Published on

Noel Lapuz     Freedom walls

Hosto sa Tembang, Ice Candy for Sale, Wanted: Labandira, Mag-ingat sa Aso, Bawal ang umihi dito, Hoy Bastos! Bawal magtapon ng basura, Mabuhay ang CPP-NPA, Ibagsak ang US-Gloria Government, Batang Hamog was here, Wanted: Ping Lacson, Mag-ingat sa Snatcher, Iboto: Ka Lee, Bugso ng Masa, etc, etc, etc.

Sa kahabaan ng EDSA, sa tulay ng Quiapo, sa Recto patungong Mendiola, sa maraming pampublikong lugar at kahit sa kasuluk-sulukang iskwater sa Maynila ay mababasa ang mga samut-saring pahayag ng mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng pader – ang freedom wall ng bayan. Libre na, epektibo pa.

 
 

Masarap pagtagni-tagniin ang bawa’t isang pahayag. Kung medyo mapaglaro ang isip mo ay puwede kang gumawa ng kanta, tula o iguhit ang mga nakikita mong mensahe ng tao na nakasaad nang direkta at malinaw sa mga pader ng bayan. Hindi nga naman sila madinig ng gobyerno, eh, di isulat na lang sa pader ang gusto nila.

Noong panahon ng panunungkulan ni Bayani Fernando bilang MMDA Chair ay maya’t maya ang pag spray ng pink na pintura para takpan ang mga graffiti sa EDSA. Pero kahit anong gawin ni BF, hindi niya napigilan ang mga tao na magsulat ng mga pang lipunang issues sa mga pader.

Kung bakit ba naman kasi hindi nakikita ng gobyernong Pilipinas ang sining na dulot ng pagsusulat sa pader. Kung binigyan sila ng pagkakataon na malayang ipahayag sa pamamagitan ng murals ang kanilang gustong sabihin ay magiging mas maayos siguro at artistic pa ang dating ng maraming kalye sa Kamaynilaan.

Dito rin sa Winnipeg ay problema ang graffiti. May mga nagmumura, may mga hindi mo mawaring simbolo, at kung anu-ano pa, na nakasulat sa mga pader. Sa aking opinyon, ang pagsulpot ng problema ng graffiti ay bunsod ng mga hindi kaaya-ayang nangyayari sa lipunan, ng pagkukulang ng mga nanunugkulan at ng mismong mga mamamayan. Hindi pag aaksayahan ng panahon ng mga tao, grupo o gangs na magsulat ng kung anu-ano sa kalye kung wala silang gustong ipahayag. Ibig sabihin, ang bawa′t letra o simbolo na nakasulat sa pader ay may intensyon, naghahanap ng pansin at nag-aantay ng tugon.

Kung ikaw ang batas, papatawan mo ba ng pagkakakulong o multa ang mga nagsusulat sa kalye? O sa kabilang dako, maaari kayang gamitin ang talento ng mga taong ito para ipahayag nang maayos ang kanilang naiisip at bigyan sila ng kalayaang ipahayag ang mga ito sa pamamagitan ng murals?

Sa kanto ng Selkirk Avenue at Sgt. Tommy Prince ay kapuna puna ang magandang guhit bilang paggunita kay Sgt. Tommy Prince, isang katutubong sundalo na nagsilbi noong World War II sa ilalim ng Canadian Army. Ayon sa kasaysayan, bagama’t pasado sa lahat ng requirements si Tommy para maging sundalo ay maraming beses itong hindi tinanggap ng Canadian Army. May mga nagsasabing dahil katutubo daw kasi si Tommy kaya’t pahirapan ang kaniyang pagpasok sa hukbong sandatahan. Kung tutuusin, ang isyung ito ay usapin ng racism at diskriminasyon. At bilang katutubo, masarap isulat sa pader ang mga galit na salitang laban sa racism – laban sa mga naghahari-harian sa Canada! Ngunit salamat sa sining, maayos na naipahayag ang kabayanihan ni Tommy sa pamamagitan ng mural.

Ang mural ni Tommy ay isa lamang halimbawa sa marami pang obra na ginawa na mga artists ng lansangan. Masarap isipin na karamihan sa kanila ay mga dating pino-problema ng komunidad dahil sa pagsusulat nila sa mga pader. Mula sa pagiging pasaway ay naging dangal sila ngayon ng lipunan.

Ang sining ay tugon sa maraming suliranin, isa na dito ang problema sa graffiti. Mahirap awatin ang mga taong gustong magpahayag ng kanilang mga naiisip. Habang pinipigil mo sila ay lalo silang nang-gigigil. Kaya’t sa halip na pahintuin sila sa paggawa nito ay mas makabubuti na tuklasin ang mga potensyal nila bilang mga alagad ng sining – mga mandirigma ng kalye na nagpapahayag ng damdamin, hinaing at mga ipinaglalaban sa pamamagitan ng mga freedom walls.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.

Have a comment on this article? Send us your feedback