
Opinions
![]() |
Tsibug sa bawat mesa |
“Kapag ako ang nahalal, ipinapangako ko sa inyo na ang ekonomiya ay uusad at ang bawat pamilyang Pilipino ay siguradong may pagkain sa bawat mesa!”
Isa lamang ito sa mga pangako ng mga pulitikong pulpol sa Pilipinas. Nandoong ginamit pa si Mang Pandoy, ang tatlong bata at ang kanilang bangkang papel, ang masa, ang madaling utuin, ang mga emosyonal na botanteng Pilipino.
Habang pinapanood ko ang Biyaheng Totoo segment ng GMA Pinoy TV, ay talaga namang tumindig ang balahibo ko sa nakitang kalagayan ng buhay ng maraming mahihirap na pamilya sa Pilipinas. Nakakapag-init ng ulo kung iisipin dahil habang naghihirap ang marami sa ating mga kababayan ay patuloy naman ang tahasang pagnanakaw sa kabang-yaman ang maraming tauhan ng gobyerno. Habang walang makain si Juan Dela Cruz ay halos mamuwalan naman sa busog ang mga buwaya ng lipunan.
Gutom. Posible bang mangyari ito sa Winnipeg?
![]() |
Kung walang progresibong pananaw ang mga nanunugkulan sa pamahalaan ay maaaring mangyari ang gutom kahit saan mang lugar. Kung walang malinaw na polisiya na magtatakda ng pangangailan sa pagkain ng mga mamamayan ay malamang na gutom nga ang kasasapitan ng isang siyudad.
Bilang maagang tugon sa maaaring kaharapin ng lungsod kaugnay ng usapin sa pagkain, ay nanguna ang North End Community Renewal Corporation (NECRC), isang non-profit organization na nagtataguyod sa kapakanan ng mga taga North End, sa panukalang pagtatatag ng isang Food Policy Council. Layon nito na seguruhin na ang bawat pamilya sa Winnipeg ay may access sa malusog na pagkain, lalung-lalo na sa North End na posibleng unang hagupitin ng kakulangan sa wastong pagkain. Ayon sa ulat ng NECRC, kabilang sa mga madaling maapektuhan ng kakulangan ng pagkain ay siyempre ang mga mahihirap, single-parent households, mga katutubo at mga bagong dating na imigrante.
Tandaan natin na nagpunta tayo dito sa Canada para sa magandang kinabukasan ng ating pamilya. Ito ang common denominator nating lahat. Ngunit ang isang sambayanan, gaano man ito kayaman ay maaaring mag-deteriorate kung hindi kikilos ang bawat bumubuo nito o ang mga stakeholders. Hindi komo’t may trabaho na tayo, nag-aaral ang mga anak at tumatanggap ng sustento at pensyonado si Inang at Tatang ay wala na tayong pakialam sa mga binabalangkas na batas ng lungsod, ng probinsya at ng pederal na gobyerno.
Tulad ng NECRC, maging bahagi tayo ng pagmamasid sa ating pamayanan. Alamin natin kung ano ang maaaring kaharaping problema at mag-isip ng solusyon bago pa man ito dumating. Pero huwag nating sarilinin ang mga inisip natin dahil masasayang lang ang mga ito. Makialam tayo sa paraang gusto natin – sa pagsusulat, sa pagtalakay ng mga isyu sa ating pamilya o organisasyon, sa pakikilahok sa mga makabuluhang programa sa radyo at telebisyon at sa paglalahad nito sa mga taong inihalal ng bayan. Tungkulin nila ang dinggin ang bawat opinyon nating lahat at ang makipag-ugnay sa kanila ay hindi pribilehiyo ng isang mamamayan kundi ito ay isang karapatan!
Marami sa atin ang namuhay nang matagal na panahon sa Pilipinas na kung saan napaka-reaksyunaryo ng kaisipan ng mga nanunungkulan. Ibig sabihin, ang dahilan ng paggawa nila ng batas o programa ay bilang tugon sa mga malala nang suliranin na kinakaharap ng bansa. Walang naging antisipasyon sa mga maaaring mangyari. Ito ang naging mali sa Pilipinas at huwag sana nating hayaang mangyari ito sa Canada.
Isang pang-gising na isyu ang ibinato ng mga taga North End sa pamahalaan ng Winnipeg sa pangunguna ng NECRC. Hindi pananakot ang bitbit nila kundi isang seryosong usapin na dapat bigyan ng tuon ng gobyerno. Sana lang ay maging priyoridad ito ng pamahalaan ng Winnipeg dahil sikmura ng tao ang nakasalalay dito.
Ayaw nating lahat na mawalan ng maayos na tsibug ang ating mga mesa.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.