Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoKatuparan

Ni Nestor Barco

“ME nakuha na pong ibang printing ang school.”

“Ha?”

“Opo.”

“Akala ko, kami pa rin ang gagawa ng mga trabaho n’yo.”

“Me iba na po.”

“Kelan pa me nakuha ang school?”

“Last month pa po.”

“Ha! Anong imprenta ‘yon?”

“Hindi ko po alam. Basta ang bilin po sa akin ni Sir Dan, pag tumawag kayo e sabihin ko sa inyong me iba nang nakuha ang school.”

“Puwede bang makausap si Sir Dan?”

“Nasa labas po. Saka, pareho rin po ang isasagot n’ya sa inyo. Ibinilin n’ya po sa akin ‘yon.”

“Sigurado ka ba talagang me iba nang mag-iimprenta ng mga ipinagagawa ninyo?”

“Opo. Iyon po ang sabi ni Sir Dan.”

“Bakit daw naman kumuha kayo ng ibang imprenta?”

“Hindi ko po alam. Basta po ang bilin ni Sir Dan e sabihin sa inyo na me iba nang nakuha ang school.”

“Anong oras ba ang balik ni Sir Dan sa office?”

“Hindi ko po sigurado. Saka nagbilin na nga po sa akin ng sasabihin sa inyo.”

“Sige, salamat.”

“Salamat din po.”

“BAKIT?” tanong sa kaniya ni Cora. Kanina, habang nakikipag-usap si Edmon sa landline ay pasulyap-sulyap na sa kaniya ang misis niya habang nakaharap ito sa computer. Nauulinigan nito ang pinag-uusapan nila ng secretary ng school administrator. Nasa kanilang opisina silang mag-asawa.

“Hindi na raw sa atin magpapaimprenta ang Excellence School,” sagot niya.

“Ha! Bakit daw?”

“Hindi sinabi ni Dory.”

“Sabagay, malamang ngang hindi alam ni Dory iyon.”

“Hindi ko naman nakausap si Sir Dan. Wala raw sa office. Hindi pa naman nagbibigay ng cell number ‘yon.”

“Puwedeng ayaw na ring makipag-usap sa ‘yo niyon.”

“Oo nga, e. Kaya si Dory na lang ang kumausap sa akin.”

Nahalata rin niya iyon kanina sa mga sagot sa kaniya ng secretary.

Wala nang sinabi si Cora. Ipinagpatuloy nito ang ginagawa.

Alam niya, nalungkot din ito. Bakit nga hindi? Tumutubo sila ng humigit-kumulang tatlong daang libong piso bawat school year mula sa mga ipinaiimprenta sa kanila ng paaralang iyon. May iba pa silang mga kliyente pero nanghihinayang talaga siya sa nawala sa kanila.

Saan kaya siya nagkulang? naitanong ni Edmon sa sarili. Tinitiyak naman niyang naaayon sa specifications at mataas ang kalidad ng mga trabaho nila.

O baka naman nasulot lamang talaga sila, naisaloob niya.

Nitong nakaraang ilang araw, naiinip na siya dahil hindi pa tumatawag sa kaniya ang paaralan. Dati, Disyembre pa lamang, hinihingan na siya ng paaralan ng quotation para sa mga ipaiimprenta nito na gagamitin sa school year na magbubukas sa Hunyo, tulad ng iba’t ibang notebook, student diary, student handbook at student handout. Inisip niya noong nakaraang buwan na hindi lamang siya natawagan ng paaralan dahil maraming araw na walang pasok sa mga paaralan at opisina kaugnay sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Pero nagsimula na uli ang pasok sa mga paaralan at opisina ngayong Enero ay wala pa rin siyang natatanggap na tawag mula sa paaralan. Kaya tinawagan na niya ang paaralan. Iyon pala, may kausap na itong ibang imprenta.

“HUWAG mo nang masyadong isipin ‘yon,” sabi ni Cora, na lumapit pa sa mesa niya.

“Nanghihinayang lang ako.”

“Nanghihinayang din ako. Kaya lang, nawala na. Maghanap na lang tayo ng iba.”

“Hindi ka nalulungkot?”

“Nalulungkot. Pero hindi naman puwedeng malungkot na lang tayo nang malungkot.”

“Oo nga.”

“Kaya nga, huwag mo nang masyadong isipin ‘yon. Hahanap tayo ng iba.”

“Sige.”

Alam ni Edmon, naaawa sa kaniya ang misis niya. Nakikita nitong nalulungkot siya kaya pinalalakas nito ang kaniyang loob.

Magkatulong sila ni Cora sa pagpapatakbo ng kanilang printing business.

