
Opinions
Ni Nestor Barco
MALAKING-MALAKI ang tampo ni Norman sa kaniyang ama.
Wala siyang matandaang pagkakataon na naging magiliw ito sa kaniya, huwag nang sabihing sinabihan siya nito na mahal siya.
Ang naaalala niya ay pawang galit at pangungutya nito.
Tandang-tanda niya nang minsang nagpapabili siya sa ama ng sorbetes mula sa sorbetero na naglalakad sa kalsada. Kumakain ng sorbetes ang mga kapuwa-bata niya. Nasa elementarya siya noon.
“Iyang tamad mong iyan, ibibili ng sorbetes!” sabi ng ama.
Nagtawanan ang ilang nakarinig.
Mangiyak-ngiyak siya. Habag na habag siya sa sarili at hiyang-hiya sa mga nakarinig.
Tandang-tanda niya noong masakit na masakit ang kaniyang puson. Patagilid na nakahiga, niyayakap niya ang mga binti dahil sa sakit. Nasa grade six siya noon.
“Matigas palibhasa ang ulo mo! Iyan ang napala mo!” bulyaw ng ama.
Hindi niya maunawaan kung bakit ikinagagalak pa mandin ng ama ang nangyayari gayong nakikita naman nitong hirap na hirap na siya dahil sa sakit.
Sa pagpupursige ng ina, dinala siya sa duktor. May sakit siya sa bato, ayon sa duktor. Niresetahan siya ng gamot. Pinagbawalang kumain ng matatamis. Umayos naman ang pakiramdam niya.
Kung anu-ano ang sinasabi ng ama tungkol sa kanilang limang magkakapatid kapag may kausap itong ibang tao:
“Walang aasahan sa mga anak ko. Napakababatugan! Napakatatanga!”
Siya ang sumunod sa panganay, na lalaki rin. Parehong babae ang dalawang sumunod sa kaniya. Lalaki ang bunso nila.
Wala siyang natatandaang pagkakataon na pinuri siya ng ama kahit matataas ang grades niya sa paaralan. O nginitian siya nito. O nagtawanan silang mag-ama. O naglakad silang mag-ama nang magkasabay.
Parang namamalimos sila sa ama kapag kailangan nang magbayad ng matrikula, may kailangang bilhin, tulad ng libro, o kailangan na talaga nila ng bagong damit at sapatos. Kung anu-anong alimura ang inaabot nilang magkakapatid mula sa ama.
Malimit, tahimik na lamang siyang lumuluha.
Naitatanong pa niya sa sarili kung bakit ganoon ang trato ng ama sa kanilang magkakapatid gayong hindi naman nila hiniling sa ama na isilang sila.
Naipangako niya sa sariling hinding-hindi niya tutularan ang ama kapag naging isang ama na rin siya.
Magiging kabaligtarang-kabaligtaran siya nito.
Gusto pa nga niyang maipamukha sa ama, pagdating ng araw, kung paano sila nasaktang magkakapatid sa trato nito sa kanila.
MAY dalawang anak na siya. Lalaki ang panganay at babae ang pangalawa.
Treinta y singko anyos na siya nang makapag-asawa.
Nang makapagtapos siya ng kolehiyo at magkaroon ng trabaho, tinulungan muna niya ang kapatid niyang sumunod sa kaniya upang hindi na nito danasin ang magutom sa paaralan at magsuot ng nisnis na nisnis na uniporme. Kapag kulang ang pera ng mga magulang para sa matrikula nito, dinadagdagan na niya upang huwag nang marami pang sabihin ang ama. Nang makapagtapos na rin ng kolehiyo at magkaroon ng trabaho ang kapatid na ito, silang dalawa na ang tumulong sa ikaapat nilang kapatid. Nang makapagtapos na rin ng kolehiyo at magkaroon ng trabaho ang ikaapat nilang kapatid, ang ikatlo at ikaapat naman ang tumulong sa bunso nilang kapatid. Haiskul lamang ang natapos ng panganay nila dahil maagang nagtrabaho at nakapag-asawa
Tiniyak din muna niyang handang-handa na siya upang magkaroon ng pamilya.
Wala na siyang tampo sa ama. Sa halip, awa ang nadarama niya rito.
Pinangatawanan niya ang pangako sa sarili na magiging kabaligtaran siya ng ama sa pakikitungo sa magiging mga anak.
Nasa tiyan pa lamang ng misis niya, kinakausap na niya ang mga anak.
“Baby, love na love ka namin ng Mama mo,” sabi niya.
Lagi niyang idinidikit ang tainga sa tiyan ng misis niya upang mapakinggan ang mga paggalaw roon at upang maramdaman din siya ng anak na nasa sinapupunan pa lamang ng misis niya.
Natatawa na lamang ang misis niya.
“Alam mo, narinig kong mabuting kinakausap ang sanggol habang nasa tiyan pa lamang ng ina,” paliwanag niya.
“Narinig ko rin ‘yon,” sabi ng misis niya. “Natutuwa lang talaga ako sa iyo.”
Tuwang-tuwa siya nang isilang ang mga ito.
Kinakausap, nilalaro niya ang mga ito noong mga sanggol pa.
Kaunting ubo lamang ay pinatitingnan na niya sa duktor ang mga ito.
Habang lumalaki ang mga ito, ipinapasyal niya. Ibinibili ng damit at laruan.
Trese-anyos na ang panganay at siyam na taon ang sumunod. Niyayakap pa rin niya ang mga ito. Hinahalikan. Sinasabihan ng “Love you.”
Totoong-totoo ang pagmamahal niya sa dalawang anak. Kung noong binata pa siya ay ipinangako niya sa sariling magiging kabaligtarang-kabaligtaran siya ng ama dahil sa malaking-malaking tampo sa ama, ngayong may mga anak na siya ay naglaho na ang dahilang iyon. Talagang mahal niya ang mga anak kaya niya pinakikitaan ng pagmamahal ang mga ito. Kahit pa hindi ganoon ang naging karanasan niya sa sariling ama, ganito pa rin ang magiging pakita niya sa mga anak. Lagi niyang iniisip kung paano magiging masaya at mapapabuti ang mga ito.
Napakasaya na niya habang niyayakap ang mga ito, hinahalikan sa pisngi.
Lalo siyang sumasaya kapag yumayakap din sa kaniya ang mga ito, humahalik sa pisngi niya.
Masaya na siya na maipasyal o maibili ng damit o laruan ang dalawang anak. Kontento na siyang makitang masaya ang mga ito. Konsuwelo na lamang kung magpasalamat ang mga ito sa kaniya.
Nakikita niyang talagang masaya ang mga ito. Humahalik pa sa pisngi niya. “Salamat, Papa,” sinasabi pa ng mga ito.
Kaya napakasaya talaga niya.
Nawawala ang pagod niya sa trabaho at nalilimutan niya ang mga problema kapag nakikipagharutan sa mga anak.
Kaligayahan na niyang tuwing umaga, bago sila umalis na mag-asawa papasok ng trabaho ay humahalik sa kanila ang mga anak.
“Love you, Papa,” sinasabi ng mga ito.
“Love you,” sagot niya.
“Love you, Mama.”
“Love you,” sagot ng misis niya.
Ang kasambahay nila ang kasama ng mga ito habang naghihintay ng sundo ng school bus. Bago lumakad, tinitiyak muna nilang mag-asawa na handa na ang lahat sa pagpasok ng dalawang anak. Sabay-sabay sila kung kumain, pati ang kasambahay.
Tinitiyak niyang maayos lagi ang kalusugan ng mga ito. Walang sira kahit ang mga ngipin.
Nito lamang nakaraang araw ng Linggo, pagkatapos nilang magsimba, namasyal uli sila sa Tagaytay, kasama ang kanilang kasambahay. Kapag namamasyal sila pag araw ng Linggo, sumasama sa kanila ang kasambahay sa halip na mag-day off ito.
Gustung-gusto ng dalawang anak niya ang malamig na klima at magagandang tanawin sa nasabing lungsod.
Nagkuhanan pa sila ng litrato gamit ang tablet computer.
“Ipo-post ko sa Facebook,” sabi ng panganay.
Masayang-masaya siya.
Naisaloob niyang napakasarap ng ganitong dinaranas ng isang ama.
Naalala niya ang kaniyang ama. Hindi nito dinanas ang mga nararanasan niya.
Malaki ang nawala rito, naisaloob niya.
MATAPOS magsimba nang dumating na araw ng Linggo, nagtungo silang mag-anak sa bahay ng kaniyang mga magulang. Hindi nila kasama ang kasambahay. Nag-day off ito.
Tuwang-tuwa ang ama at ina nang makita ang mga apo.
“Ang kikinis ng mga apo ko,” sabi ng ina niya.
Nasa mga mata ng ama ang paghanga habang minamasdan ang dalawang apo nito.
Ngumingiti lamang silang mag-asawa. Alagang-alaga naman talaga nila ang dalawang anak.
Hindi niya dinala roon ang dalawang anak upang pamukhaan ang ama sa ginawa nitong trato sa kanilang magkakapatid noong bata pa siya.
Gusto lamang talaga niyang makita ng kaniyang mga magulang ang mga apo ng mga ito at makita ng kaniyang mga anak ang lolo at lola ng mga ito.
Masaya siya na makitang tuwang-tuwa ang ama at ina na makita ang mga apo, gayundin naman ang kaniyang mga anak na makita ang lolo at lola.
Maranasan man lamang ng ama na maging masaya bilang lolo, nasabi niya sa sarili.
Talagang ganap na niyang napatawad ang ama.
Maluwag na maluwag ang kaniyang kalooban.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.