
Opinions
Ni Nestor S. Barco
NAGKAROON sila ng biglaang reunion dahil nagbalikbayan ang isa nilang kaklase upang dumalo sa ika-50 taong anibersaryo ng kasal ng mga magulang nito. Umuwi rin ang dalawa nitong kapatid na nasa ibang bansa para sa nasabing okasyon.
Nasa Pilipinas na rin lamang, gusto ni Cynthia na magkita-kita na rin silang dating magkakaklase sa haiskul. Matagal na itong naninirahan sa California, USA. Doon na ito nagkaroon ng asawa at mga anak. Kasama nito ang mister nang umuwi sa Pilipinas.
Sa loob ng 23 taon, ngayon pa lamang sila nagkaroon ng reunion. Sabik na rin siyang makita ang mga dating kaklase. Kaya tuwang-tuwa siya nang ibalita ito sa kaniya ni Ellen, dating kaklase sa haiskul na friend niya sa Facebook. Isiningit talaga niya sa kaniyang schedule ang pagdalo sa nasabing reunion.
Naroon na ang ilang dating kaklase, lalaki at babae, nang dumating siya. Ginanap ang reunion sa bahay ng mga magulang ni Cynthia. Maluwag ang looban ng mga ito.
Napatingin ang mga dating kaklase nang pumarada ang kaniyang bagung-bago at magarang kotse. Nakita niya sa mukha ng mga ito na inaabangan kung sino ang bababa.
Napansin niya ang isang dating kaklase na umaskad ang mukha nang makitang siya ang bumaba mula sa kotse.
Kahit matagal na silang hindi nagkikita at nagkaedad na sila, natatandaan pa rin niya ang mukha ng dating kaklase na si Judy.
Mukhang wala pa rin itong ipinagbago, naisaloob niya.
Panay ang pangungumusta sa kaniya ng mga dating kaklase.
“Cecille, asenso ka na talaga,” banggit ni Claire.
“Oo nga,” sang-ayon ng iba pang naroon.
Nahihiya siyang binabanggit iyon dahil alam niyang maraming dating kaklase na naroon ay hindi umasenso. Gayunman, alangan namang itanggi niya iyon; totoo naman talaga. Ngumingiti na lamang siya.
Hindi nga yata maiiwasang maungkat ang kalagayan sa buhay ng isa’t isa kapag may reunion palibhasa’y nagkukumustahan, naisaloob niya.
“Kain ka muna,” alok ni Cynthia.
Sinamahan siya nito patungo sa mesa ng mga pagkain.
Maraming pagkain. Masasarap. Sinabi sa kaniya ni Ellen na bagama’t pinapayuhan ang makapagdadala ng pagkain na magdala, maraming inihandang pagkain si Cynthia.
Nagbitbit siya ng cake, na inilapag niya sa mesang kinalalagyan ng mga pagkain.
Habang kumakain, pinanood niya ang mga dating kaklase. Pinakinggan ang pag-uusap ng mga ito.
Muli, napansin niya si Judy.
“Hindi dadalo si Roberto,” sabi nito, “Mahihiya iyon dahil failure ang buhay niya. Nagpapasada lamang siya ng padyak.”
Nakita niyang lumayo ang ilang dating kaklase na ayaw makisali sa usapan.
Naalala tuloy niya ang nakaraan…
Maralita ang pamilya nila. Apat silang magkakapatid na pinag-aaral ng mga magulang nila. Lumang-luma na ang uniporme niya ay isinusuot pa rin niya dahil walang bago. Mumurahin na nga ang sapatos niya ay tinahi pa nang magkaroon ng punit dahil walang pamalit.
Nakarating sa kaalaman niya na kapag kausap ni Judy ang mga kaklase nila ay lagi nitong pinupuna ang uniporme niyang “napakanipis na dahil sa kalumaan” at ang sapatos niyang “bargain sale na e me tahi pa.”
Nagbabaon siya noon ng pagkain dahil wala siyang pambili ng pagkain sa canteen at mahal ang pamasahe kapag umuwi siya ng bahay upang kumain ng tanghalian. Napansin nito pati ang ulam niya.
“Pati hininga e malansa na dahil laging itlog ang ulam,” puna nito.
Habag na habag siya noon sa sarili. Sa pakiramdam niya, pinagtatawanan siya sa buong paaralan. Pinag-uusapan siya ng lahat ng mag-aaral.
Gusto niyang harapin si Judy. Pero inawat siya ng isa nilang kaklase.
“Lalo ka lamang mapag-uusapan. Hayaan mo na. Tutal, hindi naman iniintindi ng mga kausap ang sinasabi n’ya. Hindi lamang siya binabara nang harapan,” payo nito.
Nang pag-isipan niya, sa tingin man niya ay marami nang nagsasawa sa mga sinasabi ng dating kamag-aral. Kung ano ang makapagpapahiya o makasasakit sa damdamin ng kapuwa, siyang gustung-gusto nitong ikuwento. Napakahilig nitong mamintas ng kapuwa.
Napansin din nilang magkakaklase na umaaskad ang mukha nito tuwing may kaklase sila na napupuri ng guro, may bagong gamit o nababalitaan nilang nakabili ang pamilya nito ng bagong kasangkapan o sasakyan.
