Print E-mail
Saturday, 01 May 2010 00:18
Cristy Fermin     Mayo 1 - 15, 2010

Jennylyn Mercado – Sinungaling

May bago na namang pagpipistahang kuwento tungkol kay Jennylyn Mercado bukod kina Patrick Garcia at Dennis Trillo. Ito ang young actor na nakarelasyon niya, pero may usapan silang idedenay iyon, pero wala naman sa kasunduan nila na kapag nainlab sa iba ang babae ay gagawin niyang tanga ang lalaki.

Noong kasagsagan ng hindi pagkakaintindihan nina Jennylyn at Patrick ay magkarelasyon na sila ni Andrei Felix, naging ninong pa nga ito ng anak nila ni Patrick. May mga nagdududa na kung bakit sila malapit sa isa’t isa pero nanindigan sina Jennylyn at Andrei na magkaibigan lang sila.

Heto na. Maraming nakakita kina Jennylyn at Dennis Trillo sa Hong Kong, magkahawak- kamay pa sila habang naglalakad. Aminado naman ang dalawa na may espesyal silang pagtitinginan.

Nasaang posisyon na ngayon si Andrei, ang binatang nakasama ni Jennylyn sa kalungkutan noon, ganoon na lang ba kasimple ang pang-iiwan sa kaniya ng aktres dahil nandiyan na si Dennis Trillo?

Isang gabi ay may nakakita sa binata na naglalasing. Matindi ang kaniyang himutok dahil sa ibang tao at sa mga pahayagan pa nito nalaman ang kuwento tungkol sa relasyon nina Jennylyn at Dennis.

Pagkatapos nga naman nilang mag-usap na itatago nila ang kanilang relasyon, pagkatapos nga namang ingatan nito si Jennylyn, ganito pa pala ang igaganti sa kaniya?

Siguradong magdedenay na naman si Jennylyn, hindi na nakapagtataka iyon. Kailan ba naman diretsong umamin ang taong ito tungkol sa kaniyang lovelife?

Hindi ba’t palagi niya namang pinaiikot ang mga manunulat at ang publiko, pero isang araw ay bigla siyang lalantad, kapag tapos na ang kuwento.

Iyon ang hawak na trono ni Jennylyn Mercado.

Sarah Geronimo – Nakakainisan dahil sa ugali ng ama

Nagiging negatibo ang imahe ni Sarah Geronimo dahil sa kuwentong dinuro ng kaniyang ama si Rayver Cruz. Hindi sa tatay nabunton ang inis ng marami, kay Sarah mismo lumatay ang diumano’y ginawa ng kaniyang ama, nega ngayon si Sarah para sa maraming kababayan natin.

Totoo man o hindi ang kuwento ay nakapanakit na iyon sa magandang imahe ng singer-actress. Sayang nga, dahil nabahiran ng hindi kagandahang kuwento ang simple lang niyang buhay at popularidad.

Sa kabila kasi ng kasikatan ni Sarah ay wala kang mararamdamang kayabangan sa dalaga, patawa-tawa lang siya, parang hindi nga niya nararamdaman na sikat na sikat na siya.

Sa ganoong anggulo dapat nag- iingat ang mga taong nakapaligid sa isang kilalang personalidad. Kailangang maging malinaw sa kanila na anumang gawin nilang hindi tama ay babalandra iyon sa personalidad na malapit sa kanila. Nakakaawa naman ang walang kamalay-malay na personalidad sa ganoong pagkakataon.

Napakasimple pa naman ng dalagang ito. Ni katiting na ere ay wala kang mapapansin sa kaniya, pero nagiging negatibo siya dahil sa isang senaryong hindi naman siya ang may kagagawan.

Kris Aquino – Isinasalang sa showbiz si Baby James

Tawa kami nang tawa sa komento ng isang kaibigan naming nakatutok sa mga naging pahayag ni Kris Aquino para sa kaniyang anak na si Baby James, “Naku, ang Lola Kris mo, kinapos na naman sa pansin! Ayun, ang anak naman nila ni James Yap ang gasgas na gasgas ngayon sa mga press release niya!”

Hindi namin maintindihan ang senaryo dahil abalang-abala kami noon, kaya ikinuwento ng aming kausap na pagkatapos daw ng tele-seryeng ginagawa ngayon ng bata ay hihinto na ito, saka na uli babalik sa showbiz pagkatapos nito sa high school.

Pagpuna ng aming source, “Bakit ganoon ang hitsura ng anak nila ni James Yap, parang palaging nagugulat? Kasi naman, napakaliit pa ng anak niya, eh, isinasalang-salang na niya sa pag-arte, ano na naman kaya ang nakain ni Kris nu’n?

“Tapos, heto, sasabihin niyang hihinto na si Baby James sa pag- arte, may sinimulan ba naman ang anak niya? Puwede ba, pag- aralin na lang niya si Baby James, huwag na niyang tarantahin iyong bata, patahimikin na sana niya ang buhay ng anak niya!” iritado pang komento ng aming kausap.

Ha! Ha! Ha! Apektado!

Priscilla Meirelles – Nagduda kay John Estrada

Isang hapon ay nakatanggap kami ng tawag mula kay Priscilla Meirelles, girlfriend ni John Estrada, napanood niya ang ipinalabas naming istorya ni John sa Paparazzi noong nakaraang linggo at nabasa rin daw niya ang blind item namin dito sa Bulgar.

Gusto niyang malaman kung si John nga ang aktor na tinutukoy na nag-check-in sa isang hotel kasama ang isang singer-actress, “The way you presented the story in your column, it looks like John,” marespetong komento ng napakagandang dalaga.

Nagpaliwanag kami kay Priscilla, nakinig naman siya, ibinaba niya ang telepono na kumbaga sa isang namalengke ay umuwi siyang walang laman ang kaniyang basket.

Enchong Dee – Mahusay makisama

Puring-puri ng isang pamilyang nakausap namin si Enchong Dee. Hindi bilang aktor, kundi bilang tao, dahil matagal nilang nakasama nang ilang beses sa ibang bansa ang batang aktor.

Miyembro ng national swimming team si Enchong Dee. Pambato siya ng ating bayan sa paglangoy. Ilang beses na siyang nakikipaglaban sa iba-ibang bansa at nakapag-uuwi naman siya ng karangalan.

Ang isang kasamahan ni Enchong na si Erika ay anak ng kumakandidatong konsehal sa District 2 ng Parañaque, katropa ni Mayor Joey Marquez si Konsehal Allan Visitacion, puring-puri nito si Enchong Dee.

“Ilang beses na namin siyang nakakasama abroad kapag lumalaban sila ni Erika. Mabait ang batang iyon, bago siya kumain, inaalala muna niya ang mga kasamahan niya.

Wala siyang kayabang- yabang, hindi siya maere, kilalang-kilala namin si Enchong,” kuwento ni Konsehal Allan Visitacion.

Natural lang na ngayong gumaganda ang takbo ng career ni Enchong bilang artista ay maligaya para sa kaniya ang pamilya. Talaga raw aasenso si Enchong, dahil mabait nga siya.

“We’re happy for him, we get to see him on TV, sikat na siya ngayon at happy kami, dahil marami siyang projects sa ABS- CBN. Pero despite that, hindi pa rin niya kinalilimutan ang kaniyang team, itinutuloy pa rin niya ang paglangoy,” komento pa ng konsehal.

Joey Marquez – Binubulatlat ang nakaraan

At dahil politika na rin lang sa Parañaque ang aming binuksang paksa ay gusto lang naming magkomento sa mga ipinakakalat at paninira ng mga kalaban ni Mayor Joey Marquez sa posisyon.

Nakakalungkot dahil marumi ang politika sa Parañaque. Personal ang alam na laban doon ng ibang politiko, kabilang na ang mismong katunggali ng aktor- politiko sa posisyon ng pagiging mayor.

Mayroon silang ipinama- mahaging paninira ngayon kay Mayor Joey. Nandoon ang lahat ng mga babaeng nakarelasyon niya, na para bang isang bagong isyu pa iyon hanggang ngayon.

Bukas na aklat ang buhay ni Mayor Joey. Kahit minsan ay wala siyang itinago sa publiko, lahat ng pinagdaanan niyang relasyon ay nasulat at ibinahagi niya sa ating mga kababayan.

Ang pagiging palikero niya ay ibinubutas sa kaniya ng mga kalaban, palibhasa’y wala silang maipipintas sa serbisyo ni Mayor Joey sa tatlong termino niyang panunungkulan, kaya ang ginagawa na lang ngayon ng ibang kampo ay ang mag-imbento ng kuwento.

