Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueKailangan bang maging isang sugal ang buhay?

ni Junie Josue

Tayong mga Pinoy ay maraming mga salawikain. Totoo ba ang mga ito? Dapat ba natin paniwalaan ang mga ito? Suriin natin ang isang salawikaan at gawin nating basehan ang biblia na siyang naglalaman ng salita Diyos. Naniniwala ako na ang biblia ang siyang dapat na batayan ng ating pamumuhay. May ibang nagsasabi na ang buhay ay parang sugal. Maaaring totoo it para sa ibang tao dahil wala silang kasiguraduhan sa kung anong mangyayari sa kanilang buhay. Palagi silang kakaba-kaba kung anong susunod na problema ang kanilang haharapin. Wala silang direksyon sa buhay. Hindi nila alam kung saan sila patutungo.

Alam n’yo bang hindi kailangan na maging parang isang sugal ang buhay? Hindi tayo kailangang mangamba kung anong nakaabang sa mga susunod na araw. Kung may malapit na ugnayan tayo sa Diyos, kung hahayaan nating si Hesus ang maghari at magbigay direksyon sa ating buhay, makakaasa tayo ng magandang buhay.

Ang sabi sa biblia sa Juan 10:10, ang Panginoong Hesus ay naparito sa lupa at nag-alay ng kaniyang buhay para sa atin para magkaroon tayo ng buhay na kasiya-siya. Noong malapit na mapako si Hesus sa krus, nagpaalam siya sa kaniyang mga alagad na nag-aalala sa kung anong mangyayari sa kanila kung sakaling sila-sila na lamang ang matira. Sinabi ni Hesus na siguradong makakaranas sila ng kahirapan katulad din ng ibang tao pero hindi sila kailangang mag-alala. Nangako siya ng kapayapaan para sa mga nananalig sa Kaniya. Kapayapaan sa gitna ng problema at kahirapan. Kapayapaan na nababase sa kaalaman na ang Diyos ang mga hawak ng kanilang buhay na siyang nangakong hindi niya pababayaang o iiwan ang mga taong nagtatapat sa kaniya.

Ilang tao na ang nakakaraan nang namatay ang nanay ng isa naming kaibigan. Nadiskubre ng aming kaibigan na may malalang karamdaman ang kaniyang ina. Noong malaman ng kaniyang nanay na ilang araw na lamang ang nalalabi sa kaniyang buhay dito sa lupa, buong pusong tinanggap niya ito. Walang pagsisi sa kaniyang mukha at nabanggit niya sa kaniyang anak na handa na siyang mamatay dahil sigurado siya sa kaniyang patutunguhan. Mabilis ang mga pangyayari dahil sa loob ng higit kumulang tatlong buwan mula nang madiskurbe ng doktor ang sakit ng kaniyang nanay ay namahinga na ito. Naging maluwag din sa aming kaibigan ang pagyao ng kaniyang ina dahil para sa kaniya, lumipat lamang sa higit na mabuting tirahan ang kaniyang nanay. Buo ang kaniyang pag-asa at paniniwala na magkakasama silang muling mag-ina sa langit. Kahit ang aming kaibigan mismo ay nagtataka sa pambihirang kapayapaang nadama niya noong yumao ang kaniyang nanay. Kaisa-isa siyang anak at napakalapit niya sa kaniyang nanay pero binigyan siya ng Diyos ng pambihirang uri ng kapayapaan na hindi natitinag ng mga pangyayari sa kaniyang buhay.

Kaibigan, hindi kailangang maging isang sugal para sa atin ang buhay na kung minsan ay panalo pero madalas ay talo. Hindi kailangang maging tsamba-tsamba lang ang buhay na palagi tayong humihiling na sana ay manalo tayo pero kakaba-kaba naman tayo na hindi natin makakamit ang hiling natin. Hindi tayo kailangan na mabuhay lamang para sa ngayon katulad ng karamihan sa mga taong nagsusugal na akala mo ay wala nang bukas kung magtapon ng pera.

Kapag tayo ay na kay Hesus, may patuntunguhan at direksyon ang ating buhay. Gagabayan niya tayo sa bawat hakbang at kahit na may problema, palaging ’andiyan ang kaniyang tulong. May kabuluhan ang ating buhay dahil alam natin na sa bawat kabutihang ating ginagawa, may nag-aabang na gantimpala para sa atin sa langit. Kaya’t bakit hindi natin ipamuhay ang ating buhay ng may malapit na ugnayan sa Diyos para lagi tayong panalo.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.