Published on

Noel Lapuz     ‘Wag mo silang tawaging “pana”

Mapagbansag ang Pilipino. Sa maliit na barrio na aking kinalakhan sa Taguig ay karaniwan na ang magbansag sa mga tao. Hindi ko malilimutan si Mang Maeng Kubra na kubrador ng jueteng; si Lisang Tuga, isang babaeng marumi sa katawan at may kakulangan sa pag-iisip; si David Binge na mahina ang pandinig; si Boy Sebo na isang matabang binata na laging pawisan, si Felicing Kabayo na kilala bilang mabilis tumakbo; at marami pang ibang personalidad na binigyan ng bansag ng mismong komunidad na kanilang kinabibilangan.

 

Noon namang maging OFW ako sa Middle East, napuna ko na tangay pa rin ng mga Pinoy ang magbansag sa mga tao lalo na sa hindi nila kalahi. Sa opisinang pinagtrabahuhan ko ay kumpleto ang cast ng Batibot na ibinansag ng mga Pinoy sa mga Arabo. Ang intensyon ng pagbansag sa kanila ay para hindi malaman ng mga ibang lahi na sila ang pinag-uusapan lalo na’t nagkakaumpukan ang mga Pinoy. Walang kamalay-malay ang mga kawawang ibang lahi na sila na pala ang pinagtatawanan ng mga malikhaing Pinoy. “Anjan na si Pong Pagong, galit-galit muna tayo!” Ito ang tanyag na sigaw ng tagabantay namin kapag parating na ang may ari ng kumpanya.

Pag-landing ko dito sa Winnipeg, ay ganoon pa rin ang dinatnan ko kaugnay ng pagbabansag ng mga Pinoy, lalung-lalo na sa mga katutubo. Napaka-creative kung sinuman ang naging prumutor ng tawag na ito sa kanila. Naisip ko nga, na marahil ay hango pa ito sa kanta noong mga bata pa tayo, na may lyrics na:

Indian Pana,
Kakana-kana,
Tatlong Betlo_,
Kakalog-kalog.

Nakakatawa. Pero nakaka-insulto kung tutuusin.

Kung buhay tayo noong panahon ng pananakop ng Kastila, tiyak na masakit sa atin kapag tinatawag nila tayong mga Indio. Sa Espanya, ang Indio ay isang racist insult. Marami tiyak na mag-aaklas laban sa mga Kastila sa isyu pa lamang ng pagbansag nila sa atin.

Pero heto tayo ngayon, bukambibig natin ang bansag na pana sa mga katutubo – sa orihinal na mga may-ari ng O Canada! Bukod pa diyan, parang maysakit na nakakahawa ang mga katutubo kung ituring ng marami sa atin. “Huwag kang titira sa North End, maraming pana jan!” Kinatakutan na nga, binastos pa ang tawag sa kanila.

Sa North End ay laganap ang mga katutubo. Nakakalat sa kalye, nakapila sa mga feeding centres, nanghihingi ng limos, lasing at marami pang hindi magandang impresyon sa kanila.

Ang mga nakalulungkot na larawang ito ay bunga pa rin ng pag-alipusta ng mga mananakop sa maka-Diyos at makataong kultura ng mga katutubo. Ang kasaysayan ang naging saksi kung paano nilinlang ng mga dayuhan ang mga katutubo para mapasa-kanila ang malawak na lupain ng bansang ito. Dahil sa pagiging ganid ng mga mapagkanlong na bansa ay ginamit nila ang alak upang lasunin ang hungkag na kaisipan at kultura ng mga pobreng katutubo. Sino ngayon ang may atraso sa lahi ng mga katutubo? Sino ngayon ang naging dahilan kung bakit sila nagkaganito?

Bilang mga imigrante at maituturing na “nakikibansa” lamang, marapat lamang na bigyan natin ng karampatang paggalang ang mga katutubo ng bansang ito. Ang simpleng pagtigil natin sa pagbansag sa kanila bilang pana ay malaking bagay na para sa pagbabago at muling pagbangon ng maganda nilang imahen.

Napakasarap pangarapin na darating ang araw na maipagmamalaki natin sa kapuwa natin Pinoy na ang kapitbahay natin ay katutubo, na ang matalik nating kaibigan ay katutubo, na ang kumare natin ay katutubo, na ang pakakasalan ng anak natin ay katutubo at nakatira tayo ng payapa at tahimik sa North End na maraming katutubo. Pagbabago? Bakit hindi?

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback