|
|
Kris at James – Hiwalay na naman, so what else is new? Nang-aagaw lang ng atensiyon. Ganoon ang pakiramdam ng marami naming nakakausap ngayon tungkol sa kuwento ng paghihiwalay nina James Yap at Kris Aquino. Nakakalungkot lang isipin na nasira na nga ang kanilang relasyon. May pinagdadaanang problema ngayon si Kris, pero ang iniisip pa rin ng marami ay nagpapapansin lang siya. Pero hindi marumi lang ang isip ng mga nagdududang ganoon nga ang nagaganap ngayon dahil mayroon silang pinanggagalingan. Ang imahe ni Kris ang naglalaro sa kanilang utak ngayon. Kapaniwalaan na kasi ng mas marami nating kababayan na hindi makapapayag si Kris na maungusan siya ng kahit sino sa pag-iingay. “Pansinin ninyo, basta may bagong issue na pinag-uusapan ang buong bayan, siguradong eeksena si Kris. Gagawa at gagawa siya ng paraan na masapawan niya ang kuwentong pinagpipistahan,” komento pa ng isang nakausap namin. Pero para namang hindi kapani-paniwala na pati ang personal na aspeto ng buhay nila ni James ay gagamitin pang behikulo ni Kris para lang mapag-usapan siya. At lalo namang hindi kapani-paniwala na pati ang inagurasyon ng kaniyang kapatid na nahalal sa panguluhan ay kumpetensiyahin pa niya para lang hindi siya mapag-iwanan. Parang kaduda-duda iyon para sa amin. Siguro nama’y nangingilin din si Kris, hindi niya naman gugustuhing sapawan pati ang isang makasaysayang okasyon na tulad ng panunumpa ng kaniyang kapatid. OA na iyon para sa amin, pero kung totoo nga ang kuwento ay mas OA si Kris, dahil pati ba naman ang isang okasyong dapat ay pinangbibidahan ng kaniyang kuya ay kailangan pa niyang agawin?
James yap – Palagi na lang pinapahiya ni Kris sa ibang tao Sa mundo ng basketball kung saan isa sa mga naghahari ngayon si James Yap ay hindi na kataka-taka ang kuwento tungkol sa paghihiwalay nila ni Kris Aquino. Parang wala na lang iyon para sa mga kasamahan ni James. Hindi na iyon bago para sa kanila, dahil palagi raw naman kasing nag-aaway at nagkakabati ang mag-asawa. Pero nakakaalarma ang kanilang mga kuwento. Marami silang alam na anekdota tungkol sa pagsasama nina James at Kris. Iyon para sa kanila ang maliliit na pangyayaring lumaki na nang lumaki noong maipon-ipon. Kuwento ng isa, “Hindi masyadong close si Kris sa mga asawa ng mga players, sumasama-sama rin siya noon kay James sa mga party, pero noong una lang iyon. “Siguro, hindi feel ni Kris ang basketball world dahil may sarili naman siyang mundo, mas masaya siya siyempre sa showbiz dahil reyna siya doon. “Kuwentuhan nga doon na kapag dumarating si Kris, e, biglang nananahimik ang mga wives ng basketball players, parang ilag na ilag sila kay Kris, parang natatakot sila na baka pati sila, e, itsismis ni Kris,” kuwento ng isang impormante. Hindi na nagulat ang mga kapuwa basketball playes ni James dahil palagi namang naka-headline si James kapag nag-aaway sila ni Kris. Ipinapalagay rin nila sa siguro’y punumpuno na rin si James. Palagi raw kasing ipinapahiya ni Kris ang kaniyang mister, tulad na lang noong minsang magkasama silang pumipili ng kotseng bibilhin ni James. “Nakakahiya iyon, mayroon pa naman silang kasamang co-players ni James. Noong tanungin na ng agent si James kung alin ang gusto niya, e, si Kris ang sumagot. “Iyong gusto na lang daw niya ang dapat kunin ni James dahil siya naman ang magbabayad. Para namang hindi kumikita si James, para namang pera lang niya ang nagpapatakbo ng buhay nila ni James,” naiinis na kuwento ng aming impormante.
Ruffa Gutierrez – Binabantaan pa rin ng dating asawa Palaging mukhang prinsesa si Ruffa Gutierrez tuwing Linggo nang hapon sa Paparazzi. Sa personal naming paglalarawan ay walang mali sa kaniyang mukha. Ibang-iba ang kaniyang kagandahan kahapon sa show, hindi siya nakakasawang pagmasdan. Pero sa likod ng kagandahang iyon ay ang malalamlam niyang mata. Hindi maitatago ni Ruffa ang katotohanan, hindi simple ang kaniyang dinadala at pinagdadaanang problema ngayon. Sangkot sa usapin ang kaniyang mga mahal sa buhay, lalo na ang kaniyang mga anak na sina Lorin at Venice. Sa mga panahong ang iniisip ng mas nakararami ay nakalaya na siya sa kanilang relasyon ni Ylmaz Bektas ay hindi pa rin pala, mayroon pa rin palang problema sa kanilang samahan. Hindi naging maganda ang huli nilang pag-uusap sa telepono, abot-abot din ang pagte-text sa kaniya ni Ylmaz na nagbabanta. Wala rito ang ama ng kaniyang mga anak pero binabalot ng takot si Ruffa sa anumang maaaring mangyari sa kanilang mag-iina at sa kaniya na ring pamilya. Nakakalungkot lang isipin na mag-isa na nga niyang binubuhay ang kaniyang mga anak, trabahong-kalabaw na ang ginagawa niya, pero mayroon pang mga ganitong problema ang magandang aktres-TV host. Hindi naman siya nanghihingi ng sustento sa ama ng mga bata, pero bakit mayroon pang mga ganoong pagbabanta ang nakahiwalay niyang mister? Mayroon na itong sariling buhay ngayon, nagpakasal na nga ito noon sa isang beauty queen din, kaya nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay ganoon na lang ang pananakot sa kaniya ni Ylmaz.
John Lloyd Cruz – Umamin na pinagsabay nga ang relasyon kay Ruffa at Shaina Ipinagdiwang ni Ruffa Gutierrez ang kaniyang kaarawan sa Paparazzi, punumpuno ng emosyon ang aktres-TV host sa aming panayam sa kaniya. Maraming nagulat sa kaniyang deklarasyon na sa kaniyang pakiramdam ay pinagsabay sila ni Shaina Magdayao ng kaniyang dating kaespesyal na karelasyong si John Lloyd Cruz. Hindi na niya ikinagulat pa ang pag-amin ni JLC tungkol sa kasalukuyang relasyon nito kay Shaina. Ayon kay Ruffa ay matagal na niyang alam iyon. Ang totoo ay pinag-usapan pa nga nila nang sersyosohan ng pamosong aktor ang tungkol doon. Pero tiniyak ni Ruffa na dalawang linggo lang ang nakararaan nang magdesisyon sila ni John Lloyd na tapusin na ang kanilang ugnayan. Iyon na ang pormal nilang paglalayo, dahil ang mga nauna nilang paalaman ay hindi rin naman naganap dahil nagtatawagan pa rin sila. Pero sa kabila noon ay pinasasalamatan niya pa rin si Lloydie dahil sa wakas ay inamin din nito ang kanilang nakaraan. Binati pa siya ni JLC sa pamamagitan ng VTR, kitang-kita namin ang pagpapahalaga ni Ruffa sa magandang aksiyon na ginawa ng aktor. “I appreciate the gesture, wala naman akong masabi doon, nagpapasalamat talaga ako kay JLsa ginawa niya,” nakangiting pahayag ng magandang aktres-TV host.
Shaina Magdayao – Totoong GF ngayon ni JLC Tanong ng mga kaibigan namin, kapag nagpupunta raw ba sa ibang bansa ang magkakarelasyong artista ay kumukuha sila ng magkahiwalay na kuwarto sa hotel na tinutuluyan nila? “Sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao noong magpunta sila sa Singapore, magkahiwalay ba ang hotel rooms nila? Kasi, kung hindi, e, talagang mag-iisip na ng kung anu-ano ang mga nakakakita sa kanila. Walang masama sa pagtatanong, katanong-tanong naman kasi ang pangyayari, natural lang na mag-isip ang ibang tao ng kung ano-ano kapag ganoong nagsasama sa ibang bansa ang magkakarelasyong artista. “Huwag naman nilang sabihin na nagbasa lang sila ng komiks o naglaro ng tong-its habang magkasama sila sa hotel room, baka naman tamaan sila ng kidlat, dahil malaking kalokohan iyon!” reaksiyon pa rin ng aming kausap. Oong-oo nga naman. Jovit Baldivino – Hanggang kailan kaya ang katanyagan? Malakas ang kutob ng aming mga impormante na magiging mabilis lang ang pakikipagsayaw ni Jovit Baldivino sa kaniyang popularidad ngayon bilang unang Big Winner ng Pilipinas Got Talent. Mapangahas pang reaksiyon ng isa naming kausap, “Magiging Jerome Sala the second lang siya na nanalo nga sa Star In A Million, pero nasaan na ba siya ngayon? “Sabi ng mga taga-Bohol na kababayan niya, namamasada na lang siya ng jeep ngayon. Ganoon din ang mangyayari kay Jovit kapag hindi umayos ang mga taong nakapaligid sa kaniya. “Para kasing sila ang nanalo kung magsiporma ang mga taong iyon, parang heartthrob na ang turing nila kay Jovit, hellow! Pansamantalang hysteria lang iyon, hindi rin magtatagal. “Isang buwan pa, tingnan natin kung mayroon pa ring magkakainteres kay Jovit na hindi naman guwapo, kapos sa personality, maganda nga lang ang boses!” ayon sa isa naming impormante. Ngayon pa lang daw ay nararamdaman na ng mga nakakasama ni Jovit na mayroon siyang nakatakdang ipakitang hindi kagandahang asal. Mayroon ngang isang reporter na mag-iinterbyu sana sa kaniya na tinanguan niya naman, pero binigo ni Jovit. “Paano, puro interview sa TV ang gusto niya, mayroon kasing mga camera, kaya ang mga reporters sa print na tape recorder lang ang dala-dala, parang minamaliit niya. “Sumagot siya sa interview, hintayin lang daw siya sandali. Pero hindi na siya nagpa-interview pa dahil inaantok na raw siya, pagod na pagod na raw siya, tama ba naman iyon?” sentimyento ng isang kasamahan namin sa hanapbuhay. Para naman sa mas nakararami naming nakakausap ay mas kailangang bigyan ng atensiyon ngayon ni Jovit ang pagpapakinis sa kaniyang mukha. Masyado raw kasi niyang binebeybi ang kaniyang mga taghiyawat, kaya patuloy ang pagdami noon. Komento naman ng isang young actress na nag-text sa amin ay palagi raw oily ang mukha ng Big Winner ng PGT, bukod pa sa hindi kalinisan ang kaniyang mga kuko, pagbibigay-pansin lang naman sa kaniyang hygiene ang hiling ng batang aktres kay Jovit. “He’s always facing the camera now, magnified pa naman ang lahat on TV, so he should give attention to his hygiene. Palagi siyang oily, tapos, iyong fingernails niya, parang gusto nang makipag-bonding sa nail cutter!” namamangha pang reaksiyon ng young actress noong makita nito nang harap-harapan si Jovit Baldivino. Payo naman ng mga mapagmasid ay medyo pumreno raw ang mga kasama ni Jovit sa kanilang OA na pagkilos. Hindi nga naman habambapanahong nandiyan ang kanilang alaga, kaya hindi sila dapat pumorma ng akala mo naman superstar na ang baguhang singer. “Palagi silang sangrekwa kapag may lakad si Jovit, napakarami nila, halatang-halata tuloy na sinasamantala nila ang pagkakataon noong manalo si Jovit. “Nakakaloka sila, mga OA!” komento pa rin ng aming source.
Gretchen Barretto – Material girl pa rin hanggang ngayon Pagkatapos naming manood ng Paparazzi noong Linggo nang hapon ay nakatulog na kami. Linggo na lang kasi ang tanging araw na naiiwanan sa amin ngayon, dahil mula Lunes hanggang Biyernes ang Juicy, itine-tape naman muna namin ngayon ang Paparazzi tuwing Sabado. Pero kahit hindi namin natututukan ang ibang talk shows ay may mga nagpaparating sa amin ng kuwento. Mayroon silang reaksiyon, tulad na lang kay Gretchen Barretto na ininterbyu ni Kris Aquino. Sabi ng isang nagkuwento sa amin, “Talagang masyadong materialistic si Gretchen, ipinagmamalaki niya ang shoes niya, she even requested the director to focus on her shoes. “Ang nakakatawa lang, her feet are not beautiful, maugat siya, kaya hindi totoong walang imperfections si Gretchen! Her feet pa lang will disagree na sa kaniya,” komento ng aming kausap. Natawa kami, kuwento pa lang iyon ng paa at sapatos. Hanggang ngayon pala ay masyado pa ring nakatutok ang utak ni Gretchen sa kaniyang mga sapatos. Sapatos kasi ang kaniyang hilig, lahat ng mamahaling sapatos ay mayroon siya. Naiisip tuloy namin na habang lumalaki siguro ang magandang aktres na ito ay kapos siya sa sapatos. Ganoon kasi iyon, kung saan tayo kapos at pinagdamutan noong ating kabataan ay doon tayo bumabawi, at sumosobra pa nga sa kailangan lang ang ginagawa nating pagbawi. Gusto na lang naming isipin na iyon na kasi si Gretchen, puwedeng napakamateryoso ng imahe niya ngayon sa ating mga kababayan, pero iyon na siya talaga. “Naiinis lang kasi kami sa kaniya dahil pati ba naman ang sapatos niya, ipapo-focus pa niya sa mga camera? She’s too flaunty!” dagdag pa ng aming kausap. (Editor: Mapapanood ninyo ang Paparazzi at Juicy sa TV5, puntahan sa Internet ang www.pinoychannel.tv) Have a comment on this article? Send us your feedback
|









