|
|
| Thursday, 01 April 2010 00:27 | |||||||||||
Shaina Magdayao – Siya na ba ngayon ang minamahal ni John Lloyd Cruz? Totoong-totoo ang kumakalat na kuwentong madalas lumalabas sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao. Hindi man sila diretsong umaamin tungkol sa kanilang relasyon ay wala nang kailangan pang tanungan, nagkakaunawaan na ang dalawa. Noong unang makarating kay Ruffa Gutierrez ang impormasyon ay tinanong nito si JLC kung gaano katotoo iyon. Lalaki si John Lloyd, alam niya ang kasabihan na mahuli man ng kaniyang karelasyon ang lalaki “on top of the world” ay puwedeng ikatwiran ang palusot na nadapa lang siya. Ang tanging nasabi lang ni Ruffa kay JLC, “Kaya pala bihira na lang tayong lumabas ngayon, mayroon ka nang ibang pinagkakaabalahan.” Nagdenay si JLC. Magkaibigan lang daw sila ni Shaina. Pero paano nga ba nila pasisinungalingan ang sangkatutak na matang nakakakita kapag nagde-date sila, nagsi-shopping at nagtatagpo sa bahay ng isang make-up artist na kaibigan nila?
Hindi lang nakagaganda kay Shaina ang kuwento na habang sila pa ni John Prats ay mayroon na rin silang lihim na relasyon ni John Lloyd. Opinyon ng marami ay malaki ang pagkakaiba ng dalaga sa kaniyang kapatid na si Vina Morales, na marami mang nakarelasyon ay wala naman itong pinagsabay sa isang panahon lang. TV5 – Nilunsad na, “Para sa iyo, kapatid!” Noong Marso 25, Huwebes nang hapon hanggang hatinggabi naman ginanap ang pabolosong paglulunsad sa bagong TV5. Kasabay na rin ang trade launch, para sa mga bagong programang mapapanood sa network na may tag line na “Para sa ‘yo, kapatid!” Siyempre’y kumpleto ang mga poste ng network. Nandoon ang chairman of the board at may-ari na si Manny Pangilinan, ang presidente ng istasyon na si Atty. Rey Espinosa. Hindi rin mawawala siyempre sina Bobby Barreiro, Percival Intalan, Anthony Pastorfide at ang napakaabalang si Noel Ferrer. Sa dami ay hindi na namin maiisa-isa pa kung sinu-sino ang mga dumating na artista at singers. Kapansin-pansin na sa tahimik na paraan ay napakarami na palang personalidad na naglipatan sa TV5, ibang klase talagang magtrabaho ang Tropang MVP. Maraming bagong programang bubuksan, pero gusto na namin kayong unang anyayahan sa dalawang talk shows na sasamahan namin sa TV5, ang Paparazzi na magsisimula na sa April 11 (Linggo, alas dos y medya nang hapon), at ang Juicy na mapapanood na tuwing 2:15 nang hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
Ruffa Gutierrez – Magpapasabog na sa Paparazzi tungkol sa mga nang-aapi sa kaniya Magkakasama kami nina Ruffa Gutierrez at Dolly Ann Carvajal sa Paparazzi at ang mga dating nagrereyna naman sa Juicy na sina IC Mendoza at Alex Gonzaga ang makakasama namin sa bagong bihis na talk show. Noong gabing iyon pa lang ay ramdam na ang nagbabadyang isyu. Sa kaniyang pag-iimbita ay sinabi ni Ruffa na sa Paparazzi ay hindi uso ang iyakan, “You can run but you can’t hide in Paparazzi,” madiing sabi ni Ruffa. Sa pagkakaalam namin ay sa pagsisimula pa lang ng Paparazzi live na magbubukas ng bibig si Ruffa tungkol sa mga isyung pinagigitnaan niya. Kung may kalayaang maglitanya ang ibang tao diyan, bakit, si Ruffa ba ay mananatiling pipi na lang habampanahon para ipagtanggol ang kaniyang karapatan? Madulas din ang dila ni Dolly Ann, diretso nitong sinabi na pareho kami ni Ruffa na naging biktima ni Kris Aquino, pero ang kabuuan ng aming mga pahayag tungkol doon ay mapapanood sa isang pasabog ng Juicy sa Miyerkules sa darating na linggo. Isang nagmamagaling na bossing kuno ng pinanggalingang talk show ni Ruffa ang maangas na nagtanong, “Ano naman ang gagawin doon ni Ruffa, ang magpa-cute lang?” Hindi dapat ganoon ang tanong. Ang dapat ibatong tanong sa mukha ng taong iyon ay kung ano naman ang kanilang nagawa noong binabara-bara ni Kris si Ruffa sa mismong tungki ng kanilang ilong, mayroon ba? Kahit aling diksiyunaryo sa buong mundo ay magsasabi na mas kapuri-puri pa rin ang nagpapakyut sa nambabastos.
Paparazzi – Bagong talk show ni Nay Cristy kasama si Ruffa at Dolly Ann Carvajal sa TV5 Nakaaaliw ang mag-inang Dolly Ann Carvajal at IC Mendoza, para lang silang magkapatid kung magturingan, kung literal na bakla si IC ay baklang-bakla naman si Dolly Ann. Magka-chika sila tungkol sa boys, pinagkukuwentuhan nila palagi ang kanilang lovelife. Nagkataon lang na nagmula sa sinapupunan ni Dolly Ann si IC pero mas magkaibigan at hindi mag-ina ang kanilang turingan. Kuwento ni IC, “Siyempre naman, mommy ko siya, kaya ready akong makipag-away para sa kaniya. Gaya Noong minsan, may narinig akong nagkukuwentuhan tungkol sa mommy ko na noong minsang lumabas kami ng mga friends ko. Ang sabi, alcoholic daw ang mommy ko. “Sinabi ko sa mga friends ko, ‘Tanungin ninyo ako kung gusto kong uminom, para maparinggan ko ang mga katabi natin.’ So, tinanong nga nila ako. “Ang sabi ko, ‘Oo naman, ‘no! Iinom ako, kasi, di ba, alcoholic din ang mommy ko?’ Alam ninyo, hindi nakakibo iyong mga katabi namin, bigla silang napahiya, lumabas na lang sila noong magtagal-tagal na,” kuwento ng bunsong anak ni Dolly Ann. Maliit na bata pa lang si IC ay binulungan na namin si Dolly Ann na bading ang kaniyang anak, pero ang gulat na reaksiyon ni Dolly, “Hindi, ah! Malambot lang siyang kumilos, but he’s not gay, basketball player ang tatay niya!” Nora Aunor – Nangakong itutuloy at shows sa Canada kapag bumalik na ang boses niya Nakakainis ang mahigpit na trapik sa kahabaan ng EDSA Noong nakaraang Marso 23 nang hapon. Totoo ngang “traffic capital of the world” ang Pilipinas, pero ang aming pagkainis ay napalitan ng pagkatuwa nang makatanggap kami ng tawag mula kay Nora Aunor. Hindi impostor na Superstar ang aming kausap mula sa Amerika. Kilalang-kilala namin ang taginting ng kaniyang boses, para ano pa’t naging presidente kami ng kaniyang fans club sa Nueva Ecija Noong aming kabataan? Ang anak-anakan-kababayan naming si Albert Sunga ang hiningan ni Ate Guy ng aming numero, ayon kay Nora ay hindi niya pababayaang dumaan ang mga araw nang hindi siya nakikiramay sa pagpanaw ng aming ina, naramdaman namin na ang pakikisimpatya ay nagmula sa puso at hindi sa bibig lang. Mula sa Toronto ay bumalik na siya sa Amerika dahil kailangan niyang dumalo sa parangal na ibibigay sa kaniya ng Green Globe Awards, ang mga shows niya naman sa Canada na hindi natuloy dahil sa kawalan niya ng boses ay matutuloy sa darating na Mayo, kaya ang pag-uwi niya sa bansa ay maaantala rin sa Hulyo na. “Heto nga, medyo masakit pa rin ang lalamunan ko. Pinipilit ko pa ring bumiyahe papuntang Canada para naman walang masabi ang mga kababayan natin, personal akong humingi ng paumanhin sa kanila na hindi ko kakayanin talagang mag-show, dahil sayad na sayad ang boses ko. Noong matapos ang pag-uusap namin ni Nora Aunor ay matrapik pa rin, nakakainis pa rin ang bumper to bumper na pag-usad ng mga sasakyan, pero pakiramdam nami’y napakakinis na ng kalye dahil sa sorpresang tawag sa amin ng Superstar. Cesar Montano – Trahedya sa pamilya Nagdadalamahti ngayon ang pamilya ni Cesar Montano dahil sa pagpapakamatay ng kaniyang beinte tres anyos na anak na si Angelo. Dalawa ang anak ni Cesar sa kaniyang unang misis na namayapa na, sina Angela at Angelo. Mayroon din siyang anak kay Teresa Loyzaga – si Diego, matagal nang naninirahan sa Australia. Huli naming nakita si Angelo sa Belissimo Restaurant tatlong taon na ang nakararaan. Ang binata ang nag-asikaso sa amin habang pinagmamasdam namin ang mga obra ni Eman Santos na nag-exhibit sa kanila. Marespeto pero tahimik ang pagkakilala namin kay Angelo. Palaging sumasama si Angelo sa kaniyang tatay, pero kumibo-dili ang binata, pangiti-ngiti lang ito. May duda ang mga kasama sa bahay ng mga Manhilot na problema sa kaniyang girlfriend ang dahilan ng pagbabaril ni Angelo. Pruweba noon ang huling pangalang tinawagan nito bago nagpakamatay, pero pinag-aaralan pang mabuti ng mga imbestigador kung mayroon pang ibang problema ang binata bukod sa karelasyon nito. Nakakalungkot lang isipin na kung kailan pa dumating ang hudyat ng opisyal na pangangampanya ng mga pulitikong tumatakbo sa lokal na posisyon ay saka pa naganap ang matinding insidenteng ito sa buhay ni Cesar. Ang taos-puso po naming pakikiramay sa pamilya Manhilot sa maagang pagkawala ni Angelo. Gov. Vilma Santos – Hindi kayang siraan ng mga kalaban Masyadong matindi ang kredibilidad ni Governor Vilma Santos bilang isang lingkod-bayan. Ito ang dahilan kung bakit nagsama-sama ngayon ang kaniyang mga kalaban para ibagsak siya. Personalan pa ang banat ng mga ito kahit babae ang kanilang pinatutungkulan. Sa kabila ng ginagawa ng mga grupong ito ay positibo pa rin ang opinyon namin, ganoon kalakas si Governor Vilma, kaya lahat ng atake ay naiisip ngayon ng mga katunggali niya para lang siya maibagsak. Noon ay isang kampo lang ang pumupuntirya sa kaniya, pero ngayon ay tatlo na, talagang sinadya ng mga ito ang maghawak-kamay para sa iisang motibo: ang ibagsak ang kandidatura ng Star For All Seasons. “Ako naman, kapag ganyan na nararamdaman kong may mga tumatrabaho para ako wasakin, lalo kong pinagbubuti ang trabaho ko bilang ina ng aming probinsiya. Mula noong una siyang mahalal bilang mayor ng Lipa City hanggang sa mga panahong sinusulat namin ang kolum na ito ay nananatiling buong-buo ang pangalan ni Governor Vilma bilang politiko. Nagsasayang lang ng pagod ang mga katunggali ni Governor Vilma, sa halip na siraan at sirain siya sa mata ng mga Batangueño ay mas maganda kung aalamin na lang nila ang tunay na mga problema ng kanilang probinsiya, doon lang sila makakaparehas sa Star For All Seasons. Gladys Reyes – Kontrabida sa showbiz pero napakabait sa tunay na buhay Panahon ngayon ni Gladys Reyes, ang pinakamagaling na batang kontrabida sa balat ng pelikula at telebisyon, nagniningning ang pangalan ngayon ng magaling na aktres. Mayroon siyang Showtime, kung saan magagandang komento ang binibitiwan niya sa mga kalahok. Mayroon din siyang Habang May Buhay bilang kontrabida siyempre pa ni Judy Ann Santos. Maganda ang pasok ng 2010 sa kanila ng kaniyang mister na si Christopher Roxas, abala rin ito ngayon bilang kontrabida sa mga tele-serye ng Dos. Pero sa kabila noon ay hindi nila napababayaan ang kanilang mga anak na lumaking marespeto at puwede na ring isalang sa showbiz dahil sa kaguwapuhan. At nakakatuwang marinig ang mga komento ng maraming artista tungkol kay Gladys, walang nagsasabing kasingsalbahe niya ang mga papel na ginagampanan niya, kabaligtaran noon ang maririnig mo. At isa kami sa makapagpapatunay na totoong-totoo ang ganoong obserbasyon at pagkakilala kay Gladys Reyes ng kaniyang mga kasamahan.
|






