Published on

Cristy Fermin

   Mayo 1 - 15, 2012

 

 
 
Ruffa Gutierrez
 
 
Amalia Fuentes
 
 
Annabelle Rama
 
 
Sharon Cuneta
 
 
Piolo Pascual
 
 
Derek Ramsay
 
 
Ara Mina Cristine Reyes
Amalia Fuentes – Nangakong hindi tatantanan ang pamilya Gutierrez

Sa isang panahon na ang akala ng marami ay tapos na ang hidwaan sa pagitan nina Ms. Amalia Fuentes at Tita Annabelle Rama ay saka naman nagbitiw ng matitinding litanya ang beteranang aktres laban sa palabang nanay ng mga Gutierrez.

Nasa tamang panahon ng pakikipag-away si Tita Nena, dahil hindi lang si Tita Annabelle ang kaniyang inupakan, kundi pati si Ruffa Gutierrez at ang mga anak nitong sina Lorin at Venice.

At pati si Tito Eddie Gutierrez ay naging bahagi na rin ng galit ng dating kaagawan sa trono ni Ms. Susan Roces sa pagiging Movie Queen. Dahil ang kaniyang sabi, ang ama diumano nina Ruffa ay isang matandang aktor na walang trabaho.

Kung noong nakaburol daw ang kaniyang mister ay nagsuot ng pula si Tita Annabelle, pero nang palabasin niya ito sa simbahan ay umuwi at nagpalit agad ito ng kulay orange na damit, ngayon daw ay matutupad na ang pangarap ng ina ni Ruffa.

Panahon na raw para magsuot ng unipormeng orange si Tita Annabelle na tulad ng mga inmates sa Correctional. “Stop terrorizing the whole movie industry,” paalala pa niya sa palabang ina ng magkakapatid na Gutierrez.

Marami pa raw siyang gustong sabihin, pero atay-atay ang gagawin niyang pagbibigay ng kaniyang mga atake. Hindi raw niya tatantanan ang buong pamilya dahil masyado siyang pinuno ng mga ito.

Napaiyak si Ruffa nang kunin ang panig nito tungkol sa mga pahayag ni Tita Nena. Ang kaniyang sabi, “Bakit pati ako, e, idinadamay niya sa away? Bakit hindi na lang ang mommy ko ang awayin niya?”

Mahaba pa nga ang tatakbuhin ng kontrobersiyang ito.

Sharon Cuneta –  Makikipag-reconcile na sa kaniyang mama Helen

Ramdam namin ang sinseridad ng mga pahayag ni Sharon Cuneta nang magkaroon kami ng pagkakataong mainterbyu siya para sa Paparazzi Showbiz Exposed.

Sa tagal na ng panahong nakakaharap namin ang Megastar ay mayroon kaming napatunayan. Walang kulay abuhin para sa kaniya. Walang gitnang kulay ang kaniyang emosyon. Puti kung puti at itim kung itim lang.

Kapag galit si Sharon ay lutang pa rin ang kaniyang edukasyon. Pero mayroong kurot ang kaniyang mga komento.

Pero kapag gusto niya naman ang tao ay puro superlatibo ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Wala siyang pakialam kung mayroon mang mga komokontra sa kaniyang mga sinasabi. Basta ilalabas niya ang opinyon na galing sa kaniyang puso at hindi basta sa bibig lang.

Kung kailan naman halos masunog na tayo sa sobrang init ng klima ngayon ay saka pa parang nahimasmasan ang kalooban ng Megastar tungkol sa naganap na hindi nila pagkakaintindihan ng kaniyang Mama Helen Gamboa Sotto.

Ayaw niyang sabihin kung kailan mangyayari. Pero buo na sa kaniyang isip ang isang bagay. Siya ang magpapakumbaba at gagawa ng unang hakbang para magkausap sila ng kaniyang tiyahin.

Iniiwas nila si mommy Elaine tungkol sa isyu. Hindi niya gustong problemahin pa sila ng kaniyang ina kaya hindi siya nagsasalita ng anuman kay Mommy Elaine na may karamdaman.

Pero nakakatuwang malaman na sa kabila ng hindi nila pagkakaintindihan ng kaniyang Mama Helen ay nakikipagkita pa rin ito sa kaniyang ina. Dumadalaw pa rin na parang walang anumang naganap sa pagitan nila. Kung paanong abut-abot din ang pagsasabi ni Sharon na mahal na mahal niya ang mga anak nina Senador Tito Sotto at Ate Helen.

Takdang panahon na lang ang kailangan nating hintayin para sa kanilang pagkakasundo. Isang araw ay darating din iyon. Magyayakapan din ang magtiyahin, at hindi na muling magpapadala pa sa kanilang mga emosyon.

Piolo Pascual – Noon man at ngayon, never nakipag-usap kay Mega

Pagkatapos ng presscon ni Sharon Cuneta noong Miyerkules nang tanghali ay nakatanggap kami ng ganitong text message mula sa isang kasamahan namin sa panulat, “Inay! Vindicated ka, totoo palang walang respeto at pakiramdam si Piolo Pascual!”

“Imagine, mula pala noong maging officially together na sila ni KC, hanggang noong mag-break sila, hanggang ngayon, eh, ni hindi man lang siya tinext o kinausap nang personal ni Piolo?

“Ganoon pala talaga siya. He’s so mean. Nakakawalang-gana pala talaga ang taong iyon?” mensahe ng aming kapatid sa panulat.

Hindi na kami nagulat sa mensahe. Kumbaga ay manhid na manhid na kami sa mga ganoong senaryo. Hindi na bago para sa amin ang mga deklarasyon ni Sharon dahil libong beses na naming narinig ang mga ganoong komento mula sa iba’t ibang kampo.

Ayaw naming magpakalalim pa sa pagbibigay ng paliwanag. Dagdag-stress lang si Piolo Pascual. Gusto na lang naming isipin na sinumang hindi naging karagdagan ay hindi rin magiging kabawasan.

Si Piolo Pascual ay parang saranggola. Masarap lang syang tingalain at panoorin sa malayuan.

Derek Ramsay – Totoong maginoo at tunay na lalaki

Punumpuno ng kumpiyansa si Derek Ramsay. Walang kabahid-bahid ang kaniyang pagkalalaki. Siya ang lalaking amoy-lalaki. Lalaking-lalaki talaga. Maging sa kaniyang pagdedesisyon.

Sa isang paraaang edukado ay naitatawid niya ang kaniyang mga disgust. Nakapaglalabas siya ng saloobin sa paraang hindi siya nakapananakit ng damdamin, kaya tunay siyang maginoo.

Maraming dahilan kung bakit siya tinanggap ng publiko. Hindi siya nagpapakaplastik. Pero hindi mo siya mariringgan ng mga salitang ikasasama ng loob ng kaniyang kapwa. Pinahahalagahan niya ang kapasidad ng ibang tao.

Nasa TV5 na ngayon si Derek. Maraming magagandang proyektong ihinahanda ang network para sa kaniya. Ang klase naman ng aktor na ito ang hindi pababayaan ng istasyon dahil ibinibigay niya ang lahat-lahat sa bawat ginagawa niya.

Masama man ang kaniyang loob ngayon dahil siya pa ang huling nakaalam na tinanggal na pala siya sa pelikulang pinagsasamahan nila ni Bea Alonzo ay inginingiti na lang niya iyon.

Hinahanapan pa niya ng katuwiran ang Star Cinema. Siguro raw ay hindi naman siya pinersonal ng produksiyon sa paglipat niya sa TV5. Hanggang doon na lang ang kaniyang linya kapag natatanong siya ngayon.

Noong minsang tanungin si Derek kung handa ba siyang makasama sa pelikula ang dating aktor na babaeng-babae nga ngayon na si BB Gandanghari ay mabilis ang kaniyang sagot.

“No problem. I’m willing to work with him. Lahat, basta gusto akong makasama, mas gusto kong makatrabaho,” makabuluhan niyang sabi.

Matindi talaga ang kumpiyansa ni Derek Ramsay sa kaniyang sarili. Purong-puro ang kaniyang pagkalalaki. Wala siyang kabahid-bahid. Sabi nga ng mga bading, amoy na amoy na raw nila ang pagiging tunay na lalaki ni Derek kahit sa malayuan pa lang. Naman!

Ara Mina – Nasa katuwiran sa pagrereklamo laban kay Cristine

Noong nakaraang Martes nang hapon, April 24, ay nagpadala ng isang emosyonal na mensahe sa text si Cristine Reyes sa kaniyang kapatid na si Ara Mina. Kung babasahin lang ang text ay nandoon ang panghihingi ng paumanhin ng young sexy actress sa kaniyang ate. Pero kung sinseridad ang tatanungin, ibang usapan na iyon.

Ayon kay Cristine ay pupuntahan niya si Ara kung saan man nandoon ang kaniyang ate. Kung puwede raw ay magpatawaran na sila. Burado na raw ang utang sa kaniya ni Ara at ang condo unit na pinag-aawayan nila ay ibinigay na talaga niya sa kanilang ina.

Sana raw, kahit para man lang sa kanilang mommy ay tuldukan na nila ang problema. Matanda na raw si mommy Frances Klenk. Huwag na raw sana nilang bigyan pa ng problema ang kanilang ina. Iyon ang malinaw na tinutumbok ng mensahe ni Cristine sa kaniyang kapatid.

Pero kinagabihan ay iba naman ang ginawa ni Cristine. Nagpunta siya sa bahay ng kanilang ina, saka doon nagtungayaw nang nagtungayaw. Takos na takot ang kaniyang mommy. Matagal na pala itong may takot sa kaniyang anak, dahil noong minsang nagkaroon sila ng away ay nasuntok ni Cristine ang kaniyang ina sadya man iyon o hindi.

Ang kaniyang isinisigaw ay napakalaki raw talaga ng inggit sa kaniya ni Ara. Talaga raw boba ang kaniyang ate, at kung anu-ano pang mga salita na ikinasindak ni Mommy Klenk.

Nalungkot kami sa kuwento. Mayroon ba talagang anak na ganoon na lang kung pagsalitaan ang kaniyang ina? Mas nauunawaan pa namin ngayon kung bakit nagdesisyon si Ara Mina na magsumbong na sa husgado.

Hindi lang pala ang kaniyang sarili ang iniintindi ng dalaga. Ang laban palang ito ay hindi lang para sa kaniya, kundi para sa kanilang mag-ina.

Nakita ng aming mga kaibigan sa Boracay si Cristine Reyes na parang walang kaproble-problema sa buhay. Kasama ang kaniyang mga kaibigan ay masayang-masaya pa raw ang dalaga. Sinasamantala ang pagbabakasyon sa isla, habang parang karne naman siyang tinitilad ngayon ng mga manunulat dahil sa sobrang panglalait-pangmamaliit sa kaniyang Ate Ara.

Pero halatado raw na ibang magpakita ng kanaturalan ang Pinoy, sabi ng aming kaibigan. Dahil kung dati’y maraming nagpaparetrato kapag nakikita na si Cristine, ngayon daw ay may iwas factor sa kaniya ang mga kababayan natin.

“Ramdam mo iyon, eh. Kahit nga ang mga nephew ko na dati, eh, naseseksihan sa kaniya, naringgan ko ng kakaibang reaction noong makita na nila si Cristine. Hindi sila nagpa-picture taking, parang wala nang dating sa kanila si Cristine.

“Pinoy pa rin talaga tayo by heart. Kapag may nalaman tayong negative about somebody, naaapektuhan tayo noon. Nagbabago ang tingin natin kahit sa pinakamaganda at sikat na personality pa,” kuwento pa rin ng aming kaibigan.

Mayor Patrick Meneses – Isinangkot ni Cristine sa away nila ni Ara

Kinaladkad ni Cristine Reyes ang pangalan ni Mayor Patrick Meneses sa away nilang magkapatid. Si Cristine ang nagbulgar na magkarelasyon ngayon ang kaniyang ate at ang kontrobersiyal na mayor ng Bulacan, Bulacan.

Malisyoso ang sinabi ni Cristine sa text na si Mayor Patrick ang nagbabayad sa mga pagkakautang ni Ara. Paano raw kapag nalaman iyon ng mga nasasakupan ng mayor. Direktang pannirang-puri kay Mayor Patrick ang ginawa ni Cristine.

Mabuti na lang at alam na alam ng mga kababayan ni Mayor Patrick na milyonaryo ang kanilang pamilya. Dahil kung hindi, siguradong kukuwestiyunin ang mayor ng kaniyang mga nasasakupan kung saan niya kinukuha ang halagang ipinangtutulong niya kay Ara kung totoo nga ang mga kuwento ni Cristine.

Siguro’y naiinggit si Cristine sa relasyong mayroon ngayon ang kaniyang ate at si Mayor Patrick. Bakit nga naman tahimik ang kanilang relasyon, samantalang ang sa kanila ni Rayver Cruz ay magulo at parang wala namang pupuntahan?

At para masaktan pa nang husto ang kaniyang ate ay pinanghimasukan nitong kaladkarin si Mayor Patrick at ang ina nito. Kundi ba naman nuknukan ng kabastusan si Cristine, kundi ba naman kaitaasan na ng kawalan ng respeto ang kaniyang ginawa ay hindi na namin alam kung ano ang itatawag doon.

Manny Pacquiao – Nakakapagpagaling na raw ng maysakit

Lulong na lulong sa kaniyang pananampalataya ngayon si Congressman Manny Pacquiao. Maraming naninibago sa mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Pero ito naman ang uri ng pagkalulong o bisyo na tanggap na tanggap ng ating mga kababayan. Maraming humahanga sa pagiging malapit sa Diyos ngayon ni Pacman.

Ang palagi niyang kasama-sama ngayon ay mga aktibong ministro. Ang tawag doon ay pakikipag-honeymoon sa relihiyon. Bawat salita ngayon ni Pacman ay kinakambalan niya ng mga salita ng Panginoon.

Nasa ganoong pag-intindi na ang ating mga kababayan para sa Pambansang Kamao nang sabihin ng kaniyang kampo na nakapagpapagaling na siya ngayon ng mga maysakit sa pamamagitan ng kaniyang pagpe-pray over.

Wala pa ring masama doon. Kani-kaniyang paniniwala lang naman iyon, pero hindi iyon nagustuhan ng mga taong nakamasid lang sa pagiging relihiyoso ngayon ng sikat at matapang na boksingero.

Komento pa ng isang nakausap namin, “OA na kasi ang dating sa akin noong huling kuwento ng mga kasamahan niya na nakapagpapagaling na raw siya ng maysakit.

“Ano ba naman iyon? Tama na lang sanang may time na siya para sa faith niya ngayon. Tama na ring relihiyoso siya, pero ang ipamalita na mayroon na siyang healing power, e, teka naman muna!

“Para namang napaka-OA na noon. Baka mamaya, e, mapabalita namang may sarili na siyang relihiyon, e, parang kulto na ang tawag sa ganoon, nakakahiya na!” komento ng aming kausap.

Tama ang kaniyang mga sinasabi at ginagawa. Kailanman ay hindi maituturing na krimen ang pagiging relihiyoso. Nakapaninibago lang talaga ang mga nagaganap ngayon sa buhay ni Congressman Manny Pacquiao.

Vice-Mayor Isko Moreno – Kaibigan ng movie industry, manok ni Erap

Malakas ang kutob namin na si Vice-Mayor Isko Moreno ang isusulong ni dating Pangulong Joseph Estrada para kumandidatong mayor ng lunsod ng Maynila. Iyon ang mas gusto naming paniwalaan at hindi ang malaganap na kuwentong tatakbo bilang mayor ng Maynila ang dating pangulo.

Kapag nagtagumpay sa laban si Vice-Mayor Isko Moreno ay lilikha iyon ng kasaysayan. Sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng pulitikong ihinalal ng bayan na galing sa literal na basurahan.

Lantad ang kuwento ng kaniyang buhay. Dati siyang namamatsoy ng mga basurahan sa Tondo. Nangarap at nagsikap at hindi natakot sa giyera ng buhay.

Mahal ng industriya ng lokal na aliwan si Vice-Mayor Isko Moreno. Mahal din siya ng maliliit nating kababayan sa Maynila. Makakakita kaya tayo ng isang pipit na sumaklot sa isang lawin sa darating na halalan?

Iyon ang kaabang-abang.

Have a comment on this article? Send us your feedback