman sa mainit na tubig ang mga paa ni Senador Noynoy Aquino. Ito ay dahil halos patas na lang ang rating nila ni Senador Manny Villar, ang tinaguriang FPJ ng Senado na habang pinagtutulungang bugbugin ng kaniyang mga kapuwa mambabatas ay itinataas naman ng publiko.

May tanong kaming tinanggap na nangangailangan ng paglilinaw. Bakit daw walang aktibidad na magkasama sina Korina Sanchez at Kris Aquino, samantalang ang magkakampi sa laban ay dalawang taong napakalapit sa kanilang puso?

“Hanggang ngayon ba, may bad blood pa rin between them?” tanong ng isang mapagmasid.

Sen. Noynoy Aquino – Binansagang: “Daddy said, mommy said,” dahil walang pansariling merito

Nilaliman namin ang pag-aanalisa sa nagaganap ngayong labanan sa rating nina Senador Manny Villar at Senador Noynoy Aquino. Halos pantay na ang kanilang numero, ibig sabihi’y sumisirit paitaas si Senador Villar habang hinihila naman pababa si Senador Noynoy.

Aminado ang partido ng kapatid ni Kris Aquino, kumukupas na ang Cory Magic. Parang nawawalan na ng saysay ngayon ang habampanahong paggasgas ni Senador Noynoy sa pangalan ng kaniyang mga magulang.

Sa isang umpukan ng mga pulitiko ay mayroon nang bansag si Senador Noynoy. “Daddy said, mommy said” na ang tawag sa kaniya dahil wala siyang pansariling kredito at meritong ipinagmamalaki sa kaniyang mga ads kundi ang pagiging bayani ng kaniyang ama at magandang pangalan ng kaniyang ina.

Napag-isip-isip lang namin, habang tinatangay ng hangin paitaas ang rating ni Senador Villar ay nangangamote naman sa ibaba si Senador Loren, at habang pababa nang pababa ang rating ni Senador Noynoy ay namamayagpag naman sa itaas ang pangalan ni Senador Mar Roxas.

Paano kung sa bilangan ay iwanan ng milya-milya ng boto ni Senador Mar ang boto ni Senador Noynoy? Makukunsensiya kaya ang kanilang mga kapartido kung bakit sa isang iglap ay hinarang nila ang pagkandidato ni Mr. Palengke sa panguluhan sa paniniwalang ang simpatya noon ng mga Pinoy kay Tita Cory ay magiging kapaki-pakinabang hanggang sa eleksiyon ay ipinagsiksikan nila si Senador Noynoy bilang ulo ng kanilang partido?

Katrina Halilli  

Hayden Kho – Kahit umapela, kanselado pa rin ang lisensya bilang doctor

Pinakamalungkot na binata siguro sa mga panahong ito si Hayden Kho, ang karelasyon ni Dra. Vicki Belo na nasangkot sa matinding isyu ng sex video, dahil pinanindigan ng Board of Medicine ng Philippine Regulation Commission ang pagkakansela sa kaniyang lisensiya bilang doktor.

Kung matatandaan ay nag-apela ang kampo ni Hayden Kho para maisalba ang kaniyang propesyon, pero hindi pinagbigyan ng PRC ang kaniyang hiling. Pinal na ang desisyon na hindi na maaaring praktisin pa ni Hayden Kho ang kaniyang pagiging doktor.

Katrina Halili – Nakaganti na sa kahihiyang ibinigay sa kaniya ni Hayden Kho

Ang pinag-ugatan ng pagkakansela ng kaniyang lisensiya ay ang ihinaing reklamo ni Katrina Halili, isa sa mga babaeng nakasalo sa kaligayahan ni Hayden sa sex video na pinagpistahan ng publiko. Kinakitaan ng merito ng Philippine Medical Association ang reklamo ng sexy actress.

Parang nakikinita na namin ang pagbubunyi ngayon ni Katrina Halili. Napakaraming humusga sa kaniya noong magpakatotoo ito tungkol sa naganap sa kanila ni Hayden, pero ngayon ay may napatunayan ang dalaga.

At siguradong masaya rin ngayon si Senador Bong Revilla dahil ito lang ang politikong naging bukas ang bibig sa pagkondena kay Hayden Kho. Kung ano-anong pananakot din ang tinanggap noon ng aktor-politiko, bitiwan lang nito ang pagkalampag kay Hayden Kho.

  Sarah Geronimo

Sarah Geronimo – Kakantahin ang official political jingle ni Sen. Manny Villar

Napakalaking plus factor para sa kampo ni Senador Manny Villar na tumatakbo sa panguluhan ang pagkakuha kay Sarah Geronimo para kumanta ng opisyal na jingle ng pulitiko.

Bibigyan ng panibagong tunog at areglo ni Sarah ang pamosong political jingle ni Senador Villar na alam na alam kantahin kahit ng maliliit na bata. Ito iyong kantang nagtatanong sa bayan kung naranasan na ba nilang maligo sa dagat ng basura at magdiwang ng Pasko sa gitna ng kalsada. Ibibigay ni Sarah sa atin ang kaniyang bersiyon ng nasabing jingle.

Have a comment on this article? Send us your feedback.