|
|
| Wednesday, 16 June 2010 00:25 | |||||||||||
Mariel Rodriguez – Makuha kaya sa lambing ni Robin? Nagbigay agad ng reaksiyon si Mariel Rodriguez tungkol sa pagpuna ng marami na kapag si Robin Padilla ang kasama niya ay todo ang kaniyang pagpapaganda. Pero kapag si Zanjoe Marudo ay parang wala siyang pakialam sa kaniyang hitsura, wala na siyang make-up ay parang galing lang sa palengke sa kaniyang gayak. “Ay, not true!” tumitili ang mensahe sa text ni Mariel. “Sobrang init lang talaga sa golf course, kaya haggard na haggard ako!” text ng TV host na balitang pinadadalhan pa rin ng bulaklak hanggang ngayon ni Robin Padilla kahit wala na ito sa Wowowee. Sa anggulong iyon kinakabog ng action star si Zanjoe. Araw-araw pala ay mayroong dinadatnang bouquet of flowers si Mariel sa dressing room. At iyon ay mula kay Robin Padilla. Sabi ng aming source, “Sino naman ang hindi kikiligin sa ganoong atake ni Binoe? Araw-araw, nauuna pa ang bulaklak kaysa kay Mariel, kaya talagang kahit iwas na iwas si Mariel sa love on the rebound, eh, hindi siya makapagpipigil, mahuhulog talaga siya sa kalambingan ni Robin!” Jovit Baldovino – Kampeon ng Pilipinas Got Talent pakikinisin ng network Noong Sabado (June 12) pa lang nang gabi ay kumalat na ang kuwentong si Jovit Baldovino ang tatanghaling unang kampeon o Big Winner ng Pilipinas Got Talent. Tanggapin natin ang katotohanang may talento naman ang Batangueño, magaling siyang kumanta. Kaya nga lang ay lumutang ang balita kamakailan na hindi naman totoong mahirap lang ang kaniyang pamilya. Ayaw rin sa kaniya ng mga Vilmanians, dahil noong nakaraang kampanya raw ay sa grupo ni Governor Vilma Santos siya sumasama. Pero nang operan nang mas malaking halaga ng kalaban ng aktres-politiko ay lumipat siya. Siguradong maraming tagahanga ng Star For All Seasons ang hindi bumoto kay Jovit. Kaya nang makasilip ng dahilan ang mga Noranians ay sinabi ng grupo na sila ang susuporta sa Batangueñong singer. Pananalunin daw nila ang kalahok na ayaw ng mga Vilmanians. Ngayong si Jovit Baldovino na nga ang tinanghal na Big Winner ay may argumento ang mga tagahanga nina Governor Vilma at Nora Aunor. Ayon sa mga Vilmanians ay walang karapatan ang mga Noranians na akuin ang kredito ng pagtatagumpay ni Jovit, dahil dati na namang malakas sa publiko ang singer. “Kung ang mismong pelikula nga ng idolo nila, e, hindi nila masuportahan, si Jovit pa kaya ang bibigyan nila noon? Kung totoong malakas ang puwersa nila, bakit first day-last daw sa mga sinehan ang movie ng idol nila?” komento ng isang Vilmanian na nag-text sa amin. Siyempre’y may partisipasyon din sa kaniyang pananalo ang mga totoo niyang taga-suporta. Sila ang nagpataas sa text votes ni Jovit. Pero kung pumiyok naman siya sa mismong gabi ng grand finals ay wala ring magagawa ang mataas niyang text votes. Tawa kami nang tawa sa naging reaksiyon ng isang kaibigan naming malabiga ang dila na nagkomentong sa facial care clinic daw dapat unang magsadya si Jovit Baldovino. Sabi pa nito, “Dalawang milyon naman ang naging premyo niya, kaya siguro, baryang-barya na lang para sa kaniya ang pagpapa-facial. Ang sarap-sarap kasing tirisin ng mga black heads niya.” Pinanood namin ang dalawang gabi ng grand finals, totoo ang komento ng malabiga naming kaibigan, napakasarap nang tiris-tirisin ng mga “tsismis” sa mukha ni Jovit. Pero hindi na iyon magiging problema ngayon – siguradong pakikinisin ng ABS-CBN ang kanilang talent. Magbabago na ang kutis ni Jovit ilang linggo pa mula ngayon dahil dadalhin na nila ang singer sa isang klinika. Bagong Jovit na ang mapapanood natin sa ASAP,isang makinis na Jovit na, dahil siguradong ikatutuwa ng mga klinikang pupuntahan niya ang pagtitiris sa kaniyang mga black heads. Pagpansin naman ng isa pang tumawag sa amin. Ngayon pa lang daw ay halatado nang may angas ang singer na ito, kahit pa palagi lang siyang payuko-yuko at mukhang kawawa sa mga nakaraang pagtatanghal ng PGT. Ayaw namin siyang husgahan. Hindi rin kami apektado, dahil ang minanok namin sa PGTay ang magician na si Alakim. Para sa amin ay hindi pa rin biro ang ipinakitang talento ng magician. Hindi madaling gawin iyon, pero tanggap namin na sa ganoong labanan ay isa lang ang dapat manalo. Aster Amoyo – Hawak ang sikreto ng facelift ng Superstar Nakakuwentuhan namin ang kaibigan at kasamahang kolumnistang si Aster Amoyo sa Toki Japanese Restaurant sa The Fort pagkatapos ng panayam namin kay Robin Padilla para sa Juicy at Paparazzi. Siya ang may hawak ng alas tungkol sa diumano’y pagkawala ng boses ni Nora Aunor dahil sa pagkaka-comatose nito nang magpa-facelift sa Japan. Pero maingat si Tita Aster sa pagbibitiw ng mga detalye. Gusto muna niyang hintayin ang pormal na reklamo ng Superstar bago siya magbitiw ng anumang pahayag. At kung nakikipag-usap na ngayon si Nora sa kaniyang mga abogado ay hindi naman natutulog lang sa pansitan ang doktor na nagretoke kay Guy. Siyempre’y nakahanda na rin ang kontra-pahayag nito – lalo na’t nangunguna ang Japan sa teknolohiya kaya ang klinika nito ay armado ng mga camera na puwedeng sumuporta at magpatotoo sa kanilang deklarasyon. Marami nang nagtangkang kumuha sa kaniyang panig para linawin ang kontrobersiya, pero walang pinagbigyan si Tita Aster. Paano nga naman siya kikilos kung wala pa naman ang reklamo ni Nora na dapat pag-ugatan ng kaniyang mga sasabihin? Totoong nagkausap na sila ni Maribel Aunor, ang matagumpay na negosyanteng pinsang-buo ng Superstar, pero limitado naman ang maaaring gawin ni Lala dahil mayroon din itong sariling buhay at karerang inaasikaso. Noong palabas na kami sa Toki ay may sinabi si Tita Aster na maigsi lang, pero makahulugan, “Hindi siya nawalan ng boses, hindi naapektuhan ng operation ang voice niya. Hindi totoo iyon.” Sayang, sabi ni Tita Aster, dahil napakaganda pa naman sana ng mga plano niya para sa pagbabalik-bansa ni Nora Aunor. Mayroon na siyang mga kausap na magpoprodyus ng pelikula at concerts ng Superstar. May kinakausap na rin siyang network para sa tele-seryeng gagawin ng aktres, pero mukhang hindi na iyon mangyayari ngayon. “Sayang talaga, dahil despite her absence, Nora Aunor is still Nora Aunor. Superstar pa rin siya, walang makapagpapabago noon,” sabi ni Tita Aster Amoyo. Na pinapangalawahan naman namin.
John Lloyd Cruz – Si Ruffa ba o si Shaina? Kailangan nang magpairal ng balls si John Lloyd Cruz ngayon. Hindi na nakagaganda sa kaniyang imahe bilang magaling na aktor ang ginagawa niyang pamamangka sa dalawang ilog. Ilang araw pa lang ang nakararaan ay may nakakita sa kanila ni Ruffa Gutierrez na nagba-bike sa may The Fort. Masayang-masaya sila, ramdam ng aming source na mayroon pa rin silang relasyon. Pagkatapos noon ay may nakakita naman kina JLC at Shaina Magdayao na magkasama sa isang baby shower. Malambing sila sa isa’t isa, halatado ring sila na ngayon kahit wala pa silang kinukumpirma. Sa kabila ng kaniyang kasikatan at kaguwapuhan ay hindi nakagaganda kay John Lloyd ang ganoon. Sa interpretasyon ng mas nakararami ay parang masyado niyang kinabibiliban ang kaniyang sarili, kaya pinagsasabay niya ang pakikipagrelasyon sa dalawang personalidad na kilalang-kilala at hindi niya naman maitatago sa likod ng maskara kapag kasama niya. Nasa alanganing posisyon si Ruffa. Hindi ito makapagpawala ng kahit anong pahayag tungkol sa kanila ni John Lloyd, dahil baka kapag ginawa iyon ng beauty queen-aktres-TV host ay mapahiya lang ito sa bandang huli. Ginagawang laro ni JLC ang pakikipagrelasyon. Parang okey lang sa kaniya na nalalaman nina Ruffa at Shaina ang ginagawa niyang paglalaro. Huwag sanang dumating ang panahon na si John Lloyd naman ang laruin ng kapalaran dahil sa kaniyang mga ginagawa ngayon. Manny Pacquiao – Maginoo kaya hindi pinansin ang parunggit ni Kris Aquino Nagkaroon kami ng pagkakataong mainterbyu ang Pambansang Kamao nang mahabaan para sa Paparazzi.Tinanong namin si Congressman Pacquiao kung ano ang masasabi niya sa parunggit sa kaniya noon ni Kris Aquino na talunang pulitiko siya. Natawa muna si Pacman, saka niya maginoong sinabing “Okey lang iyon, kinain niya naman ngayon ang mga sinabi niya.” Madiin din niyang sinabi na kaya hindi niya tinanggap ang hosting sa Wowoweenoong tawagan siya ng produksiyon ay dahil sa pagkakaibigan nila ni Willie Revillame. Pinahahalagahan daw niya ang ginawang pagsuporta ng TV host sa kaniyang kampanya noon. Hindi pa man siya opisyal na nauupong kongresista ay naayos na niya agad ang kanilang ospital sa Saranggani. Punumpuno ng entusiyasmo ang Pambansang Kamao. Gusto niyang mapaligaya ang kaniyang mga kababayan na nagpahiram ng tiwala at kapangyarihan sa kaniya. Paano na kapag natuloy ang kanilang salpukan ni Floyd Mayweather na inaabangan ng buong mundo kung kailan magaganap? Paano isisigaw ng ring announcer ang kaniyang pangalan, kasahog na ba doon ang titulong congressman? “Huwag na, masyado nang mahaba kung isasama pa iyon, baka mahirapan si Michael Buffer!” pakomedyang reaksiyon ng Pambansang Kamao.
Angel Locsin – Talagang itinatanggi ang naging relasyon kay Cogie Nawiwindang kaming masyado sa mga pinaggagagawa ngayon ni Angel Locsin. Nakakagulat ang mga terminong ginagamit niya para lang malusutan ang rebelasyon tungkol sa nakaraan nila ni Cogie Domingo. Sinabi ni Angel kay kasamang Reggee Bonoan na siguro raw ay nakasinghot ng katol si Cogie kaya sinabi nitong naging magkarelasyon sila. Parang hindi bagay sa kaniya ang magsalita ng mga ganoong bagay. Parang saliwa iyon sa imaheng gusto niyang itatak sa utak ng sambayanan. Sa biglang tingin kasi ay parang dalagang Pilipina si Angel na mahinhin, nakatungtong ang mga paa sa bubog, kaya ingat na ingat sa kaniyang mga sinasabi at ginagawa. Pero nakapagsasalita siya ng terminong “suminghot ng katol”? Ano naman kaya ang sininghot niya sa kaniyang pagsisinungaling; paminta? At paano nga kaya nasisikmura ni Angel ang pagdedenay tungkol sa isang