
Opinions
By Pastor Junie Josue
“Mata sa mata, ngipin sa ngipin!” “Tama lang na magdusa siya sa kaniyang kasalanan!” “Parusa ang nararapat sa mga nagkasala.” “Pagbayaran mo ang ginawa mo!” Iyan ang mga katagang karaniwang sinasabi natin sa mga taong nagkasala sa atin.
Nagkasala ang tao kay Hesus. Siya ay inakusahan na isang kriminal kahit na siya ay inosente. Siya ay ininsulto, sinaktan, pinapatay ng mga taong pinakitaan niya’t ginawan ng kabutihan. Pero hindi niya inisip na gantihan ang mga tao. Kahit na siya ay may kapangyarihan, hindi niya inutusan ang mga anghel na pagpapatayin ang mga may kinalaman sa kaniyang paghihirap sa krus. Hindi niya binalaan ang mga ito ng kaniyang paghihiganti. Kakaiba ang kaniyang sinabi. Ayon sa bilia sa Lukas 23:24, ito ang sinabi ng Panginoon “Diyos Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”
May isang taong umutang ng napakalaking halaga mula sa isang bilyonaryong negosyante para magtayo ng isang negosyo pero hindi nagtagumpay ang negosyo. Nabaon pa ang taong ito sa utang at hindi niya alam kung paano bayaran ang mayamang negosyante. Nang pumunta na siya sa opisina nito para sabihin ang totoo, handa na siya sa galit nito. Malamang na ipakulong siya nito pero wala na siyang magawa, Inamin na niya ang totoo. Laking gulat niya nang sinabi ng bilyonaryo na talagang ganiya ang negosyo, minsan nalulugi, minsan tumitiba. Halos hindi siya makapaniwala nang sabihin ng milyonaryo na ituring na lamang nila itong isang karanasan na kapupulutan ng aral. Absuwelto na siya sa kaniyang utang! Walang tigil ang pasasalamat ng lalaki sa milyonaryo. Hindi siya karapat-dapat patawarin pero nakatanggap siya ng kapatawaran.
Bilang mga Pinoy, magaling tayong tumanaw ng utang na loob. Hindi natin nalilimutan ang mga taong gumawa sa ating ng kabutihan. Hindi natin nalilimutan ang mga taong nagligtas sa buhay ng ating anak. Walang hinto ang ating pasasalamat sa ating asawang nagpatawad sa atin kahit na tayo ay nanloko. Pero naisip na ba natin na higit sa ilang milyong dolyares ang inabsuwelto sa atin ng Panginoon? Higit sa buhay sa lupa ang pinagkaloob sa atin ni Hesus nang pinako siya sa krus. Hindi lamang isa ngunit lahat ng ating kasalanan ang pinatawad at kaya niyang patawarin.
Ito ang sabi sa biblia sa Isaias 53 “Tiniis niya ang hirap na tayo dapat ang magdanas. Gayundin ang kirot na tayo sana ang lumasap. Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan. Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya at sa mga hampas na kaniyang tinanggap. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Nagkaniya-kaniya tayo ng landas. Ngunit pinili ng Diyos na sa kaniya (Hesus) ipataw ang parusang tayo ang dapat tumangap.”
Kaibigan, hindi biro ang ipinambayad ni Hesus para sa kapatawaran ng ating kasalanan. Hindi biro ang tiniis niyang hirap para hindi tayo maparusahan ngayon at sa kabilang buhay. Binigyan niya rin tayo ng halimbawa para magpatawad ng mga taong nagkasala sa atin. Panahon na para tanawin natin bilang malaking utang na loob ang ginawa sa atin ng Panginoon. Bigyan halaga natin ang ginawa niyang paghihirap sa krus. Ipaubaya natin ang ating buhay sa kaniyang pamumuno at paggabay. Nakaranas tayo ng kapatwaran para sa mga kasalanang hindi natin kayang pagbayaran, kayat magpatawad rin tayo sa mga nagkasala sa atin. Nakaranas tayo ng pag-ibig kahit hindi tayo karapat-dapat gayundin ang gawin natin sa ating kapuwa kahit na sa tingin nati’y hindi sila dapat pag-ukulan ng pansin. Ang sabi sa biblia sa Efeso 4:32 “Maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa at magpatawaran tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.”
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays- 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more inform&ation, call 774-4478.