
Opinions
![]() |
Sa bawat pag-flush ng inidoro |
May bantog na slogan noong panahon ni Marcos tungkol sa pagtitipid ng tubig na nagsasabing: “Ang tubig ay mahalaga, huwag mag-aksaya.” Makalipas ang halos apatnapung taon, eto na nga ang pinangangambahan ng tao – ang tagtuyot, ang kawalan ng tubig.
Di lingid sa ating kaalaman kung gaano hinagupit ng El Niño ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Mga pesante ang direktang naapektuhan nito. Ini-utang na nga lang ang ipinangtanim, natamaan pa ng tagtuyot. Bad trip talaga, ’ika nga.
Sa maralitang lungsod naman ay makikita mo kung gaano nagkukumahog ang mga pobreng mamamayan para lamang may mainom, di alintana kung ligtas ba itong inumin o hindi. Ang importante, may tubig na maiinom.
Sa kabilang dako ng mundo ay bastante ang mga Canadian sa paggamit ng tubig. May hot and cold pa nga e. Dagsa rin ang mga refilling stations para sa purified water. Kung titingnan mo ay parang walang katapusan ang daloy ng tubig sa ating gripo. Sa ibang bahagi naman ng Canada ay taglay ang magagandang ilog, mga talon (falls) at mala-kristal na mga lawa (crystal-clear cottage lakes). Ang ganda ano? Parang paraiso lang. Pero, hindi batid ng marami na may threat ng water crisis din dito sa Canada.
Ayon sa Gordon Water Group, isang coalition ng mga scientists, researcher centres and policy experts ng Canada, may escalating water crisis na ang Canada.
Sa isang ulat na ipinalabas ng grupo, ang mga suliraning tulad ng kabiguan ng pamahalaan para sa pagbibigay ng safe drinking water; pagtatambak ng untreated waste sa mga ilog at lawa, at bulto-bultong pag-eexport ng tubig sa ilang bahagi ng Amerika ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit may banta na ng water crisis sa Canada. Idagdag mo pa rito ang usapin ng pagbabago ng klima o climate change.
Nais kong i-quote ang bahagi ng ulat ng grupo na nagsasaad na:
Warming trends between 1900 to 2003 have led to decreased precipitation in the West and Prairies, says a recent report by the Intergovernmental Panel on Climate Change. Environment Canada warns that climate change will drive a decrease in the quality and quantity of water, while increasing competition for water.
Sa kabila ng ganitong banta, ay maituturing daw na water gluttons ang mga Canadians. Bakit kamo? Kasi, ang bawat Canadian ay kumukunsumo ng 335 litro ng tubig kada araw. Mantakin mo yun! Doble ng konsumo ng mga taga-Europa. Paano pa kaya kung ikumpara natin ito sa konsumo ng tubig sa Pilipinas lalo’t tagtuyod ngayon doon. Siguro ay kikilabutan tayo kapag naisip natin na halos walang mainom ang mga Pilipino habang tayo dito ay nagtatampisaw sa masaganang tubig.
At eto pa, 15 porsyento sa buong mundo ay may kakulangan sa tubig na kung saan ang bawat tao ay nagtitiis lamang sa 5 litro ng tubig kada araw. Ito mismong 5 litrong tubig na ito ang ginagamit natin sa bawat pag-flush natin ng nag-gagandahan nating inidoro matapos tayong jumingle! Sa mga pasosyal, dodoblehin pa ang flush, kasi nga sosyal sila.
Ang tanong, may lehislatura na ba ang Federal Government tungkol sa safe drinking water para sa lahat ng Canadians? Ito ba talaga ay kailangang pag-usapan bilang federal issue o puwede rin namang talakayin ng mga mahuhusay at nag-gagalingang MLA ng ating probinsya? O dili kaya ay pag-isipan ng konseho sa city level. Dali-dalian lang ninyo dahil pampa-pogi rin ito para sa mga eleksyon na inyong inaantabayanan. Huwag puro kasi pose sa camera sa mga walang katapusang sosyalan. Mag-isip kaya kayo ng progresibong bagay para sa bayan.
Ano naman ang maibabahagi mo bilang ordinaryong mamamayan sa usaping ito? Aba e, dito sa North End, hindi kami masyadong magastos sa tubig. Unang una, wala kaming malaking lugar para diligan ang mga lawns; pangalawa, maraming inidoro dito ay bahagi ng toilet replacement credit program ng siyudad na may mas kaunting ginagamit na tubig kada flush; pangatlo, hindi maselan ang tiyan namin para inumin ang tubig direkta mula sa gripo; pang-apat, maliliit lang ang aming mga washing machines dahil wala kaming pambili ng mamahalin at higit sa lahat, nagtitipid kami sa tubig kasi mahirap magbayad ng bills!
Ang totoo, anuman ang antas ng buhay natin ay kailangang maging mulat tayo sa maaaring kahinatnan ng Canada pagkalipas ng maraming taon. Huwag nating hayaang dumating ang panahon na kapag natutunaw na ang mga snow ay iimbakin natin ito para lamang may mainom tayo.
Isipin mo kung isang araw ay walang lumabas sa gripo n’yo. Tiyak, papasok ka na hindi naligo, hindi nagsipilyo, hindi naghugas at hindi uminom. At pagpasok mo sa opisina ay hahalimuyak ang baho mo. Huwag ka na lang magsasalita dahil tiyak, tigok ang kausap mo. Maya-maya pa ay matitigok ka na rin, dahil dehydrated ka na kasi wala kang mainom.
Hindi pagbabanta ang mensahe ng Batang North End, kung hindi isang paalala na ang bawat daloy ng tubig ay may katapusan.
Teka, jijingle muna ko ha. Jijingle ka rin ba? Pag-isahin na natin ang flush!
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.