Published on

Pastor Junie Josue

    Pagkilala sa Diyos (part 2)

Binanggit ko sa aking nakaraang column na ang isang panaglan ng Diyos ay ang Diyos na Nagpapatawad. At ito ang kaibahan niya sa mga diyus diyusan na sinasamba sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Marami ang nakakaalam na namatay ang Panginoon Hesus para sa kapatawaran ng ating kasalanan. Alam nilang mapagpatawad ang Diyos.

Sa biblia, mababasang nakilala ni David ang Diyos na Nagpapatawad noong pinatawad siya ng ng Diyos mula sa napakalaking kasalanan niya. Pumatol siya sa asawa ng iba at pinapatay pa niya ang lalaki para matakpan ang sala niya Kaya’t sa biblia sa aklat ng Awit 32:1, ito ang sinabi niya “Pinagpala ang tao na pinatawad sa kaniyang kasalanan… Pinagpala ang taong hindi pinaratangan sa kaniyang sala.”

Hindi ba’t ang mga taong pinagpapala ay dapat na magsaya? Pero bakit marami pa rin sa mga Kristyano ang hindi nakakaranas ng tunay na kaligayahan at kapangyarihan ba bunga kapatawaran ng Diyos? Puno pa rin sila ng takot at kahihiyan bunga ng kanilang kasalanan kahit na pinagsisihan na nila ang mga ito?

Bakit? Dahil ang konsensiya nila ay patuloy na naghihimutok sa kaloob looban nila. Kapag tayo’y nagkakasala, inaalarma tayo na ating konsensiya. Kaya nga’t tayo ay nakokondena o nagi-guilty kapag tayo’y nagkakasala. Sa isang banda, maganda ang ginagawa ng ating konsensiya dahil napapaalalahanan tayo nito na mali ang ating ginawa at kailangan tayong magsisi. Pero ang hindi maganda sa ginagawa ng ating kosensiya ay ang patuloy o walang tigil na pagpapaalala sa atin nito ng ating nagawang kamalian kahit na napagsisihan na natin ang mga ito.

Sa kaniyang librong may pamagat na In The Grip of Grace, may kinuwento ang kilalang manunulat na si Max Lucado. Ito’y tungkol kay Johnny, isang batang lalaki na naninirador. Hindi niya matamaan ang kaniyang target. Isang araw, nasa bakuran siya ng kaniyang lola at napansin niya ang alagang pato ni lola. Kaagad-agad niya itong tinirador. Natamaan niya ang pato at ito’y namatay. Nataranta ang bata at dali-dali niyang tinago ang pato sa kahuyan. Pero nakita siya ng kaniyang kapatid na si Sally na kanina pa pala nanonood sa kaniyang ginagawa.

Pagkatapos manghalian noong araw ding yon, inutusan ng lola nila si Sally na tumulong maghugas ng mga pinagkainan nila. Sumagot si Sally sa lola at sinabing “Ang sabi sa akin ni Johnny gusto raw niyang tumulong sa kusina ngayon, hindi ba, Johnny?” At mabilis na bumulong si Sally kay Johnny, “Alalahanin mo ang tungkol sa pato.” Natakot bigla si Johnny na mabisto ng lola kaya’t naghugas siya ng mga plato. Walang siyang magawa. Sa mga sumunod na linggo, palagi siyang naghuhugas ng pinagkainan sa kusina. Minsan, dahil kailangan niyang gawin ito, minsan parang pagpepenintensiya niya sa pagpatay niya sa pato.

At kapag tumatanggi siyang tumulong sa kusina, lagi siyang pabulong na pinaalalahanan ni Sally ng tungkol sa pato Pagod na si Johnny sa kahuhugas. Naisip niya na anumang parusang ibigay sa kaniya ng kaniyang lola ay mas mainam pa kesa sa paghuhugas pa ng napakaraming pinagkainan.

Kahat sinabi niya ang totoo sa kaniyang lola. Niyakap siya ng kaniyang lola at sinabing “Alam ko, Johnnny. Nakatayo ako sa may bintana at nakita ko ang buong pangyayari. Pero dahil mahal kita, pinatawad na kita. Nag-iisip ako kung hanggang kelan mo hahayaaan na maging alipin ka ni Sally.” Napatawad na pala si Johnny pero pinili niyang makinig sa isang tao na patuloy siyang tinatakot at inaakusahan.

Kung gusto nating maranasan ang kasiyahang dulot ng kapatawaran ng Diyos, kailangan lamang tayong lumapit sa Diyos, magsisi at humingi ng kapatawaran. Ang sabi sa biblia sa 1 Juan 1:9 “Kung ipapahayag natin ang ating kasalanan, tapat at makatarungan ang Diyos para magpatawad ng ating mga kasalanan at maglinis sa ating mula sa ating kasamaan.” At kapag nagawa natin iyan, hindi na tayo kailangan pang makinig sa mga paratang ng demonyo o ng ating konsensiya.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Lifeon CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.