
Opinions
![]() |
Body shaming is not cool |
ni Noel Lapuz
Naka-survive ka ba sa mga panlalait at insensitibong comments ng iyong mga kamag-anak nitong nakaraang mga reunions at holiday gatherings? Ang mga karaniwan at walang-pakundangang tanong na parati mong naririnig sa mga ganitong uri ng pagsasalu-salu ay:
“Tumaba ka yata?”; “Ang payat mo naman!”
“Bakit wala ka pang asawa?”; “Bakit wala pa kayong anak?”
“Kailan ba masusundan ‘yang anak ninyo?”; “Wala pa ring boyfriend, 2023 na?”
Sawang-sawa na akong bigyan ng hustisya ang ganitong uri ng mga tanong mula sa mga tinatawag na old-school folks. Nagiging sangkalan na rin kasi ng marami ang excuse na ito kaya’t patuloy ang ganitong uri ng mga komento lalo na sa mga magkakamag-anak. Hindi dahil nakasanayan na ay dapat itong ipagpatuloy or okay lang na sabihin dahil hindi naman talaga ito okay. Ito ay uri ng pambu-bully kahit saan mang anggulo natin tingnan. Hindi nakakatawa ang gawing katatawanan ang iyong kamag-anak para lang maging masaya ang inyong reunion. Hindi cool ang maging pa-bida at the expense of your biktimang kamag-anak.
Ang respeto ay hindi lang ibinibigay sa mga matatanda. Ang respeto ay mutual regardless sa edad at estado. Nirerespeto din dapat ng mga nakatatanda ang mga nakababata sa kanila. Hindi dahil sa Tito or Tita ka ay may karapatan ka ng laitin or panghimasukan ang buhay ng iyong mga pamangkin o nakababatang kamag-anak. Kung gusto mong galangin ka, ay gumalang ka.
Ito ay tipikal sa mga Pilipino na dapat nang burahin sa ating kultura. Ayon sa kasaysayan, ang ganitong uri ng kaugalian ay nag-ugat matapos ang giyera noong second world war, noong conscious ang mga mamamayan sa kanilang katawan dahil sa gutom na dinanas noong panahon ng giyera. Ang orihinal nitong layunin ay upang kumustahin ang pisikal na kalagayan ng mga tao. Kumbaga ay tinatanong nila ang kanilang mahal sa buhay kung okay lang sila physically matapos ang giyera. Katulad din ito ng layunin natin sa moderong panahon lalo na during the COVID-19 pandemic, nang tinatanong natin ang ating mga mahal sa buhay ng, “Are you okay?” na nangangahulugan ng totoo nating pagiging concern sa kanilang condition lalo na in terms of their mental health. However, pagkalipas ng panahon matapos ang giyera ay nagbago o bumabaw ang kahulugan ng pag-kumusta sa pisikal na kalagayan ng mga tao. Nauwi ang ganitong uri ng tanong sa biro hanggang sa naging katatawanan at insensitibong pang-hihiya sa kapuwa. Dagdag pa dito ay ang impluwensya noon ng pelikula at telebisyon kung saan ginagawang katatawanan ang itsura ng mga tao.
Mahilig din tayong magbansag sa ating kapuwa. Aminin natin na hanggang sa ngayon ay may mga bansag tayo sa ating mga co-workers at ina-associate natin ang kanilang mga itsura base sa mga nakaka-insultong characters. Halimbawa, palihim nating tawag sa isang matabang empleyado ay “Pong,” which actually means “Pong Pagong”; kapag naman payat at mahaba ang baba ay “Ai-ai”; “Anap or Pana” na bastos na tawag sa mga indigenous people; at marami pang iba.
Masakit ngang tanggapin na hanggang sa ngayon ay nariringgan ko pa ang ilan sa ating mga kababayan dito sa Canada na ginagamit ang “N” word. Again, hindi passport or dahilan ang pagiging old-school para sabihin ito. Hindi ito acceptable at dapat silang itama kahit na sila’y sabihin pang matatanda.
Pumutok sa social media at pinick-up din ng mainstream media ang insidente ng body shaming sa isang pinoy restaurant sa Winnipeg. Siyempre iba’t iba ang comments ng mga tao. Pinag-piyestahan ang isyu at nakisawsaw ang napakaraming keyboard warriors.
Ito ay isang malungkot na pangyayari ngunit isa ring eye-opener o paalala sa ating lahat na kailangan nating maging maingat sa ating mga sinasabi. Maaaring wala tayong intensyon na makasakit sa kapuwa ngunit dahil sa pagbibiro, paggamit ng maling salita, maling timing at lugar ay nauuwi ito sa mga suliraning hindi natin inaasahan.
Ang pagbabago para sa kaayusan ng sangkatauahan ay isang pang-araw-araw na bagay. Dapat maging bukas ang ating isip sa mga pagbabagong ito. Hindi dahil matanda na tayo ay exempted tayo sa mga bagay na dapat ituwid. We learn from our elders, same as we learn from the young generation.
Sa pagtawid natin mula sa 2022 patungo ng 2023 ay imulat sana natin ang ating isip sa bagong mundo na may acceptance, diversity, equity and respect.
Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).
Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.
Have a comment on this article? Send us your feedback