
Opinions
![]() |
|
Bakit may $5 na donasyonpara sa consular outreach service? |
Marami kaming natanggap na feedback dito sa Pilipino Express tungkol sa katatapos pa lamang na consular outreach sessions ng Philippine Consulate General – Toronto (PCG-TO).
Halo-halo ang comments at tanong na aming nabasa at narinig. Mas marami ang nagpapasalamat sa mga PCG-TO staff at community volunteers dahil organisado at hindi magulo ang naturang consular outreach. Natutuwa raw sila dahil ang may mga appointments ay nagawa sa tamang oras at nakapagbigay pa ng pagkakataon doon sa mga nagbakasakali lamang.
May mga tumawag din na nagtatanong kung kailan mauulit ang consular outreach dahil hindi sila naka-abot bago mapuno ang booking at paano raw makakakuha ng appointment dahil malapit nang mag-expire ang kanilang Philippine passport. Bakit daw hindi tayo magkaroon ng sariling PCG dito sa Manitoba at marami pang ibang tanong.
Positibo man o negatibo ang comments, karamihan ay nagtanong kung bakit may hininging donasyon na $5.00 sa mga nangailangan ng consular service. Bakit at para saan ang five dollars?
Upang maliwanagan at masagot ang inyong mga tanong, minarapat naming kapanayamin si G. Orli Marcelino, ang consular outreach organizer para sa nakaraang outreach na ginanap mula November 17 hanggang November 21, 2012 sa Westwood Village Inn.
Narito ang panayam ng Pilipino Express (PE) kay G. Orli Marcelino (OM):
PE: Dahil sa tagumpay ng Manitoba Nominee Program, napakaraming bagong dating na imigrante mula sa Pilipinas dito sa Manitoba. Marami rin tayong mga temporary Filipino workers (TFWs) na palaging nangangailangan ng serbisyo ng consulate. Bakit hindi tayo magkaroon ng sarili nating Philippine Consulate dito sa Manitoba?
OM: Nang dumalaw dito sa Winnipeg si Ambassador Leslie Gatan [May 2012], tinanong na natin siya kung ano ang chances ng pagkakaroon natin ng sariling consulate office. Ayon kay Ambassador Gatan, humigit kumulang sa $8.5 million ang kailangang initial capitalization para maitayo ang isang regular consulate office na may minimum na four staff members at isang consul. Hiniling ni Ambassador na isama itong halagang ito sa next Philippine government budget subalit hindi raw naisama. Masyadong mahal ang undertaking na ito kung gagawin ng gobyerno natin dito sa Winnipeg.
PE: Mayroon bang regular budget ang PCG-TO upang gawin ang consular outreach sa labas ng Toronto?
OM: Mayroon silang tinatawag na contingency fund subalit limitado iyon at hindi palaging puwedeng gamitin kung kaya kailangan nilang humingi ng approval mula sa Philippine government tuwing magkakaroon ng need para sa consular outreach. Kapag hindi naaprubahan sa Manila, hindi sila makakapag-outreach. Kaya sa tingin ko, walang matatawag na “regular” budget kung kaya walang regular na scheduled outreach.
PE: Marami ang nagtatanong kung bakit – at kung para saan ang five dollars na donasyon nitong nakaraang consular outreach?
OM: Tulad nang nabanggit ko, kailangan munang humingi ng approval mula sa Pilipinas para makapag-conduct ng isang consular outreach ang PCG-TO. Noong nakaraang outreach sa Regina at Saskatoon, nag-charge ang local organizers ng five dollars upang matulungan ang PCG-TO na i-justify ang kanilang planong magkaroon ng outreach sessions. Katulad natin dito sa Manitoba, malaki rin ang bilang ng imigrante at TFWs [Temporary Foreign Workers] doon sa Saskatchewan.
Dahil sa experience ng Regina at Saskatoon, naisip kong mas madadali ang pag-imbita sa PCG-TO na gawin ang outreach dito sa Winnipeg kung may pantulong tayo sa kanilang budget na kukunin nila sa contingency allowance. Masyadong marami ang nangangailangan ng serbisyo nila dito at hindi sapat ang dalawang araw lamang… at kung mas maraming araw sila dito, mas mataas ang gastos sa accommodations, equipment rental at office supplies.
Kung hindi dito sa Winnipeg, ang mga kababayan nating nangangailangan ng passport renewals ay kailangang magpunta nang personal sa Toronto. Napakalaking gastusin para sa isang tao, lalo na sa isang pamilya, kung magbabayad ng airfare at hotel accommodations upang makapag-personal appearance sa PCG-TO office sa Toronto. Naisip ko na sa halagang five dollars na donasyon mula sa aplikante, magkakatulung-tulong tayong lahat. Makaka-save ng pera ang mga kababayang kailangan ng passport renewals at mas magiging maayos ang takbo ng consular outreach dahil hindi kailangang isiksik ang serbisyo sa dalawang araw lamang.
Liliwanagin ko lang na hindi ideya ng PCG-TO ang five-dollar na donasyon. At iyung mga hindi kayang magbigay ng five dollars ay nakatanggap din ng serbisyo. Ang total na numero ng mga kababayan nating nakakuha ng serbisyo ay 1850. Mas marami ang boluntaryong nagbigay ng five dollars dahil naunawaan nila ang dahilan.
PE: Magkano ang nalikom na donasyon sa nakaraang consular outreach?
OM: Ang total donations ay umabot ng $7,612.00. Ang total expenses ay inabot ng $5,232.64. Ang balance ay $2379.36.
Pito ang PCG-TO staff na dumating sa pangunguna ni Vice-Consul Bolivar Bao. Sa apat na araw na ginanap ang outreach, may mga 40 volunteers mula sa ating community na nagbigay ng kanilang oras upang mag-assist. Halos 22 ang full time volunteers na nandoon sa Westwood Village Inn mula umaga [7:00 a.m.] hanggang gabi [9:30 p.m.]. Ang iba ay dumarating sa kanilang libreng oras pagkatapos magtrabaho. Umabot sa $3007.87 ang pagkain para sa staff at volunteers. Ang office supplies ay umabot sa $1097.62 – para sa toner, empty boxes, hole punchers, rubber bands, security receipts, poly ropes, curtains and hooks, atbp. Nakapagdagdag tayo ng $450 para sa venue hall rental at $677.15 para sa isang room para sa Toronto staff.
May mga tumawag sa PCG-TO office at nagtanong kung bakit pati accommodations daw ng PCG-TO staff ay sinagot ng five-dollars donation. Simple lang ang sagot dito. Dalawang rooms lamang ang naka-book para sa pitong PCG-TO staff. Nang malaman ko ’yon at ng mga volunteers, nag-book pa kami ng isang room dahil mas magiging komportable sila sa pagtulog pagkatapos magtrabaho nang halos 14 na oras at mas mabilis ang kanilang paghahanda sa umaga kung may extra room para sa pitong tao.
PE: Nabanggit mong may balanseng $2379.36 mula sa mga donasyon. Nasaan at ano ang gagawin sa perang iyon?
OM: Ang pera ay nasa Broadway Disciples United Church “in trust.” Ang perang iyon ay gagamitin lamang muli sa susunod na consular outreach expenses. Ipinangako ko ang total transparency sa undertaking na ito. Sino man ang may gustong inspeksyunin ang expenses at accounting ng nalikom na donasyon ay maaaring kontakin ako.
PE: Kailan ang susunod na consular outreach dito sa Winnipeg?
OM: Walang makapagsasabi. Sa palagay ko, depende iyan sa dami ng natatanggap na phone calls at requests ng PCG-TO mula sa mga kababayan natin. Ito ang dahilan kung bakit gusto kong magkaroon ng listahan ng mga may kailangan ng serbisyo upang magkaroon ng system to determine kung gaano na ka-kritikal ang pangangailangan ng mga imigrante at OFWs natin dito sa Manitoba.
Ultimately, iyung mga taga-Pilipinas ang may hawak ng decision base sa request ng PCG-TO. Tuwing may outreach, kailangan ng PCG-TO na ilipat ang kanilang opisina dito pansamantala. May mga hardware tulad ng laptops, cameras at iba pang office supplies na kailangang i-transport nila physically. Kung tayo, as a community, ay makakapag-supply ng ibang gamit para sa kanila, at kung mayroon tayong venue, accommodation at maaasahang mga volunteers, malaki ang chances na mas madalas at mabilis ang consular outreach dito sa atin.
OM: Isang taos-pusong pasasalamat ang nais kong ipaabot sa lahat ng volunteers na tumulong sa PCG-TO staff sa nakaraang consular outreach sessions. Maraming salamat din kay Vice-Consul Bolivar Bao at PCG-TO staff na nagsidating at nagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Nais ko ring magpasalamat kay Dennis Castañeda, manager ng Westwood Village Inn. Alaga niya kaming lahat – staff, volunteers, applicants – sa pagkain na may diskuwento, drinks at snacks na dinadala sa desks ng mga PCG-TO staff at volunteers upang huwag na silang tumayo pa sa kanilang kinauupuan upang hindi maputol ang serbisyo. Pinapasok niya sa loob ng hotel ang mga kababayan natin, lalo na ang mga nanggaling pa sa rural Manitoba, ng 5:30 a.m. upang huwag ginawin sa labas ng building. Pinagamit niya sa lahat ang washrooms ng hotel. Ginawa niyang smooth ang takbo ng lahat kaugnay ng venue at facilities. Saludo kami sa ating kababayang si Dennis Castañeda.