Published on

Noel Lapuz     Trip tayo sa Bus #16

Nakasakay ka na ba sa Bus # 16? Ito ang natatanging bus na sinusuyod ang kahabaan ng Selkirk Ave. Araw-araw akong suki ng bus na ito – mula kanto ng Sinclair at Selkirk papunta sa downtown. Kaya nga, halos alam ko na nga ang bawat tabas ng mukha ng tsuper at ng mga kapuwa ko pasahero.

Masarap gumawa ng kuwento sa bawat pasahero ng bus na ito. May iba’t ibang destinasyon, pakay, bitbit na saya, tagumpay, kabiguan at problema sa bawat pagsakay sa bus.

Madalas, habang binabaybay ko ang kahabaan ng Selkirk Avenue ay pumapasok sa isip ko kung gaano kagandang iguhit ang kaniyang larawan. O kung hindi man ay sa pamamagitan ng tula, awit o sanaysay. Maraming lumang bahay kang matatanaw na simbolo ng pagiging saksi nila sa kasaysayan at mga pang araw-araw na pangyayari sa kalyeng ito. Isang prominenteng bahay sa Selkirk ay may malaking nakabantad na isang mabigat na statement na nakasulat sa matingkad na pulang mga letra: “People First Before Profit”. Patunay lamang ito na ang North End ay sentro ng mga ordinaryong mamayan ng syudad na naghahangad ng pagbabago base sa karapatan ng bawat indibiduwal.

Marumi at mukhang mabaho. Puno ng mantsa ng animo’y grasa. Tangan ang isang malaking tool box, habang paakyat sa bus. Bakas sa mukha niya ang pagiging laging pagod. Babantad sa lahat ang itsura nya. Construction worker, tubero, mekaniko. Hindi ko alam ang tunay niyang trabaho pero isa lang ang sigurado, napaka-pisikal ng trabaho niya.

Ang lalaking ito ay sumasalamin sa maraming ordinaryong manggagawa na naninirahan sa North End. Mga trabahador na nagsusulong ng kabuhayan ng siyudad. Mga itsurang marumi pero mas malaki ang kinikita ng di hamak kumpara sa pang opisinang trabaho.

Pagdating sa susunod na kanto ay sasakay ang isang babae na may kasamang apat na bata. Madaling hulaan kung saan ang destinasyon nila – sa day care centre. Ang babae ay nasa bandang late 20s. Maingat na ginagabayan ng babae ang pagsakay ng mga kasama niyang bata. Bago siya umupo ay sisiguraduhin niyang nasa maayos na puwesto ang mga alaga niya. Habang nasa biyahe ay tutok ang kaniyang paningin sa mga bata. At syempre, pagbaba ng bus ay todo gabay ang babae.

Isang taga-hatid ng bata. Malaking responsibilidad ito dahil ipinagkatiwala sa kaniya ng mga magulang ang kanilang mga anak para ihatid sa lugar para sila ay mag- aral. Ang bawat pagsakay ng mga batang ito sa bus ay hakbang para sa kanilang kinabukasan. Hindi biro ang maging taga-hatid ng bata. Mabigat na responsibilidad. Marangal na trabaho at may dakilang kontribusyon para sa pagtataguyod ng karapatan ng mga bata para mag-aral.

Mabagal na humahakbang sa baitang ng bus. Mabuti na lang at may accessibility ang karamihan sa mga bus. Matanda. Makupad, uugod-ugod, mahina, may tungkod. Maraming henerasyon na ang kaniyang pinagdaanan. Tiyak na hitik siya sa karanasan. Uupo siya ng dahan-dahan at ngingiti sa katabi. Pag-upong pag-upo ay kukuwentuhan ang katabi ng kahit anong topic. Kadalasan ay tungkol sa weather ang kaniyang pasakalye hanggang mauuwi sa mga pang lipunang isyu. Kung lalaban ng kuwentuhan ang katabi ay tiyak na lalampas siya sa kaniyang destinasyon dahil sa sarap ng balitaktakan.

Ang matandang ito ay simbolo ng karunungan at pagiging mulat sa mga nangyayari sa komunidad. Sa kabila ng kahinaan ng pisikal na katawan ay hindi ito balakid upang malaya niyang ibahagi ang kaniyang opinyon sa mga isyung kinakaharap ng lipunan.

Marami pang ibang personalidad kang makikita sa bus. Depende na lang kung sino ang bibigyan mo ng tuon. Ang bus ay itinuturing ko bilang isang entablado ng buhay sa North End. Dito mo masasaksihan ang araw-araw na pag-usad ng tao patungo sa iisang direksyon – sa pagbabago.

May bus na nag-aabang sa iyo. Humanda ka sa pagsakay at matapang na tunguhin ang pakay na destinasyon para sa pagbabago ng iyong sarili, pamilya at ng iyong komunidad.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

May kuwento ka ba o karanasan sa North End? I-share mo naman! E-mail mo sa Pilipino Express!