Print E-mail
Thursday, 16 September 2010 00:20
Cristy Fermin    Setyembre 16 - 30, 2010

Marian Rivera – Dapat sana’y magandang ehemplo para sa kaniyang fans

 
  Marian Rivera & Dingdong Dantes
 
  Bela Padilla
 
  Kim Chiu
 
  Kris Aquino
 
  Willie Revillame

Lumaki na nang lumaki ang hidwaan nina Marian Rivera at Bela Padilla. Noong linggo, Setyembre 12 sa Paparazzi ay binasag na ni Mommy Eva Cariño-Padilla ang kaniyang pananahimik. Idinepensa na niya ang kaniyang apo sa pamangkin na si Bela, habang kausap namin sa telepono si Mommy Eva ay nasa kaniyang bahay pala ang young actress.

Off the air ay sinabi ni Mommy Eva na pinapunta niya si Bela sa kaniyang bahay dahil ayon kay Meg (anak ito ng kapatid ni Mommy Eva), ang mommy ni Bela, ay hindi na halos nagkakakain ang dalaga dahil sa sobrang pamomroblema kay Marian.

“Matagal ko nang nababalitaan ang mga ganiyang nangyayari, pero ayaw naman kasing magsalita ni Bela. Pero lately, lumalaki na ang problema, ninenerbiyos na ang bata kapag nagre-report sa set ng tele-serye nila ni Marian.

“Hindi tama ang ganoon, si Marian pa naman ang bida sa palabas nila, pero bakit niya ginaganiyan ang mga kasamahan niyang baguhan?” opinyon- tanong ni Mommy Eva.

Sa wakas, nagkuwento na ang apo sa kaniyang lola, at kung kilala nga namin si Mommy Eva, hindi siya makapapayag na basta na lang kawawain ng kahit sino ang kaniyang mga anak at apo.

“Ikinuwento sa akin ni Bela na noong minsan nga, sa taping nila sa Fontana, e, pasigaw siyang sinabihan ni Marian na pumasok sa CR. Pinalabas daw ni Marian ang mga nasa cubicles, pero habang nag-uusap sila, maraming nakikinig sa labas.

“Sinabihan siya ni Marian ng malandi, hindi naman maganda at maputi lang, diring-diri raw sa kaniya si Dingdong at ayaw na raw niyang makita ang pagmumukha ng apo ko sa set.

“Ito namang si Bela, sa sobrang takot na siguro kay Marian, e, siya pa ang nanghingi ng sorry. Sinabi niya kay Marian habang dinuduro-duro siya na kung mayroon man siyang nagawang mali, e, patawarin na siya.

“Alam mo, habang pinaki- kinggan ko ang kuwento ni Bela, nag-iinit ang ulo ko. Sikat ngayon si Marian, kaya dapat, maging magandang ehemplo siya sa publiko.

“Pero paano siya magiging magandang ehemplo kung ganiyan na palagi na lang siyang nagmamaldita, ang dami-dami na niyang nakakaaway, hindi lang siya maldita kundi bastos pa siya!

“Para siyang tigre, ang tapang-tapang niya! Hindi tama ang ganoon. Hindi niya dapat inaaway ang mga kasamahan niyang artista, siya pa nga dapat ang nagbibigay ng payo sa mga baguhan,” madiing pahayag ni Mommy Eva tungkol kay Marian.

Nagkaroon na pala ng pag- uusap ang pamilya Padilla. Kasama nila sa pag-uusap ang manager ni Bela na si Claire dela Fuente. Kapag hindi pa raw tinigilan ni Marian Rivera sa pangha-harass si Bela ay makararating ang problemang ito sa korte.

Iyak naman nang iyak si Bela, hanggang ngayo’y may trauma pa rin ang dalaga, idagdag pa na nang dahil kay Marian ay nagkahiwalay sila ng matagal na niyang boyfriend na si Jason Abalos.

“Hindi na maganda ang mga ganitong pangyayari, kailangan nang mag-isip-isip itong si Marian. Kapag popular ang artista, ginagawa silang magandang ehemplo ng mga fans nila.

“Ano ang ehemplong gagayahin sa kaniya ng mga tagahanga niya kung ganito ang mga nangyayari? Kinakawawa niya ang ibang artista, pinag- seselosan niya nang wala naman sa lugar, hindi na tama ito,” galit na pahayag ng matriyarka ng pamilya Padilla.

Dingdong Dantes – Nahihilang pababa ang kasikatan dahil kay Marian

May matinding punto ang binitiwang pahayag ni Direk Joey Reyes kamakailan na kailangang matutukan nang husto ng GMA- 7 ang problema nina Marian at Bela.

Ayon sa direktor ay hindi lang silang dalawa ang maaapektuhan ng sigalutang ito, maaari ring mahila pababa ang karera nina Marian at Dingdong Dantes, at ang makikinabang naman ay ang may kaawa-awang imaheng si Bela Padilla.

Nagharap-harap na sa opisina ng mga ehekutibo ng GMA-7 sina Marian at Bela at ang kani- kanilang managers. Ginawan ng paraan ng kanilang mga bossing na maputol na ang kanilang hidwaan dahil hindi nga naman nakagaganda sa imahe ng network ang mga nangyayari.

Kim Chiu – Malungkot dahil sa break-up nila ni Gerald

Hindi balanse ang mundo ngayon ni Kim Chiu. Nakikita natin siyang ngumingiti pero sa likod noon ang isang napakalungkot na dalaga dahil tapos na ang kuwento ng kanilang relasyon ni Gerald Anderson.

Mayroon nang ibang inspirasyon si Gerald ngayon. Hindi man sila umaamin nang lantaran ay halatado namang sila na ni Bea Alonzo. Lalong napansin iyon ng kanilang mga kasamahan noong ganapin ang Star Magic Ball.

Magkasabay pa kunwaring dumating sina Gerald at Kim, pero nangangalahati pa lang ang okasyon ay nasa tabi na ni Bea ang binata. Napakaraming nakisimpatiya kay Kim noong gabing iyon.

Ang masakit lang sa kuwentong ito ay nabuhay kasi si Kim sa showbiz na kay Gerald lang umiikot ang kaniyang mundo. Walang ibang lalaking naging espesyal para sa kaniya kundi si Gerald, kaya ngayong nawala sa kaniya ang young actor ay para siyang isda na tinanggal sa tubig at pinatira sa lupa.

Kay Gerald lang umikot nang umikot ang mundo ni Kim, palaging si Gerald lang ang kasama niya. Nakakatawa nga dahil kung kailan pa sila nagkahiwalay ay saka lang naging malinaw para sa marami ang kanilang tunay na relasyon.

Sabi noon ng dalaga ay magkaibigan lang naman sila, na para lang silang soulmate. Pero ngayong si Bea na ang iniuugnay sa binata ay saka lang lumabas na totoong matagal na panahon na palang sila.

Masama ang loob ngayon ng mga Kimerald fans kay Gerald. Masasakit ang mga paghusgang nababasa namin para kay Gerald mula sa kanilang mga tagahanga. Awang-awa ang mga ito kay Kim na parang iniwan na lang ni Gerald pagkatapos nitong magtagumpay nang dahil sa kanilang tambalan.

Ngayon pa lang nakikitang lumalabas si Kim na kasama ang kaniyang mga kaibigang babae, dati kasi’y tama na sa dalaga ang basta magkasama lang sila ni Gerald. Talagang ang binatang aktor lang ang naging mundo ni Kim mula nang lumabas sila sa PBB house.

Ang kuwestiyon ngayon ay kung magiging masigla pa rin kaya ang career ni Gerald sa pagkawala sa kaniya ni Kim. Suportahan pa rin kaya ng kanilang mga tagahanga si Gerald, ngayong si Bea na ang maugong na karelasyon nito?

Kris Aquino – Hindi nakayang pasikatin ang Pilipinas Win na Win

Bilang na ang mga araw sa himpapawid ng Pilipinas, Win Na Win. Abala na ngayon ang produksiyong hahawak sa ipampapalit na show. Ayon sa aming source ay pinagpipilian sa ipanghahalili ang Game KNB? at Deal Or No Deal ni Kris Aquino.

Gumapang nang husto ang PUWNW. Sangkatutak nang papremyo ang ipinamamahagi ng noontime show, pero talagang naging mailap sa kanila ang kapalaran para magkaroon sila ng magandang rating.

Hindi lang sila inilampaso. Pinakain pa sila ng alikabok ng Eat.. Bulaga, kulang na lang na tumulay sa alambre ang tropa ni Kris para lang mabiyayaan sila ng magandang rating pero wala pa ring nangyari.

Sa paminsan-minsang pano- nood ng PUWNW ay napansin din namin na nagmistula nang comedy bar ang show na nilahukan na lang ng mga games. Sino ba naman ang magkakagustong mapanood sa katanghalian ang nag-aanyong- babaeng si Chokoleit na kahit sa malayuan ay mukhang dugyot, na sinasabayan pa ng boses ni Pokwang na nakatutulig sa katinisan?

Wala talagang mangyayari sa kanila. Kailangan na talagang palitan ang programa bago pa mailibing iyon nang buhay. Dapat na talaga nilang palitan iyon para makapagbigay naman sila ng magandang laban sa mga katunggali nilang shows.

Ayon sa aming impormante ay sa kalagitnaan na ng Oktubre ang show ni Kris na ipapalit sa Pilipinas, Win Na Win, kaya kumbaga sa isang pasyente ay nasa ICU na ngayon ang programa, naghihintay na lang na tigbakin.

Naging nega sa publiko ang ipinampalit ng Dos sa Wowowee, hindi naganap ang kagustuhan nilang saktan at pagmalakihan si Willie Revillame sa paraang gusto nila, dahil kabaligtaran pa nga ang naging resulta noon.

Si Willie pala ang may huling halakhak.

Willie Revillame – Naghahanda na para sa kaniyang bagong show, abangan!

Nadagdagan ang timbang ni Willie Revillame, makikita agad iyon sa mauumbok niyang pisngi ngayon, lumaki rin ang kaniyang katawan. Ganoon kadalasan ang nangyayari kapag inaatake tayo ng depresyon.

Sa halip na mawalan tayo ng gana ay saka naman tayo kain nang kain, nagpapakabusog tayo, hanggang sa maramdaman na lang natin na nadadagdagan na pala ang ating timbang.

Ilang beses nang nakikita si Willie na kasama ang maraming staff niya dati sa Wowowee. Mayroon din silang kasamang mga dancers, ngayon pa lang yata ay pinaghahandaan na ng aktor-TV host ang nalalapit niyang pagbabalik sa telebisyon.

Napakaraming nang-uurirat sa amin kung saan siya lilipat, sa aling network daw kaya uli mapapanood si Willie? Sa ngayon ay wala pa kaming masabi dahil wala pa rin naman kasing ibinubulong sa amin si Willie.

Mahirap namang magsabi ng impormasyong hindi pa tiyak. Baka kami pa ang maipit sa situwasyon. Kaya mas maganda kung hihintayin na lang natin ang mga sasabihin ni Willie sa mga darating na araw.

Basta ang mahalaga ay mayroon siyang pinaghahandaan. Tuluy-tuloy pa rin ang brainstorming nila ng kaniyang staff, nagre-rehearse na rin nga- yon ang kaniyang mga dancers.

Kaya sa mga nagatatanong kung kailan uli nila mapapanood ang kanilang idolong si Willie Revillame, maghintay-hintay na lang po tayo, dahil hindi na iyon kakain nang mahabang panahon.

(Editor: Mapapanood ninyo ang Paparazzi at Juicy sa TV5, puntahan sa Internet ang www.pinoychannel.tv)

Have a comment on this article? Send us your feedback