Print E-mail
Sunday, 01 August 2010 00:25
Cristy Fermin    Agosto 1 - 15, 2010

 

 
  Bea Alonzo

Kim Chiu – Si John Lloyd na daw ang dapat ka-love team sabi ng fans

Naku, may kailangang paghandaan nang husto ang magandang batang aktres na si Bea Alonzo. Ngayon pa lang ay nagsasalimbayan na ang pang-uupak sa kaniya ng mga tagahanga nina Kim Chiu at Gerald Anderson. Napakarami na naming tinatanggap na text messages na puro masasakit na salita patungkol kay Bea ang nilalaman. Siguradong iiyakan ni Bea ang kontrobersiyang ito.

Habang galit na galit kay Bea ang mga Kimerald fans ay gusto naman nilang ipareha na lang si Kim Chiu kay John Lloyd Cruz. Natuklasan na raw kasi nila ang kasinungalingan ni Gerald, kaya ayaw na nila sa binata.

Mayroon kasing kumakalat na kuwentong nililigawan daw ngayon ni Gerald si Bea. Isang kalokohang kuwento – halatang-halata naman na promo lang iyon sa gagawin nilang pelikula.

Naniwala naman agad ang mga fans ng dalawa na para bang katapusan na ng mundo para sa kanila dahil ang pinakamamahal nilang tambalan ay hiwalay na ngayon.

 
  Gerald Anderson Kim Chiu

Nakakaawa naman si Bea; palagi na lang siyang napagbibintangang mang-aagaw. Noong sila pa ni Lloydie ang regular na magkapareha, kahit kanino maugnay na personalidad ang binatang aktor ay palaging mang-aagaw ang papel niya. Samantalang mula naman noon hanggang ngayon ay walang namagitan sa kanila ni JLC.

Hindi talaga matatanggap ng mga tagahanga nina Kim at Gerald na maitambal sila sa iba. Nakakulong lang sila sa kanilang tambalan dahil sa interpretasyon ng kanilang mga tagahanga ay nilalang sila para sa isa’t isa lang.

Sinabi naman ni Kim na walang dapat alalahanin si Bea dahil nauunawaan niya ang lahat.

Willie Revillame – Nanghihinayang sa pagkawala ng Wowowee

Walang problema sa pakikisimpatiya, pero ang salitang nakakaawa ay parang sobra para ikapit ngayon kay Willie Revillame, dahil sa pagkawala ng kaniyang noontime show sa ABS-CBN.

Hindi namin alam ang buong- buong detalye kung paano tumakbo ang proseso, pero sa pagkakaalam namin ay inaasahan na talaga ni Willie ang ganitong senaryo. Mauuwi talaga ang lahat sa pagkawala ng kaniyang show.

Noong una pa man ay release papers na ang ipinadala ng mga abogado ni Willie sa pamunuan ng network. Desidido na siyang mawala sa istasyon, pero hindi naman siya pinayagan.

Kailangan niyang tapusin ang kaniyang kontrata na hanggang sa Setyembre pa ng susunod na taon. Hindi siya puwedeng magtrabaho para sa ibang istasyon, dahil iyon ang nakasaad sa kaniyang kontrata. Wala siyang magagawa kundi ang maghintay na matapos ang kaniyang kontrata sa Dos. Puwede siyang bigyan ng pakonsuwelo de bobong show at puwede rin naman siyang i-freeze na lang. Posible ang alinmang aksiyon sa dalawang nabanggit.

Hindi nakakaawa si Willie dahil nawalan siya ng show sa isang panahong punumpuno ang kaban ng kaniyang yaman. Mayroon siyang milyon-milyon at mga naipundar na propyedad. Pero totoong ikalulungkot niya ang pagkawala sa Wowowee. Plastic si Willie kung sasabihin niyang hindi nakapanghihinayang ang kaniyang noontime show, dahil alam ng buong mundo kung gaano niya kamahal ang programa. Siguradong hahanap- hanapin niya ang Wowowee kahit pa marami siyang pera. Anumang nakasanayan na natin ay nakatanim na sa ating sistema. Kung hinahanap-hanap si Willie ng kaniyang mga tagasuporta ay isang bagay rin ang sigurado, hinahanap-hanap na niya ngayon ang tensiyon ng Wowowee na nakasanayan na niya.

 
  DJ Mo Twister
 
  Pokwang

DJ Mo Twister – Hindi naman daw sinabing pangit si Pokwang

Gusto lang naming linawin ang kuwentong lumabas na sinabihan ni DJ Mo Twister ng “pinakapangit na host” si Pokwang. Nababantayan namin ang bibig ni Mo sa Juicy at Paparazzi. Kahit kailan ay hindi siya nagbitiw ng ganoong salita, kaya sana’y nag-imbestiga muna si Pokwang bago nito sinabihang “bakla ba” si Mo Twister?

Kung pepersonalin ni Mo si Pokwang ay napakadali naman niyang sabihin na nagpapakatotoo lang naman siya. Puwede rin niyang sabihin na “I will be lying if I say that’s she’s beautiful,” pero hindi iyon ginawa ng TV host na walang preno ang bibig sa pagkokomento.

Nagkaroon kami ng imbestigasyon tungkol sa isyu.

Tinanong namin si Mo Twister kung sinabi ba niyang pinakapangit na TV host si Pokwang sa kaniyang radio program, pero matigas ang kaniyang pagtanggi.

Kahapon sa Paparazzi, sa halip na personalin ni Mo si Pokwang ay naging propesyonal siya. Sinabi ni Mo na, at least, ang programang sinabi ng komedyana na hindi naman kilala (Paparazzi) ay may mataas na rating. Hindi tulad ng Wowowee na single digit na lang ang rating ngayon. Kaya kailangan na talaga nilang ibalik sa programa si Willie Revillame para tumaas uli sila.

Idiniin din ni Mo Twister na hindi si Pokwang ang nagpapataas ng rating ng Wowowee kundi si Willie, dahil kung totoong ang komedyana nga, bakit humilahod ang rating ng noontime show noong mawala si Willie?

Pokwang – Mayabang na nga ba ngayon dahil sobrang sikat na?

Ang dami-daming nagtata-nong sa amin ngayon kung bakit naging mayabang na si Pokwang. Ikinalulungkot namin ang mga ganoong komento dahil nagpakulong kami sa pag-asa na hinding-hindi siya mapagbabago ng popularidad niya ngayon.

Gusto namin ang kuwento ng makulay niyang pinagdaanan. Alam naming ayaw nang balikan pa uli ni Pokwang ang ganoong klaseng buhay, kaya naniniwala kaming pahahalagahan niya ang kung anumang hawak na niya ngayon.

Pero hindi lang kasi ang mga taong nakatulong noon kay Pokwang ang nagsasabing yumabang na siya. Pati nga ang mga nakakatrabaho niya ngayon ay hindi na natutuwa sa kaniyang ugali, at ang pinakamatindi sa lahat ay ang pagkagat niya sa kamay ni Willie Revillame na nagpala sa kaniya.

Hindi na bago ang ganitong kuwento. Maraming personalidad nang kinasihan ng kapalaran ang biglang nakalilimot sa kanilang nakaraan. Nagigising na lang sila at nahihimasmasan kapag aandap-andap na ang kinang ng kanilang bituin, pero huli na pala ang lahat. Harinawang huwag mangyari ang ganoon kay Pokwang.

Ruffa Gutierrez – Presidente ng Smartmatic ang bagong manliligaw

 
  Ruffa Gutierrez Cesar Flores

Umalis si Ruffa Gutierrez pagkatapos ng selebrasyon ng kaarawan ng kaniyang panganay na anak na si Lorin. Linggo nang hapon ay tinutudyo na siya ni DJ Mo Twister. Nag-text daw ang nauugnay sa kaniya ngayon na si Mr. Cesar Flores na presidente ng Smartmatic. Parang magkikita sila sa Venezuela at nakaabang na raw ang isang pinaghandaang pag- welcome doon kay Ruffa. Hinampas-hampas ni Ruffa ang tsimosong si Mo. Bakit daw pinakikialaman nito ang kaniyang cellphone. Tawa lang naman nang tawa ang “bestfriend” ngayon ni Pokwang.

Ang totoo ay may bukas na komunikasyon si Mo Twister kay Mr. Cesar Flores. Maraming kaibigan mula sa alta sosyedad ang matapang na TV host. Nalalaman nito ang mga nagaganap tungkol sa lovelife ng mga sikat na artista.

Pero noong Linggo nang hapon ay nakausap din namin si Cristalle Henares, ang mabait na anak ni Dra. Vicki Belo. Ayon sa dalaga ay sila ang magkakasama ni Ruffa sa pag-alis.

Ang sinabing destinas- yon ni Cristalle ay Lebanon. Negosyo ang dahilan ng pagpunta nila doon. Mukhang may dadaluhan silang malaking okasyon at mayroon na ring isu- shoot na endorsement ang magandang aktres-TV host para sa Belo Group.

Nasa Lebanon man o saan mang lupalop ng daigdig ang magandang si Ruffa ay hindi problema sa mayamang manliligaw. May magagawang paraan si Mr. Cesar Flores para puntahan doon si Ruffa. Kasabihan na nga natin ay walang imposible sa isang taong umiibig.

Puro papuri ang naririnig namin ngayon mula kay Ruffa patungkol sa negosyante. Saludo siya sa kasipagan ni Cesar Flores. Kahanga-hanga raw ang pagiging self-made man ng Venezuelan.

May karapatang lumigaya si Ruffa Gutierrez. Malaya na siya ngayon. Wala lang sanang kumontra sa kaniyang kaligayahan dahil karapatan niya iyon.

Ian de Leon – Witness sa facelift fiasco ng Superstar Nora Aunor

Biglaan lang ang pagsalang nina Ian de Leon at Kenneth sa Juicy kamakailan. Magge-guest silang magkakapatid (kasama si Matet) sa isang show sa TV5. Hinila lang namin ang magkakapatid para maupo sa Juicy.

Si Ian ang nakasama ng kaniyang inang si Nora Aunor nang magpa-facelift ang Superstar sa Japan, kaya natural lang na kung mayroon mang nakakaalam tungkol sa naganap sa aktres ay si Ian iyon. Totoo nga bang binutasan ang leeg ni Nora dahil nahirapan itong huminga at na- comatose pa?

Ayon kay Ian ay hindi naman siya bumantay sa operasyon ng kaniyang ina. Bawal daw iyon sa ospital, pero nasa labas lang siya ng operating room at hindi naman siya lumalayo.

Pero diretsong sinabi ni Ian na hindi naman binutasan sa leeg si Nora. Nanakit lang daw ang lalamunan nito na nakaapekto nang malaki sa kaniyang boses.

Malinaw ang sinabi ni Ian de Leon – hindi binutasan sa leeg ang kaniyang ina noong operahan ito sa Japan, kaya, sino kaya ngayon ang mas kapani-paniwala sa kanilang mag-ina?

Alex Gonzaga – Napupusuan ba si Kean Cipriano o Jared Dillinger?

 
  Alex Gonzaga

Mukhang tinamaan nang husto ang pambatong player ng Talk ‘n Text na si Jared Dillinger kay Alex Gonzaga. Ang crush lang noon ng basketbolista sa magandang young actress-TV host ay seryosohan na ngayon. Nagpapadala na ito ng bulaklak kay Alex sa studio ng Juicy!

Ang tuksuhan nga ngayon ay kailangan nang magmadali ni Kean Cipriano dahil mabilis tumakbo ang basketball player. Kailangan na nitong magseryoso kay Alex dahil baka maunahan ng basketbolista ang bokalista ng banda.

Pero kung ang kutob namin ang tatanungin ay mukhang nakauungos na si Kean sa atensiyon ni Alex. Madalas kasi silang magkasama. Dalawang programa ang pinagbibidahan nila sa TV5.

Nakalalamang si Kean kay Jared dahil maraming panahon ang pinagsasamahan nila ng young actress. Hindi rin naman imposibleng mahulog ang loob ni Alex kay Kean dahil nauna na ang kanilang pagiging magkaibigan.

Ang tanong, mayroon na bang kalayaan si Alex Gonzaga na magmahal at makipagrelasyon? Matindi pa kay Jaworski kung magbantay sina Daddy Carlito at Mommy Pinty.

(Editor: Mapapanood ninyo ang Paparazzi at Juicy sa TV5, puntahan sa Internet ang www.pinoychannel.tv)

Have a comment on this article? Send us your feedback