Hindi na nga niya hinarap si Judy. Pero lalo niyang pinagbuti ang pag-aaral kahit pa nga luma ang mga suot niya, kulang ang baon niya at tumutulong pa siya sa ina sa gabi sa pag-aayos ng mga gulay na ititinda nito sa palengke kinabukasan. Jeepney driver ang ama niya. Naisaloob niyang hindi na siya hahamakin ng kapuwa kapag asenso na siya. Nakapagtapos siya ng BS in Accountancy. Naging pangalawa sa licensure examination. At pinag-agawan ng mga kompanya. Sa trabaho niya nakilala ang naging mister na mataas din ang puwesto roon. Sa kasalukuyan, nakatira sila sa isang mamahaling subdibisyon na malalaki ang mga bahay. Nag-aaral ang tatlong anak nila sa exclusive school. Namamasyal silang mag-anak sa ibang bansa.
Pagkatapos kumain, nakihalubilo na siya sa mga dating kaklase.
Nginingitian niya si Judy. Ngumingiti rin naman ito. Gayunman, hindi sila nag-uusap.
Hindi niya kinukumusta ito dahil baka maalangan ito sa pagsagot. Sa pagtsa-chat nila ni Ellen, nalaman niyang tuluyan na itong hindi nakapagtrabaho. Nagtapos ito ng BS in Medical Technology pero hindi makapasa sa board examination. Sa kasalukuyan, nagtitinda ito ng pagkain sa harap ng bahay.
Hindi niya alam kung naalala pa nito ang panghahamak sa kaniya o naiinggit ito sa kaniya kaya hindi ito nakikipag-usap sa kaniya.
Sa dami ng pinintasan nito, puwedeng nakalimutan na nito ang ginawa sa kaniya. Isa pa nga, karamihan naman ay nalimot na ang mga away-away at samaan ng loob sa haiskul. Nag-aaral pa nga lamang sila sa kolehiyo ay nalimutan na nila ang mga iyon.
Kung inggit ang dahilan, lilitaw talaga na napag-iwanan ito kapag nakipagkuwentuhan sa kaniya.
Sa totoo lang, hindi naman siya tumitingin sa kalagayan sa buhay ng kapuwa sakali mang nagsikap siya upang umasenso. Kaya lang naman niya binibigyan-pansin iyon sa pagkakataong ito ay dahil kaharap niya si Judy na mahilig bigyan-pansin iyon.
Hindi rin kaplastikan lamang ang pagngiti niya kay Judy. Totoong-totoo ito.
Ngayong nagkita uli sila, natiyak niya sa sarili na walang-wala na siyang sama ng loob sa dating kaklase.
Ang totoo, naaawa pa siya kay Judy. Inubos nito ang panahon sa pagsubaybay sa buhay ng kapuwa kaya napabayaan nito ang sarili.
Sabagay, may panahon pa naman, naisaloob niya. Hindi naglalalayo sa 40-anyos ang edad nito dahil 40-anyos siya at dating magkaklase sila. Kahit ang pagtitinda nito ng pagkain ay puwede nitong paunlarin. Puwedeng makapagpatayo ito ng restawran pag malaon. Ang restawran nito ay puwedeng magkaroon ng mga sangay. Ang nanay nga niya, noong nagtitinda sa palengke ay sa gilid lamang ng kalsada ang puwesto. Pero hindi niya ikinahihiyang pagkuwentuhan ang pagtitinda nito sa palengke na nakatulong upang mabuhay siya, lumaki at makapag-aral.
Naaawa rin siya sa mga taong itsinitsismis ni Judy. Mabuti na lamang kung nagiging hamon iyon upang magsikap ang mga ito.
Ipinagpapasalamat niya ang pangyayaring maayos na ang kalagayan niya sa buhay. Oo, puwedeng mapatawad pa rin niya si Judy at ang iba pang nanghamak sa kaniya kahit hindi siya nagtagumpay. Gayunman, sa pakiramdam niya, mas madali ang maging maunawain, mapagmalasakit at magpatawad sa kapuwa kapag maaayos ang kalagayan sa buhay.
Naisaloob pa niyang dapat pa siguro niyang pasalamatan si Judy dahil nakatulong ito upang marating niya ang kasalukuyang kalagayan sa buhay.
Siyempre, nagpapasalamat din siya sa mga taong nagmalasakit sa kaniya. Kahit nga hindi siya nagtagumpay, ang pagmamalasakit lamang ng mga ito ay pinasasalamatan na niya.
Nang dumating si Amelia na pinauutang siya noon pag may kailangan silang bayaran sa paaralan pero wala siyang pera, gayon na lamang ang kumustahan nila:
“Kumusta na?”
“Mabuti! Ikaw, kumusta?”
“Mabuti rin!”
Nagbeso-beso pa sila.
TOTOONG-TOTOO ang pagmamalasakit niya kay Judy at sa mga taong itsinitsismis nito. Sa katunayan, iniisip niya kung paano mabubuksan ang mga mata ng dating kaklase sa kalagayan nito sa paraang hindi ito mapapahiya.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.