Published on

Pilantik ni Paquito Rey PachecoDisyembre 16 – 31, 2018

ni Paquito Rey Pacheco 

Maligayang Pasko at maunlad na kabuhayan ng lahat sa Bagong Taon.


Sinisikap ng Winnipeg Police na magawan ng paraan para malunasan ang nangyayaring domestic violence na noong nakaraang taon ay nakatanggap sila ng hindi kukulangin sa 16,300 mga tawag tungkol sa domestic disturbances. Kada araw umano ay mga 44 ang kanilang natatanggap mula sa mga mamamayan. Tunay na nakakabahala. Bakit po kaya ang nabanggit na problema ay hindi nabalita noon at nabigyan ng kaukulang lunas? Ang nabanggit na problemang nangyari ay hindi kaya alam ng incumbent mayor noon na re-elected ngayon? Ang karagdagang pondo ng Winnipeg Police ay pangunahing kailangan ngayon. Karagdagang tauhan na dapat maitalaga sa iba’t ibang lugar ng lungsod.

Pilipinas

Sa kabila ng maagang paghahada sa Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, ang senaryo ay kusang nasisingitan ng political issues tungkol sa nakatakdang 2019 mid-term elections. May nangyayaring undercurrent sa Duterte Administration at CBCP. Nasaan na ngayon ang katuparan ng doktrinang separation of Church and State? Sabi nga ng mga kritiko, waring nawala na, nang ang politika ay naging negosyo. Negative effect ang nagiging bunga sa kabuhayan ng mayoryang bilang ng mga mahihirap na taumbayan. Ang Executive Secretary ng CBCP, Fr. Jerome Secillano ay nagmungkahi sa mga kasamahang alagad ng Simbahang Katolika na unawain sa halip na laging pinupuna ang pangulong Duterte. Sinabing ang problema ay hindi malulunasan sa pamamagitan ng word war, dahil lalong lulubha.


Nabalitang may 29 memoranda of agreement (MOA’s) ang napagtibay sa loob ng dalawang araw na dalaw sa Maynila ng Chinese President Xi Jinping, Nobyembre 20-21. Pangunahin ang tungkol sa arbitrary exploration projects sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea/South China Sea.

Nakipagkita din sa mga congressional leaders ang Pangulong Xi na pinag-unahan ni senate president Vicente “Tito” Sotto. Ang leader ng China ay nangakong sisikaping mapanatili ang katahimikan at pagtutulungan ang Maynila at Beijing sa South China Sea.

Kung ang 60-40 joint exploration ng Pilipinas at China ay masusunod, nangangahulugang pabor ba sa mga Filipino ang pakinabang? Mismong ang US ay walang komento. Ang pirma ng Chinese president ay pagkilala ng karapatan ng Pilipinas sa South China Sea. Ang lumalabas na mga negatibong komento mula sa opposition parties ay pawang haka-haka lamang.

Ang MOA ng Pilipinas at China tungkol sa oil-gas development, alinsunod kay Supreme Court Justice Antonio Carpio ay possible na win-win formula na pabor sa Pilipinas. Kaparis din daw sa Malampaya Gas project sa Palawan na hati sa income ang mga namuhunan. Tama po, subalit bakit ang haka-hakang pag-angkin ng China sa bahagi ng karagatan ay sinasangkot sa usapan?


Ano ba itong nangyayari sa educational system ng Pilipinas? Ang Wikang Filipino ay tinanggal na nga ba sa aralin ng mga unibersidad at kolehiyo at waring napapalitan na ng wikang Hapon at Koreano. Kung totoo, aba, eh, lalong maraming kababayan ang magsasalita ng mga maling wikang pambansa. Mababale-wala na naman ang nakasulat sa saligang batas ng Pilipinas.


Tungkol naman sa balitang maraming mamamayang Tsino na nakakaagaw ng mga Filipino sa trabaho at negosyo: papaano ‘yon mapipigilan kung mismong mga Filipino ang nagiging puno at dulo ng mga pangyayari. Noon, ang mga Filipino ay nagagamit nila as dummy. Hindi na raw gayon, dahil iba na ang ginagamit na paraan ngayon. Mismong ang mga bank account ng mga Filipino ay pinahihiram daw at nagagamit ngayon ng mga Chinese sa kanilang negosyo. Natural lang naman na nakikinabang din ang mga may bank account na pinahihiram sa mga Tsino. Sila ang nagsisilbing kalawang sa bakal.


