Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoPerfect girl

Ni Nestor Barco

MATINDI ang panliligaw ni Carlo kay Louise. Iniingatan niya ito nang husto. Kulang na lang na subuan niya ito ng pagkain kung suyuin at paglingkuran. Kahit nga subuan ng pagkain, kung papayag si Louise, ay gagawin niya upang magustuhan nito.

Gayunman, hindi mandin natutuwa si Louise. Habang sinusuyo niya, lalo itong lumalayo.

Katulad na lamang kanina. Parang si Claire lamang ang kasama nito nang magpunta sila sa shopping mall paglabas nila ng opisina. Hindi siya pinapansin nito. Kapag nagtatanong siya, kapiranggot na kapiranggot lamang ang sagot nito. Si Claire ay kaopisina nila. Mas matanda ito nang humigit-kumulang sampung taon kay Louise. Nakatulong tiyak ang pangyayaring magkasabay sa pagko-commute pauwi ang dalawa kaya naging malapit sa isa’t isa ang mga ito hanggang sa maging magkaibigan. Sa Fairview umuuwi ang dalawa. Sa Las Piñas naman siya. Nagko-commute din siya. Sa Makati sila nag-oopisina. Kaibigan na rin niya si Claire.

Gayunman, nakabuntot pa rin siya kay Louise.

Namilit pa siya upang kumain sila sa isang restawran sa loob ng mall makaraang mabili na ni Louise ang hinahanap. Tiyak namang siya ang magbabayad. Kapag sa canteen ng opisina sila kumakain, kaniya-kaniyang bayad sila. Si Louise mismo ang may gusto niyon.

“Huwag na lang. Umuwi na tayo,” sabi ni Louise.

“Gabi na rin naman. Nakakagutom na. Kumain na tayo,” pakiusap niya.

Bagama’t nag-“Thank you,” matabang ang pagkabigkas nito ng dalawang salitang iyon nang hilahin at isulong niya ang silya upang madali itong makaupo.

Hindi ito ngumingiti habang inaasikaso niya ito, tulad ng paglalapit ng bandehado ng ulam. Tiyak namang hindi ito nandiri dahil hinawakan niya ang bandehado. Nakita nitong nagsabon siya ng kamay. Wala rin siyang nakahahawang sakit. Ni ubo o sipon ay wala siya.

Kahit sa opisina, parang bale-wala kay Louise ang lahat ng ginagawa niya. Kapag kailangan nito ng anumang tulong, laging andoon siya. To the rescue siya palagi. Hindi na nito kailangang hingin pa ang tulong niya. Nagkakandarapa pa siya upang ibigay iyon.

Kung minsan, kapag bigla siyang lumingon, nahuhuli niya si Louise na nakatingin sa kaniya. May nababasa siya sa mga mata nito. Gayunman, ibang-iba ang kilos nito kaysa sinasabi ng mga mata nito.

Hindi naman ito suplada. Sa tingin niya, mahiyain pa nga ito.

Tiyak na nasa bahay na rin si Claire. Tatawagan niya ito sa landline. Mas malinaw ang boses ng kausap sa landline kaysa cellphone. Mas madaling magkaintindihan. Hindi rin magastos.

Itatanong niya kung baka may nasabi rito si Louie nang humiwalay na siya sa dalawa.

Baka may problema ito. Tutulungan niya.

O, malay niya, baka may nagawa o nasabi siyang ikinagalit nito. Hihingi siya ng pasensiya.

HABANG sinusuyo ni Carlo, tulad kanina, lalong iritableng-iritable si Louise. Para siyang nakagat ng simutsang. O isang taong may allergy na nakakain ng itlog o hipon.

Sa pakiramdam ni Louise, para bang perfect girl ang tingin sa kaniya ni Carlo kaya ganoon kung suyuin siya nito.

Iyon ang problema niya.

Hinihintay niya ang tawag ni Claire. Kaninang humiwalay sa kanila si Carlo, nakita niyang lulugu-lugo ito. Kapag ganoon, tumatawag ito kay Claire. Ibinabalita naman agad sa kaniya si Claire kung ano ang napag-usapan ng dalawa.

“WALA namang binabanggit sa akin si Louise na problema niya,” sagot ni Claire nang kausap na ni Carlo sa landline.

“Walang binanggit na ikinagalit sa akin?” tanong pa niya.

“Wala namang binabanggit na ikinagalit sa iyo. Bakit?”

“Tahimik kasi siya. Baka ’kako me nasabi sa iyo na problema niya. O ikinagalit sa akin.”

“Wala. Walang nababanggit.”

Bakit nga kaya? naitanong niya sa sarili. “Salamat, ha? Pasensiya na uli sa abala,” sabi niya kay Claire nang maalalang may kausap siya.

“Okey lang. Tawag ka basta gusto mo. Kausapin mo rin si Louise.”

“Sige. Salamat uli.”

Wala siyang balak sumuko sa panliligaw. Apat na buwan na niyang nililigawan si Louise. Kung kailangang dagdagan pa ang panunuyo sa kaopisina, gagawin ni Carlo.

TULAD ng inaasahan ni Louise, tinawagan siya ni Claire sa landline matapos mag-usap ang dalawa. Ikinuwento ni Claire ang pag-uusap nito at ni Carlo.

“Sa palagay mo ba, talagang mahal ako ni Carlo?” tanong ni Louise.

“Hindi naman siguro magtitiyaga iyon nang ganoon kung hindi,” sagot ni Claire.

“Sobra kung suyuin ako ni Carlo. Para bang perfect girl ako.”

“Ngayon?”

“Baka pag nalaman niyang hindi naman pala ako tulad ng tingin niya sa akin e umayaw na siya.” Pitong buwan pa lamang sa kompanya si Louise. Apat na taon na roon si Carlo.

“Ano ngayon ang balak mo? Hindi naman puwedeng ganiyan na lamang kayo habang panahon. Kawawa rin naman ‘yong tao. Laging lulugu-lugo.”

“Pag-iisipan ko,” sabi niya nang malaon.

PAGKARAAN ng isang linggo, nakabuo ng pasiya si Louise.

Nang sumunod na magpunta uli sila sa mall, siya na mismo ang nagbukas ng usapan nang iwan sila ni Claire dahil may titingnan daw ito saglit.

“Ano ba ang pagkakilala mo sa akin?” panimula niya.

“Bakit?”

“Ang treatment mo kasi sa akin e parang perfect girl ako. Marami rin akong kapintasan.”

“Lahat naman ng tao e me kapintasan,” sabi ni Carlo.

“Alam mo rin bang nakatatlong boyfriend na ako?”

“Alam ko na.”

Naalala ni Louise na bago sila naging magkaibigan ni Claire, may kaopisina sila na nagpagkuwentuhan na niya nito.

“Kilalanin mo pa rin muna ako. Puwede kang magtanong kay Claire. Kilala niya ako. Nagkukuwentuhan kami,” sabi niya.

“Kailangan pa ba ‘yon? Tanggap naman kita kahit sino ka.”

“Madaling sabihin iyon. Mabuti iyong kilala mo talaga ako. Ako na ang nakikisuyo sa iyo.”

Tumango si Carlo.

Nakahinga siya nang maluwag.

Mayamaya, bumalik na si Claire.

ITINULOY ni Carlo ang panliligaw sa kaniya. Pagkalipas ng dalawang buwan, sinagot niya ito.

“Sorry, nahirapan ka tuloy. Akala ko kasi, ang tingin mo sa akin e perfect girl ako kaya ganoon ang treatment mo sa akin.”

“Okey lang ‘yon. Sorry rin. Nahirapan ka pala dahil sa treatment ko sa iyo. Gusto ko lamang namang ipakita sa iyo na napakahalaga mo sa akin dahil mahal kita. Katulad ka rin lang ng karaniwang babae, nag-isip ka lang masyado.”

“Nalula lang siguro ako sa pagpapahalaga mo sa akin. Namroblema pala ako nang wala namang dapat problemahin. Ang tanga ko talaga. Tingnan mo, hindi talaga ako perpekto.”

Nagtawanan sila.

Hindi na naalangan si Louise sa trato sa kaniya ni Carlo. Gustung-gusto pa nga niya.

Maraming kakilala na nagsasabing blooming na blooming siya. Namumukod siya sa gitna ng karamihan. Nag-e-exude siya ng self-confidence, sabi ng mga kaopisina.

Pagkalipas ng pitong buwan mula nang sagutin niya si Carlo, itinakda ang kanilang kasal.

Ninang si Claire.

“Nangangako ako sa iyo na hindi magbabago ang pagtingin ko sa iyo. Lalo pa nga kitang mamahalin,” sabi ni Carlo.

“Salamat.”

Habang inaasikaso nila ang pagpapakasal, nagsimulang mangarap nang gising si Louise tungkol sa magiging buhay-mag-asawa nila ni Carlo. Alam din naman niyang walang perpektong buhay-may-asawa. Dinaratnan ito ng mga problema. Nag-aaway kung minsan ang mag-asawa. Pero dahil mahal nila ang isa’t isa, malalampasan nila ni Carlo ang mga iyon, tiniyak niya sa sarili. Sisikapin niyang maging ulirang asawa at ina. Patuloy niyang pauunlarin ang sarili.

May iniisip pa siya: Kuuu! humanda ang lalaking iyon pag mag-asawa na kami. Matitikman niya kung gaano kasarap ang aking pagmamahal.

Iniisip pa lamang niya ang mangyayari ay kiliting-kiliti na siya.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.