
Opinions
![]() |
Aral mula sa isang puno |
Ngayong spring, panahon na rin na magtanim ng magagandang bulaklak. Umuusbong na rin ang maraming mga pananim. Namumunga na rin ang mga puno. Alam n’yo bang maging sa biblia, ginamit ang iba-ibang halaman para turuan tayo ng Diyos ng mga leksyon? Sa ating ugnayan sa Diyos, unti-unti nating nauunawaan na may mga bagay tayong hindi nakukuha nang magdamagan. Sa paglipas pa ng panahon natin nakikita ang katuparan ng ating mga pangarap.
Kung anong ating tinanim ang siya natin aanihin. At sa daan tungo sa tagumpay, may mga hadlang, may mga hamon tayong hinaharap. Pero sa atin na mga nagtitiwala sa Panginoon, mayroon siyang mensahe. Ayon sa biblia sa sa aklat ng Awit 92:12-13 “Ang matuwid ay tulad ng palm tree na tatatag ang buhay. Para rin siyang mga cedar na kahoy na mula sa Lebanon na lalago nang mabuti. Para siyang punongkahoy na doon natanim sa tahanan ng Diyos, sa banal na templo. Ito ay lalago na nakakalugod. Patuloy itong namumunga kahit na ang punong ito ay tumatanda, Luntian at matatag pa rin ito at and dahon nito’y laging sariwa.”
Ang palm tree ay palaging kulay berde at ang bunga nito ay matamis. Hindi ito kayang patumbahin ng hangin. Hindi ito kayang talunin ng bagyo. Kung masira man ang punong ito ng bagyo, ang tuktok nito ay tutubo nang deretso mula 50 hanggang 100 feet ang taas. Lumalaki ito mula sa loob at mahabang panahon ang kailangan para ito lumago. Ang mga ugat nito’y tumutubo pababa hanggang 100 feet ang lalim at kahit na kakaunti ang ulan, namumunga pa rin to. Katulad ng sinabi ng biblia, ang matuwid ay parang palm tree. Kahit dumating ang mga bagyo sa buhay niya, hindi siya kayang patumbahin ng mga ito. Halimbawa na lamang ay si Job na ang kuwento ay mababasa sa biblia. May malapit na ugnayan siya sa Diyos. Pero isang araw, nalimas ang lahat ng kaniyang ari-arian, namatay ang lahat ng kaniyang mga anak at nagkaroon siya ng sakit sa balat mula ulo hanggang paa. S kabika ng lahat patuloy siyang sumamba sa Diyos. Kinilala niya ang Diyos na siyang makapangyarihan sa lahat.
Gayundin ang taong matuwid. Kapag may trahedya sa buhay niya, itataas ang kaniyang kamay sa langit para manalangin, para humingi ng tulong sa Diyos. Patuloy niyang kakatukin ang trono ng Diyos para humingi ng kalakasan sa kabila ng kaniyang mga sugat sa puso o pahirap sa katawan.
Alam n’yo bang pag mas maraming bagyo at unos ang hinaharap ng palm tree, mas lumalalim ang ugat nito. Gayundin ang taong matutuwid, pagdating ng mga problema at pagsubok sa buhay, mas lumalalim ang kaniyang ugnayan sa Diyos. Mas nagiging malapit siya sa Diyos dahil alam niyang ang Diyos lamang ang kaniyang kalakasan at sandigan.
Anuman ang kalagayang hinaharap ng palm tree, kaya nitong mamumga. Gayundin ang mga matuwid sa Panginoon dahil hindi sa mga pangyayari sa kaniyang buhay nakasalalay ang kaniyang tagumpay kundi sa biyaya ng Panginoon. At habang tumatanda ang palm tree, mas lalo itong tumatatag. Ang taong matuwid ay hindi tumatanda nang paurong. Mas lalong tumatag ang pananalig at ugnayan nang matuwid sa Diyos paglipas ng panahon dahil napatunayan na nang ilang beses ng taong matuwid ang katapatan at kabutihan ng Diyos sa kaniyang buhay. At hindi natatakot ang matuwid sa paglapit ng kamatayan dahil alam nitong may naghihintay na mas magandang buhay sa kaniya sa kaniyang pagpanaw sa lupa.
Isang magandang halimbawa si apostol Pablo. Alam niyang nalalapit na ang kaniyang kamatayan pero hind siya natinag sa kaniyang pananampalataya. Nagpatuloy siya ng pagtuturo ng salita ng Diyos hanggang sa huli. Handa siyang harapin ang kamatayan dahil alam niyang natupad na niya ang tungkulin niya mula sa Diyos. Sa katunayan, excited siyang makapiling ang Diyos at makuha ang kaniyang gantimpala.
Kaibigan, maging matatag tayo tulad ng palm tree para hindi sayang ang ating buhay.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays, 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:30p.m. English services) and Kildonan Place at 1555 Regent Avenue (Worship Service: 10:30 a.m. English) and host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.