
Opinions
Ni Paquito Rey Pacheco
Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat. Magpasalamat sa Diyos na Siyang nagpahiram sa atin ng buhay.
Noong nakaraang Pasko at hanggang ngayon, karaniwan ang Merry Christmas and Happy New Year na pagbati. Sa totoo lang, maraming hindi maligaya, ang kanilang buhay.
Ang Internet ay mahalagang daluyan ng kaalaman. My unsolicited advice, sana ang Facebook ay huwag gamitin sa pagyayabang. Hindi ‘yon pribadong daluyan ng kaalaman. Kahit hindi kaibigan, nababasa ang hindi nila dapat malaman.
Maaga pa para mahusgahan ang patutunguhan ng Winnipeg City administration ni Mayor Brian Bowman. Nasa kakayahan ng isang Chief Administrative Officer ang tagumpay at kabiguan ng kasalukuyang pamamahala.
Ang Manitoba provincial elections ay maaaring maganap sa taglagas, pagkaraan ng federal election na maaaring sa darating na tagsibol. Kung paano maaagaw ng provincial PC ang kasalukuang 17-ridings na hawak ng NDP ang kanilang dilemma. Ngayon, may 19 ridings lang ang PC kumpara sa 36 ng NDP.
Pharmaceutical companies na gumagawa ng Ebola vaccine dito sa Winnipag ang tatanggap ng malaking pabor sa negosyo. Mahigit nang 7,500 ang biktima ng Ebola, ayon sa report.
Maraming natanggap na pampatabang-puso ang Pilantik at maligayang bati sa amin dito sa Pilipino Express. Maraming salamat po.
Happy New Year. Yes, pero sadness for the commuters of Metro Manila ang balitang itataas ang singil ng MRT at LRT sa pamasahe.
Ginagawa ng gobyernong Aquino ang lahat ng kanilang makakayanan na maibangon ang mga nalugmok sa kahirapan. Kung sinimulan noon pang nakaraang apat na taon, hindi sana sila nagmamadali at nahihirapan ngayon.
Malalansang isda at utak-tilapia ang mga namumuno sa Commission on Higher Education (CHED). Sa kanilang Memo #20 ay inalis ang pagtuturo ng Filipino sa college. Ang pagtuturo ng Filipino ay ginagawa na sa ibang bansa, katulad sa Russia. Ang Konstitusyon ba ng Pilipinas ay maaaring maamyendahan sa pamamagitan lang ng memorandum? Napakalaking katangahan.
Heto ang nakasulat sa Konstitusyon: Article XIV, Sec.-6, “The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.”
Paiiralin na raw sa taong ito ang kasunduang “tariff-free trade” amongs the Asean countries. Malayang makakapasok at makakalabas na ang mga produkto ng mga bansa. Walang tax. No more smuggling na kaya?
Nababahala si Philip Goldberg, US Ambassador sa Pilipinas tungkol sa pinakikita ng China sa South China Sea. “Very alarming behaviour,” sabi niya. Ano ang magagawa niya? Wala. Kasi, mismong Washington ang ayaw makialam sa territorial dispute ng Maynila at Beijing.
Isa pa ngang bukol ‘yan sa administrasyong Aquino. Pinayagang magka-base ang US forces sa West Philippine Sea. Nakasaad sa Konstitsyon, Article II, State Policies, Sec. 8 – “The Philippines, consistent with the national interest, adopts and pursues a policy of freedom from nuclear weapons in its territory.” Sigurado ba ang Malacañang na ang US forces doon ay walang dalang nuclear weapons?
Utang na 500 million dollars from South Korea ang pasalubong ni PNoy mula sa dinaluhang Asean meeting doon. Utang din ang binibiling mga jet fighter plane? Next administration na ang magbabayad na ang pahihirapan naman ay mga Juan at Juana Pasang-kruz.
Ang panawagan ng Catholic Church ay “Huwag kang magnakaw.” Opo naman. Kaso, ang mga nagnanakaw sa pera ng bayan, maparusahan man ay walang pagkukulungan. Buti kung lalagyan na lang ng mga rehas ang mga pintuan ng kongreso at Malacañang. Doon na sila ikulong.