Sa political scene naman, may mga lumalabas na positive and negative comments tungkol sa planong muling pagkandidato ni former Senate President Juan Ponce-Enrile. Karapatan nila ‘yon sapagkat may kalayaan sa pamamahayag ang sinuman. Subalit may hangganan ang lahat. Kaparis ngayon, naaabuso raw. Pati ang social media ay nadadamay. Nagagamit daw sa mga pekeng balita at paninira ng kapuwa kahit kaibigan. Walang katiyakan kung si JPE ay magtatagumpay sa kaniyang pagkandidato. Kasunod nang si former senator Bong Revilla ay mapawalang-sala sa kaniyang kaso, sinabi ni Enrile na baka raw patay na siya bago matuloy ang pagdinig sa kaniya namang kaso. Ang kaniyang sinabi ay nagkaroon ng reaksiyon. Nabalitang ang pagdinig sa kaso niya ay sisimulan daw tatlong araw makaraan ng ika-93 kaarawan ng former senator sa ika-14 ng Pebrero.

Mula pa noong panahon ng Marcos Sr., malimit po akong kasama ni Enrile sa kaniyang mga official trips sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. To cut the story short, nagkaroon siya ng pagkakataon na pamunuan ang buong Pilipinas after the first EDSA People Power Revolution. Hindi niya sinamantala sapagkat alam niyang kailangang civilian at hindi military authority ang mangibabaw sa malayang bansa na katulad ng Pilipinas. Binigay niya kay Corazon C. Aquino ang pagkakataon kahit walang kinalaman noon sa Armed Forces Movement nina Col. Greg Honasan with the Constabulary headed by Fidel V. Ramos na ang hangarin ay mapatino ang gobyerno. Hindi nangyari sapagkat ang nangibabaw ay KKK incorporated. Hanggang ngayon, 50 taon na ang kilusan ng rebeldeng CPP na kaniyang tinulungan ay ayaw ng katahimikan. Isa pang pangunahing dahilan kaya daw si Former Vice President Doy Laurel ay kaagad kumalas sa gabinete ni Cory. Sa kabila ng mga pangyayari, noong 1986 siya ay kinilala pang person of the year ng Time magazine.


Lumabas sa balita noong ika-6 ng Disyembre ang sinasabi ni Senador Ping Lacson na may singit na pork barrel sa panukalang 2019 General Appropriation Budget ng Department of Public Works and Highways. Billion pesos daw ang halaga for congressional districts, subalit hindi raw patas sa iba. Ang pondong gastusin sa mga infrastructure projects ay tuwirang nasa pangangasiwa ni Budget Secretary Benjamin Diokno kaya siya ang inaanyayahan sa kapulungan ng mga kongreso. Nais na alamin kung may nangyari ngang singit ng pondo sa panukalang 2019 budyet na sinasabi ni Sen. Lacson.


Halos limang buwan hanggang 2019 mid-term elections. Ang GMA ay isa sa mga TV stations sa Metro Manila na nananawagang pusuan at iboto ang totoo at mga kandidato na walang bahid ng corruption. Naku, tila imposible. Ang pangako nga po ng pangulong Duterte ay magiging malinis ang kinakaharap na election. Gayunman, hanggang sa sandaling aking hinahanda ang pitak na ito, walang balita kung gagamitin pa rin ng Comelec ang Smartmatic vote counting machine ng foreigner sa 2019.

Kasabihan

Malapit sa kalan ang unang nauulingan.

Sulyap sa lumang panahon

Eleven years old ako nang sumiklab ang World War II sa Pilipinas noong December 8, 77 years ago. December 6, 1944 naman nang ako ay tamaan ng ligaw na bala sa nayon ng Dalig, dating Bigaa, na Balagtas ngayon. Ang aming bahay ay napagitna noon sa labanan ng dalawang pangkat ng gerilya na USAFFE at HUKBALAHAP. Malinaw pa hanggang ngayon ang mga bakas na naiwan sa aking mukha at dalawang kamay.

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Pilantik ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback