Print E-mail
Cristy Fermin    Agosto 16 - 31, 2010
 
  Sarah Geronimo

Sarah Geronimo – Muntik nang ma-kidnap

Nakakatakot naman ang impormasyong nakarating sa amin na hindi lang pala si Sarah Geronimo ang pinagplanuhang kidnapin ng grupong nakaengkuwentro ng kaniyang ama sa mismong basement parking ng ABS-CBN kamakailan.

Sa mga kagamitan pala ng lalaking iyon ay iba-ibang pangalan ng mga sikat na artista ang nakasulat at isa lang si Sarah sa marami. Hindi na namin babanggitin pa kung sinu-sino ang ibang mga personalidad sa listahan para sa kapayapaan ng kanilang kalooban.

Dahil sa pangyayari ay makabuluhan ang tinanggap naming mensahe mula sa isang kaibigang tahimik lang na nagmamasid sa mundo ng lokal na aliwan. Ang kaniyang sabi, “Sobrang lapse po ng security force mismo sa loob ng ABS-CBN ang nangyari sa tatay ni Sarah, pero sa kabilang banda, eh, hindi na po tayo dapat magtaka pa.

“Halos lahat na lang yata ng mga tele-serye ng Dos, eh, nauuwi sa kidnapan at barilan. Naku, life imitating art ba ito? Ayan tuloy! Sobrang naiirita at nauuta lang po kami na lagi na lang may elemento ng violence ang mga tele-serye ng network. Laging may baril na involved. Wala na ba silang maisip na ibang plot ng istorya?” kabuuang mensahe ng aming kaibigan na itatago na lang namin sa initials na SOS.

Tamah!

Liezel Sicangco – Walang tigil ang paninira kay Robin

 
  Robin Padilla and his children with wife Liezl Sicangco: l-r: Zhen-Zhen, Kylie and Ali (not in photo is Queenie)
 
  Liezel Sicangco & Robin Padilla

Dalawa-singko na lang ang interbyu ngayon ni Liezel Sicangco. Kahit saan ay nakabalandra ang kaniyang phone patch interview na iisa lang naman ang sinasabi – ang pagiging iresponsableng ama raw ni Robin Padilla.

Kailangan nga sigurong paulit-uli na sabihin ni Liezel ang kaniyang mga akusasyon kay Robin dahil wala nang naniniwala sa kaniya. Natatabunan ang mga pahayag ni Liezel ng matagal nang pagkakilala kay Robin ng buong industriya bilang mabuting tao at responsableng ama.

Masaya dito sa Pilipinas sina Queenie at Kyle. Nag-aaral sa Fountain International School si Ali. Nagkakasama-sama ang mag-aama na kabaligtaran ng deklarasyon ni Liezel na napababayaan na raw ni Robin ang kanilang mga anak dahil kay Mariel Rodriguez.

Ang akala ng maraming kababayan natin ay ngayon na lang nagsasalita si Liezel Sicangco nang laban kay Robin Padilla. Kinontra namin ang ideyang naglalaro sa isip ng isa naming nakausap na siguro raw ay napuno na lang si Liezel kaya nagsasalita na siya ngayon laban sa action star.

Kung babalikan natin ang ilampung taon ng pagsasama nina Robin at Liezel ay mapatutunayan natin na hindi ngayon lang nagdadadaldal ang babae. Palagi na siyang ganiyan kahit noon pa man. Basta pumapasok sa relasyon si Robin ay maaasahan na ang pagpapainterbyu ni Liezel Sicangco.

Nakikipag-away pa nga siya noon. Nagkaroon sila nang mainitang pagsasagutan ni Dolly Ann Carvajal na dating karelasyon ni Robin. Masakit magsalita at mamintas si Liezel.

Noong panahon nina Robin at Vina Morales, noong maging sila ni Sharon Cuneta, palagi ring umeeksena si Liezel. Hindi pa sila mag-asawa noon, girlfriend pa lang siya ni Robin, pero talagang mahilig na siyang umeksena.

Sa punto ng obligasyon ay tumutupad si Robin. Sobra-sobra pa nga sa pangangailangan ng mga bata ang kaniyang ibinibigay.

Ang tanong, ano pa kaya ang hinahabol ngayon ni Liezel kaya ginugulo nito ang nananahimik na nagtatrabaho ditong si Robin? Tatlong bahay na ang ibinigay sa kaniya ni Robin. Isandaang milyong piso ang halaga ng tatlong bahay na iyon sa Australia. Hindi pa kaya masaya doon si Liezel Sicangco?

Nakapagtataka kung bakit nag-umpisa na namang magsalita si Liezel laban sa ama ng kanilang mga anak. Kung anu-anong senaryo ang binubuo ni Liezel para lang ilarawan ang action star bilang iresponsableng ama.

Divorced na sila sa Australia. Ang pagpapakasal na lang nila dito sa New Bilibid Prisons ang nasa proseso pa ng pagpapawalang-bisa. May ibang pamilya na si Liezel noong nakaraang taon pa sa Australia.

Siya ang naunang magkaroon ng sariling pamilya nang pormal na silang maghiwalay ni Robin. Isang New Zealander ang kaniyang pinakasalan noong September 19, 2009, kaya nakapagtataka na ang pinupuruhan niya ngayon ay si Robin na wala pa namang pinakakasalan.

Dahil sa walang patlang na paninira ni Liezel Sicangco kay Robin ay nagpahayag na ang action star. Ang kaniyang sabi, “Ang Ramadan ay buwan ng pag-aayuno (fasting), pagpapatawad at pagmamahal. Ako ay nakikiisa sa Islam sa pagbibigay-halaga sa mga ina, dahil ang paraiso ay nasa paanan lamang ng mga ina.

“Kaya ako na mismo ang kakausap sa aking mga anak para umuwi na sa kanilang ina. Kung anuman ang pagkukulang ko bilang ama, ako’y humihingi ng tawad sa Allah ni Liezel at ng mga bata,” kumpletong opisyal na pahayag ni Robin Padilla.

Magandang desisyon ang ginawa ni Robin dahil palaging ginagasgas ni Liezel sa kaniyang mga reklamo ang mga anak nila ni Robin, para bang kinakawawa ang mga bata dito ng kanilang ama. Kaya tama lang na pabalikin na ni Robin sa Australia sina Queenie, Kyle at Ali para wala nang magamit na emosyonal na armas si Liezel laban sa kaniya.

   
   

Pilipinas Win na Win – Mukhang ayaw kagatin ng fans?

Nasanay si Kris Aquino sa magandang rating ng kaniyang mga programa. Tinatalo man iyon ay hindi naman sayad na sayad sa pusali ang kaniyang show, kabaligtaran ng Pilipinas Win Na Winna talagang hindi kinagat ng ating mga kababayan mula noong mag-umpisa ang programa.

Tahimik na ipinaglaban ng bayan si Willie Revillame. Ang ipinalit na show ng ABS-CBN sa Wowoweena nagpapaligaya sa kanila ay hindi sinuportahan ng mga Pinoy, kaya gumagapang ang rating nito na hindi pa rin naman nakabangon anuman ang gimik nilang gawin.

Ngayon ay inilipat na ang oras ng PWNW. Ginagawa lang kasi silang pulutan ng Eat…Bulaga, saanmang anggulo sipatin ang desisyon ng network ay demosyon ang ibig sabihin noon.

Nag-resign pa ang kanilang BUH (business unit head) na si Jay Montelibano (isa sa mga tagapamuno ng hinahangaan namin ang prinsipyo at paninindigan), dalawampu’t tatlong staff at sampung dancers na rin ng PWNW ang nagbitiw sa trabaho at nakipagmiting at sumama na kay Willie, kaya siguradong bunging-bungi ngayon ang staff ng PWNW.

Ang pangako sa kanila ni Willie, willing na willing siyang suportahan ang mga staff na sumama sa kaniya kahit wala pa silang trabaho sa ngayon. Ibibigay niya ang suweldong mas mataas pa kaysa sa tinatanggap nila sa PWNW.

Hindi kailanman mapapako ang pangako ni Willie Revillame. Kilalang-kilala siya ng kaniyang staff. Kung mayroon mang makasusukat sa pagkabukas ng palad ng aktor-TV host sa pamamahagi ng kaniyang mga biyaya ay walang iba iyon kundi ang mga taong nakasama niya nang mahigit na limang taon sa Wowowee.

   
   

James Yap – Hindi pa rin kumikibo sa mga batikos ni Kris

Totoo ang kasabihan na mas marami kang sinasabi ay mas marami kang mali; kaunti lang ang mga salitang lumalabas sa bibig mo ay kaunti lang din ang maling lumalabas, pero kung hindi ka magsasalita ay walang mali.

Totoo rin na hindi bentahe ng isang tao ang unang pagsasalita, dahil habang tumatagal ang panahon ay nababaligtad ang situwasyon, ang unang nagsalita pa tungkol sa isyu ang nagiging negatibo sa pananaw ng publiko.

Maraming nagalit kay James Yap noong una at pangalawang sultada ng pagsasalita ni Kris Aquino. Sino naman ang hindi magagalit sa sikat na basketbolista, samantalang ibinunton ni Kris ang lahat ng sisi sa kanilang paghihiwalay kay James,. Natural lang na makisimpatiya noon ang manonood sa TV host.

Walang sagot si James, ang kaniyang ina lang ang napilitang magsalita bilang depensa sa kaniyang anak. Pero kagulat-gulat na ang mas malaking porsiyento ng simpatiya ay ipinagkaloob ng ating mga kababayan kay James.

Naunang nagsalita nang tone-tonelada si Kris. Pinalabas nitong iresponsableng ama ang basketbolista. Inisa-isa rin ni Kris ang mga senaryo kung bakit nagdesisyon na itong makipaghiwalay sa kaniyang mister.

May mga totoo naman sa sinabi ni Kris tulad ng pagiging playboy ng basketbolista. Pero karamihan ng kaniyang sinabi ay tinutulan ng kaniyang mga followers sa Twitter.

Inilabas ng mga ito ang mga tweet ni Kris noon na magpapasinungaling sa kaniyang mga sinabi. Lumalabas na nag-iimbento lang ng mga kuwento si Kris.

Naaawa na siguro ang mga kababayan natin kay James Yap na lugmok na nga ay tinatapakan pa. Iniwan na nga ay sinisiraan pa. Sa aspektong iyon ay talo si Kris sa husgado ng bayan.

Kris Aquino – Hiniya si James sa gabi ng MVP award?

 
  Kris Aquino

Heto pa. Noong Linggo ng gabi, habang ginaganap ang pagbibigay ng parangal ng PBA sa mga manlalarong nagpakitang-gilas sa buong Fiesta Conference at tinanghal na MVP sa ikalawang pagkakataon si James Yap, ay napansin ng mga nandoon ang isang grupo.

Inaabangan ng mga ito si James, mayroon silang ihahaing mga dokumento, pero hindi sila makasingit dahil ginaganap nga ang pagbibigay ng parangal.

Pero huling-huli ng mga camera ang footage kung saan palabas na ang sasakyan ng basketbolista. Hinahabol-kinakatok iyon ng isang lalaking may dala-dalang folder, habang kasunod naman nito ang dalawang abogado ni Kris.

Pamilyar ang mukha ng babaeng abogado. Palagi itong nagpapainterbyu sa mga talk shows kapag ang proseso na ng annulment ng kasal nina James at Kris ang isyu. Hindi makapagkakaila ang kampo ni Kris na sadya nilang itinaon ang pagse-serve ng mga dokumento kay James noong mismong gabing iyon.

Sa aming panlasa, pati na sa pananaw ng mas nakararami naming nakakausap, ay masama sa panlasa ang ginawa ng kampo ni Kris. Gabi iyon ni James. Dinisenyo ang pagkakataong iyon para sa pagtanggap niya ng MVP award. Bakit kailangan pang sabayan iyon ng paghahain ng mga dokumento ng kampo ni Kris?

Naghuhugas-kamay si Kris. Wala raw itong kinalaman sa pangyayari. Hello! Para namang hindi kami pamilyar sa mga ganoong aksiyon. Para namang hindi namin alam na palaging bukas ang komunikasyon ng kliyente sa kaniyang mga abogado, kaya may kinalaman ang TV host sa pagpunta ng sheriff ng korte at ang kaniyang mga abogado sa Araneta Coliseum noong nandoon si James Yap.

Napakarami namang araw, pero bakit pa nila doon gagawin ang pagse-serve ng summons. Hindi ba makapaghintay ang kampo ni Kris na maiabot nila iyon kay James Yap sa isang panahong hindi sila makapananakit at makasisira ng gabi ng kanilang tinututukang tao?

Kaisa-isang gabi na lang iyon na maaangkin ni James na tinanghal na MVP, pero gusto pang sirain iyon ni Kris Aquino. Maganda pa rin ba sa panlasa ang ganoong senaryo?

(Editor: Mapapanood ninyo ang Paparazzi at Juicy sa TV5, puntahan sa Internet ang www.pinoychannel.tv)

Have a comment on this article? Send us your feedback