Mahusay ang misis niya sa computer. Ito ang gumagawa ng encoding at layout kapag hindi pa naka-layout ang ipinaiimprenta sa kanila. Kapag naka-layout na, binubuksan na lamang nito ang file.

Siya ang nagkukuwenta ng quotation bagama’t ang misis niya ang nag-e-encode nito. Siya ang nakikipag-deal sa mga kliyente. Siya ang sumusubaybay sa mga trabahador nila. Siya ang nagde-deliver. Gayunman, gumagawa rin si Cora ng quotation kapag may walk-in customer at wala siya sa opisina nila. Sumasama rin kung minsan sa kaniya ang misis niya sa pakikipag-usap sa kliyente, lalo’t may kailangang ipaliwanag tungkol sa layout. Kapag nasa labas siya, ito ang sumusubaybay sa mga trabahador nila.

Katulad sa ibang negosyo, nagkakaroon ng problema sa printing. Laging sumusuporta sa kaniya si Cora. Halimbawa’y naghahabol na sila sa due date, tinutulungan siya nito sa scheduling at pagsubaybay sa mga trabahador nila. Pinalalakas nito ang loob niya kapag hindi nila nakuha ang isang kliyente o nakawala pa sa kanila ang kliyente.

Kapag ang misis niya ang nagkamali o nagkulang, halimbawa’y sa layout, inaaliw naman niya ito.

Sa buong panahon ng pagtutuwang nila sa pagtataguyod sa kanilang pamilya at pagtutulungan sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, napatunayan ni Edmon na mahal talaga siya ng misis niya. Lagi itong nasa tabi niya.

Tulad ngayon, ramdam na ramdam niya ang pagmamahal nito sa kaniya.

Naalala niyang ang pangarap niya noong binata pa siya ay makatagpo ng babaeng mahal talaga siya. Sasamahan siya sa hirap at ginhawa. Sa isip niya noon, bale-wala ang problema basta nasa tabi niya ang babaeng minamahal niya at nagmamahal din sa kaniya.

Ang pangarap niya noon ay nagkaroon ng katuparan ngayon, naisaloob niya.

Ayaw niya sa problema. Pero natagpuan niyang sa pamamagitan din ng problema, napatutunayan nila ni Cora na talagang mahal nila ang isa’t isa. O baka nga, lalong tumitibay ang pagmamahalan nila habang magkasama nilang nilulutas ang mga problema. Kung puwede nga lamang, naisaloob niya, mahal na talaga nila ang isa’t isa, wala pa silang problema. Pero wala yatang tao na hindi nakararanas ng problema.

Naramdaman niya, mahal na mahal niya ang misis niya.

“INIISIP mo pa ba ang nangyari?” tanong ni Cora habang pauwi sila. Si Edmon ang nagmamaneho ng Asian utiliy vehicle nila. Gamit na nilang pampamilya, gamit pa nilang pangnegosyo ito.

“Naiisip ko pa pero hindi na ako lambot na lambot na tulad kanina.”

“Buti naman.”

Hinimas niya ang hita ng misis niya. Sinulyapan niya ito, nakangiti, bago tumingin uli sa daan.

“Nasasabik ako sa iyo,” sabi niya.

“Biglang-bigla naman ‘ata ‘yan.”

“Alam mo, habang nag-uusap tayong dalawa kanina sa nangyari, naramdaman kong mahal na mahal kita.”

“Ako rin, e.”

Pinisil niya ang hita nito habang nakatingin pa rin siya sa daan. “Mamaya, ha?”

“Oo,” narinig niyang sagot ng misis niya.

Matamis na matamis ang pagtatalik nila nang gabing iyon.

NAKANGITI agad sa kaniya si Cora paglabas niya ng kuwarto kinabukasan. Matamis ang pagkakangiti nito. Nababasa ni Edmon sa mga mata ng misis niya na nalalasap pa nito ang tamis ng pinagsaluhan nila ng nagdaang gabi.

Gising na rin ang tatlong anak nila, na tinutulungan ni Cora sa paghahanda sa pagpasok sa paaralan. Pawang nasa elementarya ang mga ito.

Tumutulong naman kay Cora sa paghahanda ng agahan ang kasambahay nila.

Maaaring may problema siya pero masaya si Edmon sa buhay niya.

“Pagdating nga pala natin sa office, maghanda tayo ng proposal. Hahanap uli tayo ng kliyente,” sabi ni Edmon sa misis niya habang papunta sila ng imprenta. Bago sila umalis ng bahay, hinintay muna nilang masundo ng school bus ang tatlong anak nila.

“Sige,” sagot ng misis niya.

Inspirado siyang maghanapbuhay.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.