
Opinions
ni Junie Josue
May dating palabas sa TV na may pamagat na The Jeffersons. Tungkol ito sa isang pamilya sa New York City na may negosyong dry cleaning. Naging maunlad ang kanilang negosyo at sila ay yumaman. Nagbukas ng museum si George Jefferson para sa kaniyang sarili. Iba’t ibang eksibit ang nandoon. Andoon si George Jefferson bilang tatay, si George Jeferson bilang asawa, si George Jefferson bilang civic leader. At may isang kapansin-pansin na eksibit doon na nagsasaad ng mga panahong tag-hirap ni George Jefferson. Dinetalye doon ang abang simulain niya bilang anak ng isang magbubukid na nagtatabaho para sa may-ari ng lupang sinasaka niya. Dinetalye din doon ang pagsulong niya tungo sa pagiging matagumpay na New York businessman. Nakatikim lang ng sagana at tagumpay, napuno na ng kayabangan ang ulo.
Sa biblia sa aklat ng Deutoronomio 8, may isang paalala ang Diyos na pinarating niya sa pamamagitan ni Moises para sa mga Israelita. “Alalahanin ninyo kung paano kayo pinatnubayan ng Diyos sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo upang sundin ninyo Siya. Tinuruan nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkain hind ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipakilala sa inyo na ang tao’y hindi lamang nabubuhay sa pagkain kundi sa salita rin naman ng Diyos.”
Hinamon ni Moises ang pinamumunuan niyang mga Israelita na alalahanin ang kanilang abang kalagayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon. Hinikayat niya ang mga ito na huwag kalimutan na sila ay lubusang umaasa sa Diyos. Ginawa ito ni Moises dahil malapit na silang makatuntong sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos; isang lupa ng kasaganahan.
Noong nasa ilang ang mga Israelita, tinuruan sila ng Diyos na umasa sa kaniya ng lubusan. Alam ng mga Israelita maging ng kanilang anak na sa Diyos nagmumula ang bawat subo ng kanilang kinakain at bawat patak ng tubig na kanilang iniinom. Nakita ng dalawang mata nila ang pagliligtas na ginawa ng Diyos sa kanila mula sa mga kaaway. Ang Diyos din ang nag-ingat ng kanilang kalusugan. Maging ang kanilang mga damit at sandalyas ay iningatan ng Diyos.
Karamihan sa atin ay dumanas ng hirap sa Pilipinas. Madalas akong nakakarinig ng mga kuwento ng mga abang simulain ng marami sa atin, na noon nakikinood lang sila ng TV sa mayamang kapitbahay, sa bintana lang sila pupuwesto para makasilip ng palabas; na noon puro munggo lang ang ulam nila sa loob ng ilang buwan; na noon papag lang ang kanilang hinihigaan at siksikan silang maraming makakapatid sa iisang kuwarto. Hindi ba laking pasasalamat natin sa Diyos kapag may pagkain sa mesa para sa lahat? Mas lalong malakas ang pasasalamat natin sa dasal natin kapag sa halip na asin ang ulam ay may dalang isda o karne si inay. Nagpapasalamat din tayo sa Diyos kapag may permanenteng trabahong nakuha si itay. At tiyak, marami sa atin ang walang tigil na nanalangin maaprubahan lamang ang ating application tungo sa Canada. May mga nangako pa sa Diyos na kung anu ano makapunta lang sila sa Canada.
Ngunit nakakalungkot na ilan sa atin ang nagka-amnesia na nang nakatikim na ng kasaganahan sa bayang ito. Nakalimot nang magsimba tuwing Linggo dahil pagod sa trabaho o may trabahong puwede namang hindi tanggapin. Nagpatangay sa kabisihan ng buhay at napako na ang mga pangako sa Diyos. Nawalan na nang panahon magdasal at magbasa ng biblia. Malakas magdulot ng amnesia ang busog na tiyan, ang bahay na punung puno ng gamit at ang araw na punung-puno ng mga bagay na dapat gawin.
Ako ay naniniwala na kaya tayo dinala ng Diyos dito ay upang pagpalain at maging pagpapala sa iba. Ngunit ilan sa atin sa nakakaunawa sa bagay na iyan? Huwag nating gayahin ang mayamang hangal na ikinuwento ni Hesus sa biblia. Nagkamkam ito ng napakaraming ari-arian na magtatagal habambuhay. Kaya’t binalak niyang mamahinga, kumain, uminom at magsaya na lamang. Ni hindi niya binabanggit ang Diyos sa kaniyang plano. Wala isa mang pasasalamat sa Diyos o pagkilala sa katapatan at pagpapala ng Diyos ang maririnig sa kaniyang mga labi. Hindi ito ikinatuwa ng Diyos.
Nais nang Diyos na alalahanin natin siya, na kilalanin natin na sa kaniya nagmumula ang mga bagay na ating nae-enjoy, maging ang ating kalakasan magtrabaho at maging ang ating hininga. Sinabihan ng Diyos ang mga Israelita
“Huwag ninyong isasaloob na ang kayamanan ninyo’y bunga ng sariling lakas at kakayahan. Alalahanin ninyong ang Diyos ang nagbigay sa inyo ng lakas upang managana kayo at bilang pagtupad sa kaniyang pangako sa inyong mga ninuno.”
Nais ng Diyos na purihin natin siya at hindi ba karapat dapat lamang na gawin natin ito? Sa palabas na Eat Bulaga, may mga pakontes sila at malaki ang halaga ng mapapalalunan ng mananalo. May isang bababeng nanalo ng milyun-milyong piso. Sa tuwa nito, pinupog niya ng halik ang host na si Vic Sotto. Kung nagagawa natin magpasalamat sa tao nang lubus-lubusan, hindi ba nararapat lamang na pasalamatan natin ang pinagkakautangan natin ng buhay at ng lahat lahat?
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.