Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Nabudol ka na ba?

ni Noel Lapuz

scam alertDahil sa hirap ng buhay, marami sa atin ang nabibiktima ng napakaraming scams na nagkalat sa internet at sa iba’t ibang uri ng platforms. Lahat siguro tayo ay nakatanggap na ng tawag sa ating cellphones tungkol sa di-umano’y unauthorized transactions sa ating credit cards. Popular din ang calls mula sa nagpapanggap na Canada Revenue Agency (CRA) na mananakot at sasabihing kailangan bayaran ang tax urgently. Mayroon ding mga emails na may mga pekeng links na kapag iyong pinindot ay mapupunta ka sa illegal na site at maaaring ma-compromise ang iyong computer at personal na information.

Kung in-person scam naman ay napabalita rin ang pagbebenta ng pekeng ginto na nagkalat sa mga parking lots sa iba’t ibang bahagi ng Winnipeg. Maraming taon na ang nakalilipas ng ako mismo ay naalok ng mga scammers habang ako ay naglilinis sa aming backlane. May bigla na lamang tumigil na sasakyan sa aking harapan at nag-alok ng mga alahas. Hindi ko sila pinansin at sinadya kong ipakita ang tila hindi ko pagkakaintindi sa kanilang sinasabi. Nang hindi sila makatanggap ng tugon sa akin ay kumaripas ng andar ang sasakyan palayo. May mga bali-balitang may kahalintulad daw sa budol-budol gang ang operasyon ng mga ito na tila mawawala ka sa sarili at papayag sa kanilang mga ipagagawa lalo na ang pagbibigay sa kanila ng pera.

Noong nakaraang linggo ay may mga nagpost sa grupo ng Facebook sa Winnipeg tungkol sa work from home scam na kikita di-umano ng $200 plus a day. Halatang halata na ang operasyon nito ay iligal. Mayroong sumubok at nakatanggap daw agad ng pera sa kanilang bank account. Pero kailangan nilang bumili ng mga equipment sa kompanya gamit ang ipinadalang pera. Maraming nag-comment tungkol dito at tinuruan ang biktima na huwag ng ituloy dahil ito ay isang scam.

Isa pang popular ngayong scam ay ang number games na kung saan magpopost ang isang tao ng picture na may magkakaparehong numero na may isang naiiba. Kung makikita mo di-umano ang kakaibang number ay mananalo ka ng thousands of dollars. Magsesend sila ng link sa iyo at kailangan mong mag-deposit ng processing fee to claim your prize. Ang mga nagpopost ng ganito ay mula sa mga profiles na Pilipino at kadalasang makikita sa mga FB groups.

Mahirap na talagang magtiwala ngayon lalo na kung kayo ay active sa social media. Napakaraming manloloko. Lagi kasing ginagamit ng mga mapagsamantala ang kahirapan para mambudol ng kapuwa. Kung saan tayo mahina ay doon papasok ang manloloko. Ang pinapangarap nating makaahon sa buhay ay siyang gagamitin nila upang tayo ay mabiktima.

Sa buong mundo lalo na sa mga mahihirap na bansa ay tiyak na maraming iba’t ibang uri ng relihiyosong grupo na nangangako sa mga taga-sunod nito ng kaginhawahan ng buhay, kalunasan ng sakit at marami pang uri ng mga milagro. Dahil sa kahirapan at kawalang-pagasa ay marami ang nagtitiwala sa ganito. Napakalakas pagkakitaan ng pananampalataya. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na puwede kang makapagtayo ng empire sa pamamagitan ng organisadong panloloko sa kapuwa gamit ang pananampalataya.

Ang masakit na pambubudol ay kung kayo mismo ay naloko ng kakilala ninyo o kamag-anak. Maraming mga kaso ang tahasang panloloko ng kamag-anak o kaibigan. Marami pa nga ang nauuwi sa asunto dahil sa ganitong uri ng panloloko sa mismong mga kaibigan at kamag-anak.

Ang Winnipeg ay isang close-knit na komunidad. Ang ginawa mong kabutihan o kasamaan ay malalaman nang mabilis ng lahat. Kaya’t isang paalala sa mga hindi gumagawa ng parehas sa kanilang kapuwa na isipin nila na sa isang iglap ay guguho ang kanilang pangalan at reputasyon sa komunidad bunga ng kanilang pagsasamantala at pambubudol.

Nabudol na tayo sa Pilipinas, huwag na tayong magpabudol dito sa Canada. At sa mga mambubudol naman, itigil n’yo na yan. Maging parehas, maging patas.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback