Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoEnjoy

Ni Nestor S. Barco

“LITO, sorry, ha?” sabi ni Bella. “Kaya lang, kaibigan lang talaga ang turing ko sa iyo.”

Hindi siya nakapagsalita. Para siyang maiiyak.

“Sana, magkaibigan pa rin tayo. Tulad ng dati…”

“Sige…” lumabas sa bibig niya.

Kitang-kita niya sa mga mata ni Bella ang awa sa kaniya nang magpaalam siya.

Lambot na lambot siya nang umuwi.

Nakita niyang ramdam na ramdam ng ina, ama at mga kapatid ang bigat ng dinadala niya sa dibdib. Hindi kumibo ang mga ito nang magtuluy-tuloy siya sa kuwarto. Kasama niyang natutulog doon ang dalawang nakababatang kapatid na lalaki. May sariling kuwarto ang kaisa-isang kapatid nilang babae. May sarili ring kuwarto ang ama at ina nila. Siya ang panganay.

Ibinagsak niya ang katawan sa kama. Ni hindi siya nakapagpalit ng damit. Para siyang pinalong dalag.

Hinding-hindi siya puwedeng magalit kay Bella. Paano siya magagalit sa isang taong mas nasaktan pa yata kaysa kaniya nang bastedin siya? Na mas nalungkot pa yata kaysa kaniya sa nangyari?

Alam niya, hindi nito gustong manakit ng damdamin ng kapuwa. Hindi nito sinadyang saktan siya.

Hindi naman ito tumitingin sa kalagayan sa buhay ng kapuwa. Ang pakikipagkaibigan pa lamang nito sa kaniya ay isa nang patunay.

Talaga lang wala itong pagtingin sa kaniya, naisaloob niya.

Noon pa man, nararamdaman na niyang nakahahalata sa kaniya ang ina.

“Anak, parang malapit ang loob mo ke Bella,” sabi nito.

Hindi siya kumibo. Nagpatuloy ang ina:

“Anak, wala namang masama roon. Kahit ako, hanga ako sa batang ‘yan. Kaya lang, mayaman sila. Huwag mo ring mapagkakamalan ang kabaitan niya. Sa tingin ko, mabait talaga ang batang ‘yan. Hindi matapobre.”

May private school ang pamilya nina Bella. Maraming pinto ng paupahang apartment. Kasosyo sa banko.

Kakilala ng ina niya si Bella dahil nagde-deliver ito sa bahay nina Bella ng kakanin. Nagluluto ang ina ng kakanin. Marami itong suki. Iyon ang dagdag na pinagkakakitaan ng pamilya nila. Ang ama niya ay karaniwang empleado. Nag-aaral silang magkakapatid.

Nakikisalimuha ang pamilya nina Bella sa mga ka-barangay. Dumadalo ang mga ito kapag naiimbitahan sa mga okasyon.

Kung minsan, siya ang inuutusan ng ina upang mag-deliver ng kakanin kina Bella.

Noong una, nahihiya pa siya kay Bella na makita nitong nagde-deliver siya ng kakanin.

Pero ngumiti pa ito nang makita siya.

Natuwa nang malamang nag-aaral siya sa kolehiyo.

Nasa kolehiyo na rin si Bella.

Pareho silang mahilig sa badminton. Kapag nagpupunta siya kina Bella, naglalaro sila nito. Naging magkaibigan sila.

Wala namang sinasabi ang mga magulang at mga kapatid ni Bella kahit nakikitang magkausap sila nito o naglalaro ng badminton. Binabati at nginingitian siya ng mga ito. Pangatlo si Bella sa limang magkakapatid.

Laging laman ng isip niya si Bella. Hanggang sa lakas-loob nga niyang ipinagtapat ang nararamdaman.

Tinamad siyang lumabas ng bahay makaraang mabasted.

“Itinatanong ka ni Bella,” banggit ng ina kinamakalawahan.

“Ano po ang sabi ninyo?”

“Nasa bahay ‘kako. Tapos, kumusta ka raw. Sabi ko, parang malungkot. Bigla ngang nalungkot nang sabihin ko iyon.”

“Ano po ang sinabi?”

“Wala na.”

Alam niya, nag-aalala si Bella sa kaniya, hindi dahil sa may pagtingin ito sa kaniya kundi dahil mapag-alala lamang talaga ito sa kapuwa.

Sabik na siyang makita uli si Bella. Alam niya, hindi ito magagalit kung pupuntahan niya. Baka nga matuwa pa ito. Hindi na ito mag-aalala.

Nakita niyang nagliwanag ang mukha nito nang makitang siya ang nag-doorbell. Ngumiti ito.

“Kumusta?” bati nito.

“Okey lang,” sabi niya.

Masaya na siya makita lamang si Bella.

“Gusto mong maglaro uli tayo ng badminton?” alok niya.

“Oo!” mabilis nitong sagot.

Naglaro sila.

“Sige. Pag me time ka, laro uli tayo,” sabi nito nang pauwi na siya.

“Sige.”

Habang naglalakad pauwi, ang saya niya ay napalitan ng lungkot. Hanggang ganito na lamang sila ni Bella! naisaloob niya.

Gayunman, hindi yata basta mapapalitan si Bella sa puso niya. O baka hindi na ito mapalitan pa!

Bago makarating ng bahay, nakabuo siya ng pasiya. Kung ang ilang lalaki ay iniiwasan na ang babae makaraan silang mabasted at ang iba naman ay itinutuloy ang panliligaw, iba ang gagawin niya. Makikipagkita pa rin siya kay Bella pero hindi na niya ito liligawan. Sigurado niyang pinag-isipan muna nang husto ni Bella bago siya binasted. Tiyak na nito sa sarili na walang pagtingin sa kaniya. Nababalitaan niyang may mga nababasted na itinutuloy pa rin ang panliligaw pero basted pa rin. May binasted din naman na sinagot din nang ipagpatuloy ang panliligaw.

Tutal, wala pa namang boyfriend si Bella. Marami lamang nagkakagusto, na ang ilan ay nanliligaw na.

Bumalik ang pagkakaibigan nila. Wala nang banggitan sa nangyari.

Sinikap niyang maging tapat na kaibigan ni Bella.

Naisip niyang darating ang araw na magkaka-boyfriend si Bella. Magkakaroon ng asawa.

Lalo niyang pinagbuti ang pag-aaral upang hindi naman siya kawawang-kawawa pagdating ng araw na iyon.

Basta masaya na siya na magkasama sila. Enjoy, sabi nga.

Lagi silang naglalaro ng badminton.

Kapag gusto nitong magpunta sa mall, sinasamahan niya. Nalilibre pa nga siya ng pagkain. Ipinipilit ni Bella na ito ang magbayad.

“Ako na nga itong nagpapasama, e,” sabi nito. Hindi binabanggit ni Bella na dahil ito ang may pera.

Masayang-masaya sila kapag magkasama.

Sa isip niya, mahaba-haba pa rin ang panahon na magiging masaya siya.

Hanggang sa magka-boyfriend si Bella. Kahit nga siguro magka-boyfriend na si Bella, puwede pa rin silang magkaibigan. Baka hanggang sa magkaasawa na ito.

Gayunman, hindi na niya pinag-iisipan iyon. Enjoy lang, sabi nga.

Patuloy niyang pinagbuti ang pag-aaral.

MAY asawa na si Bella.

Siya ang napangasawa nito.

Buntis na ito. Kagagaling nga lamang nila sa OB/GYN.

Makakaya nilang bumukod dahil maganda ang trabaho niya palibhasa’y pinagbuti niya ang pag-aaral. Pero hiniling ng mga biyenan niya na sa bahay ng mga ito muna sila tumira. Kaya pinagbigyan niya ang mga ito. Malaki naman ang bahay ng mga ito. May privacy silang mag-asawa.

Nakapagtapos din ng pag-aaral si Bella pero hindi muna ito nagtrabaho.

“Sabi ni Duktora, puwedeng-puwede pa pala,” sabi niya.

“Na ano?” Nakangiti si Bella.

“Loving-loving.”

“Oo. Ikaw talaga…”

“Enjoy habang puwede pa, di ba?”

“Oo na…”

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.