bagay na alam niya namang totoong-totoo? Ayon kay Angel ay wala raw pagkakataong mapag-isa sila noon ni Cogie sa Amerika. Kasama raw niya ang kaniyang kapatid, kaya paano raw nasabi ni Cogie na naging sila? Kung si Cogie ang aming pasasagutin tungkol doon ay hindi magiging parehas sa panlasa ng iba. Siyempre’y ipagtatanggol ng guwapong aktor ang kaniyang sarili. Hindi rin si Mommy Zennie, na nawiwindang ngayon sa mga ginagawang palusot ni Angel ang aming tatanungin. Mayroon kaming tinawagan. Isang taong may malalim na alam tungkol sa nakaraang relasyon nina Cogie at Angel. Ang tanong namin sa taong ito ay kung nakasama ba nila sa bahay nina Cogie sa Amerika ang kapatid ni Angel? “No, her sister was not with us when we visited the house of Cogie’s mom, just the three of us lang. “Kami lang nina Cogie and Angel ang nagpunta sa house ni Tita Zennie. Wala ang sister ni Angel, kaya she was lying when she said na hindi sila nagkakahiwalay ng sister niya noong nandito siya sa States,” reaksiyon ng kausap namin sa kabilang linya. Sana’y maintindihan ni Angel na ang nakaraang relasyon nila ni Cogie ay hindi lang pangkanilang dalawa. Maraming nakakaalam ng nangyari sa kanila. Kaya paano niya mapaniniwala ang mga taong iyon na hindi sila nagkaroon ng relasyon ng guwapong young actor? At ano naman ang dapat niyang ikahiya kung naging sila nga ni Cogie, samantalang marespeto sa babae ang binata, bukod pa sa guwapo? Mayroon ba? John Estrada – Ginulat ni Willie sa birthday celebration sa PO5 Matinding kaligayahan ang naging regalo ni Willie Revillame sa kaarawan ng kaniyang bestfriend na si John Estrada. Isa si John Estrada sa iilan na kasama niya sa lahat ng panahon ng kaniyang buhay at career. Nasa ituktok siya ng tagumpay, nandiyan lang si John. Kapag may sinusuong siyang paghamon ay nandiyan lang din si John. Walang kundisyon ang kanilang pagkakaibigan, sa harapan at sa talikuran ay ipinagtatanggol siya ng aktor. Sinorpresa ni Willie ang kaniyang kaibigan noong Linggo (June 13) ng gabi sa taping ng PO5 para sa birthday celebration nito. Halos hindi makapagsalita si John nang mula sa backstage ay lumabas si Willie. Kinantahan ang kaniyang bestfriend,. Hindi na magkarinigan sa studio nang pumagitna sa entablado si Willie. Markado para kay John ang kaniyang ginawa. Nangyari iyon sa panahong problemado si Willie at walang anumang pinagbibigyang interbyu pagkatapos ng lumabas niyang panayam sa Paparazzi. Pinakamalayo raw sa isip ni John ang pagdalo ni Willie sa kaniyang selebrasyon. At hindi lang iyon. Nang kantahin ni Willie ang Giling-Giling ay sumayaw sina Luningning, Mariposa at Milagring, ang mga dancers ng ASFat Wowoweena nasa TV5 na ngayon, isang biglaang reunion tuloy ang nangyari noong gabing iyon. Ayon sa isang source na nakausap namin ay bawal magpainterbyu o lumabas si Willie Revillame sa anumang programa sa alinmang istasyon habang hindi pa siya bumabalik sa Wowowee. Iyon ang nakasaad sa kontratang pinirmahan niya sa ABS-CBN. Pero hindi naman siguro ibubutas sa kaniya ng network ang ginawa niyang pagsorpresa kay John Estrada. Nagpahalaga lang naman siya sa isang kaibigang hindi nang-iiwan sa gitna ng laban. Kahit naman siguro ang pamunuan ng ABS-CBN ay matutuwa sa kabutihan ng kaniyang puso at intensiyon na mapaligaya ang isang kaibigan sa kaarawan nito. Sa darating na Linggo ng tanghali, June 20, mapapanood ang sorpresang pagdating ni Willie Revillame sa PO5. Kaabang-abang ito! (Editor: Mapapanood ninyo ang Paparazzi at Juicy sa TV5, puntahan sa Internet ang www.pinoychannel.tv) Have a comment on this article? Send us your feedback
|