Napakapersonal ng mga bira kay Mayor Joey, pero ang nakasosorpresa ay parang balewala lang naman iyon sa mga nakakabasa. Ang naiiwanan pa ngang emosyon sa kanila ay masyado na raw desperado ang kalaban ng aktor-politiko dahil gumagawa na ito ng kung ano-anong senaryo.

Hindi rin iyon pinapansin ni Mayor Joey, ni hindi nga niya iyon sinasagot nang detalyado sa kaniyang mga talumpati, parang wala lang. Parang hangin lang iyon na nagdaan, pero walang epekto sa kaniya, dahil alam na alam naman ni Mayor Joey Marquez ang katotohanan.

Ang mahalagang markahan ay ang pangunguna sa puso ng mga botante ng Paran?aque ni Mayor Joey. Siya pa rin ang hinahanap ng mga Paran?aquen?os, kaya ganiyan na lang ang pagkabog ng dibdib ng kaniyang katunggali.

“I shall return,” sabi ni Mayor Joey Marquez, magkakatotoo iyon, muli niyang pamumunuan ang siyudad na mahal na mahal niya.

Roderick Paulate – Hindi aatras sa pagkandidato

Usung-uso talaga sa mundo ng pulitika ang laglagan. Kapag may kandidatong nangunguna sa survey, iyon ang kanilang tinututukan para sa kanilang propaganda, kailangang malaglag ang pulitikong iyon para sa pansarili nilang kapakanan.

Ganoon    mismo    ang nangyayari ngayon sa magaling na aktor na si Roderick Paulate na tumatakbong konsehal sa Ikalawang Distrito ng Quezon City. May mga nagpapalutang ng kuwento na umatras na raw siya sa laban, samantalang kahit sa panaginip lang ay hindi iyon pinlanong gawin ni Roderick.

Tuloy ang kaniyang kandidatura. Walang anuman at sinumang makapipigil sa pangarap niyang mapaglingkuran ang kaniyang mga kadistrito, huwag sanang paniwalaan ng kaniyang mga nasasakupan ang black propaganda ng kaniyang mga kalaban.

Parang si Vice-Mayor Herbert Bautista rin na liyamadung-liyamado sa karera. Sinampahan ito ng kasong plunder ng kaniyang katunggali, hindi na nakapagtataka kung isang araw ay palutangin din ng pulitikong iyon na nanginginig na ang tumbong ngayon na si Vice- Mayor Herbert Bautista rin ang utak sa pagpapasabog ng Twin Towers sa New York.

Manny Villar – Kinakampanya ni Willie, Dolphy at Manny Pacquiao

May ginawang campaign ad sina Willie Revillame, Tito Dolphy at Manny Pacquiao para kay Senador Manny Villar. Ayon sa mga nandoon habang nagrorolyo ang mga camera ay puro makahulugan ang mga binitiwang linya ng tatlong hari sa kani-kanilang linya, batu-bato sa langit, ang tamaan ay huwag na huwag magagalit.

Dahil ilang tulog na lang ay mismong botohan na, maaasahan na ang mas matitinding pagbabatuhan ng putik ng mga pulitiko, ramdam na natin iyon ngayon pa lang.

Tanong ng ilang nakausap namin, “Akala ba namin, eh, si Senador Noynoy Aquino ang nangunguna sa survey, pero bakit si Senator Villar ang pinagtutulung-tulungang ibagsak ngayon ng mga kalaban niya?”

Ano nga ang sabi? Ang punong hitik lang naman kasi sa bunga ang binabato. Ang walang bunga ay dinadaan-daanan lang, hindi pinapansin, dahil sayang ang ating panahon.

Vice Ganda – Dahilan kung bakit mataas ang rating ng Showtime

Noong Lunes ng tanghali ay nakatanggap kami ng komento mula kay Prof. Toti. Si Vice Ganda ang paksa ng kaniyang mahabang komento, pinanonood ni Prof. Toti ang Showtime noong mga oras na iyon.

Kami nama’y papunta na sa studio ng Juicy. Maaga ang aming call-time, kaya hindi namin nasilip ang mga senaryong tinutukoy ng aming kaibigan sa kaniyang mga komento.

Ang sabi ni Prof. Toti, “Just can’t help giving this comment. Ang harsh ni Vice today, who openlyshowedhisdisappointment sa contestant number two! I forgot what he said exactly, but it was really harsh. Will review YouTube later.

“Sana, may encouraging element naman no matter how poor the performance was. After all, they always claim that the show is supposed to be a tribute to the Filipino talent. Face To Face na lang nga!

“Bad comment talaga, this is not different from Osang’s harsh words which caused the show’s suspension. Mayabang nga siya as he said dati. Arrogance is not funny!

“Up to the last minute, nilait pa rin ni Vice ang group number two, telling the repeaters na kung iyong group two nga, nakapasok sa audition and he doesn’t know why, iyong repeaters pa kaya? Oh my! Live na live ang pangda-down ni Vice!

“Affected lang talaga ako. Negative comments can be phrased such that they serve as advice. Super-awa ako sa contestants. You know that I like Vice, pero ang mali ay mali, as you always say,” kumpletong nilalaman ng mensahe ni Prof. Toti

Nakikita namin ang emosyonal na katwiran ni Prof. Toti, pinahahalagahan lang nito ang panahong inilaan ng mga kalahok para sumali sa labanan, pero sa kabila nang matindi nilang pagsisikap ay hindi pa rin pala iyon sapat, kaya umani ang mga ito ng pagpuna mula kay Vice Ganda, na hindi nagustuhan ng mga kababayan natin.

Totoong may mga pagkakataong parang lumalampas na sa kagandahang-asal ang mga komento ni Vice, pero tanggapin natin ang katotohanan na siya ang pambenta ng programa, kung wala ang mga diretso at kumakagat na komento ni Vice Ganda ay walang asim at dating ang Showtime.

Gretchen at Claudine – Bati na pero galit pa rin sa kanilang ina

 

Totoong natibag na ang pader sa pagitan ng magkapatid na Gretchen at Claudine. Natuldukan na ang kung anumang pinagdaanan nilang hidwaan. Regular na silang lumalabas ngayon kasama ang kanilang pamilya kapag may libre silang panahon.

Nakakalungkot lang ang balitang nakarating sa amin na pati ang tatlong-buwang sanggol na anak ng kanilang kapatid ay nakakasama nila sa dinner, pero si Mommy Inday Barretto ay hindi kasama sa bilang. Kung kailan matulayan ang hidwaan ng mag-ina ay tanging Diyos lang ang nakakaalam.

Kahapon sa Paparazzi ay ipinalabas ang eksklusibo naming panayam kay Mommy Inday. Bilang respeto sa kanilang mag-ina ay mas pinili naming huwag na lang ipalabas ang bahagi ng panayam na alam naming mas magpapalaki pa sa kanilang hidwaan, magkarugtong ang kanilang pusod kaya alam naming sa takdang panahon ay magkakaayos din ang mag-ina.

“Wala akong paboritong anak, mahal ko silang lahat, I’m willing to take a bullet for them, kahit kay Gretchen, pero baka lang ayaw niya,” makahulugang bahagi ng pahayag ni Mommy Inday na ipinalabas sa Paparazzi kahapon.

Makahulugan din ang sinabi ni Mommy Inday na sa kaniyang edad ngayon ay wala na siyang maraming bukas, kaya kapag sinasabi ng kaniyang mga anak na tatawagan siya bukas, lagi niyang sinasabi na sana nga dahil limitado na ang mga bukas sa kaniyang buhay ngayon.

Hindi namin sinasabing bakal ang puso ni Gretchen, maaaring may matindi ring pinanggagalingan ang kaniyang emosyon ngayon. Pero ang alam kasi namin ay nanay ang unang tinatawag ng bawat anak kapag may problema silang hinaharap sa buhay.

Sa pag-aaral pa lang maglakad ng bata, kapag nadapa siya’t nasaktan, ay nag-uunat siya ng braso papunta sa kaniyang nanay. Kapag malaki na ang bata at nasugatan ang tuhod sa pagtakbo, si nanay pa rin ang kaniyang nilalapitan. Walang gamot na kailangan, hihipan lang ni nanay ang sugat, tapos na ang paghikbi ng anak.

Laging laman ng mga dalangin ni Claudine, sana’y magkausap na nang masinsinan ang kaniyang ina at kapatid, para maging maligaya na silang lahat.

Korina Sanchez – Tinitira ni Loren Legarda

Kung ang mga kumakandidatong pulitiko ay libreng-libreng upakan ang kanilang mga katunggali, kung mayroon silang karapatang dikdikin ang kanilang kalaban sa paraang alam nila, ang mga tagamasid din ay merong karapatang pumansin sa mga ginagawa at sinasabi ng mga pulitiko.

Dahil sa paglutang ng dating kasambahay ni Korina Sanchez pagkatapos nang maraming taon bilang bala ni Senadora Loren Legarda laban kay Senador Mar Roxas na kaagawan niya sa posisyon ay napakarami naming tinatanggap na komento mula sa ating mga kababayan.

Ang isa ay nagmula sa isang personalidad na nakatutok talaga sa mga kaganapan sa showbiz at sa pulitika, magkakasakit ang taong ito kapag hindi nakapaglabas ng kaniyang saloobin tungkol sa mga napapanahong isyu, heto ang kaniyang komento tungkol sa kaganapan.

“Read your Bulgar column po regarding Senator Loren Legarda na napakaantipatika talaga ng dating. Asar na asar po kami sa kaniya sa pagkaladkad kay Ms. Korina na nananahimik lang naman.

“Desperada na talaga siya dahil kahit kantahan pa siya nang kantahan ni Sarah Geronimo, eh, patuloy pa rin ang pagsadsad ng rating niya sa mga survey, samantalang ilang tulog na lang, magiging Second Lady na ng bansa si Ms. Korina,” kabuuang nilalaman ng tinanggap naming mensahe mula sa ating kababayan.

Stella Marquez Araneta – Inireklamo ng mga aktres-beauty queens sa media

Lalong uminit sa studio ng Paparazzi kahapon nang hapon dahil sa mga binitiwang pahayag ng mga aktres-beauty queen na sina Maria Isabel Lopez, Miriam Quiambao at Precious Lara Quigaman.

Iisa ang tubo ng kanilang dila, meron silang sama ng loob sa pamunuan ng Binibining Pilipinas Charities, Inc., na pinamamahalaan ni Ms. Stella Marquez Araneta.

Ramdam sa kanila ang disgusto, maraming proseso sa pamamalakad ng Bb. Pilipinas ang hindi nila sinasang-ayunan, tulad ng nakalulusot sa screening ang mga kalahok pero kung kailan nakoronahan na ay saka babawiin ang kanilang titulo.

Sariwang-sariwa pa ang isyu tungkol kay Venuz Raj, kinoronahan na ang dalaga, pero ngayon ay binabawi iyon sa kaniya dahil sa diumano’y kuwestiyonable nitong citizenship.

Sa aming pagbabalanse ay mas malalim ang hinampo ni Maria Isabel sa pamunuan ng Binibining Pilipinas Charities, partikular na kay Ms. Stella Araneta, dahil umabot pa iyon sa kaniyang pagsasabi na babalik lang ang loob niya uli sa organisasyon kapag “nag-rest in peace” na ang tagapamuno ng beauty pageant.

Hindi nga naman kasi simple ang ginawang pagpapaalis sa kaniya sa isang okasyon ng Binibining Pilipinas, hindi raw siya imbitado, kaya pinalalabas siya.

Si Miriam Quiambao naman na nakilala sa pagiging cool lang ay naglantad din ng kaniyang damdamin, tulad ng pagpapapirma sa kanila ng kontrata nang wala ang kanilang abogado, ni hindi raw malinaw sa kanila kung ano ang nilalaman ng pinipirmahan nilang dokumento.

At si Lara Quigaman na nakilala naming sweet na sweet, nagpakawala rin ito ng sama ng loob sa pamunuan ng BPCI, kunukuwestiyon ni Lara ang pagpapasa sa mga kalahok pero kung kailan mayroon nang titulo at pinagbunyi na ng kanilang mga kaanak ay saka parang tinatakaw lang pala dahil binabawian na ng korona.

Nakikisimpatiya sila kay Venus Raj, kinukuwestiyon ang citizenship ng dalaga, kaya ang balik-tanong ni Isabel Lopez, kailan naman kaya ibibigay ang prangkisa ng BPCI sa isang tunay na Pilipino na may pusong-Pinoy at hindi sa banyagang tulad ni Ms. Stella Marquez Araneta?

Have a comment on this article? Send us your feedback