
Opinions
Ni Nestor Barco
HINDI malaman ni Mila Mangoba ang gagawin. Parang wala na siyang mukhang ihaharap sa mga manonood. Sa pakiwari niya, nawalan na siya ng kredibilidad. Parang gusto na niyang tumigil sa pagharap sa kamera.
KANINANG bandang alas-10 ng umaga, pagdating ng mister niya ay sinimulan nitong mag-empake ng mga damit at gamit. Hindi ito umuwi nang nagdaang gabi. Nasa paaralan na ang tatlo nilang anak.
“Saan ka ba pupunta?” tanong niya.
Hindi sumagot ang mister niya.
“Bakit ka nag-eempake?” tanong uli niya.
Hindi pa rin ito sumagot.
“Ano ba ang nangyayari?”
“Iiwan ko na kayo ng mga bata.”
“Ha!”
Patuloy sa pag-eempake ang mister niya.
“Ano? Ano ang sinabi mo?” Umiiyak na siya.
“Pakikisamahan ko na si Annie. Nanganak na siya kagabi.”
“Sinong Annie? Bakit mo nagawa sa akin ’to? Ano ang pagkukulang ko?”
Walang sagot.
“Ano ang pagkukulang ko? Sabihin mo.”
Wala pa ring sagot.
Patuloy siyang umiiyak.
Hindi niya napigilan sa pag-alis ang mister niya.
“Magpapadala ako ng pera buwan-buwan,” huling sinabi nito bago lumabas ng bahay nila.
ISA siyang tagapayo sa TV. Mataas ang rating ng kaniyang programa. Kung ito ang pagbabatayan, lumilitaw na nagugustuhan ng mga manonood ang kaniyang mga payo. Tungkol sa relasyon ng magkasintahan at mag-asawa ang karaniwang inihihingi ng payo sa kaniya.
Malimit siyang tumanggap ng ganitong uri ng mga mensahe sa text o sa Facebook:
“Ate MM, marming slamat sa payo. Hapi uli kmi ni mr. Para uli nasa honymoon.”
“Ate MM, hindi na po kami nag-aaway ng BF ko pagkatapos kong sundin ang payo ninyo. Maraming-maraming salamat po talaga.”
“Ate MM, nagkasundo na po kami ng biyenan ko. Parang tunay na anak po ang turing niya sa akin at parang tunay na ina naman ang turing ko sa kaniya. Salamat po sa payo ninyo.”
Naliligayahan siya hindi lamang dahil tumataas ang rating ng kaniyang programa kundi dahil din sa pakiramdam niya, may halaga ang ginagawa niya.
NANG nasa bahay na lahat ang tatlong anak galing sa paaralan, ipinagtapat niya ang nangyari. Sa malao’t madali, malalaman din naman ng mga ito na iniwan na sila ng ama ng mga ito. Gusto rin niyang maihanda na ang loob ng mga ito sa malaking pagbabago sa buhay nilang mag-iina. Awang-awa siya sa mga anak.
“Bakit nagawa ni Daddy ‘yon? Mahal naman natin siya,” sabi ng panganay, babae, 18 anyos.
“Mommy, paano tayo ngayon?” tanong ng pangalawa, 16 anyos, babae rin.
“Mga anak, mabubuhay tayo. Magpapatuloy kayo sa pag-aaral. Magbibigay rin naman ng sustento ang Daddy ninyo,” sagot niya. Malaki ang suweldo ng mister niya sa pinapasukan nitong kompanya. Iniisip niyang baka nagtatrabaho rin doon ang babae.
Hindi kumikibo ang bunso, lalaki, 14 anyos. Nakatingin lamang ito sa kanila habang nag-iiyakan sila ng dalawang anak na babae. Hindi ito umiiyak.
Hindi niya ipinagtanggol, hindi rin niya sinisi ang mister niya. Sa itinagal-tagal niyang nagbibigay ng payo, natagpuan niyang mahirap basta humatol. Hindi madaling matukoy kung sino talaga ang nagkulang.
NAPAKABIGAT ng katawan niya nang magtungo sa TV station nang gabing iyon. Alas 10 ang simula ng kaniyang isang oras na programa. Kung puwede nga lang hindi siya mag-ulat sa trabaho! Kaya lang, wala siyang reliever.
Kinausap niya ang make-up artist upang kahit paano’y matakpan ang pamumugto ng kaniyang mga mata.
Kinausap niya ang camera man upang huwag masyadong itutok sa mukha niya ang kamera.
Pinilit pa rin niyang laging nakangiti. Hindi naman ngayon lamang siya nagkaroon ng problema habang nagbo-broadcast, maraming beses na, sakali mang hindi simbigat ng ngayon.
Lagi siyang ngumingiti sa kaniyang programa dahil gusto niyang mapasaya ang mga manonood. Gusto rin niyang lumakas ang loob ng mga ito laban sa mga problema.
Lagi siyang matapat sa mga manonood sa kaniyang iniisip at nararamdaman kaya nahihirapan siya dahil lagi siyang ngumingiti pero sa kalooban naman niya ay malungkot siya.
Pagod na pagod siya nang matapos ang programa.
Dati, magaan na magaan pagkakatapos ng kaniyang pakiramdam. Masayang-masaya siya habang nagbibigay ng payo.
NANG makauwi, binalikan niya sa isip ang nakaraan. Nagbaka-sakali siyang matunton kung bakit sa ganito humantong ang pagsasama nilang mag-asawa.
Magaganda naman ang ipinakita niya sa mister niya. Hindi siya naging mapaghanap. Hindi rin nagkulang sa seks ang mister niya sa pagsasama nila. Wala rin itong problema sa tatlo nilang anak.
Kaya panatag ang kalooban niya. Hindi niya akalaing nambababae na pala ang mister niya.
Makakaya naman niyang buhayin ang tatlong anak bukod sa nangako ng sustento ang mister niya.
Pero malungkot pa rin ang iwan ng asawa.
Iniisip din niya kung ano ang magiging epekto nito sa mga anak nila.
Iniisip din niya ang sitwasyon niya bilang tagapayo sa TV: Nagbibigay siya ng payo kung paano mananatiling buo o muling mabubuo ang samahan ng mag-asawa o magkasintahan pero hiwalay naman siya sa asawa. Hindi kaya niloloko lamang niya ang mga manonood? naitanong niya sa sarili.
“HUWAG kang mag-resign,” payo ng isang kaibigan na napagsabihan niya ng kaniyang problema. Tinawagan niya ito sa landline nang makaalis na ang tatlong anak upang pumasok sa paaralan.
“Pero me maniwala pa kaya sa akin pag nalaman nilang iniwan ako ng mister ko?” tanong niya.
Hindi nito sinagot ang tanong niya. Sa halip, inilahad nito ang mga dahilan upang lalo siyang kumapit sa kaniyang trabaho:
Lalo mong maiisip ang nangyari pag wala kang ginagawa. Lalo ka lamang malulungkot.
Lalo mong dapat ipakita sa mister mo na makakaya mong tumayo sa sarili mong mga paa.
Lalong magiging kawawa ang mga anak mo pag kinakapos na sila sa mga pangangailangan.
May ilang nagbibigay ng payo tungkol sa buhay-pamilya gayong dalaga sila.
May iba ring nagbibigay ng payo tungkol sa relasyon ng mag-asawa o magkasintahan gayong hiwalay sila sa asawa.
Matagal siyang nag-isip. Hanggang sa makabuo siya ng pasiya.
MAGAAN ang pakiramdam at lakad niya nang magtungo sa TV station nang gabing iyon.
Naisip niyang hindi naman lamang ang mga dapat gawin ng isang babae upang mahalin ng kaniyang mister o boyfriend ang kaniyang ipinapayo.
Pinapayuhan din niya ang mga manonood kung paano maging matatag kapag may problema sa kanilang asawa o kasintahan o iniwan sila ng mga ito.
Sa haba rin ng panahon ng kaniyang pagbibigay ng payo, natagpuan niyang hindi naman laging nagkulang ang babae kapag nambabae ang mister nito. May lalaking sinasabing napakasuwerte na sa naging misis niya pero nambabae pa rin. Mayroon din namang babae na sa kabila ng mga kakulangan ay hindi nambababae ang mister.
Ngayong siya naman ang nasa kalagayan ng mga binibigyan niya ng payo, magiging matatag siya.
Ipakikita niyang kung ano ang ipinapayo niya, ginagawa niya.
“Mga giliw kong tagasubaybay, magandang gabi po sa inyo,” bati niya sa pagsisimula ng programa mula sa kaibuturan ng kaniyang puso.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.