May lumabas na balitang ang tanong ay “What do Pinoys want for PNoy?” Naku, delikadong tanong po ‘yan? Hindi dapat. Napakasakit kung ang majority sagot ay resign.
Apat na taon mahigit nang secretary ng DOJ si Ms. Leila de Lima. Ang Bureau of Corrections ay nasa payong ng kaniyang departamento. Noong 2012, nagsalita doon si PNoy. Pinuri ang maayos na kalagayan ng mga preso. Totoo nga raw, pero hindi ang mga ordinaryong preso na parang mga sardinas na nasa lata.
May leak nga bang nanggaling sa media? Nakarating umano sa DOJ na may pupuntang grupo sa Bureau of Corrections upang alamin ang tunay na nangyayari doon. Inunahan lang daw ni Sec Leila de Lima, na kasama ang mga tauhan ng NBI. May naghihinalang ang imbestigasyon ngayon ay only for show.
Tinakbuhan ni Ping Lacson ang kaniyang posisyong Rehabilitation Czar. Hindi napigil ni PNoy sapagkat the resignation is irrevocable. Sa simula pa lang, sabi ni Ping, may mga humaharang daw sa kaniyang plano. Tumatanaw lang siya ng utang na loob kay PNoy kaya naatraso ang pagbibitiw sa puwesto.
Pagkaraan ng holiday season at pagbisita sa Pilipinas ng Santo Papa. Unti-unti na namang iinit ang mga patutsadahan ng mga politiko. Si Sen. Grace Poe ay nililigawan ng LP para maka-tandem ni Mar Roxas.
Pinag-aaralan daw munang mabuti ng senadora bago magpasiya. Dapat lang. Kaya ba ng kaniyang sikmura at mukha na makasama sa kampanya ang mga taong sabi’y isang dahilan ng pagkamatay sa sama-ng-loob ng kaniyang Daddy?
Sabagay, si FPJ ay kaniya lang namang ama-amahan at ang pulitika na kaniyang pinasukan ay marumi. Si Grace, ayon sa survey ng SWS ay shoe-in for VP candidate. Hindi normal ang isip ng isang pulitiko na tumatanggi sa pag-asenso. Wala nang hele-hele. Malaking bentaha kung si Roxas ang kaniyang ka-tandem. Maraming atek at iba pang resources ang LP ni PNoy para sa eleksiyon.
Mataas ang rating ni Binay. Baka siya na nga ang mahalal na presidente sa 2016 elections. Magkakasama niya ang senadora sa Malacañang. “Together again” with her benefactors from UNA na mga matalik na kaibigan ng kaniyang Daddy ang kanilang theme song.
Pero teka, may worse pang maaaring mangyari sa ambisyon ni Binay. Paano kung ang kaniyang mga kaso na nasa Ombudsman ay lumabas na may probable cause? Aarestuhin at kukulungin siya hanggang sa panahon ng eleksiyon na katulad nina senador Enrile, Estrada at Revilla? Malayo bang mangyari ‘yon?
Sa October pa magsisimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga kandidato for the 2016 elections. Sana magkaroon ng third or fourth party, na ang presidenteng mahahalal ay kayahang mapakulong ang mga opisyal ng hahalinhang gobyerno, pati mga leader ng kongreso.
Walang pag-asa sa tatlong pangunahing presidentiables na binanggit ng SWS sa kanilang survey na usigin at maparusahan ang mga umabuso sa kapangyarihan at nagpahirap sa bayan. Si Binay ay kaibigan ng mga Aquino. Si Grace Poe ay kaayado ng LP ni PNoy at Mar Roxas.
Malayo pa ang umaga ng Pilipinas kung ang aasahan ay silang tatlo.
Halos 16 buwan na lang at maaaring malaman na kung sino ang hahalili kay PNoy sa gitna ng magulong sitwasyon.
Kasabihan: “Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan.”
Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: kakareypacheco@yahoo.ca.