Published on

Noel Lapuz     Mga eksena sa Flora

“O san ba kayo lilipat?”
“Sa Flora – sa North End”
“Eh, magulo dun, ah?”

Karaniwan ang mga punang tulad nito kapag naisipan mong manirahan sa North End. Bukod sa mga bagahe at gamit na ililipat, bitbit mo rin ang kaba sa pakikihalubilo sa isang maituturing na challenged na lugar dito sa Winnipeg. Samahan mo ako sa pag diskubre sa iba’t ibang mukha ng North End. Dapat mo nga bang katakutan ang mga tao dito? O baka naman kinondisyon na lang ang utak mo sa pagsasalarawan ng buhay sa North End? Tulad din ito ng maling impresyon ng maraming tao sa Tondo, Olongapo, Ermita at iba pang lugar, hindi lamang sa Pilipinas. Hindi mawawala ang gulo sa anumang lugar pero hindi naman sa bawat araw na ginawa ng Diyos ay ganito ang sasagupain mo kapag tumira ka dito. Ang totoo, ang tunay na kahulugan ng komunidad ay ramdam sa North End.

 

Bandang alas tres ng hapon nang may kumatok sa pinto ng inuupahan kong bahay sa Flora Place. Sa loob-loob ko, ang aga namang trouble nito; hindi pa ko nakakapagpainit e, may aksiyon na. Pagsilip ko, nakita ko si Jim ang kapitbahay kong naka wheel-chair na nakangiti sa akin at may dalang isang plato ng cookies. Masayang ipinagmalaki sa akin ni Jim na baked daw ito ni Maggie, ang kumander niya. Tinikman ko agad ang cookies at siyempre sinabi kong masarap (na talaga naman) at nagpasalamat sa kaniya. Nagbahay-bahay pa si Jim sa pagdala ng homemade cookies sa mga tenants ng Flora Place.

Natatandaan mo ba sa Pinas noong uso pa ang ang bigayan ng ulam? Eh, yung lamig na kanin na puwedeng ma-score sa kapitbahay mo? Ganito ang nararamdaman ko sa buhay sa Flora Place. Hindi man katumbas ng nilakihan kong lugar sa Pinas, pero at least ay may hawig nang kaunti kung babatayan ang spirit of kapitbahayan.

Noong kainitan ng summer, halos lahat ng tenants ay nasa labas ng kani-kaniyang mga units – nakatambay, nagyo-yosi, nagkukwentuhan. ‘Yung isa naming kapit-bahay ay naglabas pa ng radio sa kaniyang porch at nagpatugtog ng mga kanta ni Jim Reeves para makumpleto ang country mood. Eto namang si Barb ay abalang-abala sa pagkukumpuni ng headboard ng kaniyang kama. Maya-maya ay lumapit siya sa akin para manghiram ng screw driver. At hindi lang tools ang pinahiram ko, tinulungan ko pa siya sa pag-rerepair.

Sa gabi naman ay mistulang may security guard ang lugar na ito dahil kay Mang John na madalas naka tanghod sa labas ng bahay niya para kumaway at ngumiti sa mga taong dumadating at mga hindi taga-roon na dumadalaw. Malaking bagay si Mang John sa komunidad. Masahol pa sa security camera kung tutuusin.

Ang Flora Place ay malapit sa Selkirk at Sinclair. Ang kahabaan ng Selkirk ay madalas laman ng balita dahil sa mga krimen. Pero isang neutralizer ang Flora Place sa mga di-kaaya-ayang sitwasyon dito sa North End.

Sabi nga ni Mickey, isa sa mga unang tenants dito sa Flora Place, ang lugar na ito daw ay marami ng naging struggle na kinaharap. Mahirap magbuo ng isang maayos na komunidad sa isang magulong lugar. Pero hindi nagpatalo sina Mickey at ang kaniyang mga kasama na patunayan na puwedeng magbago ang isang lugar. Puwede naman talaga eh, kung gagawin lang natin.

Isang modelong dapat tularan ang lugar na ito at ang mga taong bumubuo nito. Hindi mayaman ang mga naninirahan; simple ang takbo ng pamumuhay at ang pinaka-importante – may malasakit ang bawat isa sa pagpapanatili ng isang maayos na komunidad. Isang kaaya- ayang lugar dito nga, hindi ka nagkakamali, sa North End.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback