Print E-mail
Friday, 16 April 2010 00:27
Cristy Fermin     Abril 16 - 30, 2010

 

Paparazzi – Maluwalhating nairaos ang premier show

Nanganay ang buong tropa ng Paparazzinoong Linggo (April 11) nang umaga. Alas dos y medya nang hapon na ang programa, pero wala pang nakikitang linaw si Direk GB Sampedro tungkol sa kaniyang set.

Para naman kasing milagroso ang mga taga-TV5. Lahat ng live shows na napanood noong Linggo ay binuo lamang ang konsepto sa loob nang tatlong linggo, kasama na ang kani-kanilang set.

Maaga ang aming calltime noong Linggo nang umaga. Kailangang mag-blocking rehearsal kami nina Dolly Ann Carvajal at Ruffa Gutierrez, pero hindi naman iyon natuloy.

Saan nga naman kami iba-block ng direktor, samantalang wala pang natatapos na set, kaya ang nangyari ay noong magsisimula na lang ang Paparazzikami pinaliwanagan ng aming floor director kung saan kami papasok at pupuwesto sa pagbubukas ng programa.

Mainit ang kapaligiran, sobra ang alinsangan pero mas uminit pa iyon sa mga segments ng Paparazzi  na napanood noong unang sultada nito. Pinakagusto ng mga tumawag sa amin ang bahagi kung saan ipinakikita ang mga retrato ng mga sikat na artistang pinaghihinalaang bading.

“Sino ba iyong sinabi mong hunk actor na hindi bading, kundi dyowa ng bading?” sangkatutak ang nag-text sa aming tungkol doon.

Tawa kami nang tawa. Talagang interesado ang manonood sa mga ganoong klase ng atake, kahit naman kasi sa mga tabloids ay pinakamabenta rin ang mga blind items.

May simpleng paalala naman si Dolly Ann, “Dahil busog na kayo sa maaga nating chikahan, magsimba na kayo mamayang alas kuwatro,” nagtawanan ang mga manonood sa studio dahil simple lang ang atake ni Dolly Ann pero kumakagat iyon at makahulugan.

Si Ruffa Gutierrez naman, titingnan natin siyang parang nagpapa-cute lang, pero wala ring preno ang kaniyang dila sa pagbabahagi sa manonood ng kaniyang posisyon tungkol sa isang isyu.

Siguradong maraming maaapektuhan sa pag-oopinyon ng mga hosts ng Paparazzi. Pero alam naming mas gustong nakakarinig ng opinyon ng manonood tungkol sa isang sumisilab na kuwento tungkol sa mga artista. Ayaw nila sa mga hosts na palaging play safe dahil urong ang buntot nila.

Nagkaroon ng technical glitches, maaasahan ang ganoon sa isang nanganganay na live show, pero masaya kami sa mensaheng tinanggap namin mula sa mga bossing ng TV5.

“We just came from the post-meeting of Paparazzi. Despite the technical glitches which have to be addressed, the management sees your chemistry as hosts as the major plus factor of our show.

“We shall make the show better every week, maraming-maraming salamat for being a pro,” masarap na mensahe sa amin ni Noel Ferrer.

Napakasarap na mensahe. Salamat sa tiwala, respeto at pagmamahal.

 

Janice de Belen – Inggit ba dahil masaya na ang lovelife ni John?

Madalang magsalita si John Estrada. Kahit pa kaliwa’t kanang bira na ang inaabot niya kay Janice de Belen na ina ng kaniyang mga anak ay todo-pasa lang siya. Inaako na lang niyang lahat ang mga kasalanan para wala nang masabi pa si Janice.

Pero hindi naman puwedeng basta ganoon na lang palagi ang laban. Kailangang marinig din ng bayan ang boses ni John, baka naman maniwala na ang manonood sa mga inililitanya ni Janice.

Ayon kay John sa aming panayam sa kaniya sa Paparazziay hindi rin niya alam kung ano ang ugat nang matinding galit sa kaniya ni Janice. Hanggang makakaya niya ay nandiyan naman ang kaniyang pagtupad sa mga obligasyon niya para sa kanilang mga anak, pero parang kulang na kulang pa rin ang kaniyang mga ginagawa.

Tuloy ay naiisip ng marami, hindi kaya inggit na ang umiiral kay Janice, dahil maayos at masaya na ang lovelife ngayon ng aktor?

Palaging nakakasama ni John ang kanilang mga anak ni Janice. Walang problema sa mga bata at kay Priscilla Meirelles, kaya nakapagtataka kung saan hinuhugot ni Janice ang mga negatibong akusasyong ibinabato nito laban kay John.

Maraming nakakakilala kay John Estrada. Ang mga taong iyon ang makapagpapatunay kung anong klaseng tao siya, kaya hindi tumatalab sa kanila ang mga patutsada ni Janice na parang punumpuno ng angst ang puso.

Sa totoo lang, hanggang hingi tinatanggal iyon ni Janice ay habampanahon na lang itong malulungkot at magiging nega sa maraming aspeto. Nakakaawa naman ang taong ito.

KC at Geneva – Magkaibigan pa rin kahit break na

Ikalawang linggo na ngayon ng pagko-co-host ni KC Montero sa Juicy, at kung noong una’y maraming nakapansin na parang tuod lang siyang nakaupo at nakikinig sa mga intrigang pinag-uusapan, ngayon ay nakikilahok na rin sa mga talakayan ang guwapong aktor-veejay.

Noong ikalawang linggo ng taping ng bagong-bihis na talk show tuwing alas dos kinse nang hapon sa TV5 ay kasamang dumating ni KC ang anak ni Geneva Cruz na si Heaven.

Kahit pa hiwalay na sila ngayon ay napanatili nina KC at Geneva ang kanilang pagkakaibigan. Kailangang mag-seminar kina KC at Geneva ang mga tulad ni Janice de Belen na literal na hinahalukay ang mga kalansay ng nakaraan, kaya palaging napupuruhan sa kaniyang mga patutsada ang palaging nananahimik lang na si John Estrada.

Nakatira sina KC at Geneva sa isang building. Libreng magpunta sa unit ng bawat isa ang magkarelasyon, para na silang mag-asawa sa loob nang mahabang panahon.

Pero sa kanilang paghihiwalay ay hindi damay si Heaven. Anumang oras ay nadadalaw nito ang kaniyang Tito KC, hindi naman pinagbabawalan ni Geneva ang binatilyo na magpunta sa unit ni KC.

Ganoon sana ang mangyari rin sa maraming magkarelasyon sa showbiz na pinamumugaran ng mga dating magkakarelasyon, pero ngayon ay nagsisiraan na, masasabi mo na lang tuloy bilang isang tagamasid ay parang wala silang magandang pinagsamahan noong sila pa.

Si KC Montero na ang kinagisnang ama ni Heaven, pero nagkikita naman ang binatilyo at ang kaniyang amang si Paco Arespacochaga, noong nasa Amerika raw sila ay madalas nilang makasama ang amang musikero ni Heaven ayon kay KC Montero.

Gretchen Barretto – Mahilig magpa-kontrobersyal

Iilan lang ang bilang ng mga artistang magaling tumiyempo at gumawa ng paraan para sila mapag-usapan. Sinasadya nila iyon. Matindi ang kanilang pang-amoy. Alam nila kung kailan sila eeksena para maging sentro ng usap-usapan.

Si Gretchen Barretto ang isa sa mga artistang alam kung kailan siya magpapakontrobersiyal, alam din niya kung kailan siya dapat hindi makisabay dahil magmumukhang ewan lang siya.

Kahit pa makasisira na iyon sa kaniyang personal na buhay ay walang pakialam si Gretchen. Hindi kalimut-limot ang ginawa niyang pakikipaglaplapan kay John Estrada sa isang party. Ilang linggong naging laman ng pambansang tsismisan ang aktres.

Naturingang meron nang ka-live-in na isang milyonaryong negosyante, pero parang nakawala pa rin sa kural ang mga inaasta ni Gretchen. Tuloy ay maraming nagkakabit ng titulong dakilang tanga sa kaniyang kasama sa buhay.

Kamakailan lang, sa paglulunsad ng isang produktong pampaputi na siya ang endorser, ay gumawa ng eksena si Gretchen Barretto. Tumayo siya palayo sa mga manunulat na nandoon, nasaktan daw kasi siya sa ginagawang pagsasabong ng mga press people sa kanila ng bunso niyang kapatid na si Claudine, pero may napansin ang mga miron sa kaniyang pagwo-walkout.

“Parang gimik lang ang ginawa niya dahil sanay na sanay naman siyang natatanong tungkol sa away nila ng mga kapatid niya. Parang gimik lang talaga, dahil dahan-dahan ang pag-alis niya, parang nagpapahintay siyang sundan-sundan ng mga TV crew.

Pero nagtagumpay naman si Gretchen sa gusto niyang mangyari, pinag-usapan nang husto ang pagwo-walkout niya, depende na lang ngayon sa publiko kung maniniwala ba silang sinsero ang pagwo-walkout ng aktres o gimik lang talaga iyon para maging sentro siya ng mga chikahan.

 

Baby James – Kinampanya ang kalaban ng Tito niya

Habang pinagpipistahan ang ginawang kapalpakan ng walang kamuwang-muwang na si Baby James sa kampanya ng kaniyang ina sa Bacolod ay marami namang naiinis kay Kris Aquino.

Siya ang sinisisi ng marami tungkol sa nangyari, bakit daw kasi niya kinakaray-karay ang kaniyang anak sa mga ganoong klase ng aksiyon. Kumalat pa ang kuwento na kapag nagpupunta sa kampanya si Kris na kasama si Baby James, kahit natutulog ang bata ay ginigising nila, pinaakyat diumano sa entablado ang bata na humihikab-hikab pa.

Ayon kay Kris ay hindi raw naman sinabi ng kaniyang anak na iboto si Senador Manny Villar. Pangalan lang daw naman ng senador ang isinigaw ni Baby James.

Pero anuman ang sabihin niya ngayon ay tapos na ang boksing. Nasabi na ni Baby James ang hindi nito dapat sinabi.

Akalain mo nga naman, sa halip na ang kaniyang Tito Noynoyang isigaw ng bata ay ang pangalan pa ng politikong mahigpit nitong kalaban sa panguluhan ang sinabi ni Baby James. Pero ano ba ang kamalayan ng bata sa ganoong senaryo?

Ang mga dapat panagutin sa nangyari ay ang matatanda nang kasa-kasama ni Baby James sa kampanya, ang mga taong kumakaladkad sa kaniya para makakalap ng boto ang kaniyang amain. Sila ang dapat kastiguhin sa kapalpakang nagawa ng bata.

Kris Aquino – Nagwala dahil ipinalabas ng Dos ang palpak ni Baby James

Nalala tuloy namin ang litanya ni Raymond Gutierrez noong kasagsagan ng isyu ng pambabara ni Kris kay Ruffa Gutierrez. Ang sabi ng nakababatang kapatid ng aktres-beauty queen, “How do you spell power tripping?”

Parang ganoon ang naganap noong malaman ni Kris na nakahandang ipalabas ng TV Patrol Worldang footage ng kapalpakan ng kaniyang anak. Agad-agad siyang tumawag sa mga ehekutibo ng ABS-CBN, hinaharang niya ang pagpapalabas noon.

Mahaba ang kuwento, mayroong nagkataasan ng boses at merong malapit nang mapaaway. Pero may taong nanindigan na kailangang ipalabas iyon dahil lehitimong balita ang sangkot sa isyu, walang nagawa si Kris.

Nagalit siya sa mga taga-News And Current Affairs department ng Dos, “evil people” ang ginamit niyang termino sa mga ito, dahil napakabata pa raw ng kaniyang anak para masalang sa ganoon katinding kahihiyan.

Katwiran naman ng mga taga-News And Current Affairs, alam niya naman palang napakabata pa ni Baby James, pero bakit niya kinakaray-karay ang kaniyang anak sa mga kampanyahan?

Kung ano ang ayaw nila ang ginawa-sinabi ni Baby James, manang-mana talaga sa kaniyang pinagmanahan ang batang ito, kung ano ang bawal ang kaniyang ginagawa.

ABS-CBN – Halatang maka-dilaw sa May 10 election

Masagasaan na ang dapat masagasaan, mamula na ang punong-tenga ng masasaktan, pero isandaang porsiyento naming sinasang-ayunan ang opinyon ni Willie Revillame na hindi parehas ang ABS-CBN sa mga kumakandidato sa panguluhan.

Kulang na lang na magkasakit sa atay sa paninilaw ang istasyon. Masyado nilang pinapaboran at inaalagaan si Senador Noynoy Aquino. Halatang-halata na hindi nila binibigyan ng kaparehong pagtrato ang iba pang mga kandidato lalo na si Senador Manny Villar.

Ilang beses naming natanggap ang umiikot pa ring mensahe tungkol sa magiging programming ng ABS-CBN sa May 9, isang araw bago ganapin ang eleksiyon. Hindi namin alam kung mismong taga-Dos ang naglabas ng plano ng network o meron lang nakaamoy noon kaya ipinakalat nito.

Kulay dilaw ang kuwento – dahil ang A.S.A.P. XVraw ay magre-remote telecast sa Ninoy Aquino Stadium at sa EDSA Shrine, ang The Buzzdaw ay sa EDSA rin gaganapin. At pagpitada nang alas singko ay ipalalabas ang The Ninoy And Cory Storyna susundan ng A Dangerous Lifeat ang MYXX naman ay magtatampok sa The Music Videos of Ninoy Aquino.

Ang mensahe ng umiikot na text message, “Let us teach ABS-CBN a lesson, the Filipinos want unbiased reporting. COMELEC, what are you doing, takot din kayo sa ABS-CBN?

Nagtatanong din ang text message kung sa mga Lopez pa ba ang network o sa mga Aquino na. Masyado na raw kasing minomonopolyo ng kumakandidatong Aquino ang istasyon.

Nakakalungkot ang senaryong ito kung totoo nga. Sa ngalan ng pagiging parehas at pantay na paglalahad ng balita ay bukas ang kolum na ito sa anumang pahayag na gustong iparating ng ABS-CBN.

Have a comment on this article? Send us your feedback